TULALA akong napaupo sa dulo ng mahabang sofa. Hindi ko na maintindihan pa ang pinag-uusapan nina lolo at Sir Winderson dahil wala ng ibang pumapasok sa isipan ko kung hindi ang sinabi niyang ‘Welcome to the Arguelles Family’. Tila paulit-ulit ‘yong umuukilkil sa utak ko.
Paano nangyari ang ganoong bagay? Wait, ako ba talaga ang magiging bahagi ng pamilyang Arguelles?
“Aaliyah, iha, mauna na kami.”
“M-mauna po?” Ramdam ko ang pamimilog ng mga mata ko dulot ng pagkalito.
“Uuwi na ako kasama ng sekretarya ko,” nakangiti nitong sagot. “Bibisita ulit kami rito kapag maluwag ang schedule ko.” Sunud-sunod na nagmano ang mga kapatid ko at niyakap ng matanda sina mama at papa. “Paano, Ramon? Maglaro na lang tay ulit sa susunod kong pagbisita rito o maaari kayong pumasyal sa mansiyon para naman makita ng pamilya ninyo ang ipinagmamalaki kong tahanan,” mahabang sabi nito.
“Huwag kang mag-alala, kapatid, Pupuntahan ka namin. Aaliyah?” ani ni lolo.
“L-lo?”
Ngumuso ito. “Nagpapaalam na ang Lolo Winderson mo.”
“Ah – “ Dali-dali akong lumapit saka nagmano kay lolo Winderson at siya na mismo ang yumakap sa akin. “Ingat po kayo, Sir – Lolo Winderson.”
Tumango ito saka umalis na kasama ng sekretarya nito na mataman lang nakinig at nakatingin sa buong oras na nag-usap sina lolo at ang may-ari ng The Arguelles Corporation.
Nanlalambot akong naupo. Hindi ko namaramdaman ang pagdaloy ng dugo sa mga ugat ko. Pakiwari ko, bigla akong nawalan ng lakas.
“Congrats, Ate!” sabay-sabay na wika ng mga kapatid kong kulang na lang ay maging bituin sa kalangitan ang mga mata.
“Ano ba naman kayo? Nakikita ninyo ba kung ako ang hitsura ng ate ninyo? Doon na nga kayo sa kusina, ayusin ninyo ang hapag-kainan!” Binulyawan ni mama ang tatlo kong kapatid. Ngingiti-ngiti lang na sumunod ang mga ito. Sabay naman na tinabihan ako ni mama at papa habang nasa harap ko naman umupo si lolo.
“Aaliyah?” si Papa na hinahaplos na pala ang likod ko. “Okay ka lang ba, anak? Pasensiya ka na at hindi agad namin nasabi sa iyo. Lagi ka kasing abala sa trabaho at ayaw naming makaabala.”
Isa-isa ko silang sinulyapan. Kahit anong tingin ang gawin ko, iisa lang ang ekspresyon ng mukha nila. “For real? Lolo, Ma, Pa! Bakit naman tinotoo ninyo ang prank ninyo sa akin? H-hindi ko tuloy alam kung paano haharapin si S-Sir Winderson! Ma, Pa, Lo, boss namin iyon sa kompanyang pinagtatrabahuhan ko. Dati excited ko siyang makita sa department namin pero ngayon, parang ayaw ko ng pumasok!”
“Apo – “
“Lo, hindi ninyo naman ako inabisuhan agad na… magiging Arguelles pala ako pagdating ng panahon. Kailan po ba nauso ang arrange marriage? Hindi na po ‘yon uso ngayon – “
“Aaliyah,” maawtoridad na tawag sa akin ni mama. “Makinig ka muna sa sasabihin ng lolo mo. Please?”
“Sorry po. Feeling ko kasi, ipinamimigay ninyo na ako sa mga Arguelles. Imagine po, si Sir Winderson pa mismo ang pumunta rito sa bahay natin para lang hingin ang kamay ko – p-para sa apo niya? Bakit po hindi ang apo niya ang pumunta?”
Nakakunot ang noo na tinitigan nila ako saka sabay na tumawa ng malakas.
“Iyon ba ang iniisip mo, anak kaya ka nawala sa sarili mo kanina?” Pigil ang tawa na tanong ni mama.
“Mama naman…”
“Joke lang, anak. Alam naman namin ang nararamdaman mo. Hayaan mo muna ang lolo na magpaliwanag.” Matamis na ngumiti si mama.
“Sige po.”
“Apo, naaalala mo pa ba noong bata ka pa lang? Madalas kong ikuwento sa iyo ang tungkol kay Winderson na kaibigan ko. Minsan pa nga ay isinama kita sa building na pinagtatrabahuhan mo ngayon.” Tumango ako. “Winderson and I were like real brothers. Simula bata pa lang ay kilala ko na siya at bata pa lang kami ay nangako na kami sa isa’t isa na pagdating ng panahon, may magdudugtong ng pagkakaibigan namin.”
“At iyon ang pagpapakasal ko sa apo niya?”
Ngiti lang ang itinugon ni lolo. “Gusto naming mapagtibay pa ang relasyon ng pamilya natin sa mga Arguelles. Nabanggit ni Winderson na nag-iisa lang siya sa kanyang mansiyon dahil na rin sa maagang namayapa ang kanyang asawa at ang kayang anak ay walang sawa na naglulustay ng perang pinaghirapan niya. Ang tanging hiling niya na lang habang nabubuhay pa siya ay makasama ang apo niya; sa pamamagitan mo.”
“Pero ‘lo, hindi ko man nga kilala ang apo niya. Paano na lang kung masama pala ugali no’n ‘tapos saktan ako? Maaatim ninyo bang mangyari ‘yon sa akin?” Pinalungkot ko ang mukha ko. “Akala ko ba ako ang pinakapaborito mong apo, ‘lo?” Tumungo ako at nagkunwaring umiiyak. “Paano na ang mala-fairytale kong pangarap na makapag-asawa ng gwapo, maskulado, matangkad, mayaman at mabait na prinsipe ko? Baka hindi na rin ako mabiyayaan ng mga mala-celebrity na anak dahil – “
“Lahat ng katangian na hanap mo ay taglay ng apo ni Winderson, apo.”
“A-ano po?” Mariin akong napalunok.
“Gwapo, maskulado, matangkad, mayaman si Vince. Hindi lang ako sigurado sa aspetong mabait. Pero sa pagkakaalala ko, Mabuti siyang tao kaya wala kang dapat ipag-alala.”
Shit! Para akong ginisa sa sarili kong mantika. “Iyon naman pala, ‘lo. Hindi pa rin sure na mabait siya. Mabuti lang, magkaiba ng spelling so, hindi talaga siya pasok sa panlasa ko,” pagdadahilan ko pa.
“Magiging mabait din siya lalo na at isang katulad mo ang mapapangasawa niya. Knowing his family background, mababait naman sila kahit na may kalokohang taglay ang anak ni Winderson na si Vicente.”
“May kasabihan nga tayong kung ano ang bunga ay siyang bunga. Paano na lang kung naman ng apo ni Lolo Winderson ang pagiging luko-luko ng ama niya. Kawawa naman ang apo ninyo, ‘lo. Lolokohin lang niya ko ‘tapos uuwi akong luhaan dito sa bahay. Gusto ninyo bang mangyari iyon?” Sana lang talaga effective ang mga pinagsasabi ko.
“Palalabasin lang natin na arrange marriage ang mangyayari ngunit may kontrata kang pipirmahan.” May inabot na envelope si papa kay lolo. Binuksan iyon ni lolo saka ibinigay sa akin. “Basahin mo, apo.”
Unti-unting namilog ang mga mata ko sa natuklasan. Malaking pera ang katumbas ng pagpapakasal ko sa apo ni Lolo Winderson. Maaari na akong mamuhay habang buhay ng walang trabaho. Shocks! Is this for real? Kung anu-ano na ang tumatakbo sa isipan ko. Makakabili na ako ng malaking bahay, makakapagnegosyo at makakatulong ako na mapagtapos sa ag-aaral ang mga kapatid ko at makakapag-travel pa ako saan ko man gustong pumunta!
“Ano sa tingin mo, anak,” mahinang tanong ni mama.
“H-hindi po ba i-iisipin ng mga Arguelles na mukha akong pera?” Pilit kong kinalma ang excitement na nag-uumapaw sa buong katawan ko.
Nagkatinginan sina mama at papa samantalang nakangiti lamang si lolo. Ako naman ay gusto ng sumigaw dahil sa sari-saring damdamin ang tila nag-aaway-away sa loob ng dibdib ko.
“Balewala lang ang pera kay Winderson, believe me, apo.”
“Bakit ngayon ninyo lang po sinabi sa akin ang lahat ng ‘to?” Bigla akong tumayo na nakapamaywang. “So, kailan po ang kasal?”
Bagama’t nagtatakang nagkatinginan silang tatlo ay nakangiti naman na silang pinagmasdan ako.
Bahala na!