Rebound Girl For Hire
Chapter 3
"SHANG, IKAW NGA BA IYAN?"
Muntikan nang tumalilis sa kamay ni Natasza ang babasaging mug na pinupunasan niya dahil sa pamilyar na boses na gumulat sa kanya.
Lumundag ang puso niya sa tuwa nang makumpermang hindi isang aparisyon ang narinig niya.
"Tiya Britney!" Naibulalas niya. Gawa ng labis na galak ay naipunas niya sa likuran ng lalaki ang basahan na ipinangpunas niya sa mug kanina at sa iba pang display doon sa mumunting souvenir shop na pinagtatrabahuan niya.
Suwerte na siya dahil kahit papaano ay may natunton siyang isang kaibigan na dati ay nakatrabaho niya sa Japan. Si Flor. Sa souvenir shop ito namamasukan at mabuti na lamang at nagawan ng paraan na maipasok din siya nito roon kahit temporary lang.
"Shang..." Basag ang boses ng matandang binabae na kung hindi man nagkakamali si Natasza ay lampas na sa sinkwenta ang edad. Mahahalata naman ang edad nito sa kulubot nitong balat at mapuputing buhok.
"Tiya Britney, bakit naman po kayo nagkaganito? Wititit na kamandag, dangs?" Maluha-luhang puna ni Natasza sa ayos ng tiyuhin.
Noong huli niya itong nakita tatlong taon na ang nakakaraan ay bonggang-bongga pa ang alindog nito bilang Britney sa probensya nila. Bading ito.
Si Britney o Amador sa birth certificate nitong nilamon ng sunog noong 90s kasama ang ipinundar nitong bahay ay kinikilalang Tiyuhin ni Natasza. Kapatid ito ng kanyang Tatay Nestor na siyang kinilala niyang Ama. Kaso ay nag-asawa ito ulit nang sumakabilang-buhay na ang kanyang tunay na Ina.
Nakipagkumustahan si Natasza sa kanyang Tiya Britney hanggang sa hindi nagtagal ay napansin niya ang lumbay sa kilos at boses nito nang kanyang banggitin ang lagay ng kanyang dalawang kapatid na sina Emiko at Neline.
"Katunayan niyan, Shang ay papunta ako ngayon sa tanggapan ng PCSO o ng mga NGO upang humingi ng tulong. Dalawang linggo na ako rito sa Maynila k–kasama ko si Neline upang maipasuri siya sa magaling na espesyalista rito sa Kamaynilaan."
"Si Neline ho? Tiya, ano pong nangyari kay Neline?" Nanginig ang boses ni Natasza. Tinutukoy niya ay ang nakababata niya ang kapatid na isang taon ang agwat sa kanya.
Kaya ba hindi niya ito ma-contact ilang linggo bago siya makauwi ng Pilipinas dahil may masama na palang nangyayari sa mahal niyang kapatid?
Ayon sa Tiya Britney niya ay malala na raw ang lagay ng atay ng kapatid niyang si Neline at kailangan itong madala sa bansang India upang sumailalim sa liver transplant sa lalong madaling panahon. Kulang-kulang na two point five million pesos ang halaga ng operasyon.
Tila guguho ang mundo niya sa napag-alamang kondisyon ng kapatid. Lumala pa ang bigat sa dibdib niya sa karagdagang masamang balita na ipinaabot sa kanya ng kanyang Tiya Britney.
Paano na? Bakit ngayon pa sila binigyan ng ganoon pagsubok ngayong walang-wala siya? Paano na?
Ayon din dito kay Tiya Britney ay sumama sa ibang lalaki ang kanyang madrasta at doon pala sa madrasta niya bumabagsak ang perang ipinapadala niya para sa dalawa niyang kapatid kaya raw walang naitabing pera ang mga ito. Hindi rin iyon kaagad naipaalam sa kanya ng kanyang Tiya Britney sapagkat nasa Mactan ito habang ang mga kapatid niya ay nasa Toledo.
"MAGKANO KAYA ang virginity cost sa Aquarium? Tingin mo, Flor, magkano?" Pagod na bumaling si Natasza sa kaibigan niyang si Flor.
Ang tinutukoy na aquarium ni Natasza ay ang boîte o underground nightclub kung saan talamak ang bentahan ng virginity ng mga kababaehan sa mga banyagang parokyano ng naturang boîte.
Kagagaling lang nila sa ospital kung saan naka-admit ang kapatid niyang si Neline upang kumustahin ang lagay nito. Pagkasara pa lamang ng souvenir shop na kanilang pinagtatrabahuan ay dumiretso na siya sa ospital kasama si Flor.
"Ano 'kamo?" Piksi ni Flor sabay hampas sa balikat niya.
"Calamansi Juice naman oh, Flor! Kailangang may hampas talaga?" Reklamo niya sa kabrutalan ng kaibigan. Ang bigat pa man din ng kamay nito.
"Nakakagulat naman kasi ang pinagsasabi mong babaeta ka! Virginity cost talaga? Birhen lang, dangs?" Medyo nanunuyang asik ni Flor.
Nanliit naman ang mga mata ni Natasza. Kapagkuwan ay napakamot siya ng batok. Nakalimutan niyang hindi na nga pala siya virgin. Nakapanlulumo. Bukod pa roon sa pagkawala ng virginity niya ay may isang bagay pa siyang pinangangambahan. Delayed kasi ang menstruation niya.
"Oh see, natahimik ka. Kasi wala ka naman talagang maibebentang virginity kasi nga naipamahagi mo na sa isang lalaking hindi mo naman kakilala noong nasa Tokyo ka with a big hashtag, keps for free. Forgetting session lang, dangs? Nakalimutan o palimot-limot lang?"
"Ang basher mo, 'no? Sipain kita papuntang planet Nemic e. Nang ma-meet mo na ang mga ninuno ng syota mong ipinaglihi sa grasshopper." Parang batang banta niya sa kaibigan.
"Split na kami no'n 'no! Outdated ka po." Anunsiyo ni Flor atsaka iwinasiwas ang kamay sa hangin.
"Aba'y mabuti naman kung ganoon. Mukha ka na ngang dragonfly 'tas papatol ka pa sa isang tipaklong, aba ang awkward naman ng magiging anak n'yo 'pag nagkataon."
"Basher!" Singhal sa kanya ni Flor nang nakasimangot. Wala! Ganoon naman talaga makipag-asaran si Natasza sa mga taong malapit sa kanya. Her words were harsh, but her heart is extremely virtuous.
Inirapan niya si Flor at nauna na siyang pumasok sa makipot na eskenita patungo sa inuupahang bahay ni Flor na siya ring tinutuluyan ni Natasza pansamantala.
Usok galing sa barbecue ang sumalubong kay Natasza. Sanay na siya sa ganoong klase ng komunidad dahil bago pa man siya tumulak ng Japan ay nanirahan muna siya sa bahay nina Bernardo sa isang depressed area sa Parañaque ng humigit-kumulang dalawang taon.
Nasa kalagitnaan na ng kanilang hapunan si Natasza at Flor nang walang pakundangang pinagbabato ang inuupahan nilang maliit na bahay. Basag ang jealousies ng bintana. Parang kagaya lang ng pag-ibig niya kay Bernardo, basag. Gutay-gutay na rin. Psh.
Nagkatingin muna sila ni Flor at pagkatapos ay ibinalik muli ang atensyon sa pagkain. Betamax pa man din ang ulam nila at isaw na siyang pinakapaborito nilang iulam.
"Baka asawa na naman ni Hulyo. Tsk. Babaeng iyon talaga! Nawawala sa katinuan kapag hindi nakakahimas ng baraha. Kaya naman ayon, ibang babae tuloy ang hinihimas ni Hulyo dahil palagi itong nasa sugalan." Iiling-iling na kuwento ni Flor na ang tinutukoy ay ang kapitbahay nila.
"Maiba nga tayo, dangs. Saan ka na maghahanap ng mahigit dalawang milyon na pangpa-opera sa kapatid mo?"
Napabuntong-hininga si Natasza habang ngumunguya.
Saan nga ba siya mangangapa ng ganoong kalaking halaga ng pera gayung walang-wala siya? Ang kanyang Mamasang naman na nag-recruit sa kanya papuntang Japan ay nakakulong na dahil sangkot pala ito sa White s*****y. Isa pa, malabo na rin siyang makabalik sa pagja-japayuki dahil may kakaiba na siyang napapansin sa sarili niya ilang araw matapos ang gabing isinuko niya ang sarili sa mabangong lalaking iyon.
Sumagi na naman sa isipan niya ang alok na trabaho ng kapatid ni Kap na hinindian niya. Okay naman ang halagang kapalit sa trabahong inalok nito. Ang kaso lang ay hindi niya gusto ang trabaho.
May nabasag na naman mula sa labas ng bahay ni Flor. Sa puntong iyon ay may sumigaw nang babae mula sa labas. Nagwawala.
Noon na napabalikwas si Natasza atsaka si Flor upang i-check sa labas.
"Hoy, malanding babae! Lumabas ka riyan at nang matikman mo ang hinahanap mo. Walanghiya ka! Ang kapal ng mukha mong paiyakin ang bunso ko. Halika at tayo ang magtuos dito." Nanggagalaiting hamon ng may edad na babae sa labas.
Nanay pala iyon ng nobyo ni Flor na si Ken. Ito pala ang nagwawala.
Walang takot namang hinarap ni Flor ang ginang. "Manang Gertrude naman! Nag-eskandalo pa ho talaga kayo rito kahit anak n'yo naman ang may kasalanan. Ginawa niya akong kabit nang wala akong kamalay-malay kaya bakit ko pa siya pag-aaksayahan ng panahon?"
"Kasalanan mo iyon dahil inakit mo si Ken. Malandi ka ngang talaga. Pasalamat ka nga't pinatulan ka pa ng bunso ko kahit alam naman ng sambayanan na isa kang p****k sa Japan. Marumi kang babae kaya wala kang karapatan na paiyakin ang anak ko."
"Oh, oh, teka naman, Manang! Below the bird na iyang katabilan ng dila mo ha! Masyadong nang-aalipusta iyang bunganga mo." Sumabat na si Natasza dahil hindi na niya naatim pa ang maanghang na mga salita ng Ginang laban kay Flor. Oo at lumaki siya na malawak ang respeto sa matatanda pero itatabi niya muna iyon ngayong ganito naman ang kausap niya. Ayaw magparespeto.
"O sino ka naman? Japayuki ka rin tulad niyang malanding babaeng Flor na iyan?" Anito.
Mukha pa itong nagdadalawang-isip na sabihin iyon. Kung sa hitsura lang din kasi ang pagbabasehan ay mas masasabi ng karamihan na mukhang aapihing bida sa telenovela si Natasza. Bukod kasi sa maamo ang mukha niya ay may karisma rin ang kanyang mga mata na animo ay nakikiusap. Huwag nga lang bumuka ang bibig niya dahil siguradong sira ang mala-anghel niyang hitsura.
May iilan nang mga tao ang nakiusyuso sa tagpong iyon pero wala nang pakialam doon si Natasza. Mainit pa man din ang ulo niya dahil sa patong-patong niyang problema ngayon. Kailangan na niyang magbawas ng sama ng loob kahit saglit lang.
"Oo and I'm pride of it! I'm a Japayuki. O, e ano naman ngayon? May angal ka? May problema ka kung naging Japayuki kami? Naku! Inggit ka? Inggit ka? Kung makapagsalita ka diyan, parang ang laki ng atraso nitong si Flor sa inyo ha? Akala n'yo ba hindi ko alam na hinuhuthutan ninyo ng pera itong si Flor? 'Di ba pera niya iyong binayad sa Siberian Section ng manugang ninyo noong nanganak ito? 'Di ba, I'm check? I'm check?"
"s**t ka, dangs. Caesarean section iyon. Hindi Siberian Section." Pabulong na pagtatama ni Flor sa kanya na ipinagkibit-balikat lang ni Natasza.
"Ah basta! Ang mahalaga tumama ako sa huling pantig. Walang karapatan ang babaeng 'to na pagsalitaan ka ng ganiyan gayung ang laki ng na-modus na pera ng anak nitong iyakin mula sa iyo. Ginawa ka pa ngang kalaguyo. Akala naman niya eight inches 'yong p***s niya!"
Patuloy na satsat ni Natasza. Ang Ginang naman ay animo'y napipilan. Hindi ito makasingit sa eksena dahil sa aktibong bunganga ni Natasza.
"Tsupe na kayo, Manang habang may kapiraso pa akong respeto sa wrinkles ninyo. At sabihin ninyo sa anak ninyo na hindi bagay sa kanya ang may kabit. Hindi siya daks, shete men! Isa lang din siya sa mga desperadong lalaki na umaasa sa epekto ng Titan Gil. Wala na siyang pag-asa 'kako dahil hitsura lang niya ang nagmumukhang bayagra."
Umatras ang Ginang. Dapat lang! Ang pinakaayaw pa naman niya ay ang inaalipusta ang mga mahal niya sa buhay. "Walanghiya kayo! Babalikan ko kayo!"
"Maghihintay kami, Manang. Huwag kang paasa!" Pilosopong buwelta ni Natasza at pagkatapos ay kumaway sa mga tsismosong audience nila. She pasted a fake smile.
"Tapos na po ang palabas. Mabuhay po tayong lahat! Bow!"
"WALA NA akong sapat na panahon upang habulin si Nardo. Lintik na iyon! Hindi na ako umaasa na may mababawi pa akong ni sinkong-bulag sa kanya." Ani Natasza nang magsuhestyon si Flor na hanapin si Bernardo at mabawi man lang ang pera galing sa bahay na ibenenta nito.
"Ikaw naman kasi e. Sayang ang virginity mo! Kalahating milyon din malamang iyon o mas higit pa kapag nasama ka sa bidding war. Bilib na nga ako saiyo noong natiis mong huwag magpagalaw kay Bernardo kahit nasa iisang bubong lang kayo noon pero doon sa lalaking naligaw sa VIP room ay isinuko mo kaagad ng walang pakundangan ang Puerta Prinsesa mo." Kastigo na naman sa kanya ni Flor.
Hindi talaga ito maka-move forward. Siya nga'y halos nakalimutan na niya iyon. Hindi naman kasi detalyado ang kaganapang iyon noong nakipag-one night stand siya sa hindi niya kakilala. Ayon pa nga sa mga kasama niya sa bar na iyon ay pinagkatuwaan daw na lagyan ng drugs ang alak niya kaya iyon ang dahilan kung bakit wala talaga siyang matandaan sa nangyari. Wala rin namang magagawa ang pagsisisi.
"Ano nang gagawin ko, Flordelina? Saan ako maghahanap ng ganoong kalaking pera?" Naiiyak na wika ni Natasza. Hindi alintana ang mga taong dumadaan sa corridor ng ospital kung saan sila nakatambay ni Flor.
Naudlot ang pagdadrama ni Natasza nang may dumaang pasyenteng isinugod at pinagkakaguluhan ng mga media.
Natigilan siya nang mapansin ang pamilyar na lalaki na panay ang waksi sa mga camerang nakatutok sa mga ito. Kasama ito noong isinugod na pasyente.
Kapatid iyon ni Captain America. Si Konsehal. Mabagsik nitong itinataboy ang media.
Ganoon ba kasikat ang mga taong iyon at binubuntutan pa ng press? Manghang naitanong ni Natasza sa sarili habang pinapanood ang mga nagkakagulong tao.
"Iba! Hanep talaga ang pamilyang iyan, 'no? Kapag nasa tuktok ka nga naman talaga ng lipunan ay ganoon na lamang ang pagkauhaw ng media sa mga personal nilang buhay may makalap lang na balita. Tsk."
Nagtatakang bumaling si Natasza sa kaibigan.
"Kilala mo ang mga iyon?" Interesante niyang usisa kay Flor.
"Yead naman, dangs. Si Claudius Ricaforte iyong isinugod na pasyente kanina, dating senador. Source of wealth: Mining and commodities, banks at automotives. Net worth is 2.7 billion USD. Ganoon kayaman ang pamilyang iyan, dangs."
Napaawang ang bibig ni Natasza. Siyempre kilala niya ang tinutukoy na Senador ni Flor. Ang hindi lang niya maunawaan ay kung bakit nandoon ang kapatid ni Kap.
"At iyong burtang lalaki kanina ay si Kleos Atlas Ricaforte, bunsong anak ni Senador kaso ikinasal na raw iyon ayon sa narinig kong tsismis."
Totoo! Nandoon siya sa kasal nito. Ibig sabihin anak rin si Kap Sungit ni Senador Claudius? Wholly Golly! Mantakin mo ba namang ganoon pala kayaman ang mga iyon.
"Ang masaklap lang ay ang pinakasalan nitong si Kleos ay ang long time girlfriend ng Kuya nitong si Kleaus, si Bianca Topacio, iyong celebrity chef sa ibang bansa."
Ano? Kaya ba gusto ni Konsehal na aliwin ko ang aburido niyang kapatid kasi siya mismo ang dahilan ng pagiging halimaw nito at kaya galit ito sa mundo?
Aba! Walang eggs pala ang lalaking iyon! Mang-aagaw!
Naalala tuloy niya ang pakiusap nito sa kanya na kagyat naman niyang hinindian.
"Kleaus is a very lonely man. I just thought that he might need some pleasure in his doomed life. Your job is to make him seek for pleasure. Be his pleasure. I could sense that you can do what I wish for because of your positive views in life. Show him how to be like you though you lost someone special in your life."
Tangina! Tandang-tanda pa talaga niya ang litanyang iyon ni Konsehal pero hanggang ngayon ay lonely pa lang ang lubusang naiintindihan niya.
"We need to take your sister to India for her liver transplant. Lumalala na ang kalagayan niya. The bile duct outside and inside her liver are getting worsen and scared. We should remove her liver that's not functioning well anymore and plant her a good one as soon as possible. Ihanda niyo na ang halagang kakailanganin, Ms. Discipulo bago pa mahuli ang lahat." Payo ng doktor kay Natasza nang ipinatawag sila nito.
Walang namutawing salita sa bibig ni Natasza subalit umaarangkada na ang kanyang isipan at iginigiit na iisang tao lang ang siguradong makakatulong sa problemang pera niya.
Si Kleos Atlas Ricafort. Tatanggapin na niya ang ipinapagawa nitong trabaho sa kanya. Ang bigyang aliw ang malungkot na mundo ng pinakamasungit at supladong taong nakilala niya— si Kleaus Open.