Hindi natulog sa kwarto si Liam nang araw na iyon. Umalis siya pagkatapos niyang magpalit ng damit at buong gabi siyang wala sa bahay. Hindi rin siya umuwi dahil wala siya sa tabi ko sa kama kinabukasan. Wala rin siya sa bahay. Tinanong ko si kuya Ben kung umuwi ba si Liam at ang sabi ay hindi raw. Maaga rin umalis sina mama Ynez kasama na naman si Belle. Si Loreen naman ang naiwan sa bahay dahil ayaw raw muna nitong pumasok sa trabaho. Kukuha sana ako ng maiinom nang marinig ko na nag-uusap ang dalawang kasambahay kanina sa kusina. “Nakakainis yung bunsong anak ni madam. Spoiled brat kasi.” Wika ng isang kasambahay. “Mismo. Kapag hindi niya gusto ay hindi niya gagawin. Siya yung pinaka-nakakapagod sundin dito sa bahay na ‘to. Akala mo prinsesa ng isang bansa.” Dagdag ng kausap niya.