Sinunod ko ang payo ng kaibigan kong si Jelly.
Ginawa ako ang lahat para maging busy sa trabaho at sa ibang bagay para hindi ko na isipin ang pinsan niyang si Lee at para na rin unti-unti na akong makapag move on.
Hindi na rin naman ako natanggap ng mensahe kaya Lee kahit ilang buwan na ang nakakaraan simula ng huli siyang magparamdam sa akin ay mangyari nga ang aksidente kung saan natagpuan ko siyang duguan sa loob ng kanyang banyo.
Sana nga ay hindi na sila magkahiwalay pa ni Mabel para hindi na nagkakaganun si Lee.
Mahal ko siya kaya nasasaktan din ako kapag sinasaktan niya ang sarili niya
Tanggap ko naman talaga na panakip-butas lang ang papel ko pero dahil mahal ko siya ay hangad ko talaga ang kung anong kaligayahan niya.
At hindi ako ang magpapasaya sa kanya ahil ang totoo niyang mahal ay ang girl friend niyang si Mabel.
Pagkatapos ko sa trabaho nito ngang mga nakaraan ay agad na akong dumidiretso sa pauwi ng bahay at tinutulungan ko si nanay sa kanyang pagluluto ng mga pagkain na binebenta niya sa pwesto sa palengke.
Tinulungan ko pa nga si nanay na magbenta online. Marami nga ang nag-order at talagang sobrang bida ng palabok ni nanay lalo na sa mga may okasyon tulad ng birthday, reunion habang ang iba namannay tamang meryenda lang ng buong pamilya o magbabarkada kasabay ng masayang kwentuhan.
May mga araw nga na dumadagsa ang maraming customer sa espesyal na palabok na luto ng nanay ko at sobra akong natuwa dahil kahit paano ay nagbubunga na ang pagod at pagsisikap ni nanay.
Sarili niyang recipe ang special palabok sauce na talaga naman na sinasarapan niya.
Lagi niya ngang bilin na aralin ko rin ang pagluluto niya ng sauce para kung wala siya sa bahay o kaya ay busy sa ibang lutuin ay ako ang magluluto.
Madali lang naman at noong mag-try ako ay konti na lang talaga ang pagkakaiba ay perfect ko na ang timpla.
Ewan ko at wala yatang kasawa-sawa ang mga tao sa palobok at halos araw-araw ay dinadagsa si nanay sa pwesto.
Balak na nga sana ni nanay na kumuha ng kahit isang kasama sa pwesto para may katulong na siya sa pag-aasikaso kapag maraming parokyano.
Sana nga ay magtuloy-tuloy na ang pasok ng swerte sa buhay namin ni nanay.
Ako nga ay balak mangibang bansa pero naisip kong kawawa naman ang nanay ko na iiwan ko pa na mag-isa.
Tiyak na papayagan naman niya ako kapag nagpaalam ako kaya hindi ko na binanggit pa.
Ayos naman na ang buhay namin kaya bakit pa ako lalayo na dalawa lang kami ng nanay ko sa buhay.
Nakahiga na ako sa kama sa kwarto at nagpapa-antok na lang ng biglang may nag pop-up na may message at galing kay Lee.
Hindi ko pinapansin ang chat at hindi ko talaga binabasa.
May problema na naman kaya naalala na naman ako.
Nanood din kasi ako ng mga video na related sa negosyo ni nanay para makakuha pa ako ng ibang mga ideya.
Hanggang sa tumatawag na si Lee.
Kina-cancel ko na lang at balik ulit ako sa panonood ko.
Pero makulit talaga at paulit ulit na tumatawag.
Napa-pitlag ako na may narinig akong parang bumato sa bintana ng kwarto ko.
Tama lang lang ang laki ng bahay namin pero may second floor at narito ako sa ikalawang palapag habang si nanay ay nasa ibaba dahil nga mas maaga siyang tumatayo sa akin dahil kailangan niyang magluto.
Baka may ibon lang na naligaw at nahulog sa tapat ng bintana ang kung anong prutas ang kinakain kaya hindi ko na lang masyadong pinansin. Madalas ay makakita kasi ako ng buto ng bayabas o kaya naman ay aratiles sa tapat ng bintana tuwing umaga kapag bubuksan ko na ito.
Hanggang sa may bumato na naman.
Sa pagkakataong yon ay bumangon na ako sa kama para tingnan.
Baka mamaya ay may magnanakaw ng nagtatangka na pasukin kami sa bahay.
Sa siwang ng bintana ay sinubukan kong sumilip at sa kakasilip ko ay isang pamilyar na bulto ng isang lalaki ang nakita ko na nakatingala sa kung nasaan ako.
Si Lee.
Anong ginagawa niya rito?
At dala niya ang kotse niya na hindi ko napansin na may huminto pa lang sasakyan sa harap bahay namin.
Talagang sinadya niya pala na puntahan pa ako.
Kinuha ko ang cellphone ko para tawagan siya.
“Anong ginagawa mo? Bakit narito ka at bakit binabato mo pa ang bintana ko? Tumigil ka nga at baka magising ang nanay ko. Maawa ka dahil pagod siya sa pagtitinda,” galit kong sabi dahil gabi na.
Pagod si nanay kaya ayoko na siyang ginigising kapag nagpapahing na siya dahil tiyak na mahihirapan siyang bumalik sa pagtulog.
“Ayaw mo kasing sagutin ang chat ko pati ang tawag ko.” Sagot niya na halata sa boses ang nakainom na naman ng alak.
Tama ako.
May problema na naman siya kaya naaalala na naman ako para istorbohin.
Pero kailangan kong patigasin ang loob ko.
Tama naman si Jelly talong-talo ako dahil mahal niya si Mabel kaysa sa akin.
“Ano na naman ba ang kailangan mo? Break na naman ba kayo ni Mabel kaya ako na naman ang naisipan mong guluhin? Pwede ba, Lee, tantanan mo na ako. Iniiwasan na nga kita kaya tigilan mo na ako. Kung break na kayo ni Mabel ay suyuin mo na lang at huwag niyo na akong idamay pa sa drama niyo. diretsahan ko ng pahayag.
Nakakapagod na.
Pagod na ako sa mga pinagagawa nilang dalawa na nadadamay ako.
Hindi sumagot si Lee kaya alam ko na talaga ang sagot.
Break na naman nga sila ng girlfriend niya kaya pala naalala na naman ako ngayon.
Alam niya kasi na isang tawag lang ay agad na akong nasa tabi niya at dadamayan siya
“So, break na naman nga kayo kaya akong natutulog na ang siyang ginugulo mo. Pwede ba, Lee, umuwi ka na at huwag mo na akong istorbohin. Magpakalunod ka na lang sa alak para makatulog ka na agad.” Payo ko sa kausap ko at saka ko na pinatay ang tawag.
Pinatay ko muna ang ilaw bago ako muling bumalik sa kama para matulog na.
Muli na naman akong tinatawagan ni Lee kaya ang ginawa ko ay pinatayan ko na lang siya ng cellphone.
Bahala siya sa buhay niya.
Matanda na siya at alam niya na ang mga ginagawa niya sa buhay.
Kailangan ko na siyang tikisin para masanay na ako.
Kahit naglalaban ang isip ko ay pumikit na ako para matulog.
Kinabukasan ay nagkita na kami ni Jelly sa trabaho.
Gusto ko sanang magkwento sa kanya na nagawa ko ng iwasan ang pinsan niya ng malaman kong nagwala raw si Lee sa compound nila.
“Ang totoo nagpunta talaga siya sa bahay at gusto akong makausap pero hindi ko talaga pinagbigyan. Para nga iwasan ko na siya,” kwento ko na sa best friend ko.
Napabuntong-hininga na si Jelly.
“Siguro sa sobrang frustate sa buhay kaya siya nagwala kagabi. Kapag pinuntahan ka ng ganun ay alam mo na, nag-break na naman sila ni Mabel. Ewan ko ba at parati silang nag-aaway na nauuwi sa hiwalayan pero nagkakabalikan din naman pero alam mo naman ang pinsan ko na yon, palibhasang lumaki na walang nanay at tatay kaya ganun siguro ang ugali. Dinaramdam ang kasawian. Mabait naman si Kuya Lee, ang kaso lang ay ayaw ko talaga na kapag hindi sila okay ng girlfriend niya ay ikaw ang ginagawa niyang panakip-butas.” Ang nayayamot na sambit ng matalik kong kaibigan.
Naiintindihan ko naman si Jelly na ayaw niya lang akong ma agabrado kaya ganito siya ka concern sa akin.
Babae siya kaya ayaw niyang may babae na nasasaktan.
“Ang alam ko nga malapit ng umuwi ang tiyahin ko para sunduin na si Kuya Lee patungo ng bansang Korea. Ayon sa kwento ng nanay ay ayos na raw ang pagsasama ng nanay at tunay na tatay ni kuya sa Korea kaya nga madali ng pinapupunta roon si Kuya para magkakakilala na sila ng personal. Balita ko ay pumanaw na raw iyong Lola ni kuya Lee na nanay ng tatay niya kaya naging malaya na ang mga magulang niya na ipagpatuloy na ang relasyon na naudlot din ng mahigit dalawampu't-limamg taon.”
Ang kwento nga sa akin ni Jelly ay tutol ang pamilya ni Lee sa pagsasama ng nanay at tatay niyang Koryano kaya naman umuwi ang nanay niya sa bansa nang ipinagbubuntis pa lang siya.
Nang manganak daw ang nanay niya ay iniwan agad si Lee sa pangangalaga ng mga kamag-anak at bumalik ulit ng Korea.
Kaya lumaki si Lee na sunod sa layaw pero walang magulang na katabi.
Kaya nga yata ganito ang ugali niya.
Ayaw niyang naiiwan siya ng taong mahal niya kaya kahit ilang beses na silang naghiwalay ni Mabel ay inaayos pa rin niya ng paulit-ulit.
Pero mahal daw talaga ng tatay niya ang nanay niya. Kaso nga lang daw ay matatanggalan ng mana ang tatay niya sa pamilya nito kapag nagsama o nagpakasal sa nanay ni Lee na isang factory worker sa bansang Korea kaya ito nakapunta roon.
Ngunit tunay ang pagmamahalan ng kanyang mga magulang kaya hanggang ngayon ay may relasyon na lihim sa pamilya ng tatay ni Lee.
“Kung ganun ay makakapunta na pala si Lee sa tatay niya?” tanong ko.
Tumango si Jelly.
“Matutupad na pala ang pangarap niyang mabuo ang pamilya niya. Masaya ako para kay Lee,” sabi ko pa.
“Ganun na nga. At alam mo ba si Kuya Lee ang kaisa-isang tagapagmana ng angkan nila dahil ayon sa kwento ay sumuway sa utos ang ibang mga anak ng Lola niya at ang tatay niya lang ang nanatiling matatag. Kaya super yaman na ni Kuya Lee dahil saan pa ba ipapamana ng tatay niya ang lahat ng meron siya mung hindi sa kaisa-isa niya lang na anak.”
Tumango-tango ako.
May kaya siguro ang angkan ng tatay niya sa Korea.
Pero ganun ba talaga kapag mayaman?
Walang kalayaan na pumili ng taong mamahalin?
Mas importante talaga ang yaman kaysa kaligayahan?
Magkatulad kami ni Lee ng kwento ngunit ang tatay ko ay hindi mayaman lalong walang kayamanan.
Mahal ng tatay niya ang nanay niya samantalang ang tatay ko ay tinakasan ang nanay ko matapos niyang buntisin.
Hindi ko alam kung magiging masaya ba ako o malulungkot na namatay na ang Lola niya na naging hadlang sa masaya sanang pamilya na nakagisnan ng lalaking mahal ko dahil sa wakas ay magsasama na silang buong pamilya.
Kung hindi sana naging hadlang ang lola niya ay baka nakabuo sila ng masasayang ala-ala sa mga nakalipas na taon.
“Pero kaninang madaling-araw talaga ay ang ingay niya. Sobra siyang nakabulahaw na para bang pasan niya ang buong daigdig. Kaya naman pala ay na double-kill siya. Una ay nakipag-break na naman si Mabel at pangalawa nga ay hindi mo na siya pinansin. Mabuti nga ang ginawa mo, Che. Ngayon ay alam na kuya kung paano ka pahalagahan.” Sermon pa ni Jelly.
Kawawa naman pala si Lee.
Kung lumabas ba ako at nakipag-usap sa kanya kagabi ay hindi siya magwawala ng ganun?
Kumain na kaya si Lee?
Kamusta na kaya siya?
Baka nag-iinom na naman siya kahit wala pang laman ang sikmura niya.
Nang mag-out na ako sa trabaho ay sa bahay ni Lee ako tumuloy kaya hindi ako sumabay kay Jelly.
Malamang kasi na sasabunutan lang ako ng matalik kong kaibigan kaya hindi na talaga ako nagsabi sa kanya na aalis sa compound nila ang tuloy ko.
“Lee, si Cherry to. Buksan mo ang pinto,” sabi ko habang mahina na kumakatok sa front door pero naka ilang beses na ako sa pagtawag at pagkatok ay wala pa rin sumasagot.
Sumilip na ako sa bintana ay hindi ko talaga mahanap kung nasaan si Lee.
Alam ko naman kung saan siya nag-iiwan ng spare key kaya tiningnan ko kung may susi nga sa taguan niya nito sa ilalim ng paso sa isa sa mga halaman sa harap bahay.
At hindi nga ako nagkamali.
May susi nga kaya agad kong ginamit para makapasok na sa loob ng bahay niya.
Una kong tinungo ang kanyang silid ngunit wala siya at maayos ang kanyang kama kaya hinanap ko siya sa kabuuan ng bahay niya.
At ganun na lang ang gimbal ko ng makita siya na nakahandusay sa sahig ng banyo at duguan kung nasaan banda ang kanyang ulo.
“Lee!” tawag ko sa kanya at saka ko siya malakas na niyugyog para magising ngunit wala siyang responde.
“Lee! Lee!” tawag ko pa.
Pero nabuhayan ako ng loob ng bahagya siyang umungol kaya naman mabilis akong tumayo para humingi ng tulong.
Nagtatakbo ako sa labas at malakas ang boses na humingi ng saklolo sa kanyang mga kamag-anak.
Pinagtulungan naman ng mga kamag-anak ni Lee na buhatin siya para madala na sa pinakamalapit na ospital.
Lalapit sana ako para sapuhin ang ulo ni Lee ngunit mabilis akong tinabig ng tiyahin niya na nanay ni Jelly.
Hindi ko na lang pinansin pero alam kong sinadya niyang tabigin ako at siya ang lumapit sa kanyang pamangkin.
Madali namang naasikaso si Lee pagdating sa ospital. At nang masiguro ko ng ligtas at buhay si Lee ay nagpaalam muna ako kay Jelly na uuwi muna para magpalit ng damit dahil nga nagkaroon din ako ng bahid ng dugo ng lapitan ko kanina si Lee para gisingin.
“Oo, ate. Ligtas na si Lee at pasalamat na lang tayo at dumating itong girlfriend ng anak mo at naagapan ang aksidente. Kung hindi dumating si Mabel ay paano na si Lee?”
Akto ko na sanang bubuksan ang pinto ng private room kung saan naka-confine si Lee ng marinig ang boses ng nanay ni Jelly.
Malamang na ang tinawag niyang ate at ang kausap ay ang nanay ni Lee na nasa Korea.
Ngunit bakit sinabi niyang si Mabel ang dumating at nakakita kay Lee?
Anong intensyon nila para ibahin ang kwento?
“Opo, tita. Aalagaan ko po ng mabuti si Lee para agad po siyang gumaling at makalabas ng ospital.”
Lalo akong napa-atras ng marinig ang boses ni Mabel.
Nasa loob na pala siya ng silid at inaako pa ang bagay na ako ang siyang gumawa.
Napakasinungaling naman niya.
Paano siya nakakapagsalita ng hindi totoo at sa harap pa ng nanay ni Lee?
Dapat nga ay sisihin niya ang sarili niya dahil kung hindi siya nakipag-break na naman ay hindi mag-iinom si Lee at hindi madudulas sa banyo at mababagok ang ulo.
Ngunit ang una kong narinig na nagsabi ng kasinungalingan ay ang nanay ni Jelly.
Ang nanay ng matalik kong kaibigan na nag-iba ang ugali.
Wala namang problema sa amin dati ng nanay ni Jelly. Welcome na welcome pa nga ako bahay nila at kapag may group project kami ay masaya niya kaming pinaglulutong magkakaklase. Nakikipagkwentuhan pa nga siya sa akin kaya naman takang-taka ako ng biglang may nag-iba.
Simula ng nalaman niya ang tungkol sa amin ng kanyang pamangkin ay nag-iba ang naging pakikitungo niya sa akin. Madalas niya akong taasan ng kilay kapag nagkikita kami at madalas akong paringgan ng masasakit na salita kahit wala naman akong ginawang masama sa kanya. Kaya nga naging madalang na ang pagpunta ko sa bahay nina Jelly ay dahil pinaramdam na sa akin ng nanay niya na hindi na ako welcome sa loob ng bahay nila.
Ayoko naman na magtanong kay Jelly kung anong nangyari o kung may nagawa o nasabi ba ako na hindi maganda sa nanay niya dahil nahihiya naman ako dahil nanay niya pa rin yon at ako ay hindi niya kaanu-ano.
Baka isipin niya pa ay ginagawan ko ng masamang kwento ang nanay niya.
Marahil ay talagang mas nais talaga nila na si Mabel ang makatuluyan ni Lee.
Sino na naman ba kasi ako?
Kwento ni Jelly ay bongga kong magbigay ng regalo si Mabel lalo na kung may okasyon.
Lahat nga raw sila ay naabutan ng regalo kaya naman siguro botong-boto silang lahat kay Mabel.
Kaya ko namang magbigay ng regalo pero hindi mamahalin gaya ng kayang ibigay ni Mabel.
Pero bakit ganun na lang nila ibahin ang kwento?
Bakit kailangan na magsinungaling sila tungkol sa tunay na nakakita kay Lee na nakahandusay at duguan sa banyo?
Para ba lalong bumango ang pangalan ni Mabel sa magulang ni Lee?
Tumunog ang cellphone ko at si Jelly ang tumatawag.
Medyo naglakad na ako palayo para hindi na ako maabutan pa ng kung sinong darating sa harap ng silid ni Lee.
Sinagot ko ang video call ngunit ini-off ko ang camera para walang makita si Jelly.
“Nasaan ka na, Che? Huwag ka ng magpunta sa ospital dahil naroon na si Mabel. Mahirap na at baka magpang-abot kayong dalawa.”
Naiintindihan ko ang kaibigan ko. Ayaw niya lang na may masamang mangyari lalo pa at ako ang lalabas na talo.
Boto ang lahat ng pamilya niya kay Mabel habang ako ay para wala lang sa paningin nila.
“Nasa bahay pa rin naman ako, Jel. Wala na rin naman akong balak na bumalik pa dahil alam kong marami na kayo sa ospital para bantayan si Lee.” Pagsisinungaling ko.
“Kamusta na pala ang pinsan mo? Nagkamalay na ba siya? Nagkwento na ba siya kung napaano siya at umabot sa ganun ang kalagayan niya?” usisa ko.
“Oo, Che. Nagkamalay na siya. At ang kwento niya, nadulas daw siya sa sobrang kalasingan kaya raw nabagok ang ulo niya sa bowl.”
Gising na pala si Lee. Hindi niya ba matandaan na boses ko ang tumatawag sa kanya kanina habang wala siyang malay?
“O-obserbahan siya dahil nga sa pagkakabagok ng ulo niya pero mukhang okay naman si Kuya. Mabuti at pumutok ang sugat.”
“Mabuti nakita ko siya.” Pagsingit ko sa sinasabi ng kaibigan ko.
Ngunit nahalata ko na natigilan din si Jelly.
“Sige na, Che. Pawala na rin ang load ko. Update na lang kita kung anong nangyayari rito kay Kuya Lee. Kita na lang din tayo sa work place bukas.” Pagpapaalam na ni Jelly at mabilis na pinatay ang video call namin.
Nawalan na lang ako ng kibo kahit pa may gusto pa akong tanungin kay Jelly.
Pero dahil mukhang ayaw niyan pag-usapan ay igagalang ko na lang.