MALAKAS AKONG nagbuga ng hangin. Matapos ang isang linggong pagbabakasyon ay balik trabaho na ako sa opisina. In fairness, sobrang na-miss ko agad ang magtrabaho. Kung hindi nga lang ako pinilit ng mga magulang ko ay hindi ako magbabakasyon. Ayaw kong lumiban ng pasok sa trabahong pinangarap ko. Galing lang ako sa simpleng pamilya na may katamtamang estado sa buhay. Hindi kami mahirap at hindi rin kami mayaman. Noong nag-aral ako ng college, ang tanging pangarap ko lang ay makapagtrabaho sa isang kilalang kompanya kahit ano pa ang maging posisyon ko. Isa akong admin assistant at masaya ako sa trabaho ko. Mababait ang mga kasamahan ko lalo na ang senior ko na si Miss Yna. Matiyaga niya akong tinuruan at inalalayan hanggang sa maging assistant niya ako.
“Good morning, Aaliyah! Kumusta ang bakasyon?” Nakangiting sinalubong ako ni Jessica. “Mukhang nakapagpahinga ka ng maayos ah! Blooming ka!”
Nakagat ko ang ibabang labi ko saka inirapan siya. “Blooming talaga?”
“Tiningnan mo na ba ang mukha mo sa salamin? Aakalain mong galing ka sa isang honeymoon.”
“Hindi ah!”
“Joke lang naman. Ikaw talaga, hindi ka na mabiro.”
“Hi-hindi naman kasi talaga totoo.”
“I know, I know. Masyado ka naman kasing defensive.” Humakbang na siya papasok sa pinto ng aming opisina na sinabayan ko naman. Nilapit niya ang mukha sa akin. “Wala man lang bang pasalubong para sa akin?” bulong niya na hindi nawawala ang ngiti sa labi.
“Sorry, nakalimutan ko,” apologetic kong sabi.
“Aaliyah! Nandito ka na pala!” malakas na sigaw ni Miss Yna. Nagsilingunan ang iba ko pang katrabaho at nakangiting binati ako. Masaya ko silang tinugon. “Bigla kitang na-miss. Alam mo bang napagkakamalan ko silang ikaw dahil ikaw lagi ang hinahanap ko? Masyado mo na yata akong sinanay eh.”
“Naku, Aaliyah! Natatawa na lang kami kapag tinatawag niya kami sa pangalan mo. Talagang wala pang makakapalit sa galing ng trabaho mo sa amin. Ikaw ang laging hinahanap ni Miss Yna eh,” wika ni Stephanie.
“Huwag ninyong sabihin ‘yan. Kung ano ang ginagawa ninyo ngayon, diyan din naman ako nagsimula. Hindi malayong mararating ninyo rin ang narating ko ngayon.”
“Pero siyempre, tutulungan mo kami ‘di ba?” sabad ni Catherine.
“Oo naman!”
Sabay-sabay pang nagpalakpakan ang mga katrabaho kong walang kasing-bait na tulad ni Miss Yna. Maganda ang pamamalakad niya sa departamento naming. Walang sapawan, walang inggitan at walang alitan. Lahat nagtutulungan.
“Treat ko kayo mamayang lunch. Hindi kasi ako nakabili ng pasalubong sa inyo.”
“Wow, talaga?” sabay-sabay na sabi ng mga ito.
“Narinig ninyo naman ang sinabi ni Aaliyah kaya magtrabaho na tayo para masulit natin ang libre niyang lunch mamaya,” ani ni Jessica kasunod ng pagkindat niya sa akin.
“Aaliyah, let’s talk on my desk. May kailangan akong i-discuss sa iyo.” Tumango ako nang tawagin ako ni Miss Yna. Sumunod ako kay Miss Yna habang nagkanya-kanya ng tinungo ang mga mesa nila. Isa lang ang ibig sabihin niyon, handa na silang sumabak sa panibagong araw ng trabaho.
“Yes, Miss Yna?” Nasa harap na ako ng mesa niya.
“Tamang-tama ang pagbalik mo sa trabaho, Aaliyah. May kailangan tayong tapusin na mga document bago dumating ang papalit na CEO.”
“Papalit na CEO?”
“You heard it right, Aaliyah. May bago ng CEO ang darating this week. Gusto ni Mr. Winderson na mas maagang maayos ang lahat ng mga dokumentong kailangan niyang pirmahan bago mangyari ang transition. Medyo istrikto ang papalit sa kanya eh.”
“Ganoon po ba? Bakit po papalitan si Mr. Winderson? May sakit po ba siya? Sa pagkakaalam ko po kasi ay maganda naman ang pagpapatakbo niya ng kompanya.” Sa apat na taon kong pagtatrabaho sa Arguelles Corporation ay wala akong nabalitaan na pinabayaan ng acting CEO ang kompanya. Mabait ito sa lahat ng mga empleyado at bagama’t at halatang hindi stress sa pagtatrabaho.
“Hindi ko pa alam ang buong detalye. Pero dahil iyon ang desisyon ng management, wala tayong magagawa.”
“Sana lang, mabait ang pumalit kay Mr. Winderson para hindi tayo maging aligaga. I mean, mas masaya kasing magtrabaho kapag katulad ni Mr. Winderson ang CEO. Hindi tayo kailanman nataranta.”
Makahulugang ngumiti si Miss Yna. “Gusto ko ‘yang sinabi mo. We’ll see kung anong klaseng CEO ang papalit sa kanya. We have four days to finish all the pending documents. Ire-review lahat iyon sa ikalimang araw. Posible tayong magkaroon ng pasok sa darating na Sabado kapag bigla na lang magpatawag ng meeting ang bagong CEO.”
“Sabado? Seryoso po kayo, Miss Yna.” Hindi ako makapaniwala. Siguradong magkakaroon ako ng problema kapag may pasok ako sa araw ng Sabado. Tiyak na magkakaroon ako ng alitan sa taong kasama ko sa tinitirhan kong bahay.
“Well, hindi natin masasabi. Mukhang bata pa ang bagong CEO at workaholic daw ito kaya hindi malayong papasukin tayo kahit na weekends.”
“Alam ninyo po ba ang panagalan ng bagong CEO?”
“If I’m not mistaken, Vince yata ang pangalan niya. Teka, may sinulat nga pala ako sa notes ko noong nakaraang meeting namin.” Hindi ko alam kung bakit tila bigla akong kinabahan. Hindi naman siguro ang lalaking iyon ang tinutukoy ni Miss Yna. “Heto na. Muntik ko ng matamaan. Vincent Arguelles ang bagong CEO ng Arguelles Corporation.”
Tama ba ang dinig ko? Vincent Arguelles ang pangalan ng papalit na CEO sa kompanyang pinagtatrabahuhan ko?
“Twenty nine years old lang siya. Napakabata para sa isang CEO ng isang malaking corporation business. Well, kung sabagay matalino at talagang mahusay ang pamilyang Arguelles. Tingnan mo nga ang chairman na si Sir Joseph. Matanda na ngunit wala pa ring kakupas-kupas pagdating sa pasikut-sikot ng kompanyang itinayo niya.”
“Kaano-ano po ni Chairman ang bagong CEO?”
“Apo niya. Ang galing ‘no? Tiyak na magaling siya. Base sa kwento ng ilang departments head, nagawa niyang pamahalaan ang negosyo nila sa Amerika. Swerte ang magiging asawa ni Vincent. Wala ka ng hahanapin pa.”
“Hindi rin,” wala sa sarili na sabi ko.
“May sinabi ka?”
“Ah, w-wala po, Miss Yna.”
“Here are the files.” Inabot niya sa akin ang isang pile ng mga papel. “Alam mo na ang gagawin mo riyan. Sinabihan ko na sila Jessica na tulungan ka kapag kailangan mo. I know you can do it, Aaliyah. I have so much trust in you.”
“Salamat po sa tiwala, Miss Yna.” Tumungo ako kasabay ng pagkuha ng mga papel. “Pupunta na po ako sa desk ko.”
“Okay.”
Bakit si Vincent pa ang papalit na bagong CEO? Bakit sa mismong pinapasukan ko pa? Mababaliw na yata ako sa mga susunod na araw! Bakit ang lalaking iyon pa?
“Aaliyah, okay ka lang?” tanong ni Jessica na nakataas ang isang kilay. “Mukhang gigil na gigil ka sa mga papel na hawak mo.”
Doon ko napansin na bahagyang nagusot ang ilang folders. “Ah, hindi. Bigla kasing nangati ang likod ko kaya nabunton ko sa hawak ko.” Palusot ko.
“Sige, kamutin ko na lang.” Akma na siyang tatayo nang pigilan ko.
“Hindi na, Jessica. Okay na ako. Nawala na rin naman. Salamat.”
“Okay.” Nginitian ko si Jessica.
Kailangan kong makausap ang Vincent na iyon pag-uwi ko ng bahay! Hindi niya maaaring panghimasukan ang buhay ko sa trabahong pangarap ko!