BLACK AND WHITE ang tema ng homecoming party. Ang mga lalaking bisita ay nakaitim na suit habang ang mga babae ay magkakahalong itim at puti ang gowns. Naipagpasalamat ni Derek na mabilis niyang naitago ang pagkagulat sa mga bigating bisita na nagkalat sa bulwagan ng Visperas Hotel kung saan ginaganap ang party. Sa loob ng ilang taon mula ng maipatayo niya ang kanyang restaurant ay maraming beses na siyang nagkaroon ng customer na mga politiko, artista, socialites, anak mayaman at negosyante. Kaya hindi na bago sa kaniya ang makakita ng mga taong kabilang sa alta-sosyedad. Still, the crowd surprised him. Maybe because he realized that all these people are here for Jella.
“Maiwan na kita. Pupuntahan ko ang date ko,” paalam ni Keith na tinapik ako sa balikat at saka mabilis na naglakad palayo.
Namulsa si Derek at kaswal na naglakad-lakad. Hinahanap ng tingin si Jella pero mukhang wala pa sa bulwagan ang dalaga.
“Derek.”
Lumingon siya. Nakita niya si Trick Alfonso, may kasamang may-edad na babae. Isang tingin pa lang ay alam na niyang mag-ina ang dalawa. Ngumiti siya. “Hey.”
Ipinakilala ni Trick sa kaniya ang ina. Magalang niyang binati ang babae na agad ding nagpaalam para puntahan ang isang kakilala na natanawan nito.
“So, naisama ka nga ni Keith,” sabi ni Trick nang maiwan silang dalawa. “He was excited to bring you here. Mag-iingat ka. Baka ginagamit ka na naman niyang materyal para sa isa sa mga libro niya.”
Nawala ang ngiti niya. “Subukan niya lang. Malilintikan na talaga siya sa akin.”
Umangat ang gilid ng mga labi ni Trick. Sa kasamaang palad ay ganoon lang ngumiti ang lalaki. “Matagal ko nang hinihintay na may magturo ng leksiyon kay Keith. If it’s going to be you, then tell me ahead of time so I can watch.”
Napangiti na siyang muli. “Nasaan na ba iyon? Ang sabi niya may date daw siya.”
Lumampas ang tingin ni Trick sa balikat niya. “Ayan na siya. Kasama ang date niya.”
Lumingon si Derek. Nakita niya si Keith kasama ang isang elegante at magandang babaeng tila nasa sisenta ang edad. Nakaabriste ang may-edad na babae sa kanyang kaibigan. Napansin niya na natuon ang atensiyon ng lahat sa dalawa at nagkaroon ng mga bulung-bulungan.
Umangat ang mga kilay niya. May palagay siyang hindi kamang-anak ni Keith ang babae. There is something intimate about them. Keith himself looks entirely different from usual.
“That’s Matilda St. Clair. Siya ang nag organisa ng party,” sabi ni Trick.
Pamilyar ang pangalan ng may edad na babae. Subalit nawala na sa isip ni Derek na alalahanin kung saan niya narinig ang pangalan ni Matilda nang mahagip ng kanyang mga mata ang talagang gusto niyang makita sa pagtitipon na iyon.
She was wearing a long gown. Sa karagatan ng mga puti at itim na kasuotan ay lutang na lutang ang kulay ng suot nito. It was bloody red, made of smooth fabric that hugs her curves like second skin. Sa isang iglap ay naintindihan niya kung bakit black and white ang konsepto ng pagtitipon. Iyon ay upang madaling makita kung para kanino ang gabing iyon. Para sa magandang babaeng nakasuot ng pula.
Nakataas ang noo ni Jella at may munting ngiti sa mga labi. Tila isang reyna na pinagmamasdan ang kanyang kaharian. Tumabi ang dalaga kay Keith at Matilda. Nagsalita ang may-edad na babae, nagpapasalamat sa mga dumalo sa gabing iyon. Nagpalakpakan ang mga bisita. Si Derek ay hindi nakakilos sa kinatatayuan, napatitig lamang sa mukha ng dalaga na amin na taon na niyang hindi nakikita ng personal.
She looks the same yet entirely different. Pumayat ito, naging toned ang pangangatawan na dati ay malambot. Maging ang mukha nito na dati ay may mabilog na mga pisngi ay naging mature na rin. At ang mga mata nito na dati ay kumikinang sa energy, enthusiasm, passion at confidence, ngayon ay malamig kahit pa nakangiti.
Muli ay natanong ni Derek sa isip kung ano ang nangyari sa dalaga. How did she end up like this? Pero sa isang banda, hindi naman siya dapat magtaka. Anim na taon ang lumipas. Normal lamang na magbago ang isang tao sa loob ng panahong iyon. Subalit hindi pa rin siya mapakali. May kakaiba kay Jella na hindi pa niya malaman eksakto kung ano. Hindi siya matatahimik hangga’t hindi nalalaman kung ano ang dahilan ng pagkabahala niya. Kahit pa alam niya na kung tutuusin ay wala na siyang karapatang mangielam pa sa buhay ng dating nobya.
“Lalapit ako para batiin si Matilda St. Clair. She’s a very important business associate to our family. Gusto mo bang sumama para makalapit ka kay Jella Perez?” tanong ni Trick na dumeretso na ng tayo at akmang maglalakad na.
“Wala pa akong balak lumapit sa kaniya,” sagot ni Derek.
Umangat ang mga kilay ni Trick pero hindi nagkomento. Bahagya lang siyang tinanguan at saka umalis. Sumunod ang tingin niya sa kaibigan. Pagkatapos ay napunta muli kay Jella na ngayon ay nilalapitan at binabati na ng kung sino-sino. Kumuha siya ng kopita ng wine sa dumaang waiter at nagpatuloy sa pagmamasid sa dalaga. Pinagmasdan niya itong maglakad paikot sa bulwagan, humihinto kapag binabati at kinakausap ng mga bisita.
Tutok ang atensiyon ni Derek sa bawat kilos nito kaya nakita niya na nawawala ang ngiti sa mga mukha ng mga kausap nito kapag lumampas na ang dalaga. Nagbubulungan habang nakasunod ng tingin. Tumiim ang mga labi niya. Lalo na nang makita niyang hindi rin umaabot sa mga mata ni Jella ang ngiti. Katunayan, nang luminga ang dalaga at magkaroon siya ng pagkakataong matingnan maigi ang mga mata nito ay nabanaag niya roon ang kislap ng determinasyon at paghihimagsik. Na para bang hinahamon ang mga tao sa paligid nito. Na para bang sinasabing wala itong aatrasan na kahit na sino.
Makalipas ang halos kalahating oras ay lumapit sa isang lamesa ang dalaga kung saan nakaupo na si Matilda kasama si Keith. Akmang uupo na ito nang may kung anong sabihin ang lalaki. Natigilan ito, muling napaderetso ng tayo at biglang bumaling sa direksiyon niya. Hindi handa si Derek sa pagtatagpo ng kanilang mga tingin. Sigurado siya na ang nakikita niyang pagkabigla sa mga mata nito ay kalahati lang ng pagkagulat na nakikita nito sa kanyang mga mata. Sandaling hindi niya alam kung ano ang gagawin. What is a man supposed to do after seeing his ex-girlfriend for the first time in six years?
Napaderetso siya ng tayo nang magsimulang maglakad si Jella palapit habang nakatingin pa rin sa kaniya. Wala na ang pagkagulat sa mga mata nito. Wala ring katuwaan o disgusto. Naglakad siya pasalubong rito hanggang sa magtagpo sila sa gitna. Ilang sandaling tahimik lamang sila, pinagmamasdan ang mukha ng isa’t isa.
“Hindi ko inaasahan na makikita kita rito,” basag ng dalaga sa katahimikan. Kung pagbabasehan ang tono niya ay para bang hindi anim na taon nang huli silang magkita. At hindi pa maganda ang paghihiwalay nila noon. Unti-unti niyang napagtatanto na tinitingnan siya ni Jella ngayon na para bang isa lamang siyang kakilala na nagkataong nakita nito sa pagtitipon na iyon.
Subalit hindi na siya nagtataka. Noon pa man ay alam na niyang iba si Jella sa mga babaeng nakilala na niya. Kahit ang reaksiyon nito sa mga bagay-bagay ay hindi pangkaraniwan.
“Hindi ko rin inaasahan na sa ganitong paraan kita makikita ulit pagkatapos ng anim na taon,” sagot ni Derek. Pagkuwa’y bahagya siyang ngumiti. “You really made your dream come true.”
Natigilan si Jella. Nawala ang indifference sa ekspresyon nito. May kumislap na emosyon sa mga mata nito bago nag-iwas ng tingin. Masyadong nakatutok ang tingin niya sa dalaga kaya nakita niyang pait ang isa sa mga emosyong dumaan sa mga mata nito.
“You made your dream come true too, right?” biglang sabi ni Jella nang muling bumaling sa kaniya. Wala na ulit ekspresyon sa mukha.
Kumurap si Derek. Nasabi ba ni Keith ang tungkol sa restaurant niya? Nagkibit balikat siya at muling ngumiti, binalewala ang pagbalik ng indifference sa tono ng dalaga. “I’m getting there.”
Natahimik na naman sila. Nagkatitigan. Tumaas ang noo ni Jella at dumeretso ng tayo. “Well, don’t just stand there. Eat something. Come on.” Saka ito tumalikod at naglakad pabalik sa lamesang iniwan nito kanina.
Naglakad pasunod si Derek. “Hindi mo man lang ba sasabihing masaya kang makita ako?” mahinang tanong niya.
“You didn’t say it either,” hindi lumilingon o bumabagal sa paglalakad na sagot ni Jella.
Napangiti siya. “I’m happy to see you again.”
Hindi kumibo si Jella, ang tanging reaksiyong nakita niya ay ang pagtaas ng mga balikat nito. Bukod sa wala ng oras para sumagot ang dalaga sapagkat nakalapit na sila sa lamesa kung nasaan sina Matilda St. Clair at Keith.
“And who is this young man?” bahagyang nakaangat ang mga kilay na tanong ng may-edad na babae.
“Siya ang sinasabi ko sa iyong kasama ko, Matilda,” nakangiting sagot ni Keith. Kumikinang ang mga matang pinagpapalit-palit nito ang tingin sa kanila ni Jella. Hindi binanggit ng lalaki ang kanyang pangalan kaya sigurado siyang hinihintay nito na ang dalaga ang magpakilala sa kaniya.
“Derek, I would like you to meet Madam Matilda St. Clair. Madam, this is Derek,” kaswal na pakilala ni Jella. Saka humatak ng sariling silya at umupo.
Magalang siyang nakipagkamay sa may-edad na babae na bumakas na ang kuryosidad sa mukha. “And how are you two related?” tanong nito nang makaupo na siya sa tabi ni Jella.
“We used to date,” tipid na sagot ng dalaga matapos nilang magkatinginan. “We broke up before I went to the US.”
“Oh,” nausal ng may-edad na babae.
“They are a weird ex-couple, right? Anim na taon silang hindi nagkita pero kaswal silang magkatabi ngayon. Normally, may ilangan kapag nagkikita ang mga dating magkasintahan, hindi ba?” palatak ni Keith, nanunudyo ang ngiti.
“Ano naman ang dapat ikailang? Nakaraan na ang lahat,” balewalang sagot ni Jella. Napatingin si Derek sa mukha nito. Wala siyang masabi dahil hindi naman mali ang pahayag nito. Pero sigurado siyang may itinatagong emosyon sa likod ng kawalan nito ng ekspresyon at kaswal na tinig. Hindi nga lamang iyon ang tamang lugar at oras upang kuwestyunin ang dalaga. Kaya nang sulyapan siya nito at makita niya ang paghamon sa mga mata nito ay ngumiti lang siya. Mabilis na binawi nito ang tingin.
Dumating ang isang server at inilapag sa lamesa ang mga pagkain. Hindi sila nag-usap ni Jella at parehong tahimik na kumain. Nang may tumawag sa atensiyon nito ay tumayo ito kasama si Matilda St. Clair at umalis sa lamesa. Napasunod sila ni Keith ng tingin sa dalawa.
“So, ano ang pakiramdam na nakita mo na siya ulit ng personal?” tanong ng kanyang kaibigan. “Medyo nanghihinayang lang ako, kulang sa drama ang reunion ninyo. Kaunting titigan lang,” palatak pa nito.
“She’s not really the dramatic type,” komento ni Derek, nakasunod pa rin sa bawat galaw ni Jella. “Besides…”
“Besides?”
Tinitigan niya ang mukha ng dalaga, may tipid na ngiti sa mga labi habang nakikipag-usap sa bisita. “The less emotion you see in her face, the more emotions she’s feeling inside.”
Hindi pa niya alam ang tungkol doon noong unang beses niya itong nakita. At marahil para sa mga taong hindi nakakakilala ng lubusan sa dalaga ay mukha itong suplada, self-centered at indifferent. But he knew better. He knew her. At least, six years ago he did. Hindi lamang niya sigurado ngayon sa bagong Jella na nakikita niya.
Subalit ang Jella Perez na nakilala niya anim na taon ang nakararaan, malinaw pa rin sa isip niya. Dinadalaw pa rin siya ng alaala nito paminsan-minsan. Katulad ngayon…