AKO si Aaliyah Montenegro, 21 years old at panganay sa apat na magkakapatid. Ang mga magulang ko ay parehong guro sa isang pambulikong paaralan ng elementarya sa aming bayan. Nasa kolehiyo ang sumunod kong kapatid na si Keifer at ang dalawa naman na sina Santi at Trisha ay nasa high school.
Mula noong makatapos ako sa kolehiyo sa kursong Business Administration ay agad akong nag-apply sa kompanya na pinapangarap kong pagtrabahuhan. The Arguelles Corporation.
Bata pa lang ako ay laman na ng mura kong isipan ang mga kwento sa akin ni Lolo ang tungkol sa naglalakihang gusali na pagmamay-ari ng kanyang kaibigan. Hindi naman ako naniniwala sa kanya noong una dahil alam ko naman na mahilig lang si Lolo magkwento hanggang dumating ang isang araw na dinala niya ako sa napakatayog na building. Ang sabi niya ay ipapakilala niya raw ako sa kaibigan niya. Dahan-dahan ko pang binasa ang pangalan niyon, The Arguelles Corporation.
“Lolo! Natanggap ako!” sigaw ko pagkatapos kong mabasa ang mensahe na nasa mobile phone ko. “Ang sabi pa nang nag-interview sa akin, ang galling ko raw sumagot sa mga tanong. Parang pinag-aralan ko raw!”
“Siyempre, kanino ka pa ba magmamana?” Nakangiti siyang kumindat sa akin.
Iyon ang madalas na sinasabi sa akin ni lolo sa tuwing may naa-achieve ako. Very close ako sa kanya palibhasa ay unang apo ako.
Sa unang araw ko sa trabaho ay sobrang excited ako dahil hindi na isang pangarap ang tinitingala kong mga gusali. Totoo na makakapagtrabaho na ako sa dream job ko. Walang araw na hindi ako masigla dahil araw-araw akong natuto sa paggabay ni Miss Yna, head ng administration department.
Mabilis din ako nagkaroon ng mga kaibigan na sina Catherine at Jessica kaya kahit mag-overtime ako sa trabaho ay ayos lang. Nag-e-enjoy kasi talaga ako sa ginagawa ko hanggang sa isang hapong umuwi ako ng bahay; simula na pala iyon ng pagbabago ng buhay ko.
“Lolo, huwag Ninyo naman pong gawing biro ‘yan. Bata pa po ako at – “ Natigilan ako nang marahang tumango sina Mama at Papa. Kasalukuyan kaming nasa dining. “Ma, Pa? Pati ba naman po kayo?” Umiling ako. Tumalikod ako upang kumuha ng tubig mula sa ref. “Alam ko na ‘yang ganyang technique ninyo e. Pina-prank ninyo ako, no?”
“Mama, Papa, may dalawang tao po sa labas!” sigaw ni Trisha na galing sa sala. “Hinahanap po si Lolo.”
Sabay na umahon sa upuan sina Lolo at Papa. Makahulugan naman akong tiningnan ni Mama pagkatapos sundan ng tingin ang dalawa.
“Bakit, Ma? Bakit parang nalugi ang hitsura mo?” tanong ko saka umupo na sa pwesto ko. Inabot ko ang bandehadong puno ng kanin kasunod ng adobong manok na niluto ni Mama. “Kilala ninyo po ba ‘yong tao sa labas?”
Marahas itong nagbuga ng hangin. “Aaliyah, hindi nagbibiro ang Lolo mo sa sinabi niya kanina.”
Naiwan sa ere ang hawak kong kutsara. Napatitig ako kay Mama. Seryoso ang mukha nito na matiim na nakatingin sa akin.
“A-ano po ang ibig ninyong sabihin?”
“Anak – “
“Mama, Ate Aaliyah,” sabad ni Santi. “Ipinapatawag po kayo ni Lolo sa sala.
May kahulugan na namang sumulyap sa akin si Mama. Ang kanina na tuwang nararamdaman ko ay bigla na lang naglaho dahil sa posibilidad na hindi biro ang sinabi ni lolo. Bumangon ang kaba sa dibdib ko. Pakiramdam ko biglang sumikip iyon dahil sa malakas na pagkabog ng puso ko.
Sinenyasan ako ni Mama na sumunod. Maingat kong ibinaba ang kutsara at tinidor sa plato ko saka tumayo. Si Keifer ay naiwan sa hapag-kainan at nginitian lang ako. Nang dumaan ako sa kanya ay marahan niyang tinapik ang balikat ko. Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa o hind isa ginawa niya.
“Ate,” tawag pa niya sa akin. “Kaya mo ‘yan.”
Napataas ang kilay ko sa sinabi niya. “Mukha na ba akong sisintensiyahan? Mukha ba akong kriminal sa iyo?”
Nanlaki ang mga mata nito. “Sinabi ko ba ‘yon? Ang ibig ko lang naman sabihin, kaya mo ‘yan kahit ano pang problema ‘yan. Basta, nandito lang ang pogi mong kapatid para suportahan ka.” Kumindat siya kasabay ng pagkagat ng ibabang labi.
“Ewan ko sa iyo,” Inirapan ko siya na may ngiti sa labi. “Libre mo ako mamaya ng ice cream ha?” Nang tumango ito ay iniwan ko na siya at nagtungo na sa sala kung saan sabay-sabay na nagawi sa akin ang atensiyon ng lahat.
“Iha,”
Bigla akong napahinto. Hindi ko maaaring maipagkamali ang boses na iyon. “S-Sir?” Matagal ko ng hindi naririnig ang tinig nito at kahit na ganap na akong empleyado sa kompanyang pag-aari nito ay hindi ko pa siya nakikita roon.
“Naaalala mo pa ba ako?”
Isa-isa kong sinulyapan sina lolo, mama at papa. “O-opo.”
“Mabuti naman kung ganoon.” Ang ngiti nito ay umabot hanggang tainga. “Masaya akong makita kang muli, Aaliyah.”
“Ako rin po, Sir Winder – “
“Lolo na lang ang itawag mo sa akin. Iyon naman ang tawag mo sa akin noon pa ‘di ba?” Nakakahawa ang ngiti niyang hindi mawala-mawala sa labi.
“S-sige po, l-lolo.” Huli ko na na-realize ang sinabi niya.
“That’s good to hear, iha. Alam mo matagal ng walang tumatawag sa akin ng ganyan dahil mag-isa lang ako sa mansiyon. Kaya nga nandito ako para makita at makumusta ka.” Nilinga nito ang mga taong nasa paligid. “Aaliyah, nandito ako upang pormal na hingin ang kamay mo.”
Tumigil yata ang pag-ikot ng mundo ko. Ibig sabihin, hindi nagbibiro si lolo? “A-ano po ang sinabi ninyo, S-Sir?” Gusto kong makasiguro sa narinig ko.
“Hindi pa ba nasabi sa iyo ni Ramon?” Bumaling ito kay lolo.
“Hindi siya naniniwala sa akin, kapatid. Akala niya ay nagbibiro lang ako,” maagap na wika ni lolo.
“Maniwala ka, iha. After a few months ay magiging ganap ka ng Arguelles.” Tumayo ito saka nilapitan ako. “Dapat sana ay pagka-graduate mo ng college ngunit hiniling ni Ramon na hayaan ka munang mag-enjoy san trabaho mo bilang single.”
“H-ho?” Hindi pa rin nagiging malinaw sa isip ko ang mga deklarasyon niya.
“Hindi pa man nangyayari ang kasal ay gusto na kitang batiin, iha.” Marahan na tinapik niya ang balikat ko. “Welcome to the Arguelles Family, Aaliyah,” pagkasabi ay agad niya akong niyakap.