KUMUNOT ang noo ni Derek at bumalik sa kasalukuyan ang isip nang may mapansin siyang kakaiba sa kilos ni Jella. Kasalukuyang nakikipagngitian at nakikipag-usap ito sa isang lalaki habang sumisimsim ng wine sa hawak na kopita. “Nagseselos ka ba?” biglang tanong ni Keith. Gulat na napasulyap siya sa kaibigan na nakatingin din sa direksiyon ni Jella. “No.” Umangat ang kilay ng lalaki. “Ah. She’s not the dramatic type and you’re not the jealous type. Ganoon ba iyon?” Nagkibit balikat si Derek. “Hindi rin naman siya selosa.” “Wala siyang rason para magselos. Patay na patay ka sa kaniya noon at kahit sino malalaman iyon kung makikita ka nila noong magkarelasyon pa kayo,” sagot ni Keith.