Kabanata 7

2509 Words
NAGITLA ako nang may yumakap sa akin mula sa likuran. Pero iglap lang dahil napalitan agad iyon ng ngiti nang makilala ko ang pamilyar na yakap ni Kuya Ram. Hindi ko maitanggi ang kilig. Ilang araw pa lang mula nang magsimula ito. Aaminin kong nasasanay na ako kaya sa ilang pagkakataon na hindi namin masolo ni Kuya Ram ang isa't isa dahil sa iba naming pinsan na nagbabakasyon din ngayon sa bahay ni Tito Monching, na-miss ko na agad siya. "Tapos na ba kayo?" tanong ko nang ipihit niya ako paharap. "Hindi pa. Ang kukulit ng mga kasama ko lalo na si Lander," reklamo niya na ikinabungisngis ko. Nasa terrace ito kasama sina Kuya Russel. Kainuman nila ang mga anak ng tiyuhin kong sinundan ni Inay na si Tito Rex. Apat ang anak ni Tito Rex. Sina Kuya Lander, Kuya Levi, Ate Lexie at si Lovely na sing-edad ko lang halos. Ang mga ito ang kasama namin sa boodle fight noong isang araw. Bukod sa kanila ay may dalawa pa akong pinsan na lalake na nasa ibang bansa. Doon sila naninirahan kasama ang Tatay nilang si Tito Rowell na isa nang biyudo. Si Tito Rowell ang tiyuhin ko na sumunod kay Tito Monching. Bunso naman ang nanay ko sa apat na magkakapatid at siya ang nag-iisang babae. "Ikaw, Chay. Matulog ka na pagkatapos mo riyan sa ginagawa mo. Baka makita ka ni Lander at kulitin ka na naman." Lihim na natuwa ang puso ko sa concern na ipinakita ni Kuya Ram. Siguro ay nahalata rin niya mula pa noong boodle fight sa palaisdaan na atag akong guluhin ni Kuya Lander. Nakita siguro niya na hindi ako komportable. "Chay..." Bigla kong naitulak si Kuya Ram nang marinig ang boses ni Kuya Lander. Naudlot ang paghalik sa akin ng una. Malayo na rin ang agwat namin nang pumasok ang huli sa kusina at makita ako. "Ayun, mabuti at gising ka pa! Hihingi sana ako ng malamig na tubig." Sinundan ni Kuya Lander ng malapad na ngiti ang sinabi. Pulang-pula na ang mukha nito dahil kanina pa sila nag-iinuman. Katunayan ay amoy ko na rin ang alcohol sa katawan ni Kuya Ram. Humahalo iyon sa natural na bango nito kaya imbes na ma-turn off ay parang gusto ko pang magpakalunod. "Sandali, ikukuha kita." Kumilos ako para ikuha ng tubig na malamig si Kuya Lander. Magsing-edad ito at si Kuya Russel, pero sobrang kulit nito kapag nakakainom kaya naiinis ako minsan. Kaya nga sa lahat ng mga lalakeng pinsan ko, sina Kuya Rick at Kuya Russel ang maituturing kong kasundo ko talaga. Hindi dahil sa kanila ako nakatira, pero dahil nadisiplina sila nang maayos ni Tito Monching. Hindi ko naman sinasabing pasaway ang mga anak ni Tito Rex, pero iba talaga ang ugali ng mga ito. Sina Ate Lexie at Lovely naman ay may pagkamatapobre at madalas kong maringgan ng panlalait sa ibang tao. Nilait nga noon ni Ate Lexie ang kaibigan kong si Mai-mai pati na ang manliligaw nito. Palibhasa ay sa may-kayang pamilya nagmula ang nanay nila kaya siguro mataas ang tingin sa mga sarili. "Anong ginagawa mo rito, Kuya Ram?" Narinig kong tanong ni Kuya Lander sa isa pang nilalang na naroon sa kusina. "Natakas ka, ano? H'wag mo kaming dayain. Hindi pa tayo tapos." Ngiti lang ang sagot ni Kuya Ram sa pang-aasar ng bagong dating. Inabot ko kay Kuya Lander ang baso ng malamig na tubig at hinintay siyang makainom. Sana ay h'wag na siyang mangulit at bumalik na sa inuman nila. Nang makaubos ng tubig ay ngumisi ulit si Kuya Lander. "Kuya Ram, dalhin mo naman dito minsan ang girlfriend mo! Ipakilala mo sa amin!" Natigilan ako at agad napatingin kay Kuya Ram. Nakita kong nagulat din siya sa tanong ni Kuya Lander. Hindi nga siya nakasagot. "Ano? H'wag mong sabihing ipagdadamot mo? Dapat proud ka sa dyowa mo kasi super ang ganda! Chay, nakita mo na ba ang girlfriend ni Kuya Ram?" Hindi ko alam kung anong isasagot. Parang may kung anong humampas sa ulo ko. Hindi ko alam na may girlfriend si Kuya Ram. Hindi ko naisip at hindi rin ako nagtanong! "You should see her, Chay! Parang artista sa ganda! Kung hindi ko nahuli na kausap ni Kuya Ram sa video call ang babae, hindi ko malalaman na may dyowa pala! Itinatago pa yata!" "Lander... can you please stop? Bumalik ka na sa inuman. Susunod na rin ako." Tatawa-tawa si Kuya Lander. "Sige na nga! Aalis na! Basta isama mo rito 'yong girlfriend mo, ha? Ipakilala mo kay Tito Monching. Ipakilala mo rin sa aming lahat. Promise, behave kami!" Nang makaalis si Kuya Lander ay binalikan ko na ang aking ginagawa. Nanginginig ako. Gusto kong umiyak sa sandaling iyon, pero pinipigilan ko lang. "Chay, babalik na'ko ro'n. Matulog ka na, okay?" Tumango na lang ako. Pag-alis ni Kuya Ram ay huminto ako bigla sa ginagawa. Hindi ako makapaniwala. Ni hindi niya itinanggi ang sinabi ni Kuya Lander. Hindi man lang siya nagpaliwanag sa akin. Ano ba ako sa kaniya? Wala ba siyang balak na linawin kung ano ang sinabi ni Kuya Lander? May girlfriend siya, pero may nangyayari sa amin. Anong itatawag ko sa relasyon naming dalawa? Hindi ako nakatulog sa pag-iisip kung ano talaga. Parang niloloko ko ang sarili ko. Si Kuya Lander na mismo ang nagsabi na nakita niyang kausap ni Kuya Ram ang girlfriend daw nito. Kung kaibigan lang iyon, sana kinontra ni Kuya Ram. Sana sinabi niya na hindi niya girlfriend ang babae. Pero wala siyang sinabi tungkol doon. Hindi siya nag-deny. Ibig sabihin ay totoo. Kinaumagahan ay nasa bahay ulit si Kuya Ram para roon mag-almusal kasabay ng iba naming pinsan. Hindi ako sumasalo sa kanila. Pakiramdam ko kasi ay pampasikip lang ako sa mesa. Inaaya ako ni Tito Monching, pero sinasabi ko sa tiyuhin ko na busog pa ako at kina Ate Terya na lang sasabay sa pagkain. Gano'n ang gawi ko mula nang dumating ang kaniyang mga pamangkin. "Chay, pakitimpla ulit ako ng juice. Masyado kasing matamis itong timpla mo. Baka tumaba ako." Sinunod ko ang utos ni Ate Lexie. Kinuha ko ang juice niya na hindi nga gaanong nabawasan. Sa gilid ng mga mata ko ay nakikita kong nakatingin sa akin si Kuya Ram. Hindi ko siya nilingon at dumiretso na sa kusina. Aaminin kong naiinis ako. Bakit hindi? Sa isip at paniniwala ko ay may relasyon kami tapos ay may iniwan pala siyang girlfriend? Nasasaktan ako at nagseselos. Pero dahil narito ngayon si Kuya Ram, umaasa akong mag-uusap kami tungkol sa sinabi ni Kuya Lander kagabi. Umaasa akong lilinawin niya sa akin kung sino ba ang babae na iyon. Baka kasi hindi lang niya gustong pag-usapan kagabi dahil nga nangungulit si Kuya Lander. Baka mamaya ay ipapaliwanag niya kung ano ba talaga ang totoo. Bumalik ako dala ang bagong timplang juice ni Ate Lexie. Ibinigay ko iyon sa kaniya. “Chayong, aalis na ako pagkakain. Susunduin ko ang Tita Jona mo. Dito ka lang sa bahay at h’wag kang aalis.” “Opo, Tito,” sagot ko. Pabalik na ulit sana ako sa kusina nang tawagin naman ako ni Lovely. "Chay, nahulog ang tinidor ko. Palitan mo nga." Hindi na ako kumibo. Kinuha ko ang tinidor ni Lovely at ibinalik sa kusina para mapalitan ng malinis. Lumabas ulit ako sa dining at ibinigay ang bagong tinidor kay Lovely. "Chay, malamig na itong kape ko." Narinig ko ang sinabi ni Kuya Levi kaya bumaling ako sa pwesto niya. "Timplahan mo'ko ng bago. Dagdagan mo na rin ng creamer, ha?" Hinahalo ko ang mainit na kape ni Kuya Levi nang maramdaman ko ang pagpasok ng isang nilalang sa kusina. Nang lingunin ko ito ay nakita ko si Kuya Ram. Hindi ko siya pinansin. Itinuloy ko ang paghalo sa kape. "Chay, bakit ka ba sunod ng sunod sa utos nila? Hindi ka katulong dito." Tiningnan ko siya at sumagot. "Anong masama ro'n? Inuutusan mo rin naman ako, ah." Hindi agad siya nakaimik. Naggusot siya ng noo. "Tama na 'yan. Ako na ang maglalabas niyan para hindi ka na nila makita. Mamaya uutusan ka na naman." Akma niyang aagawi sa akin ang tasa, pero inilayo ko iyon sa kaniya. "Ako na," tanggi ko at inilagay na ang kape sa platito. "Walang kaso sa akin kahit utus-utusan ako. Ang ayaw ko, 'yong nagsisinungaling sa akin at niloloko ako." Natahimik si Kuya Ram. Parang tinusok naman ang puso ko sa reaksiyon niya. Ibig bang sabihin ay guilty siya? "May ipapagawa ka ba, Kuya Ram? Kung wala naman, ihahatid ko na ito sa may-ari. Maiwan na kita." Hindi ko na siya hinintay na sumagot. Nilampasan ko na siya at lumabas ng kusina. Bandang alas cinco na ng hapon nang dumating si Tita Jona mula sa ilang araw na pagbabakasyon sa lugar ng mga kamag-anak niya. Si Tito Monching ang sumundo sa kaniya. Ang dami niyang dala na mga pasalubong. Ako pa ang una niyang tinawag para tumulong sa pagbaba ng mga iyon mula sa sasakyan. “Aba at narito nga pala ang magagandang pamangkin namin ni Monching!” masayang sambit ni Tita Jona nang sumalubong sa kaniya sina Ate Lexie at Lovely. Kasunod ng dalawa sina Kuya Russel, Kuya Lander at Kuya Levi. Kanina pa naman nakaalis si Kuya Ram. Malamang na abala na ito ngayon sa palaisdaan. "Tita Jona! It's good to see you po! Kumusta po ang bakasyon?" malambing na tanong ni Ate Lexie. "Okay naman! Heto, marami akong dala na makeup at pabango galing US. May bags din diyan. Paghatian n'yo ni Lovely, okay? Wala naman akong anak na babae na pwedeng pagbigyan." "Bigyan n'yo din si Chayong. H'wag na hindi," sabad naman ni Tito Monching na narinig ang sinabi ng asawa. Nakita ko ang pagtalim ng tingin ni Tita Jona kaya para wala nang gulo ay sumali na ako sa usapan. "Okay lang, Ate Lexie. Sa inyo na lang ang mga dala ni Tita Jona. Hindi naman ako gumagamit ng makeup. Ayos na rin ako sa cologne na ginagamit ko." Naghahanda na kami ng hapunan nang dumating si Kuya Ram. Naaligaga na naman ako pagkakita sa kaniya. Aligaga na may kasamang tampo at sama ng loob dahil sa palagay ko ay totoo nga ang sinabi ni Kuya Lander. Pinasasakay lang ako ni Kuya Ram. Binobola. At bagaman wala talaga kaming pormal na usapan tungkol sa relasyon naming dalawa, parang pinagsasabay na rin niya kami ng girlfriend niya. “Raphael, mabuti at nakarating ka nang maaga!” bati ni Tito Monching sa panganay niya. Nagkatinginan kami ni Kuya Ram, pero mabilis akong nag-iwas. Narinig ko nga kanina na pinatawagan ito ni Tito Monching kay Kuya Russel para imbitahin na roon na sa bahay mag-dinner para sabay-sabay ulit sila. “Halika, maupo ka na rito,” yaya pa ni Tito Monching sa anak. Hindi ko naiwasang tingnan si Tita Jona na noon ay patungo na rin sa pwesto nito sa hapag. Kung masungit at mahigpit sa akin si Tita Jona, malamig naman ito kung makatingin sa panganay ng asawa niya. Kinakausap naman nito si Kuya Ram, pero madalang at sa iilang salita lang. Hindi ko alam kung aware si Kuya Ram doon. At kung sakaling ramdam din ni Kuya Ram ang matabang na pakikitungo ng asawa ng tatay niya sa kaniya, mukhang hindi naman ito apektado. Parang balewala lang dito ang hindi maipintang mukha ng asawa ng ama. Ewan ko ba rin dito kay Tita Jona. Insecure ba siya sa atensiyon na binibigay ni Tito Monching sa panganay nito o hindi niya matanggap na may anak ang tiyuhin ko sa ibang babae? Sinabi naman ni Inay noon na bago nagpakasal sina Tito Monching at Tita Jona ay alam na ng huli ang tungkol sa anak sa naunang girlfriend ni Tito. Nagsimula na silang kumain. Nangingibbaw ang boses ni Kuya Lander na ayaw magpaawat sa mga kwento nito. Panay na nga ang saway rito ni Ate Lexie dahil nakakahiya raw kay Tita Jona. Lalo tuloy napupuri ng huli si Ate Lexie. "Chayong, hindi ka ba ulit sasabay?" tanong ni Tito Monching nang mapansin ako. Sinasalinan ko ng tubig ang mga baso ng mga pamangkin niya. "Hindi na ako kakain ng hapunan, Tito. Nagmeryenda na kasi kami kanina nina Ate Terya." "Chay, iba ang meryenda sa hapunan," sabat ni Kuya Ram. "Dito ka. Maupo ka na rin para makakain." "Hindi na..." tanggi ko na sinabayan pa ng iling. Inalis ko ang tingin sa kaniya at inilapag ang pitsel ng tubig sa may side board. "Ilalabas ko pala 'yong nilutong crispy pata ni Ate Mildred." Tumalikod na agad ako para pumuntang kusina. Kahit anong yakag ni Kuya Ram, hindi talaga ako nito napasalo sa hapunan nila. Ibinilang ko muna ang sarili ko sa mga tagasilbi. Hindi naman big deal sa akin iyon lalo na at hindi naman katulong lang ang trato nina Tito Monching kina Ate Terya at Ate Mildred. Wala rin namang masama sa pagiging tagapagsilbi. Kung papayagan nga ako ni Tito Monching na mangibang-bayan ay papasukin ko kahit ang pagiging kasambahay magkaroon lang ako ng sariling pagkakakitaan. Natapos sila sa pagkain. Sinimulan kong samsamin ang mga pinggan dahil nagpapahanda ng dessert si Tita Jona kay Ate Terya. Ayaw nito ng magulong mesa kaya niligpit ko muna ang mga pinagkainain nila. "Let me help you, Chay." "Ako na lang po, Kuya." Nakita ko nang matigilan si Kuya Ram sa isinagot ko. Bumalik din siya sa pagkakaupo. Sa loob-loob ko, mabuti na rin na ganito. Naiwasan kong magkasala dahil agad ding nahinto ang kahibangan ko sa kaniya. Tama na ang mga nangyari sa amin. Doon na lang siya sa girlfriend niya. "Uuwi na pala kayo bukas?" tanong ni Tita Jona sa mga pinsan ko. "Nakakalungkot naman! Kararating ko lang tapos kayo naman ang uuwi na." "It's okay, Tita Jona," malambing na sagot ni Ate Lexie. "Babalik din kami agad." "Ows? Kailan pa 'yan? Siguradong magiging busy na ulit kayo. Palibhasa kasi mga professional na kayong magkakapatid kaya maraming kaabalahan sa buhay. Hindi gaya ng iba riyan..." Napatingin ako kay Tita Jona na sa akin din nakatingin. Alam na alam ko naman na ako ang pinariringgan niya. Palihim akong napailing. Kung alam lang nito, gusto ko na talagang magtrabaho. Ang kaso, wala akong makitang permanente at may magandang sahod sa Talisay Norte. Ayaw naman akong payagan ni Tito Monching na sumubok sa siyudad o sa mga katabing-bayan. "H'wag kang mag-alala, Tita!" excited na sabi ni Kuya Lander. "Babalik kami anytime basta dalhin lang dito ni Kuya Ram ang artistahing girlfriend niya. Siyempre! Gusto kong makilala na ang magiging bagong bride ng pamilya." Ingay ng mga nagbagsakang pinggan ang tumapos sa tawa ni Kuya Lander. Nanginig ako nang husto. Hindi ko alam kung anong nangyari. Nakikinig lang naman ako sa sinasabi ni Kuya Lander, pero dumulas bigla ang mga pinggan na dadalhin ko na sana sa kusina. Nagbagsakan ang lahat ng iyon sa sahig. Nagkapira-piraso sa aking paanan. Ang masungit na mukha ni Tita Jona ang una kong naalala. Nakita ko nang tumayo siya at galit na lumapit sa akin. "Ano ba 'yan, Chayong, tatanga-tanga ka naman lagi! Binasag mo pa talaga ang pinggan ko?!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD