SA loob ng opisina ay pasimple akong nakikinig sa mga usapan mula sa iba kong kasamahan sa aming departamento. Puno ng pag-iingat ang bawat kilos ko lalo na sa tuwing inuutusan ako ni Miss Yna patungo sa iba’t ibang department office. Pinakikiramdaman ko ang buong paligid. So far, wala pa namang nagbabago.
“Hoy, Aaliyah Montenegro! Anong ginagawa mo riyan?”
Hindi ko namalayang bumukas ang pinto kaya bigla akong tumuwid sa pagkakatayo. “A-ah, w-wala po.” Nagpatuloy na ako sa paghakbang. Kanina kasi ay dikit na dikit ang tainga ko sa gilid ng pinto upang mapakinggan ang ano mang pinag-uusapan sa loob ng mismong departamento namin. Galing ako sa marketing office at sumagi sa isip ko na baka tumitiyempo lang ang mga kasamahan ko na lumabas ako upang pag-usapan ang kasal ng apo ng may-ari ng TAC. Tiyak na lulutang ang pangalan ko sa kahit na anong peryodiko at maging sa telebisyon! Hindi ko pa naman pinangarap na maging isang instant celebrity.
“Stop there, Aaliyah.”
Naku po! ‘Tapos na ang maliligayang araw ko!
“Humarap ka sa amin.”
Ito na nga ba ang sinasabi ko, e. Napapikit muna ako bago dahan-dahang humarap. “Jessica, Catherine!” Singhal ko sa dalawang pinipigilang tumawa. “Nakakainis naman kayo! Tinakot ninyo ako ah!” Hinaplos-haplos ko ang dibdib ko. Sa lakas ng kabog niyon parang may ginawa akong di kaaya-aya.
“Ano ba kasi ang ginagawa mo, Aaliyah? Mukha bang may sakit ang pader at halos dikit na dikit ka?” sagot ni Jessica na ginaya pa ang ginawa ko.
“Oo nga, Aaliyah. Iyan tuloy naisipan ka naming biruin,” pagsang-ayon ni Catherine.
“Magkakasakit ako sa puso dahil sa inyong dalawa, e. Ano ba ang ginagawa ninyo sa loob ng marketing office?” Sabay-sabay na kaming na humakbang. “Hindi ko kayo napansin e doon din naman ako galing.”
“Noong lumabas ka ay saktong papasok pa lang kami. Nagulat kami ng makitang hindi ka pa rin umaalis nang makalabas na kami.” Hinawakan siya ni Jessica sa kamay. “May problema ba, Aaliyah?”
“W-wala! Sumakit lang likod ko kaya sumandal muna ako sa pader. Kayo naman kung anu-ano na agad ang iniisip. Ganito siguro talaga kapag nagkakaedad na,” pagak akong tumawa saka bumitaw mula sa pagkakahawak ni Jessica.
“Anong nagkakaedad? 21 ka lang no? Malayo pang magkaroon ka ng rayuma,” sabad ni Catherine.
“Ay, oo nga pala. Ang bata ko pa pala,” peke akong tumawa. “Mauna na pala kayo sa office, may kailangan pa pala akong daanan. Sige, bye!” Hindi ko na hinintay pang sumagot ang dalawa at malalaki ang hakbang na tinungo ko ang kasalungat na direksiyon.
Naubusan na ako ng dahilan sa mga ito at hindi ko na alam kung paano pa sila kakausapin. Masyado na yata akong paranoid. Ang dami kong iniisip na hindi naman dapat. Sinipat ko ang wristwatch ko. Maglalakad-lakad na lang muna ako tutal ‘tapos na ako sa lahat ng mga gawain ko sa trabaho.
Dinala ako ng mga paa ko sa rooftop. Pagbukas ko ng pinto ay agad na sumalubong sa akin ang malakas na hangin. “Wow!” Napanganga ako sa tumambad sa akin.
Kailan nga ba ako huling napatambay dito?
Ang dating isang mahabang monoblock na upuan ngayon ay napalitan na. May mga halaman na sa bawat sulok na parang maliliit na puno ng niyog. May mga flowering plants din na agad na nakakuha ng atensiyon ko. Hindi ko napigilang lapitan ang pulang rosas na na tila bago pa lang namumukadkad saka sinamyo.
So sweet. Parang nagbalik ako noong bata pa ako na hobby ko ang maghanap ng bulaklak para lang amuyin. “Oh!” Saglit ko lang ipinikit ang mga mata ko ngunit pagmulat ko ay may dalawang pares ng mata ang nakatutok sa akin. “S-sino ka?!”
Ngimisi lang ito saka tinitigan ang bulaklak na hawak ko. “Ikaw, ano ang ginagawa mo rito?” Sinipat nito ang suot ko at tumigil sa ID ko. “So, sa admin ka pala nakadestino.” Itinuwid na nito ang kalahating katawan mula sa pagkakayuko. “Kung ako sa iyo, babalik na ako sa workplace ko at magtatrabaho kaysa naman madiskubre ng head ng department ninyo na kung saan-saan ka pumupunta sa oras ng trabaho.”
Matangkad ang lalaking nasa harap ko. Maskulado rin ang katawan na bakat sa suot nitong puting long sleeve at itim na pants. Mukha rin naman siyang mayaman. Pero… mabait kaya siya?
“Are you done examining me?” Pilyo siyang ngumiti sa akin. “What do you think, pasado na ba ako sa iyo?” Muli itong yumuko upang ilapit ang mukha sa akin.
“H-hindi no!” Umatras ako ngunit hindi ko inaasahan na mawawalan ako ng balanse. Ang inaasahan kong pagtumba ay hindi nangyari dahil sa dalawang bisig na pumalibot sa baywang ko. “B-bitiwan mo ako,” ani ko. Saglit na nagkatitigan kami at hindi ko na kakayanin kung magtatagal pa. “Hindi ako makahinga ng maayos.” Umiwas na ako ng tingin.
“Oh,” marahan niya akong binitiwan saka mahinang tumawa.
“Aalis na ako, sa susunod huwag ka rin tumambay dito kundi isusumbong din kita sa superior mo.” Inirapan ko siya saka mabilis na humakbang patungo sa pinto. Hindi ko na siya nilingon at baka makita ko na naman ang pilyo niyang ngiti.
Hay naku!
Wala sa listahan ng pinapangarap kong prince charming ang lalaking mukhang luko-luko. Mas gusto ko ‘yong mabait at gentleman kahit hindi na mayaman. Ang yaman ay pinaghihirapan pero ang ugali mahirap baguhin. Malakas akong bumuntong-hininga.
“Aaliyah?”
Agad akong lumingon sa likuran ko. “S-Sir Winderson!” Mabilis akong tumungo nang makita ito kasama ang dalawang lalaki na tila bodyguards nito. “Good morning po!”
“You don’t need to be formal, iha. Iwan ninyo muna kami.” Narinig ko ang mga yabag na papalayo. “Aaliyah,” Iginiya niya akong mag-angat ng tingin. “Kumusta ka na? Huwag kang mag-alala, umalis na ang mga bantay ko. Alam ko naman na hindi ka pa sanay na nakikita ako rito sa company.”
“Sir Winderson – “
“Hindi ba, sabi ko sa iyo na lolo na lang itawag mo sa akin?” Lumitaw ang ngiti nitong nakakahawa.
“Pasensiya na po kayo, Lolo Winderson. Hindi pa rin po ako sanay na tawagin kayo ng lolo kapag nandito sa trabaho. Paano po kapag may nakarinig sa akin? Baka po isipin nila, lihim ninyo akong apo ‘tapos mag-iiba ang pakikitungo sa akin ng mga office mate ko. Ayoko po ng ganoon.” Natigil ako nang marinig ang malakas na halakhak ni Lolo Winderson. “Lo, bakit po?”
Tinapik-tapik niya ako sa balikat. “Nakakatuwa ka talagang bata ka. Huwag kang mag-alala, walang ibang makakaalam na magiging apo na kita soon hangga’t hindi ka komportable. Iginagalang ko ang desisyon at nararamdaman mo.”
“Salamat po, Lolo Winderson.”
“Hindi ka ba busy sa darating na Sabado? Gusto ko sana na ipakilala na kita sa apo ko nang sa ganoon ay makilala rin ninyo ang isa’t isa. Doon din naman kayo tutungo kaya mas mainam sana na magkita na kayo ng mas maaga. Magkakaroon pa kayo ng sapat na panahon upang matutunan na pakisamahan ang bawat isa.”
“S-sabihin ko po kina lolo para makapaghanda po kami.”
“Wait – how about I’ll bring Vince to your house para pormal na kaming mamanhikan.”
“Po?! Ma-mamanhikan po kayo?”
“Of course, iha. Ako na lang ang tatawag kay Ramon para wala hindi ka na maabala.”
Oh, my God! Napanganga na lang ako. Seriously?