SA loob ng anim na taon ay binuhos ni Jella ang lahat ng kanyang enerhiya at atensiyon sa career. Nais niyang mapatunayan hindi lang sa sarili kung hindi maging sa lahat ng tao na magtatagumpay siya, na kikilalanin siya sa mundong napili niyang pasukin. Na hindi siya ipinanganak para lamang maging social butterfly o trophy wife ng kung sinong mayamang negosyante. That she can be someone without the influence of her family.
Upang makamit ang tagumpay ay marami siyang isinakripisyo at tinalikuran. Akala niya, dalawang taon na lang ay makakauwi na siya sa Pilipinas na taas-noo at masasabi sa sariling worth it ang lahat ng sakripisyo niya. Maipapamukha niya sa mga magulang niya ang narating niya.
Ni minsan ay hindi sumagi sa isip niya na uuwi siya ng wala sa oras. That she will set foot on her country with shame and disappointment. Na tumatakbo siya sa eskandalo na kung siya lang ang masusunod ay hindi niya tatakbuhan. Pero nagkaroon sila ng seryosong pag-uusap ng agent niya at mariin nitong sinabing kailangan niya umalis ng amerika para makapagpalamig at mag-unwind.
“It might do you good, Jella. You need a break,” iyon ang sabi ng agent niya. Ayon din rito ay baka makatulong daw sa kanya ang pagbabakasyon para maibalik ang kanyang creativity.
Kung sana iyon lang talaga ang dahilan kung bakit ginawa niya ang isang malaking pagkakamali para sa mga tulad niyang designer dahil sa desperasyon at takot na mawalan ng malaking kliyente. Ngayon tuloy ay hindi lang isa ang nawala sa kaniya. Pagkatapos ng nangyari ay alam niyang mahihirapan na siyang makuha ang tiwala ng mga kilalang tao. Malabo nang may magpagawa ng damit sa kaniya.
Sa huli ay natagpuan din ni Jella ang sarili na sakay ng eroplano pabalik ng Pilipinas. Siniguro ng agent niya na walang makakapansin sa pagbabalik bansa niya. Siya man ay walang pinagsabihan na darating siya. Matagal na siyang nawalan ng komunikasyon sa mga inaakala niyang kaibigan noon. At ang mga magulang naman niya ay… well, matagal ng putol ang koneksiyon niya sa mga ito.
Samakatuwid, gustuhin man niya ay wala siyang pwedeng tawagan para ipaalam ang pagdating niya.
You still have one person to call, you know? But you never did, usig ng isang bahagi ng isip niya nang lumapag na ang eroplanong sinasakyan niya sa NAIA. Marahas siyang umiling. Dahilan kaya gulat na napalingon sa kaniya ang nakaupo sa kahilera niyang seat. Nagkunwa siyang hindi nakita ang tinging ipinupukol nito sa kaniya at inayos ang suot na dark sunglasses.
Hindi inaasahan ni Jella na may mga reporter pala na nakaabang sa pagdating niya. Nakunan siya ng larawan at nabato ng mga katanungan na wala siyang balak sagutin. Worst, dahil buo ang tiwala niya sa sinabi ng kanyang agent na walang nakakaalam sa pagbabalik niya ay wala siyang kasama. Walang tumulong sa kaniya para makalayo sa mga reporter. Pagal na pagal tuloy ang pakiramdam niya nang makarating siya sa Visperas Hotel kung saan niya balak manatili habang nasa Pilipinas siya. Wala naman kasi siyang uuwian. Wala siyang balak magtungo sa bahay ng kanyang mga magulang.
Sa loob ng mga sumunod na araw ay nagkulong lang siya sa hotel suite niya. Ni hindi niya inabala ang sariling alisin sa maleta ang mga gamit niya. Kahit ang laptop o sketchpad niya ay hindi niya inilabas. Nakahiga lang siya sa kama at nakatitig sa kisame. Madalas ay itataas niya ang kanyang nakabukang mga kamay, tititig lamang doon ng matagal hanggang sa mamuo sa lalamunan niya ang frustration at sakit, hanggang sa mag-init ang kanyang mga mata, maiinis sa sarili at babangon para magpalakad-lakad sa suite. Dahil hindi siya ang tipong magpapatalo sa emosyon at iiyak.
Sa ikawalong araw ng pagkukulong ni Jella sa hotel ay narealize niya na hindi siya dapat nagmumukmok at nagpapakalugmok sa depresyon. Kailangan niyang lumabas at magpahangin. Kung hindi ay baka maloka na siya at biglang tawagan ang agent niya para sabihing hindi na siya babalik ng amerika at iiwan na niya ang mundo ng fashion designing. Iyon lang kasi ang naglalaro sa isip niya sa nakaraang mga araw.
Sumakay siya ng taxi. “Saan ho kayo, miss?”
Ilang sandaling hindi siya nakasagot sa tanong na iyon ng driver. Pagkatapos ay sinabi ang unang address na naisip niya. Nang bumibiyahe na ay saka naman siya kinabahan at nag-alangan. Ang kapal ba ng mukha ko kung bigla akong susulpot sa apartment niya? What if may kasama na siya roon na iba? It’s been six years, after all. Baka nga nag-asawa na siya.
Pero walang ibang maisip puntahan si Jella. Wala siyang ibang gustong makita. Kaya nilunok niya ang alinlangan at kaba, lalo na nang huminto ang taxi sa tapat ng apartment building na destinasyon nila. Umakyat siya sa ikalawang palapag kung nasaan ang apartment unit na pupuntahan niya. Pero hindi pa man siya nakakalapit ay bumukas na ang pinto niyon. Narinig niya ang masayang mga tinig mula sa loob, may boses pa nga ng bata, at may lumabas na isang may-edad na lalaking hindi niya kilala.
Natigilan siya at napatingin lang sa lalaking naglalakad na palapit sa kaniya, patungo marahil sa hagdan pababa. Nang mapasulyap ito sa kaniya ay hindi siya nakatiis, “Excuse me, alam niyo ba kung nasaan ang dating tenant ng apartment na tinitirihan ninyo?”
Kumunot ang noo nito, sandaling sumulyap sa pinanggalingan bago muling tumingin sa kaniya. “Hindi ko alam, hija. Anim na taon na kaming nakatira dito.”
Nalaglag ang mga balikat ni Jella. Nagpaalam sa kaniya ang may-edad na lalaki at tuluyang umalis. Siya ay parang napako sa kinatatayuan. Maya-maya ay kinalkal niya ang bag niya. Gamit ang kanang kamay ay kinuha niya ang kanyang cellphone, may hinanap na contact number at tinawagan iyon.
The number you have dialed is not yet in service.
“He even changed his number,” nausal niya habang nakatitig sa screen ng cellphone niya. Pagkatapos ay pagak siyang natawa at napailing. Ano bang iniisip niya? Na pagkatapos ng anim na taon ay naroon pa rin ito at hinihintay siya? Hindi siya ganoong tipo ng lalaki. He’s kind and patient but he has a strong conviction. He’s not going to act masochistic and wait for someone like a tamed puppy.
Hindi nga ba at ang mga katangiang iyon ang ilan sa mga dahilan kung bakit nahulog ang loob niya rito noon? Isa pa ay inaasahan naman niyang malilimutan siya nito at mag-mo-move on. Mahabang panahon ang anim na taon at hindi siya ilusyunada para isiping walang nabago ang distansya at taong lumipas. Kahit si Jella, duda kung ang nadarama niya para sa lalaki noon ay nadarama pa rin niya ngayon. At mas lalong batid niyang tapos na talaga ang ugnayan nila. Hindi siya umaasang madudugtungan iyon dahil lang nagbalik siya.
Kaya ano ang ginagawa niya roon? Marahil, naghahanap lang siya ng pamilyar na mukha. Isang taong magpapa-realize sa kaniya na talagang nasa Pilipinas na siya.
Huminga siya ng malalim, tinapunan ng tingin ang pinto ng apartment na naglalaman ng maraming alaala nila, saka tumalikod at mabilis na naglakad palayo roon.
Sa biyahe pabalik sa kanyang hotel ay nakatitig lamang si Jella sa labas ng bintana. Buong buhay niya ay kumikilos at nag-iisip siya ayon sa plano. Pero ngayon, hindi niya alam ang gagawin. She feels so lost.
Ilang minuto pa ang lumipas ay saka lang napansin ni Jella na iba ang ruta na dinaanan ng taxi papunta sa hotel kaysa sa nadaanan niya kanina. Hindi naman siya nag-aalala na baka nililigaw siya nito dahil sa harapan nila, hindi kalayuan ay nakikita na niya ang mataas na gusali ng hotel kung saan siya tumutuloy.
Akmang babawiin na niya ang tingin mula sa labas nang may mahagip ang kanyang paningin. “Manong pahinto lang sandali,” marahas na nasabi niya.
Bigla tuloy napapreno ang taxi driver. “Bakit po ma’am?”
Hindi siya kumibo at nanatili lang nakatitig sa restaurant na nakita niya. Malayo iyon mula sa kalsada pero malaki, dalawang palapag, mahaba at classic ang hitsura ng exterior. Pero sa pangalan ng restaurant natutok ang tingin niya.
“Kung magkakaroon ako ng sarili kong restaurant, ano sa tingin mo ang magandang pangalan?” natatandaan niyang natanong nito sa kaniya noon.
Sandaling nag-isip si Jella at saka sumagot, “Chef Derek’s.”
“Chef Derek’s? Hindi ba masyadong simple?”
“Mas maganda minsan ang simple para madali matandaan. Besides, mahuhumaling sila sa mga luto mo. Kahit ano pa ang pangalan ng restaurant mo, matikman lang nila kahit isang beses lang, babalik-balikan na nila,” nakangising sagot niya.
Gumanti ito ng ngiti, lumapit sa kaniya at siniil siya ng halik sa mga labi. “Salamat sa tiwala mo sa cooking skills ko.”
Kaswal na usapan lang iyon at hindi na naulit pa. Pero hayun ngayon sa harap niya, malaking malaki at kahit sinong dadaan ay makikita ang pangalan ng magandang restaurant; Chef Derek’s.
“Bababa ba kayo ma’am?” untag sa kaniya ng taxi driver.
Kumurap si Jella at binawi ang tingin. Sandali siyang nag-isip kung bababa ba at pupunta sa restaurant. Pero pagkatapos ay ano? Mahaharap ba niya si Derek ngayon?
Lumunok siya at itinaas ang noo. “Hindi ho. Sa hotel na tayo.”
Mukha mang nagtataka ay pinaandar na ulit ng driver ang taxi. Humalukipkip siya at pinigilan ang sariling tumingin sa labas. Pero hanggang sa makabalik siya sa hotel suite niya ay parang nakapagkit na sa isip niya ang pangalan ng restaurant. Lao na ang lalaking pinanggalingan ng pangalang iyon. Bigla ay naging malinaw sa isip niya ang maamong mukha nito, ang malalim na dimples sa magkabilang pisngi kapag ngiting ngiti, ang mababa at lalaking-lalaking boses at ang mabait na mga mata na madalas ay nagiging pilyo kapag silang dalawa na lang pero nagiging seryoso rin kapag masinsinan ang usapan. The same pair of eyes that turns sensual and hot just for her.
Subalit parte na lamang ito ng kanyang nakaraan. Katulad ng isa na lamang siyang ‘ex’ para sa binata. Wala siyang pinagsisisihan. Walang silbing magpakalunod sa mga alaala ng nakaraan. She made a choice and she will live with it.
Tumunog ang landline phone ng hotel suite niya. Nangunot ang noo niya pero sinagot naman iyon. “Good day, Miss Perez, you have a call waiting.” Boses iyon ng receptionist sa ground floor ng hotel.
“Mula kanino?”
“From Madam Matilda St. Clair, miss.”
Nanlaki ang mga mata ni Jella. Si Matilda St. Clair ang isa sa pinakamalaki niyang kliyente mula nang maging kilala siyang fashion designer. “Put her on the line,” mabilis na sagot niya. Dahil ang tipo ni Matilda St. Clair ay hindi tinatanggihan.