06 – The First Move

1307 Words
06 – The First Move Maluha-luha akong pumasok sa opisina dahil sa hapdi ng mga mata ko. Hindi ko alam kung umabot ba ng tatlong oras ang tulog ko; putol-putol pa. Paano ba naman kasi, makailang beses kong inayos ang minutes ng meeting kahapon. Ang nakakainis pa ay kahit simpleng spacing at nakaligtaang tuldok ay pinapaulit pa sa akin, na kung tutuusin ay pwede naman siya na lang ang gumawa. Liban pa roon ay kinailangan ko ring gumising from time to time para i-check si Eros dahil hindi pa nawawala ang lagnat niya. Nahirapan din itong matulog kagabi dahil sa labis na init. Madaling araw na yata humimbing ang tulog niya at doon na lang din ako nakatulog nang maayos. Pero ilang sandali lang matapos kong makatulog ay tumunog na ang alarm ko. Habang nasa elevator ako ay t-in-ext ko si Jen para kumustahin ang anak ko. Nahihiya man dahil sa sinabi sa akin ni Thadeus kahapon ay wala akong ibang pagpipilian kundi ang iwan ang anak ko sa kanya dahil wala na akong ibang malalapitan pa. ‘Okay lang si Eros, sis. Punta rin daw rito ang Tito Daddy niya mamaya,’ reply niya sa akin kaya kahit papaano ay napanatag ako. Itinago ko na ang cellphone ko nang makarating ako sa top floor. Mahirap na baka makita pa ako ni Thadeus na nagce-cellphone ay pagalitan na naman ako. Lahat na lang yata ay nakikita ng lalaking ‘yon. “Good morning, Lorraine,” masiglang bati ni Ashley. “Laban na naman today,” makahulugang sabi niya. Napangiti na lang ako. “Good morning, Ash. Laban talaga. Araw-araw laban,” tugon ko at tumuloy na sa loob. Pagkaupo ko sa desk ay tiningnan ko kung anong oras na, baka kasi late ako. Last time, kahit isang minuto lang akong late ay pang-isang oras ang sermong natanggap ko sa boss kong papalit yata sa trono ni Satanas. Hindi ko nga alam kung umuuwi pa ba siya ng bahay niya, dahil hindi ko pa siya nakitang na-late kahit isang beses lang. Palagi siyang nauuna sa amin ni Ashley. “7:58 AM,” sambit ko. At least maaga ako nang dalawang minuto. Binuksan ko na ang desktop ko at sinimulang gawin ang daily tasks ko. Ako ang nagfi-filter ng mga ipinapasang files ni Ashley. Trabaho ko ang i-arrange ang mga ito mula sa least important to the most urgent. “Lorraine, bring me a cup of black coffee,” utos niya sa akin mula sa intercom. “Bring it in five minutes.” Napairap na lang ako sa hangin bago mabilis na kumilos. Agad akong pumunta sa pantry at pinagtimpla siya ng kape. Binilisan ko ang kilos ko dahil five minutes is five minutes. Ewan ko ba, napakapartikular niya sa oras. Nang maitimpla ko na ang kape niya ay pumasok na ako sa loob ng opisina niya. Pagtingin ko sa mesa niya ay tambak na naman ang binabasa niyang files at kaharap niya ang laptop niya. Ewan ko ba, parang hindi humuhupa ang mga binabasa niyang documents. Iniwan ko lang ang kape niya sa mesa ng mini living room ng opisina niya. “Sir, heto na po ang kape n’yo,” sabi ko at akmang lalabas na sana nang tawagin niya ako. “Stay for a while, Lorraine,” aniya bago siya tumayo. Inalis niya ang ash gray coat niya. At habang lumalapit siya sa akin ay itinaas niya ang sleeves ng puting long-sleeves niya. Unang beses ko siyang makitang magtanggal ng coat. At kahit hindi ko intensyong tumingin ay hindi ko maiwasan lalo na’t kita ko kung paano humulma ang dibdib at mga braso niya sa suot niyang damit. Hindi ko tuloy mapigilang maikumpara ang katawan niya noon at ngayon. Mas lumapad at lumaki ang katawan niya kumpara dati. “Sit,” utos niya sa akin. Daig ko pa ang aso sa bilis ng pag-upo ko na para bang awtomatikong gumalaw ang katawan ko pagkatapos kong marinig ang utos niya. “You can start your task tomorrow,” aniya bago sumimsim ng kape. Nakatingin sa akin ang mga mata niyang sumasalamin sa malalim na karagatan. “And I’m expecting a result in a few weeks. Even a piece of information is enough. Those pieces, when put together, can soon lead me to where that woman is.” Napalunok ako sa tono ng pananalita niya. He sounded so dangerous and desperate. Well, I totally understand where’s his desperation is coming from. Nakasalalay sa akin ang mana niya—nakasalalay sa anak namin. “Okay, sir. I’ll do my best,” tugon ko sa kanya. “As you should.” Muli siyang uminom ng kape. “Now, get out,” pagtataboy niya sa akin. Mabilis akong tumayo at nilisan ang opisina niya. Ayoko rin kasing magtagal doon. Pakiramdam ko’y minamanmanan ako ng isang mabangis na leon na handa akong lapain anumang oras. Pagkabalik ko sa desk ko ay hindi ko mapigilang mag-isip kung paano ko isasagawa ang plano ko. Hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon ay wala siyang lead sa kinaroroonan namin. Ang impormasyong meron siya tungkol sa akin ay ang pangalan lang ng bar na pinagtrabahuan ko at araw kung kailan kami nagkita. Liban doon ay wala na. Sinabi niya ay nag-hire na rin daw siya ng mga investigator pero walang nangyari. Siguro dahil walang masyadong nakakakilala sa akin. Kapwa dayo rito sa Maynila ang mga magulang ko. Galing silang probinsya. Sa pagkakaalam ko ay sa Mindanao ang probinsya ng papa ko at hindi kami kailanman nakapunta roon dahil malayo at magastos. Nawalan na rin kami ng komunikasyon sa mga kamag-anak ko roon mula nang mamatay si Papa noong walong taong gulang pa lamang ako. Si Mama naman ay galing ng Cebu. Kilala ko ang mga kamag-anak ko roon, pero hindi ko magawang lumapit sa kanila dahil galit sila kay Mama. Ito kasi ang inaasahan nilang tutulong sa kanilang makaahon sana sa kahirapan, pero maaga itong nag-asawa. Namatay ang mama kong walang kadugong nakiramay. Ako lang ang nagluksa sa pagkamatay niya. Napakalungkot ng buhay ko sa totoo lang. Pero hindi ko kailanman naramdamang mag-isa ako dahil dala-dala ko ang alaala ng mga magulang ko, pati na rin ang mga pangarap nila. Blessed din ako sa mga kaibigan ko. Bilang lang man sa aking mga daliri sa kamay ay sigurado naman akong tunay na maaasahan at malalapitan. Siguro ang naging karanasan ko rin ang rason kung bakit ako nagpupursige nang husto para mabigyan ng magandang buhay ang anak ko. Siguro kaya hindi ko inasa kay Thadeus at sa pamilya niya ang buhay ng anak ko. Ang dami ko nang isinakripisyo para kay Eros, kaya hindi ko hahayaang makuha siya ng walang kwenta niyang ama na ang tanging habol lang ay ang pamana ng namayapa nitong ama. Nakaya kong itaguyod ang anak ko noon, kaya sigurado rin akong kaya ko rin ngayon. Natigil ako sa pagmumuni-muni nang marinig ko ang boses ni Thadeus sa intercom at may iniutos na naman sa akin, and of course, as always—madalian. Kaya mabilis akong tumayo para gawin ‘yon. Habang patagal ako nang patagal dito ay unti-unti kong naiintindihan kung bakit nakuha ako sa napakagandang kompanyang ‘to kahit na may mas qualified sa akin—at ‘yon ay dahil lahat siguro sila ay umayaw sa ugali ni Thadeus. Kahit ako rin naman. Higit pa sa ayaw. Kung pwedeng isumpa ay isinumpa ko na siya. Pero kailangan ko pang magtiis. Kailangan ko pang mag-ipon ng sapat na pera para hindi kami magutom ng anak ko sa oras na maghanap ako ng ibang trabaho. At para magawa ‘yon, ay kailangan ko munang magawan ng paraan kung paano ko ibibigay sa kanya ang iilang detalye na kailangan niya para sa paghahanap sa amin ng anak ko. Iyon lang talaga ang kailangan ko. And after a few months, goodbye na sa ‘yo, taranThadeus!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD