CHAPTER 1
Six years ago…
MAY hindi tama sa apartment ni Derek Manalili. Sa unang tingin ay parang normal na studio type apartment lamang iyon na ang mga gamit ay iyong mga kailangan lang talaga. Isang kama, isang lamesa na may dalawang silya bilang dining area, isang built-in cabinet at isang mahabang couch na nakaharap sa telebisyon at DVD player.
Ang halatang pinagtuunan ng atensiyon at ginastusan talaga sa apartment na iyon ay ang kusina. Maliit man ay kumpleto sa makabagong mga gamit katulad ng refrigerator, top of the line oven at double burner stove. Sa loob ng built-in cabinet naroon ang mga mamahaling kawali, kaserola, kaldero at kung anu-ano pang parapernalya sa pagluluto.
Normal naman at mukhang walang mali. At sa unang mga linggo ay iyon din ang palaging sinasabi ni Derek sa kanyang sarili. Pilit niyang binabalewala ang pakiramdam na parang may kulang sa apartment niya. That it feels emptier than before. That inside, he feels empty and lost.
Sa ikalimang buwan ay saka lamang niya naamin sa sarili kung bakit parang may kulang sa apartment niya. Wala siyang naririnig na tawa ng isang pamilyar na tinig ng babae. Kapag titingin siya sa kama ay walang ibang nakahiga roon dahil napuyat sa kakaguhit sa sketchpad pero pinili pa ring manatiling gising sa umaga magkaroon lang sila ng oras para sa isa’t isa. Sa tuwing kakain siya sa lamesa ay wala nang nakaupo sa katapat niyang silya. At lahat ng kapareha ng mga plato, kubyertos, baso at mugs niya ay hindi na nagagamit.
Sa ikaanim na buwan, naging napakahirap nang tiisin ang kahungkagan na kanyang nadarama. Unti-unti na rin niyang natatanggap na ang babaeng dati ay nagbibigay kulay sa buhay niya ay hindi na babalik pa.
Hindi si Derek ang tipo ng lalaking nagmumukmok sa isang sulok at nagpapakamiserable. Himbis na manatili sa kanyang apartment na bawat sulok ay may bakas ng nakaraan sa piling ng isang partikular na babae ay mas pinili niyang madalas na lamang lumabas. Umuuwi na lang siya kapag matutulog.
Sa malapit na parke siya napapadpad sa libreng oras niya. Sa gitna iyon ng boundary ng high-end part ng Makati, middle-class area at ng bahagi kung saan dikit-dikit ang mga bahay ng mga informal settlers. Maliit at hindi masyadong tinatambayan ng mga tao dahil bukod sa hiwa-hiwalay na mga bench kung saan puwedeng tumambay at sa ilang poste ng ilaw na nagbibigay liwanag doon sa gabi ay isang luma at maliit na playground set lamang ang naroon. Subalit may kung ano roon ang nakakakalma sa kaniya. Kaya noon pa man, madalas siya tumambay doon.
Katulad sa araw na iyon na sapilitan na namang pinaalis ng restaurant si Derek dahil off naman talaga niya. Ayaw niya magpunta sa mataong lugar kaya umupo siya sa isang bench doon at tumitig lamang sa ilang mga taong naglalakad sa di kalayuan.
Maya-maya ay naramdaman niyang may umupo sa bench kung saan siya nakaupo. “Napapadalas na ulit ang pagtambay mo rito ah.”
Napalingon si Derek. Nakita niya si Keith na nakadekuwatro pa sa pagkakaupo sa bench habang malayo rin ang tingin. Makapal na naman ang bigote at balbas na tumatakip na sa ibabang bahagi ng mukha nito. Magulo rin ang nakalugay na mahaba at alon-along buhok. Kung hindi lang malinis ang suot nitong fitted shirt at maong pants ay mapagkakamalan na itong bum.
“Ikaw, bakit nandito ka? Nagbabantay ka na naman?” tanong ni Derek sa lalaki na ngumisi at tumango. Pagkatapos ay may itinuro ito. Nang tingnan niya iyon ay nakita niya ang isang matangkad na lalaki na nilalapitan na ng mga batang galing sa area ng mga barong-barong. Luma at kupas na ang suot na jersey jacket at pantalong maong, nakasuot ng luma na ring baseball cap at naka-tsinelas lang. Sa mata ng mga hindi nakakaalam na disguise lang ang porma na iyon ay mukhang simpleng tao lamang ito. May dalang malaking plastic bag sa magkabilang kamay ang lalaki na ngayon ay ipinapamigay na nito sa mga batang halatang tuwang tuwa.
Hindi na bago kay Derek ang eksenang iyon. Halos isang taon na ang nakararaan nang una niyang makilala sina Keith sa mismong parke ring iyon. Nagkuwentuhan lang sila at nagkasundo. Isang buwan makalipas ang halos araw-araw na pagkikita sa parke na iyon ay pinakilala naman siya ni Keith sa lalaking ‘binabantayan’ diumano nito. Sa puntong iyon ay masasabi niyang magkaibigan na sila kahit pa wala siyang halos alam tungkol sa dalawang lalaki. Nang sumunod na buwan ay hindi na lamang sila sa parke nagkikita. Naaya na niya ang dalawa sa Yellow Ribbon at minsan sa isang linggo ay tumatambay ang mga ito roon. Naipakilala na rin ni Keith sa kaniya ang iba nitong kaibigan na nakasundo rin niya.
“Anim na buwan ang nakararaan ay bihira ka na mapadpad dito dahil may pinagkakaabalahan ka, hindi ba?” tanong ni Keith.
Bumalik sa kasalukuyan ang isip ni Derek at napabuntong hininga. “Ang hirap manatili sa apartment ko nitong nakaraang mga buwan. Masyadong maraming alaala.”
Hindi agad nakapagsalita si Keith. Lalong hindi nagtanong para sa detalye. Nasabi na yata niya lahat nang isang beses siyang nalasing anim na buwan ang nakararaan. Wala na siyang balak ulitin pa ang pagpapakita ng kahinaan. Sa halip ay iba ang sinabi ni Keith, “Natatandaan mo iyong planong hideout ni Maki?”
Tumango si Derek. “Yeah. Ang sabi mo ay himbis na patirahin siya sa isang bahay o kung saan man na nag-iisa ay nakumbinsi mo siyang magpatayo ng isang condominium building. Sa ganoong paraan ay may kasama siya sa tirahan niya kaysa tuluyan siyang mag-ermitanyo.”
“Yup. May nakita na si Benedict na lumang building na irerenovate para sa plano. May disenyo na rin. Maganda pa rin ang loob ng gusali kahit halatang luma sa labas. Sampung taon pa lang iyon nakatayo at matibay. Ilang fbuwan lang daw maayos na iyon. Puwede ka na lumipat sa unit na nakalaan para sa iyo. Puwede mo na iwan ang apartment mo kung gugustuhin mo.”
“At iwan din ang mga alaalang mayroon ang apartment ko?” tanong ni Derek.
Nagkibit balikat si Keith. “Kung hindi ka na nagiging komportable, bakit hindi?” Pagkatapos ay sumeryoso ito. “There are times when you have to move on with your life, Derek.”
Huminga ng malalim si Derek at marahas na napabuga ng hangin. “Lilipat ako oras na matapos na ang building,” sagot niya.
“Okay. Magkita tayo next week sa Yellow Ribbon para i-finalize ang plano. Dadalhin ni Benedict ang blueprint. At kung may kakilala ka pang gustong maging tenant, sabihin mo lang sa amin. Mas maganda kung marami tayong titira doon,” sabi ni Keith.
“Sige,” aniya at tumango. Pagkatapos ay napatitig na lang sa lalaking ngayon ay naipamigay na ang lahat ng dalawa sa mga bata.
Siguro nga tama si Keith. Anim na buwan na ang nakararaan. He needs to move on with his life for real. Hindi iyong kunwari lang na umaakto siyang okay at masigla para hindi mag-alala at magtanong ang mga tao sa paligid niya. At hindi niya iyon magagawa kung araw-araw siyang napapalibutan ng mga alaala ng nakaraan. He needs to get away from the traces of her existence that she left behind inside his apartment. Kailangan niyang umalis doon.
At sa bago niyang titirhan, doon niya sisimulan ulit ang pag-usad ng kanyang buhay. A life without the woman he loves.