UNANG beses pa lamang na tumuntong sa Yellow Ribbon Restaurant si Jella anim na taon ang nakararaan ay naging usap-usapan na ito ng mga lalaking staff. Isang waiter ang masiglang nagkuwento tungkol sa maganda nilang customer. Tinawanan lang ito ng kitchen staff, maging ni Derek dahil hindi naman bago sa kanila ang magkaroon ng magandang customer. Kahit nga ang mga anak ng may-ari ng Yellow Ribbon ay magaganda.
Subalit nang sumunod na pagkakataon at ibang waiter na ang nag-asikaso ay puro papuri na naman ang sinabi nito habang hinihintay maluto ang order ng dalaga. Hanggang sa hindi na natiis ng mga lalaki sa kusina ang kuryosidad at sumilip na sa labas. Maliban kay Derek na siyang abala sa pagluluto ng mga order.
“Maganda nga. Mestisa. Mukhang artista,” humahangang sabi ng mga lalaki.
Napailing si Derek. “Go back to work, boys. Marami tayong customer,” saway niya.
“Yes, chef!” mabilis na sagot ng mga ito at agad bumalik sa kani-kanilang trabaho.
Mula noon ay naging regular customer nila ang dalaga. Subalit dalawang linggo pa ang lumipas bago niya ito nakita ng personal. Day off niya. Pero katulad ng nakasanayan niya ay dumadaan siya sa restaurant sa umaga para lamang makita kung maayos ang takbo ng kusina kahit wala siya. Si Jessie, ang bunsong anak ng may-ari ang tumatao sa kusina kapag day off niya. At katulad ng dati ay itinulak siya nito palabas bago pa man siya tuluyang makapasok.
“Kapag day off, day off. Kung wala kang ibang magawa, umupo ka sa isang lamesa at kumain. Don’t mess around my kitchen,” nakangiting sabi nito, idiniin ang salitang ‘my’, bago isinara ang pinto ng kusina.
Humagikhik ang ilang waitress na nakakita sa nangyari. Napabuntong hininga si Derek at napailing. Pumihit siya paharap sa mga waitress para kausapin ang mga ito nang sabay-sabay silang natigilan sa malakas na ingay mula sa isang bahagi ng restaurant. Napalingon sila.
“Do you call these designs? Ang mga ito ba ang balak mo talagang ipakita sa akin? You are wasting my time,” inis na sabi ng isang may-edad na babae na sa kabila ng edad ay posturang postura. Muli nitong hinampas ng mga kamay ang lamesa kung saan may mga papel na nakalatag, walang pakielam kahit na nakatingin na ang lahat sa lamesa ng mga ito. “These are all crap. Crap!” sigaw nito.
Natutok ang tingin ni Derek sa nakababatang babae na katapat nitong nakaupo sa lamesa. She was beautiful. Mestiza ang features, bilugan ang mga mata na kahit sa kinatatayuan niya ay nakikita niya ang makapal na mga pilik-mata, matangos ang ilong at hugis puso ang mga labi na sa mga sandaling iyon ay mariing nakatiim. Brownish ang makintab na buhok na hanggang balikat, maputing mamula-mula ang kutis at kahit jeans at simpleng blouse ang suot ay halatang magaling magdala ng sarili. Tuwid ang pagkakaupo nito. Isang tingin pa lang ay may kutob na siyang ang dalaga ang regular customer na paboritong pag-usapan ng mga waiter nila.
She looks like a doll. Hindi lamang dahil sa pisikal na hitsura kung hindi dahil walang emosyon na mababakas sa mukha nito habang deretso ang tingin sa may-edad na babaeng sinisigawan ito sa pampublikong lugar. Hinahayaan lamang nito magsalita ang may-edad na babae.
“Binigyan kita ng pagkakataon dahil importante kong kliyente ang iyong ina. Pero tama nga ang sinasabi ng marami, hindi nabibili ng pera ang talento at abilidad. Bakit mo pa sinasayang ang mga oras natin? Gawin mo na lang ang kung saan magaling ang mga katulad mo. Buy clothes and dress up instead of trying to be creative. Ibalato mo na lang sa aming mga normal na tao ang paglikha ng mga damit na sinusuot ninyo.” Tumayo ang may-edad na babae at walang lingon likod na naglakad palayo sa lamesa ng mga ito at palabas ng restaurant.
Natahimik ang paligid at lahat nakatingin sa babaeng naiwan. Wala pa rin itong ekspresyon, nakatitig lamang sa mga nakakalat na papel sa lamesa. Nakaramdam si Derek ng simpatya para sa dalaga. Pumasok siya ulit sa kusina. Nagreklamo na naman ang mga tao roon pero hindi niya pinansin. Inabala niya ang sarili sa paggawa ng kanilang houseblend milk tea. Inilagay niya iyon sa isang tray at saka lumabas ulit ng kusina.
Nakaupo pa rin ang dalaga, hindi pa rin tumitinag kung pagbabasehan ang mga hindi pa rin nagagalaw na mga papel sa lamesa. Ilang segundo niya itong pinagmasdan bago siya naglakad palapit. Maingat niyang ibinaba sa bahagi ng lamesa na walang mga papel ang milk tea. Gulat na napatingala ito sa kaniya. Nagtagpo ang kanilang mga paningin. Ngumiti si Derek. Tumaas ang kilay ng dalaga. “Inumin mo. It’s on the house,” sabi niya.
Sinulyapan nito ang baso. Noong una ay akala niya tatanggihan nito iyon. Kaya medyo nagulat siya nang hablutin nito ang baso at inisang inom ang milk tea. Pagkatapos ay marahas nitong ibinaba ang baso at malakas na bumuga ng hangin. Tiningala siya nitong muli. “Salamat. But the next time you offer an upset person a drink, put alcohol on it.” Biglang tumayo ang dalaga, hinablot ang bag at saka mabilis na naglakad palayo sa kaniya.
Napasunod na lang siya ng tingin hanggang makalabas ito ng restaurant. Saka lang siya napatingin muli sa lamesang iniwan nito. Nagkalat pa rin doon ang mga papel na ngayong nakikita na niya sa malapitan ay mayroon palang naka-sketch na mga disenyo ng damit. Hindi siya maalam pagdating sa fashion design pero sa paningin niya ay magaganda ang mga nakaguhit sa mga papel na iyon. Paano nito nagawang iwan na lamang basta ang mga iyon?
Maayos na nilikom ni Derek ang mga papel at saka mabilis na sumunod sa dalaga. Ilang bloke na ang layo nito nang makalabas siya ng restaurant. Taas ang mga balikat at deretsong deretso ang likod habang malalaki ang mga hakbang na naglalakad.
“Miss! Hey, wait up!” tawag niya habang tumatakbo palapit dito dahil hindi siya nito nililingon.
“Miss,” muling sabi niya nang sa wakas ay makaagapay na siya rito. Bahagya siyang yumuko hanggang mabistayan na niya ang mukha ng dalaga. Natigilan si Derek nang makitang namamasa ang mga mata nito. Subalit hindi ang nagbabantang mga luha ang mas nakakuha ng pansin niya kung hindi ang matinding determinasyon na higit na nagpapakinang sa mga mata nito kaysa sa luha. Na para bang himbis na panghinaan ng loob sa pamamahiya ng may-edad na babae kanina ay naging ningas pa iyong lalo para sa dalaga. Hindi niya tuloy napigilan ang pagsilay ng ngiti sa kanyang mga labi.
Napasulyap ito sa kaniya, naningkit ang mga mata nang tila mapansin ang pagngiti niya. “Bakit mo ba ako sinusundan? Akala ko ba on the house ang drinks? Sisingilin mo ba ako?”
“No. May naiwan ka.” Ipinakita ni Derek ang mga papel na hawak niya. “Hindi mo dapat iniiwan ang mga ito kung saan-saan. Paano kung mapunta sa maling mga kamay at angkinin ang mga gawa mo?”
Tumiim ang mga labi nito at inalis ang tingin sa mga papel. “Hindi ko na kailangan ang mga iyan.”
Kumunot ang noo niya at nagpatuloy sa pag-agapay sa dalaga kahit na bumilis ang mga hakbang nito. “Why? They are very good.”