HINDI nagtagal si Jayson sa bahay. Kaunting kwentuhan lang at inihatid na rin ito ni Kuya Russel sa labas ng gate. Ipinagpatuloy ko naman ang pagtulong kina Ate Terya sa paghahanda ng hapunan. Hindi nga lang ako nakaligtas sa panunukso nila nang makita ang dala kong cake at sabihin kong galing iyon kay Jayson. Hindi raw sila nagulat dahil halata naman daw sa kaibigan ni Kuya Russel na interesado ito sa akin. Mukha naman daw mabait at responsable kaya sagutin ko raw agad oras na magtapat ng pag-ibig sa akin. Ang dami pa nga nilang payo na hindi ko na lang pinansin.
“O, Chayong, bakit hindi ka pa kumakain?”
Nag-angat ako ng tingin kay Tito Monching. Nakapwesto na kaming apat sa mesa. Nagsisimula nang kumain ang mag-aama nang marahil ay mpansin niya ako na nakatunghay lang sa aking pinggan.
Nadaanan ko muna ang tingin ni Kuya Ram bago sumagot. “Eh… Tito, busog pa po kasi ako. Medyo marami ang nakain kong pizza kanina. Mabigat pala sa tiyan. Hindi na po siguro ako maghahapunan.”
“Talaga ba, Chay? O baka pinaghahandaan mo na ang date n’yo ni Jayson. Hindi ka kakain ngayong gabi para siguradong wala kang bilbil bukas.”
Sinimangutan ko si Kuya Russel. Hindi ko rin naiwasang sagutin siya. “Busog pa talaga ’ko kaya ayaw kong kumain. Ilang kahon ba ng pizza ang pinabili mo?”
“Russel, tigilan mo na si Chayong,” saway naman rito ni Tito Monching at bumaling sa akin. “Kung hindi ka kakain, magpahinga ka na. Sina Terya na lang ang bahala rito.”
Tipid akong ngumiti bago tumayo. “Salamat po, Tito.”
Hindi ko alam kung anong oras nakaalis si Kuya Ram papuntang palaisdaan. Sinadya ko kasing abalahin ang sarili ko sa loob ng aking kwarto para hindi na ako magkaroon ng dahilang lumabas at makita siya. Bandang alas ocho naman nang antukin ako at makatulog, pero nagising ako nang mag-a-alas dose ng hatinggabi. Nakaramdam pa tuloy ako ng gutom nang magising. Sinubukan kong h'wag pansinin at bumalik na lang sa pagtulog, subalit mahirap tiisin ang maligalig na tiyan. Bumangon ako at lumabas para maghanap ng pwedeng kainin.
Napako ang mga paa ko may pintuan. Nasilip ko kasi si Kuya Ram na nakaupo sa mesa sa kusina. Hindi ko alam na narito pa siya. Dalawang bote ng beer ang kaharap niya na paunti-unting iniinom. Nagdalawang-isip ako kung tutuloy pa dahil iniiwasan ko ngang magkita kami. Pero hindi ko alam kung ang tiyan ko pa ba ang may gustong dumiretso ako o ang puso ko na hindi mapigilang magwala dahil kay Kuya Ram.
Huminga muna ako nang malalim bago pumasok. Nagkunwari pa akong nagulat nang makita siya, pero hindi ko alam kung effective ba ang arte ko dahil wala man lang siyang reaksiyon. Tiningnan lang niya ako at tuloy na ulit siya sa pagtungga ng beer.
"A-ah... n-nagutom ako. Kukuha lang ako ng pagkain..."
Ewan ko ba kung bakit nagpapaliwanag ako. Hindi naman siya nagtanong. Ni hindi umimik. Sandali lang din siyang nag-angat ng tingin nang magsalita ako, pero pagkatapos ay balik na ulit ang atensiyon niya sa iniinom.
Naghanap ako sa cabinet ng mga biscuit. Ayaw ko namang mag-init pa ng ulam para makakain ng kanin. Dumukot lang ako ng dalawang pack ng biscuit na saktong pamatid-gutom at pagkatapos ay kumuha ng fresh milk sa ref.
Maya-maya ay tumayo si Kuya Ram. Nataranta tuloy ako nang lumapit siya sa lababo kung saan ako naroon at nagsasalin ng gatas sa baso. Kulang na lang ay umalpas ang puso ko sa dibdib sa sobrang kaba. Nagtayuan ang mga balahibo ko nang maramdaman siya sa aking gilid at aminin ko man o hindi, naghihintay ako na may gawin siya. Nag-antabay ako, pero pagkatapos niyang mailagay ang mga bote ng beer sa lababo ay umalis na rin agad si Kuya Ram.
Bigo ang pakiramdam ko. Hindi ko napigilang lingunin siya at tanging ang malapad na likuran niya ang naabutan ng aking paningin. Hiyang-hiya ako sa sarili ko. Hiyang-hiya at inis na inis. Ako nga itong nagdeklara ng pag-iwas. Ako itong handa nang ibaling ang atensiyon sa iba para kalimuutan siya. Ako itong sinabihan niya na hindi dapat umaktong nagseselos dahil hindi na nakakatuwa, pero ako pa rin itong umaasa na lalapitan ni Kuya Ram.
Bago matulog ay hinugot ko muna ang sim card sa cellphone na bigay ni Kuya Ram bago ibinalik ang gadget sa kahon nito. Ingat na ingat ako roon dahil mahalaga sa akin ang nagbigay. Pero ngayon, ibabalik ko na ito at hindi na ako maghihintay na makabili ng kapalit. Bahala na kung anong sabihin ko sa mga kasama ko sa bahay kapag nalamang wala ulit akong cellphone. Kailangan ko na talagang ialis ultimo ang kaliit-liitang bagay na magpapaalala sa akin sa mga nangyari sa amin ni Kuya Ram.
Maaga akong gumising kinabukasan para gawin ang lahat ng pwede kong gawin. Naglinis ako sa buong living room hanggang terrace. Isinalang ko sa washing machine ang ilang maruruming damit nina Tito Monching at habang hinihintay ang mga iyon ay nagplantsa na rin ako ng mga polo shirt at pantalong panlakad ng mag-ama. Dinamay ko na rin sa pagplantsa ang bestida na balak kong isuot sa lakad namin mamayang hapon ni Jayson.
Handa na ang almusal nang matapos ako sa lahat ng trabaho. Gising na rin sina Tito Monching at Kuya Russel. Mukhang tinanghali naman si Kuya Ram dahil hatinggabi nga kagabi ay gising pa siya. Sumabay na ako sa dalawa sa pagkain. Saktong patapos na ako nang bumaba si Kuya Ram.
"Morning..."
"O, Raphael, kumain ka na," anyaya rito ni Tito.
"Good morning, Kuya! Mukhang napasarap ang tulog mo rito, ah?" masayang bati ni Kuya Russel.
Tipid na ngiti ang tugon ni Kuya Ram. Naupo ito sa kanan ni Tito Monching. At dahil tapos na naman akong kumain ay nagpaalam na akong tatayo.
"Chayong, sabihan mo si Mildred na itimpla ng kape ang Kuya mo."
"O-opo, Tito."
"H'wag na," tanggi ni Kuya Ram at tumingin sa ama. "Sa fish pond na'ko kakain at magkakape. Kailangang maaga ako roon. Darating mamayang alas dies ang buyer ng bangus. One hundred kilos ang order. Nasabihan ko na ang katiwala na magsama ng mga pwedeng tumulong sa pag-harvest. Baka papunta na sila ngayon."
"Gano'n ba? Eh, 'di sasama na rin ako sa'yo para makatulong na rin." Dali-daling inubos ni Tito Monching ang orange juice niya at saka tumayo. Tumayo na rin si Kuya Ram.
"Chayong, gusto mo bang sumama?" biglang tanong sa'kin ni Tito. Nagwala agad ang puso ko.
"'Pa, kayo na lang ni Kuya Ram. Hayaan n'yong makapag-beauty rest si Chay para naman maganda siya sa date nila ni Jayson mamaya."
Natahimik si Tito Monching. Iniwasan ko namang makita ang reaksiyon ng katabi niya. Binalingan ko si Kuya Russel at tiningnan ng masama. Ngingisi-ngisi lang ito habang tinatapos ang pagkain.
"O, siya, maiwan na namin kayo. Russel, baka aalis ka, siguraduhin mong mauana sa'yo si Chayong at 'yong kaibigan mo. Ibilin mo rin na iuuwi si Chay bago mag-alas siete ng gabi. Hindi siya pwedeng lumampas doon."
Tumango si Kuya Russel. "Yes, 'Pa, ako na po ang bahala."
Hindi ko gawain ang magpahinga at tumunganga lang kapag nasa bahay. Kahit wala naman si Tita Jona ay nagkukusa akong gumalaw. Ang kaibahan lang kasi kapag nariyan siya ay hindi pupwedeng hindi ako makakarinig ng mga puna. At dahil mamayang alas kwatro pa naman ang usapan namin ni Jayson, nagprisinta ako na maglinis ng kwarto nina Tito Monching. Ipinapahanda na nga rin ang kwarto ni Kuya Rick dahil ilang araw na lang ay uuwi na sila ni Ate Faith mula sa kanilang honeymoon. Sa pagkakaalam ko ay isang linggo lang sila titigil sa Talisay Norte at babalik na ulit sila pareho sa Japan kung saan sila nagtatrabaho.
"Ang kwarto ni Sir Ram, ikaw na rin ba maglilinis?" tanong sa akin ni Ate Terya. "Ako na lang kaya roon, Chay, at baka naman pagsundo sa'yo ng date mo, eh, mukhang haggard ka na."
"Hmm? Hindi na, Ate. Ako na lang din doon at madali namang linisin ang mga kwarto nila."
Sinimulan ko agad ang mga trabaho. Inuna ko ang kwarto ni Tito Monching at gaya ng dati, ingat na ingat ako sa paghawak sa mga gamit doon dahil medyo maselan si Tita Jona. Hindi naman ako pinayagan ni Kuya Russel na pumasok sa kwarto niya. Siya na raw ang bahala at saka na lang niya ipapalinis. Dumiretso ako sa kwarto ni Kuya Rick. Kaunting punas at vacuum lang naman sa mga gilid ta sulok-sulok noon. Kapag parating na sila ay saka na kami maglalagay ng bagong kurtina at bed sheets.
Huli kong pinasok ang kwarto ni Kuya Ram. Unang tingin pa lang ay isa lang ang masasabi ko. Magulo. Hindi na ako nagpatagal pa at nagsimula na ring maglinis. Tinanggal ko ang mga kurtina at hinubaran ng cover ang mga unan at kutson. Doon naman pumasok ang isang ideya sa isip ko.
Iniwan ko ang ginagawa at bumaba sa aking kwarto. Kinuha ko ang naka-bag na ulit na cellphone. Bumalik agad ako sa kwarto ni Kuya Ram at naghanap ng pwedeng pag-iwanan ng cellphone bago ko itinuloy ang paglilinis. Pagkatapos ng kalahating oras ay natapos na rin ako kaya lumabas at bumaba na.
Kami lang ni Kuya Russel ang magkasalo sa tanghalian. Habang kumakain ay nagkukwento siya tungkol sa first girlfriend niya na kapitbahay lang daw nila dati. Hindi ko talaga kilala ang tinutukoy niya dahil dalawang taon pa lang naman akong nakatira sa kanila. Pero tinamaan yata si Kuya Russel sa babae dahil base sa pagkukwento nito ay mukhang hindi pa ito nakaka-move on.
"Mabuti pa nga si Kuya Ram, balewala lang kahit maghiwalay sila ng babae. Pinapalitan niya agad!"
Sumimangot ako. "Anong mabuti ro'n? Mas okay si Kuya Rick dahil pinakasalan niya ang first girlfriend niya."
Tumawa si Kuya Russel. "Kunsabagay. Kaya dapat 'yang si Jayson, ikaw na rin ang pakasalan niya."
Hindi ko na sinundan ang sinabi niya. Nagsisimula na naman kasi siyang mang-asar.
Bandang alas dos ng hapon nang makabalik si Tito Monching. Hindi ko alam kung sinadya niyang umuwi nang maaga o baka natapos agad ang pagha-harvest ng bangus. Mag-aalas kwatro naman nang dumating si Jayson. Saktong nasa living room sina Tito at si Kuya Russel. Nagbibihis na ako sa mga oras na iyon, pero pinatuloy ko muna siya sa sala para doon na maghintay sa akin.
Binilisan ko ang pagkilos. Hindi ko pinatagal sa paghihintay ang kasama ko, pero paglabas ko sa living room ay naabutan kong ini-interview pa ni Tito Monching si Jayson.
"Ano bang sasakyan n'yo? Hindi pwede ang motorsiklo. Mga pinsan lang ni Chayong ang pwedeng mag-angkas sa kaniya sa motorsiklo."
"May dala po akong kotse. Nasa labas," magalang na sagot ni Jayson at nilingon ako. "Ready ka na? Alis na tayo?"
Tipid akong ngumiti saka tumango. Inayos ko ang sukbit ng aking bag sa balikat. Humarap ako kina Tito. Hindi ko na lang pinansin ang nanunudyong tingin ni Kuya Russel. "Tito, aalis po muna kami. Uuwi rin po ako agad."
"Sige, Chayong. Nasabi ko na kay Jayson kung anong oras ka dapat ihatid dito. Mag-iingat ka. Jayson, ayusin mo ang pagmamaneho, ha?"
"Opo, Tito. H'wag na po kayong mag-alala."
Kasunod namin sina Tito Monching at Kuya Russel hanggang sa paglabas ng gate. Nakita ko pa sa may likuran nila sina Ate Terya na sa tingin ko ay gusto ring makihatid. Napailing na lang ako.
"Naku, p're! Double kill!"
Nakita ko muna ang nanlulumong reaksiyon ni Jayson bago narinig ang sinabi ni Kuya Russel. Nadaanan ko rin ng tingin si Tito Monching na bagaman naiiling ay naaaninag sa mga mata ang kagustuhang tumawa. Kumunot ang noo ko.
"Ano bang nangyayari?" nagtatakang-tanong ko, pero agad ko ring naunawaan ang dahilan. Dalawang kanang gulong kasi ng kotse ni Jayson ang parehong flat. Natutop ko ang bibig ko sabay tingin sa kaniya.
"May spare tire ka naman yata?" tanong ni Kuya Russel.
"Isa, p're..." walang-buhay na sagot ni Jayson.
"Pucha! Hindi rin pala kakayanin ng vulcanize itong isa," turo ni Kuya Russel sa likurang gulong. Sinilip din iyon ni Jayson. "Malayo pa naman ang vulcanizing shop rito."
Malakas na napabuga ng hangin si Jayson nang tumayo. Gusot na gusot ang noo nito na animo iiyak. "Maayos naman ang mga gulong ko kanina no'ng umalis ako ng bahay. Bakit kaya nagkaganito?"
Si Kuya Russel ang sumagot. Hindi ko na nga lang gaanong naintindihan dahil naagaw ang pansin ko ng dumating na motorsiklo. Sakay nito si Kuya Ram at hindi ko alam kung imagination ko lang na nakangiti siya sa akin.
"Chay," tawag ni Jayson na kumuha ng pansin ko mula sa dumating. "Sorry. Nakakahiya ang nangyari. Naabala pa kita."
Sinikap kong ngumiti nang normal. "Ano ka ba, Jayson? Ayos lang. Naiintindihan ko. Sorry din kasi wala akong maitutulong sa'yo. Hindi ko alam kung paano 'yan."
"Anong meron dito?" tanong agad ni Kuya Ram nang makalapit. Nakita niya ang tinuturo ni Kuya Russel. "Oh! Ang malas mo naman, 'Tol! Dalawang gulong pa talaga?"
Hindi na lang kumibo si Jayson. Bumaba naman ang tingin ni Kuya Ram sa akin. Mabilis akong nag-iwas.
"Hindi pa kasi kako sementado ang ilang kalsada papunta rito kaya malamang na nabato," wika ni Kuya Russel. Sinisimulan na nilang palitan ang isang gulong ng kotse. "Naudlot pa tuloy ang first date ng aming prinsesa." Sinundan niya iyon ng tawa. Hindi ko pinatulan ang sinabi niya.
"May ibang araw pa naman, Jayson," pampalubag-loob na sabi ni Tito Monching. "Ipaayos mo na lang muna ang mga gulong mo. Saka na kayo mamasyal nitong si Chayong. Kahit bukas kung libre ka?"
"Bibiyahe na kasi ako pa-Maynila bukas, Tito. Next weekend na ang balik ko." Bakas ang kalungkutan at pagkadismaya sa mukha nito.
"Ah... gano'n ba?" Ang tanging nasabi ng tiyuhin ko.
"Kaya pala bihis si Chay kasi aalis sila?" singit ni Kuya Ram. Pasimple ko siyang inirapan.
"Mukhang may lakad ka rin, Raphael," puna naman ni Tito Monching sa panganay. "Saan ang punta mo?"
"Sa bayan, 'Pa. May bibilhin ako," sagot ni Kuya Ram at tumingin ulit sa'kin. Umiwas ako, pero hindi ko inaasahan ang sunod na sinabi niya. "Chay, samahan mo na lang ako sa bayan para hindi sayang 'yang porma mo. Okay lang ba, 'Pa?"
Napaawang ang bibig ko. Hindi man lang niya hinintay ang sagot ko at dumiretso na agad siya kay Tito Monching.
"Ay, oo, sige! Basta ihahatid mo lang dito at h'wag mong hahayaang umuwi nang solo."