Maghapon ako sa school kung saan ako nagpra-practice teaching. Mula umaga hanggang hapon ang klase, kaya naman drain na drain na ako. May 50 pesos pa ako sa wallet kanina, pero wala na iyon no'ng plano ko nang bumili ng palamig. Sa singkwenta na iyon ay kasama na rin doon sana ang pamasahe ko, kaso nga nawala. Kaya naman naglakad na lang ako pauwi. Malayo. Pero normal na lang para sa akin iyon. Gano'n talaga kapag hindi asa ang lahat sa mga taong nagpapaaral sa akin.
"Psst!" sutsot ni Silong sa akin. Nakatambay ito sa tindahan sa tapat ng bukana ng hacienda. May hawak na plastic ng soft drinks, halatang nagpapahinga lang. Mukhang inaabangan na naman nito si Andeng.
"Libre?" tanong ko rito. Sabay nguso sa inumin nito.
"Manang, isa pa ngang soft drinks." Agad namang kumilos ang tindera at naglabas nang malamig na inuming binebenta nito.
"Kayo bang dalawa ay magnobyo?" kyuryosang tanong ng ginang. Inilabas pa nga nito ang ulo n'ya sa butas ng tindahan n'ya. Para lang makapagtanong ng gano'n.
"Manang Tele, magkaibigan lang po kami ni Silong." Mabilis na sagot ko sa matanda. Lahat na lang ng mga nakakakita ay iyon ang palaging tanong. Hindi na ba talaga pwedeng maging magkaibigan ang babae at lalaki sa bayan ng San Ildefonso?
"Naku! Laman nang usapan ang pagiging malapit ninyong dalawa. Aba'y gwapo naman itong si Silong, pero siyempre isipin mo rin ang mararamdaman ng Lola Paula mo na siyang nagpapaaral sa 'yo at pati na rin iyong senior at seniora na pumayag na tumira ka d'yan sa hacienda. Bagay sa 'yo iyong may tinapos din. Hindi katulad nitong si Silong na mas piniling magtrabaho na, kaysa mag-aral." Nagkatinginan kami ng kaibigan ko na halatang hindi natuwa sa sinabi ng ginang.
"Manang Tele, huwag naman po---"
"Ayos lang iyon, Anais. Hayaan mo ang mga taong mag-isip ng gano'n, hayaan mo lang sila. Patunayan na lang natin na magtatagumpay tayo sa mga larangang tinahak natin." Bahagyang pasaring ng lalaki.
"Silong, walang nagtatagumpay sa paghuhukay ng lupa lalo na kung namamasukan ka lang." Nakairap na ani ng matanda.
"Tama na iyan." Awat ko na. Baka kasi mapikon na ang lalaki at baka kung ano pa ang mangyari. Mabuti na lang at huminto sa tapat ng tindahan ang tricycle na kinalululanan ni Andeng, agad na iniabot ni Silong ang soft drinks n'ya sa babae. Ito pa ang nagbayad nang pamasahe ng babae.
"Oh, may problema ba?" takang ani ni Andeng sa amin.
"Wala. Tara nang pumasok ng hacienda. Alis na po kami, Manang Tele." Paalam ko.
"Kayong dalawa, Anais at Andeng, mag-ingat kayong dalawa." Saka nito inirapan si Silong. Masama ang ugali ng ginang. Kahit mabait siya sa akin at kay Andeng, hindi pa rin enough iyon para mapalagay ang loob ko rito. Mabuting tao ang kaibigan naming si Silong. Hindi tamang itrato siyang gano'n.
Sinenyasan ko na silang umalis. Hindi na pinansin pa ang huling sinabi ng ginang. Kinuha ni Silong ang bag ko at bag ni Andeng. Pati na rin ang mga dala kong aklat at isang paper bag na may laman na instructional materials na ginamit ko kanina. Bawal pumasok ang tricycle sa hacienda. Kaya naman lalakad ulit kami papasok.
"Ang yabang talaga no'n ni Manang Tele, ako nga iyong pinambili ko sa tindahan n'ya sarili kong pera. Samantalang siya, inutang lang naman n'ya sa bombay iyon. Tsk, saka na n'ya ako yabangan kapag hindi na uso sa kanya ang mangutang pampuhunan."
"Silong, huwag namang ganyan. Iwasan na lang nating magawi sa tindahan n'ya." Mahinahong saway ko.
"Laitera naman talaga si Manang Tele, masama ang ugali. Kaya siguro namana rin ng anak n'yang si Telerva iyong ugali ng Nanay n'ya." Gatong ni Andeng.
"Tama na sabi. Iinit lang ang ulo n'yo, kayo lang ang maiinis at masisira ang mood." Saway ko sa dalawa. Nasa gitna ako nito at ni Silong. Nagpatuloy kami sa paglalakad, habang pinipilit baguhin ang usapan.
"Uy, usap-usapan sa eskwelahan kanina na dumating sa bayan ng San Ildefonso iyong pamilya Aiden." Natigilan ako saka sinulyapan ang malaking mansion na sa sobrang laki'y abot tanaw lang namin.
"Talaga? Tiyak na abala na naman sina Lola Paula sa mansion na iyan."
"Sabi mo noon, Anais, na nakita mo na iyong dalawang anak ni Senior Landon. Anong itsura? Mana ba sa tatay o mana sa Nanay?" tanong ng babae. Tumikhim-tikhim naman si Silong na parang nagseselos at pinaaalala kay Andeng na naririnig nito ang mga sinasabi n'ya.
"Mana sa tatay." Tugon ko naman. Hindi ko na nga matandaan iyong eksaktong itsura. Dahil parang dalawang taon na no'ng nangyari iyon. Naliligo ako sa talon nang bigla silang sumulpot.
Natakot ako no'n dahil baka makaabot sa aking Lola Paula na nagtungo ako sa falls. Pero hindi naman nabuko. Iyon nga lang napagkamalan ako no'ng dalawa na multo. No'ng nagkaroon din ng kasal sa mansion, nakausap ko si Seniora Rein, ito ang kinasal. Muli itong pinakasalan ng asawa, kami ang natoka sa kusina. Isang beses ko lang ulit nakita ang magkapatid. Tapos iyong na ang huli.
"Eh 'di gwapo. Aba'y sana naman muli silang magbakasyon dito." Malapit na naman ang bakasyon, graduating na nga rin ako. Siguro ang susunod na bakasyon ang pinakainaabangan ko. Dahil tiyak kong masusulit ko na iyon.
"Kung usap-usapan sa eskwelahan na narito sila. Baka ito na ang bakasyon nila, tapos sa susunod na bakasyon ay hindi na rito ang tungo nila."
"Gusto mo bang punta tayo sa mansion?" tanong ni Andeng. Mabilis naman akong umiling.
"Hindi na. Ayaw kong makaabala kina Lola Paula. Uwi na muna tayo. Kailangan ko pang gumawa ng limang lesson plan, at instructional materials. Busy ako."
"Eh 'di tara na pala. Uwi na tayo." Yaya ni Andeng. Muli kaming nagpatuloy sa paglalakad. Si Andeng at Silong na ang nagkwekwentuhan. Kahit na nakapagitan pa rin ako sa kanila. Sila ang may lihim na relasyon, pero madalas na ako ang napagtsitsismisan. Dahil hindi totoo ay hindi ko na lang din pinansin. Hindi ko naman iyon ikamamatay.
"Ayan, nakita kong lumabas ng bahay nila Paula iyang lalaking iyan. Totoo nga talagang may relasyon ang apo ni Paula at si Silong." Nagkatinginan kaming tatlo. Kami na naman ang laman nang usapan ng mga ginang na gumagawa ng suman.
"Talaga? Magguguro pa naman itong si Anais, pero bakit ang baba ng pangarap ng batang ito?" hinawakan ni Andeng at Silong ang kamay ko. Bakas sa mukha nila ang takot at pagkabahala. Sino bang hindi matatakot kung bigla na lang akong magwala kapag napatid ang pasensya ko? Takot sila, dahil kapag nagsalita ako'y tiyak na sila ang madidiin. Kaibigan ko sila, at hindi ako nangtatalo ng kaibigan.
"Anong oras mo nakita?" agad na tanong ng isa pang ginang.
"Alas-11 na ata ng gabi. Inihatid pa nga siya ng dalaga na nakatakip ng malong sa tarangkahan. Aba'y hinihintay ko lang na magkausap kami ni Paula para maipaabot ko sa kanya na hindi naman talaga dalagang Pilipina itong apo n'ya."
"H-alika na, Anais." Nagmamakaawa ang tinig ni Andeng. Humugot ako nang malalim na buntonghininga at tumango.
Nagpatuloy kami sa paglalakad.
"Somosobra na sila. Pwede ko sigurong kausapin si Senior Landon para matigil na ang mga tsismosa rito sa lupain n'ya." Badtrip na si Silong.
"Huwag na. Baka lumaki pa ang issue. Kayo namang dalawa, bakit inabot kayo ng alas-11? Gabing-gabi na pala ay hindi pa kayo umuwi." Sita ko sa kanila. "Buti hindi n'yo Nakita iyong aswang."
"Aswang?" sabay na ani ng dalawa.
"Oo, aswang. Nagising ako tapos narinig ko ang mga kaluskos. Parang aswang na nagpapalit ng anyo." Napaiwas nang tingin ang dalawa. Si Andeng ay pulang-pula ang mukha at hindi na makuha pang tumingin sa akin.
"Oh, bakit? Nakita n'yo ba? Anong itsura?" curious na tanong ko.
"Wala. B-aka nanaginip ka lang. Walang aswang dito sa hacienda." Sagot ni Andeng.
"Baka inaaswang." Tudyong ani ni Silong. Pagkatapos nitong sabihin iyon ay sinadya pa ni Andeng na humarang sa daan namin saka pinalo ang lalaki.
"Hala! Inaaswang? Delikado iyon."
"Anais, huwag ka ngang nagpapaniwala rito kay Silong. Walang aswang at walang inaaswang. Tara na, hindi ba't marami ka pang gagawin." Yaya na ni Andeng. Hinawakan pa ako sa pulsuhan at hinila palayo kay Silong. Sumunod na lang ang lalaki. Una naming naihatid si Andeng. Saka ako inihatid ni Silong sa kubo.
Pagdating doon ay agad akong nagpasalamat dito. Hindi na ito tumuloy sa takot na baka pagtsismisan na naman kami. Pagpasok ko sa bahay ay inabutan ko si Lolo Jun na abala sa pagluluto.
"Lolo, mano po." Magalang na ani ko sa matanda.
"Mabuti at narito ka na. Magsasaing na ako, nagpadala ng ulam ang Lola Paula mo."
"Busy po si Lola?" tanong ko sa matanda. Ipinatong ko sa lamesang kahoy ang gamit ko at saglit na naupo. Minasahe ko ang bindi ko na nangalay rin sa paglalakad.
"Naglakad ka na naman ba mula sa eskwela?" nahuli pala ako nitong minamasahe ko ang binti ko.
"Nawala po kasi sa pitaka ko ang pera ko, Lolo Jun. Tanda ko pong nasa pinaka ko ang singkwenta ko, pero no'ng uwian ay wala na."
"Ninakaw?"
"Hindi ko po alam. Kaya naglakad na lang po ako pauwi."
"Aba'y ibinigay naman namin sa 'yo ng Lola mo ang numero sa mansion. Dapat ay tumawag ka at ipinaalam sa amin na wala kang pera."
"Ayos lang po iyon. Sanay naman po akong maglakad. Lo, si Lola po?" pag-iiba ko nang usapan.
"Abala sa mansion. Dumating kasi ang mag-asawa at iyong dalawa nilang anak."
"Matagal po silang mag-e-stay d'yan?" curious kong tanong.
"Hindi pa namin alam. Biglaang dating lang, kapag gano'n ay ilang araw lang ang tinatagal. Nagsasabi naman sila kung magtatagal o hindi. Alam mo naman na busy ang mga Aiden sa negosyo nila sa siyudad." Tumango-tango ako. Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat kung gaano kayamanan ang pamilyang iyon. Bilyonaryo sila. Ang kagandahan lang din sa pamilyang iyon ay mabait sila sa tauhan nila. Sa sobrang bait ay may scholarship silang ipinamumudmod sa mga anak ng kanilang tauhan. May medical mission din palagi rito, libre ang gamot, pati na school supplies at bigas. Gano'n ka-generous lalo na iyong mag-asawa.
"Lolo, may pag-aari rin ba silang eskwelahan?" tanong ko sa matanda. Iyong mga kaklase ko kasi'y nagsimula na silang maghanap ng school na a-apply-an nila pagkatapos ng graduation.
"Naku! Iyan ang hindi ko alam, pero mag-a-apply ka na ba?" tanong ng matanda sa akin. "Pwede tayong lumapit kay Mayor---"
"Lolo Jun! Hindi na po kailangan. Kayang-kaya ko na po iyan." Mabilis kong tanggi.
"Aba'y tiyak na matutulungan tayo."
"Lo, wala ka po bang tiwala sa kakayahan ko? Tiyak pong makakapasok agad ako sa private school. Habang nagtuturo sa private ay asikasuhin ko na rin po iyong para sa exam ko. Para maging lisensyadong guro na po ako."
"Oh siya, basta kapag may kailangan ka'y magsabi ka sa amin ng Lola mo." Agad naman akong tumango.
Nagpatuloy ito sa ginagawa nito. Saglit din akong nagpaalam upang magpalit ng damit. Kailangan ko pang ikusot ang uniform ko. Wash and wear ba naman kasi. Hindi tulad sa mga kaklase ko na may extra silang uniform. Bago ko nga nakuha ang uniform ko sa practice teaching ay halos sumakit na ang ulo ko sa pagbibilang ng ipon ko sa alkansya. Hanggat maaari kasi'y ayaw kong makaabala sa dalawang matanda. Sa huli'y wala na rin akong choice, kinausap ko na sila na agad namang nagbigay ng pera para lang makuha ko ang uniform ko.
"Apo, nakahanda na ang pagkain." Dinig kong ani ni Lolo. Nalabhan ko na iyong uniform ko, nagsisimula na nga rin akong magsulat sa manila paper para sa instructional material na gagamitin ko sa klase bukas. Agad kong inihinto muna iyon para makakain.
"Lo?"
"Kain na, apo. Kailangan ko ring bumalik sa mansion para tulungan ang Lola mo roon."
"Lalakad po kayo? Ihatid ko na po kayo." Mabilis na ani ko rito.
"Hindi na. Dadaan ang kalesa rito. Iyon ang sasakyan ko pabalik. Kumain ka na, ha?"
"Opo." Yumakap pa ako rito. Bago ko siya inihatid sa tarangkahan. Ito pa nga ang nagsara no'n at nagbilin sa akin na huwag na akong lumabas at magsara ng pinto. Kumaway na lang ako rito at nagbilin na mag-iingat ito.