“Wait lang, ha. Sagutin ko muna ang cellphone ko at may tumatawag sa akin. Baka kasi importante,” sumenyas pa ako na magtutungo sa hindi mataong sulok sa mga ka-trabaho ko na kasama kong naglalakad.
Nagmamadali akong halungkatin ang cellphone ko sa loob ng shoulder bag ko.
Ganun na lang ang pamimilog ng mga mata ko at paglawak ng ngiti sa mga labi ko ng makita kung sino ang tumatawag.
Inayos ko muna ang sarili ko na para bang nasa harap ko ang lalaking tumatwag sa akin ngayon.
Tumikhim din upang alisin ang bara sa aking lalamunan at saka sa malambing na tinig ay kinausap na ang nasa kabilang linya.
“Nasaan ka?” tanong ng Lee.
“Nasa trabaho pa pero pauwi na ako. Bakit?” tanong ko ngunit pilit na tinatago na gusto ko ng magtitili sa saya dahil sa wakas ay tinawagan na naman ako ng nag-iisang lalaking mahal na mahal ko.
“Pwede bang puntahan mo ako?”
Agad akong tumango ng marinig ang pakiusap niya.
“Oo naman.” Kaswal na sagot ko ngunit ang totoo ay halos mapunit na ang mukha ko sa lawak ng pagkakangiti ko.
“Bakit ba bigla mo na naman akong pinapupunta?” tanong ko ngunit tumunog na lang ang cellphone ko na indikasyon na pinatayan na ako ng tawag kahit hindi pa naman kami tapos mag-usap.
Malamang na lango na naman siya sa dami ng alak na nainom.
Hindi ko na kailangan na itanong kung ano ang problema niya dahil iisa lang naman ang dahilan kung bakit lagi siyang nagkakaganito.
Nagmamadali na akong lumabas ng mall para nga puntahan na Lee dahil baka naliligo na naman ito sa sariling suka o kaya naman ay ihi.
“Huhulaan ko, tinawagan ka na naman ng play boy kong pinsan kaya ganyan na naman kalawak ang ngiti mo na tinalo mo pa ang nadiligan ng sampung beses kagabi.” Si Jelly ang best friend ko na pinsang buo ni Lee. At magkasama kami sa trabaho bilang cashier sa isang supermarket na malapit na mall sa aming lugar.
Nginitian ko lang siya at hindi ako sumagot kaya naman sinundan niya ako.
“Hoy! Cherry! Kailan ka ba magigising sa katotohanan na ginagawa ka lang panakip butas niyang pinsan ko? Maawa ka naman sa sarili mo. Kahit pinsan ko pa yan ay hindi ko talaga hahayaan na ganyanin ka na lang porke alam niyang hindi mo siya magawang matanggihan.” Sermon pa ni Jelly kaya naman yumakap ako sa kanyang kanang kamay at saka isinandig ang ulo ko sa kanyang balikat.
“Jel, naman! Alam mo naman na kahit ganun ang pinsan mo ay mahal na mahal ko talaga siya. Ayaw mo ba sa akin para maging hipag mo someday?” paglalambing ko sa matalik ko kaibigan.
“Hayan! Kaya ka inaabuso kasi nga alam na alam niya kung paano kang utuin at nagpapauto ka naman lagi! Che, maraming lalaki sa paligid. Buksan mo ang mga mata mo at sarado mong utak! Tigilan mo na si Kuya Lee. Magising ka naman sa katotohanan na ginagamit ka lang niya.” Dagdag pa na sermon ni Jel.
“Kaya ka tinawagan niyan ay dahil naglasing na naman yan buong maghapon. Nagpakalunod na naman sa alak dahil alam mo ba kung bakit?” hinarap pa ako nga matalik kong kaibigan at nanlalaki pa ang mga mata.
“Kasi break na naman sila ni Mabel! Ginagawa ka na lang tanga pero nagbubulag-bulagan ka. Sa tuwing break sila ng totoo niyang girlfriend ay ikaw ang tinatawagan niya para gawing alila. Para may tagalinis sa mga kalat niya sa bahay. Mag-asikaso sa kanya at ano? Libre pa ang sex.”
Natakpan ko ang bibig ni Jelly sa huli niyang sinabi pero padaskol niyang tinabig ang kamay ko para alisin.
“Huwag mo namang ipagsigawan! Nasa public place tayo baka nakakalimutan mo,” saad ko pa sa kaibigan ko habang nakatingin ako sa maraming tao sa paligid.
“Naku! Nahihiya kang malaman ng mga taong hindi mo naman mga kakilala pero sa mga taong nakakakilala sayo ay hindi ka nahihiya. Kailan ka ba mauuntog na ginagawa ka lang niyang alila, laruan at panakip-butas sa tuwing naghihiwalay sila ng babaeng plano niyang pakasalan. Sinasabi ko sayo, kapag na buntis ka at hindi ka pinanagutan ay bahala ka sa buhay mo!” at saka na ako iniwan ni Jelly sa gitna ng maraming tao.
Tutol na tutol talaga si Jelly sa pakikipagrelasyon ko sa pinsan niyo o matatawag ba talagang relasyon ang sa amin ng pinsan niya na kapag nag-break nga sina Lee at ng kanyang girlfriend ay ako ang hahanapin niya para makiramay sa kanyang kalungkutan.
High school pa lang ay best friend na kami ni Jelly kaya naman nakilala ko ang pinsan niyang half korean na si Lee Charles So o mas kilala sa tawag na Lee ay kinilig na talaga ako ng sobra.
Pinukaw niya talaga ang bata kong puso kahit pa mas matanda siya ng limang taon sa akin.
Pero dahil ordinaryo lang naman ang taglay kong kagandahan kaya naman hindi niya talaga ako mapapansin.
Madalas ako sa compound nila Jelly kaya naman bukas ang mga mata at tainga ko sa mga nangyayari lalo na sa pinsan niyang si Lee.
Hindi ko na mabilang ang naging girlfriend niya pero simula ng maging sila ni Mabel ay nagtagal ang relasyon nila ng halos tatlong taon na ngayon.
Isang araw ng puntahan ko nga si Jelly sa compound nila ay naabutan kong nag-iinom ng mag-isa si Lee sa kanyang bahay kung saan mag-isa lang din siyang nakatira dahil ang nanay niya ay nasa bansang Korea.
Kwento ni Mabel, naanakan lang ang tiyahin niya ng isang korean. Hindi pinandigan dahil nga magkaiba ang pinagmulan kaya mag-isang tinaguyod ng nanay niya si Lee.
Super talino naman ni Lee. Hindi nawawala sa listahan ng mga matatalino sa klase. Isa rin siyang varsity player kaya naman sikat na sikat siya lalo pa at isa nga siyang oppa kung tawagin.
Hawig na hawig niya ang korean actor na si Ji Chang Wook. Kaya sino ang hindi naman talaga mapapatulala at mai-inlove?
Matalino plus athlete plus oppa.
Kaya ng mapansin niya ako noong mag-isa siyang nag-iinom ay sino pa ba ako para mag-inarte?
Lumapit agad ako at kahit hindi naman ako manginginom ay kung bakit nakipagtagayan ako ng alak.
At ganun na lang ang gimbal ko paggising ko kinabukasan na pareho kaming nakahiga sa kanyang kama at walang anuman na saplot sa katawan.
Oo na.
Malamang na mali ang ginawa ko pero mahal ko kasi si Lee.
Mahal ko na siya since nineteen eigthy two!
Naging maligaya talaga ako dahil nakita ko naman na mahal niya rin ako.
Pero akala ko lang pala.
Kinausap niya ako at nilinaw ang lahat na hindi niya ako mahal at isang babae lang ang mahal niya at iyon ay ang girlfriend niya.
Ang nangyari raw sa amin ay bunga lang ng kalasingan naming dalawa.
May problema siya kaya hindi na nagawang mag-isip pa.
Nakabobo man ang dahilan ay wala akong magawa para ipilit ang sarili ko.
Nasaktan ako.
Sobra.
Isa pang naging alalahanin ko ay paano kung mabuntis ako dahil may nangyayari na sa aming dalawa?
Hanggang nalaman ko na lang pala na nagkabalikan na sila ng girlfriend niya.
Tinanggap ko na lang ang katotohanan na wala talagang ibang ibig sabihin ang tungkol sa anong namagitan sa aming dalawa.
Init lang ng katawan na nakuha lang maibsan.
Alam na ni Jelly ang lahat dahil na kwento ko sa kanya kaya naman nagalit siya sa kanyang pinsan. Pero nakiusap na lang ako sa kanya na huwag niya ng awayin dahil kasalanan ko rin naman.
Agad akong bumigay dahil nakakita lang ng pagkakataon.
Pagkakataon na akala ko ay tadhana.
Pagkakataon na akala ko ay kami na.
Hindi naman nagbunga ang nangyari sa amin kaya nag-move on lang ako dahil aminado naman akong ginusto ko rin.
Pero isang araw ay nakatanggap ako ng message request sa akinf social media account at laking gulat ko ng makita kung sino.
Si Lee at nangangamusta.
Gusto ko sanang ignorahin na lang pero mas nangibabaw talaga ang pagmamahal ko sa kanya.
Hanggang sa ganun na naman.
Nag-break na naman pala sila ni Mabel kaya kailangan niya na naman ng taong masasandalan.
Ganun at ganun ang naging setup naming dalawa.
Kapag nagkaka-problema sila ni Mabel ay ako ang magiging shoulder to cry on niya.
Sinasamahan ko siya sa kahit anong trip niya sa buhay.
May nangyayari sa amin pero para hindi ako magbuntis ay gumagamit siya ng condom.
Lagi na rin kaming nag-aaway ni Jelly dahil napakatanga ko nga raw.
Pero anong magagawa ko?
Mahal ko ang pinsan niya kahit alam ko naman na isa lang akong panakip-butas.
Mahal na mahal ni Lee si Mabel. Napakaganda naman kasi talaga ni Mabel.
Matalino at galing sa may sinasabing pamilya sa lugar namin kaya marami rin ang nagkakagusto sa kanya.
Ako?
Ordinaryon dalaga na may ordinaryong mukha na galing sa ordinaryong pamilya.
Wala rin akong tatay.
Naanakan lang din ang nanay ko.
Hindi rin siya pinili ng tatay ko at nagpakasal sa ibang babae.
Pero ganun pa man ay nagsikap din si nanay na pag-aralin ako.
Pero dahil hindi ako matalino ay sumuko na ako sa pag-aaral lalo pa at nakikita kong napapagod na si nanay sa paglalako ng mga kakanin para pag-aralin ako.
Kaya nagtrabaho na lang din ako at tumulong kay nanay sa business niyang kakanin.
Hindi na naglalako si nanay dahil nabilhan ko na siya ng maliit na pwesto sa palengke.
Nang malaman ko na may binebentang pwesto na abot kaya ay walang pagdadalawang isip talaga na nag-loan ako at saka binili ang pwesto para sa mabait at napaka supportive kong nanay.
Si nanay ay hindi ako pinapakialaman tungkol sa lovelife ko kahit alam niya ang tungkol kay Lee.
Panay payo niya lang na matanda na raw ako at alam ko na ang tama at mali.
Wala akong masabi sa nag-iisa kong magulang dahil wala siyang naging pagkukulang kahit lumaki ako na hindi alam kung paano ang pagmamahal ng isang tatay.
Kilala ko naman ang tatay ko pero dahil hindi niya naman ako kinilala kahit pa alam niya ang tungkol sa akin ay hinayaan ko na lang.
Si nanay nga ay hindi naghabol, ako pa kaya?
At saka, anong hahabulin ko gayong katulad lang din naming dukha ang pamumuhay ang pamumuhay ng tatay ko.
Baka kung naging kasing yaman niya si Manny Villar at ang eight division world champion na si Manny Pacquiao ay talagang hindi ako titigil hanggat hindi niya ako kinikilala.
Kaya naman nanahimik na lang ako kahit pa marami akong nais itanong sa tatay ko.
Nakipag-unahan pa akong tumawag ng tricycle na masasakyan para puntahan na si Lee.
Sa sobrang inis kasi sa akin ni Jelly ay talagang iniwan niya na ako at hindi na ako hinintay para magsabay na kami kahit iisa lang ang uuwian naming dalawa.
Tinawagan ko si nanay at sinabi ko na hindi ako makakauwi dahil kina Jelly ako matutulog ngayong gabi para huwag niya na akong hintayin pa.
Medyo madilim na ang paligid kaya nang matapat na ang tricycle sa harap ng bahay ni Lee na nasa unahang bahaginng compound nila ay kitang-kita ko na may ibang tao.
Si Mabel.
Kaya ang tangka ko sanang pagpara para huminto na si Manong ay hindi ko na nagawa.
Nanubig na ang mga mata ko.
Tanggap ko naman kung saan ang lugar ko pero hindi ko pa rin mapigilan ang hindi masaktan.
Lalo ang hindi umiyak.
“Akala ko ba ay kina Jelly ka matutulog?” tanong ni nanay ng pagbuksa ako ng pinto.
Ngumiti ako.
“Naisip ko kasi na mami-miss kita, Ma,” sagot ko sabay yakap kay nanay.
“Naku! Paano mo akong mamimiss kung buong buhay mo at sa araw-araw na ginawa ng Maykapal ay mukha ko ang nakikita mo. Magtigil ka nga, Cherry! Mabuti pa at kumain ka na at gutom lang yan!”
Natawa na lang ako sa naging komento ng nanay ko.
Ganito talaga kaming mag-nanay.
Napaka-cool kasi ni nanay at hindi istrikto. Kumbaga para lang kaming mag-barkada.
Tumuloy ako sa kusina at saka na kumain ng hapunan.
Ngunit habang kumakain ako ay panay ang tulo ng luha ko.
“Hindi naman sibuyas ang ulam natin pero umiiyak ka? Uminom ka ng maraming tubig para hindi ka madehydrate.” Paalala pa sa akin ni nanay ng makita akong umiiyak.
Kumuha lang siya ng isang basong tubig at saka na ako ulit iniwan sa kusina kung saan ako naghahapunan na may kasamang drama.
Pritong tinapa naman ang ulam at hindi nga naman sibuyas pero bakit hindi ko mapigilan na umiyak?