NAKABALIK na ako sa counter at nakita ko roon ang order ni Mister Ryde, ang one sausage sandwich and cappuccino. Hala, kanina pa ba ito rito?
“Huy, Isla, saan ka ba pumunta? Ayan na order ni Sir Ryde. Magsulat ka na sa sticky note na ito at ibigay sa kanya.” sabi sa akin ni Mia.
Tumango-tango ako sa kanya. “Sorry, tinulungan ko kasi iyong family sa table five. Hindi nila kayang buksan iyong pinto dahil may dalawang bata at isang sanggol silang kasama, na nasa stroller. Pasensya na.” sabi ko sa kanya.
Nagmamadali na akong magsulat ng aking pick-up lines para kay Mister Ryde, paniguradong ngingiti na siya kapag nabasa na niya ito.
“I always thought happiness started with an ‘h,’ but it turns out mine starts with ‘u.’” Basa ko sa aking sinulat.
“Aba, English iyang pick-up lines mo ngayon, Isla.” sabi ni Mia, nakatingin din pala siya ngayon sa aking sinulat.
“Oo naman po, Mia. Nakuha ko iyan sa internet, ang dami po roon kaya ang dami kong stock na pang-pick-up lines para kay Mister Ryde.” Pagmamalaking sabi ko sa kanya.
Nakita ko ang pag-iling sa akin ni Mia. “Oh, siya kung marami ka ng pick-up lines na hinanda para kay Sir Ryde, dalhin mo na ito sa table niya bago pa lumamig ang cappuccino niyang inorder.” sabi sa akin ni Mia kaya napatango ako.
“Okay po!” sabi ko sa kanya. Nilagay ko na ang sticky note sa mug ng cappuccino, iyong pick-up lines ko at saka lumakad na sa table ni Mister Ryde.
Habang palapit ako sa pwesto niya ay nakita kong nakatingin lamang siya sa kanyang phone. Mukhang malalim ang iniisip niya, ano? Ayoko siyang istorbohin pero may order siya na dapat kainin at bayaran.
“Sorry for the wait. Here's your order, Mister Ryde.” Nakangiting sabi ko sa kanya. “Enjoy po sa pagkain niyo!” Dagdag na sabi ko pa sa kanya at tumalikod na sa kanya.
Lumakad na ako palayo sa table ni Mister Ryde. Paniguradong hindi na makakawala ang pick-up lines na iyon sa kanya. Maging si Mia nga ay natuwa sa pick-up lines na iyon, kaya paniguradong maging siya.
“Ano, Isla? Nagustuhan ba ni Sir Ryde ang pick-up lines mo?” tanong sa akin ni Mia.
Maging si Sheena ay sumingit sa usapan namin. “Ano ba ang pick-up lines na nilagay mo?” tanong niya sa akin.
“I always thought happiness started with an ‘h,’ but it turns out mine starts with ‘u.’ Oh, ʼdi ba, nakakakilig ang sinulat ko!” sabi ko kay Sheena.
Tumango siya sa akin. "Oo naman, bato lamang ang hindi kikiligin! Sana maging successful ang mission mo!” Tapik sa akin ni Sheena at lumayo ulit sa amin, dahil may nagtaas ng kamay. Mukhang oorder na.
“Look, Isla, kinuha ni Sir Ryde iyong sticky note sa mug niya. Mukhang effective ang mission mo today.” Nakangiting sabi sa akin ni Mia.
Nagningning ang aking mga mata. “Talaga ba? Sana nga ngumiti na siya!” Pinipigilan kong kiligin nang dahil doon.
“Mamaya na lamang, may nagtaas na ng kamay, Mia!” Ngiting sabi ko sa kanya at pinuntahan na ang table number five, sila ang pamilya na tinulungan ko kanina.
“Ano pong order niyo? I'm happy to serve para sa inyo po!” sabi ko sa kanila at sinulat na ang kanilang mga order.
Bumalik na ulit ako kay Mia at sinabi na ang order nila roon. Nang mapagawi ako sa pwesto ni Mister Ryde ay wala na siya roon.
“Umalis na siya, Isla. Hindi mo napansin kasi busy ka sa table five. Linisin mo na iyong table ni Sir Ryde.” sabi ni Mia sa akin at tumango ako.
Lumapit ako sa table ni Mister Ryde at nilinis na iyon, hinanap ko ang sticky note na nilagay ko sa mug niya pero wala. Mukhang tinago nga niya. Napangiti ako nang dahil doon.
Success ang ang unang araw natin ngayon.
Kaya buong hapon na pagiging waitress ko sa Pure Hearts Cafe ay masaya ako, banat na banat na ang aking labi habang nag-se-serve ng order at naglilinis ako ng mga table.
“Hindi na nawala iyang ngiti mo, Isla, ha? Ganyan ba talaga kapag kinuha ni Sir Ryde ang nilagay mong sticky now sa mug niya kanina?” sabi sa akin ni Mia habang nagtataas-baba ang kanyang kilay.
Ngumiti ako sa kanya. “First time po ito, Mia. Kasi po iyong unang try ko na maglagay ng sticky note, eh, ayaw niyo po. Sayang daw.” ani ko sa kanya nang maalala ang sinabi niya.
Nakita kong napaisip siya sa sinabi ko. “Ah! Iyong nag-breakfast sila rito, iyong buong kaibigan ni Sir Miller. Iyon ba ʼyon, Isla?” tanong niya sa akin, nakaturo pa ang kanyang daliri sa akin.
Tumango-tango ako sa kanya. “Opo, siya nga lang ang nilagyan ko ng 'gwapo po kapag nakangiti' then the rest po ay smiley face lang, pero ayaw pa rin niya.” Napalabi ako nang maalala ko iyon.
Kaya pa rin sa akin ay isang malaking achievement ang pangyayari ngayon. Paniguradong kinuha niya ang sticky note na nilagay ko kanina, dahil wala naman doon sa table niya.
“At least, nagiging soft na siya sayo, ʼdi ba? Maglagay ka lang nang maglagay ng sticky note sa mug ni Sir Ryde, paniguradong matutuwa rin siya sa ginagawa mo, Isla. Saka, ang cute mo kaya, kaya hindi makakatiis iyon sa kakulita at ka-cute-an mo.” sabi sa akin Mia.
“Sana nga po, para naman po hindi siya always nakabusangot.” ani ko at inayos ang pagkakasabit ng aking apron. “Alis na po kami, ate Mae and ate Ging!” Malakas na sabi ko sa pumalit sa amin sa Pure Hearts Cafe.
Lumakad na kami sa palabas ni Mia sa Cafe shop namin. “Pero, sana maging successful talaga iyang plano mo, Isla.” Tapik sa akin ni Mia.
Tumingin ako sa kanya at tumango. “Sana nga po!” Nguso kong sabi sa kanya. “Pero, kapag hindi pa rin siya bumigay ay hindi po ako susuko. Dapat talaga maging masaya siya.” Dagdag na sabi ko at lumakad na papunta sa aming locker room.
Pagkapasok namin sa locker room ay wala pa sila ʼga rito. Wala pa sina Chloe, Penelope and Zoe, nasaan kaya ang mga iyon? Akala ko ba kapag uwian na, dapat umuwi na on time. Kasi hindi naman tayo bayani, iyon ang sabi ni Penelope sa akin. Eh, ngayon nasaan sila?
“Wala pa ang mga kaibigan mo, Isla? Himala kahapon lamang ay nandito na sila nang dumating tayo.” Kausap sa akin ni Mia.
Napatango ako sa kanya. “Iyon nga din ang akala ko, Mia. Sinabihan kasi nila akong ʼwag maging bayani at maging on time sa pag-alis sa Cafe.” sabi ko sa kanya.
Kinuha ko ang aking tupperware na pinaglagyan ko ng baon ko kaninang lunch. Nang makuha ko na ang aking backpack ay sinarado ko na ang locker ko.
“Tama ang sinabi nila, Isla. On time lagi rito except kung mag-o-overtime ka. Pero, kung hindi naman ay umalis ka na sa mismong oras mo.” Paliwanag sa akin ni Mia.
“Ay, ang dami ko pa pala dapat pag-aralan. Gagawin ko ang mga sinabi niyo sa akin. Na hindi ako magpapaka-bayani sa trabaho.” Ngiting sabi ko sa kanya.
“Oh, siya, Isla, mauna na akong umalis sayo, ha? Need ko pa sunduin ang kapatid ko sa elementarya, panghapon kasi ang isang iyon at hindi pwedeng si Inay at si Itay ang magsundo dahil nasa bayan pa ang mga iyon para magtinda ng isda.” Paalam sa akin ni Mia.
Tumango at kumaway ako sa kanya. “Sige, ingat!” sabi ko sa kanya.
Lumabas na rin ako sa locker room at hinintay ang tatlo. Always kasi kaming sabay na umuuwi kahit noong nasa elementary pa kaming apat. Ganoʼn kami ka-close dahil magkakatabi lang din ang mga bahay namin at ang mga magulang namin ay magkakaibigan.
Umabot ng twenty minutes ang paghihintay ko nang makita sina Penelope, Chloe and Zoe na tumatakbo palapit sa akin. “b***h, sorry na-late kami. Iyong mga kapalitan namin ni Zoe ay ang tagal dumating, iyon pala ay may nabingwit na foreigner sa Love Bar, kaya si gaga hindi namalayan ang oras. Ang dami pa namang tao sa Kale Me Crazy.” Hinihingal na sabi ni Penelope sa akin, nakatungkod ang kanyang magkabilang kamay sa tuhod niya.
“Ga, ʼdi ba, sabi niyo on time ang labas dapat? Akala ko tuloy iniwan niyo na ako. Uuwi na sana ako kung hindi pa kayo darating.” Nakanguso kong sabi sa kanila. “By the way, ikaw, ʼga Chloe, bakit ang tagal mo rin lumabas?” Napunta ang tingin ko kay Chloe na sobrang banat ang ngiti niya ngayon.
“Oh my gosh! T-teka, sa loob tayo ng locker room mag-usap, may sasabihin ako sa inyong importante!” Kinikilig niyang sabi sa amin at muntik pa niya mapalo si Zoe, mabuti na lamang ay mabilis ang kamay ng isa kaya nahawakan niya ang kamay ni Chloe.
Pumasok kami sa loob ng locker room at doon kami nag-usap. Wala naman na ang ibang morning shift dahil mga nakauwi na sila, tamang tambay kaya ako sa harap ng locker room naming mga babae. Puro tanong sila sa akin kung ʼdi pa ako uuwi, anong oras na raw. Sinabi ko na lamang na hinihintay ko pa ang tatlo, kaya nauna na sila. Naabutan ko pa nga si Sheena kanina — hindi siya nakasabay sa amin ni Mia dahil pinatao muna siya habang wala si Theo na kanyang kapalitan.
“Anong sasabihin mo, b***h? Bakit kilig na kilig ka, ha? Don't tell me may mga bagong foreigner na dumating?” tanong agad ni Penelope.
Oo nga pala, ano? Siya ang unang nakakaalam kung may mga bagong turista, dahil naka-assign siya sa mismong hotel ng Love Island, doon sa may buffet hall.
“May mga bagong dating pero for me average lang sila ni Sir Miller.” Plain na sabi niya sa amin.
Patay na patay talaga siya kay Sir Miller. Gwapo naman talaga si Sir Miller pero sabi nila ay divorce na raw siya sa asawa niya.
“Nahawakan ni Sir Miller ang kamay ko!” Kinikilig na sabi niya sa amin at ayan na nga ang paghampas niya, parehas sila ni Penelope na nanghahampas kapag kinikilig. “Then, after niyang mahawakan ang kamay ko ay nagkatitigan kaming dalawa, eye to eye mga gaga kayo!” Kinikilig pa rin niyang sabi. “Hindi lamang iyon dahil iyong buong katawan ko ay nagkaroon ng kuryente dahil sa ginawa niya kaya ayon natagalan ako dahil gusto ko pang pagsilbihan si Sir Miller habang nasa buffet hall sila. Kanina lang din umalis si Sir Miller.” sabi niya sa amin.
Kaya naman pala ang tagal niyang mag-out. Si Sir Miller pala ang dahilan at hindi dahil wala pa ang kapalitan niya. Si ʼga Chloe talaga.
“Si Sir Miller lang ba ang nandoon, Chloe? Eh, si Sir Peyton nandoon ba?” tanong ni Penelope kay Chloe.
Nakatingin lamang ako sa kanilang dalawa. Si Zoe naman ay lumakad na papunta sa kanyang locker room at nakita ko ang pag-iling-iling niya.
“Teka, sino si Sir Peyton? Anong itsura niya, Penelope?” Nagtataka ang mukha ni Chloe habang tinatanong si Penelope.
Dito pa talaga sila nag-uusap, kung mag-ayos na kaya sila at mag-usap na lamang habang naglalakad kami, ano?
“Iyong may balbas!” sabi ni Penelope.
Biglang lumiwanag ang mukha ni Chloe, “Iyong may balbas at medyo may kahabaan ang buhok na mestiso? Iyon ba ang Peyton na tinutukoy mo?” Paniniguradong tanong ni Chloe.
Tumango-tango si Penelope sa tanong ni Chloe. Pinapanood ko lamang silang dalawa. “Oo siya nga! Ang magiging sugar daddy ko in the future!” sabi ni Penelope at nakatingin pa siya sa itaas.
Ano kaya ang tinitignan niya roon? Sugar daddy? Matamis na Papa?
Kumukunot na ang noo ko sa pinag-uusapan nilang dalawa. Hindi ko sila ma-gets.
“Ah! Siya iyong kasama ni Sir Miller kanina. May pinag-uusapan silang dalawa kanina. Silang dalawa lamang nandoon. Hindi ko alam kung nasaʼn ang ibang kaibigan niya, lalo na iyong crush ni Isla, na si Sir Ryde.” Napunta ang tingin nila sa akin.
“Hoy, hindi pa ba kayo tapos na mag-usap? Umuwi na tayo at ako ay pagod na.” Sabat ni Zoe sa usapan kaya sumang-ayon ako sa kanya.
“Ay teka lang, kukunin ko lang iyong shoulder bag ko!” sabi ni Chloe. Ngayon pa lang niya bubuksan ang kanyang locker.
Napailing na lamang kami sa kanya.