“Hindi pa ba akong puwedeng mauna? May importante kasi akong lakad ng ala – siyete,” bulong ko sa katabi kong si Lily.
“Kausapin mo na si Sir Felix kung puwede ka ng maunang mag – defense. ‘Di ba kasi sinabi na sa atin na baka gabihin tayo ngayon? Hindi pa nga kumpleto ang panel natin,” sagot niya sa akin.
Napahinga ako ng malalim at tumingin sa relo ko. Six thirty na. Kaninang – kanina ko pa narawramdaman na nagba – vibrate ang telepono ko. Ayaw ko ng tingnan. Dahil alam kong si Uncle Rod na naman iyon at tatanungin kung nasaan na ako.
“Saan ka pupunta?” takang tanong niya sa akin ng makita akong tumayo.
“Susubukan kong makiusap kay Sir Felix kung puwedeng mauna na ako o kung puwedeng sa ibang araw akong mag – defense,” sagot ko sa kanya.
“Girl, alam mo naman kung gaano kahigpit ang syokoy na professor na iyan. Baka mapahiya ka lang,” dama ko ang kaba sa boses niya.
“Bahala na. Importante kasi talaga ang lakad ko ng ala – siyete,” at umalis na ako doon para lapitan ang professor ko.
Kahit pakiramdam ko ay nagsisirko ang tiyan ko sa kaba ay lumapit ako sa professor ko. Naabutan ko siyang nakayuko at tingin ko ay nagco – compute ng grades.
“S – Sir Felix,” tawag ko sa kanya.
Nakakunot agad ang noo niya ng tumingin sa akin kaya bahagya akong napaatras. Kilalang terror kasi ang professor na ito kaya marami sa mga classmates ko ang nagda – drop sa subject niya.
“May kailangan ka Ms. Fuentes?” nakataas agad ang kilay niya.
“S – sir. Makikiusap lang sana ako kung puwede po akong mauna mag – defense. Or kung hindi puwede, kahit po sa ibang araw na lang. May importanteng lakad lang po ang family ko,” sabi ko.
Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa.
“Anong importanteng lakad iyon Ms. Fuentes?” tanong pa niya.
Hindi agad ako nakasagot. Puwede ko bang sabihin sa kanya na dahil mag – aasawa na ako kaya kailangan kong umuwi ng maaga?
“Ms. Fuentes, matagal ko ng sinabi sa inyo na hindi ako nagbibigay ng special treatment sa kahit na kaninong estudyante. Ngayong araw lang ang defense. Nasa sa iyo na iyon kung uunahin mo ang importanteng lakad mo o ang subject ko. Go back to your seat,” sabi niya at muling itinuon ang pansin sa ginagawa.
Napapahiyang napatingin ako sa mga kaklase ko at nakita ko ang awa sa mukha nila. Tulad ko, takot din sila sa professor namin na ito.
“Sabi ko naman kasi sa iyo hindi papayag ang syokoy na iyan eh,” sabi agad ni Lily ng makabalik ako sa upuan ko.
“s**t,” mahinang sabi ko at muling tumingin sa relo. Six forty na. Kinuha ko ang cellphone ko. Lumang flip phone iyon na bigay ni Uncle Rod. Pinaglumaan ni Stacey. Nakita ko sa message inbox ang limang messages ni Uncle Rod. Kasama pa ang hindi mabilang na missed calls.
Nasaan ka na? Nandito na sila Orlan.
Anong oras na, Nikki? Sinabi ko sa iyong mas importante ito kesa sa pag – aaral mo.
Punyeta Nikki! Sumagot ka!
Putang ina Nicole! Huwag mong ubusin ang pasensiya ko!
Palalayasin kita kapag hindi ka pa sumagot.
Iyon ang nabasa kong sunod – sunod na message ni Uncle Rod.
Pauwi na po.
Iyon ang sagot ko at napahinga ako ng malalim. Inimis ko ang mga gamit ko at nakita kong nagtatakang napatingin si Lily.
“Aalis ka na?”
Tumango ako. “Kailangan ko talagang nasa bahay ng ala – siyete.”
“Pero ibabagsak ka ni Felix kapag hindi ka nakapag – defense ngayon,” sabi pa niya.
“I have no choice.” Iniabot ko sa kanya ang isang folder. “Pakibigay ‘yan sa kaibigan ni Harold. Sabihin mo kahit huwag na niya akong bayaran.”
“Nikki, paano ang scholarship mo?” kita kong nag – aalala si Lily.
Napailing lang ako at pinigil ko ang mapaiyak. “Bahala na. Inform mo na lang ako kung anong mangyayari,” sabi ko at nakayukong lumabas sa classroom.
Lakad – takbo ang ginawa ko makarating lang sa sakayan ng jeep. Hindi ko alam kung ipinanganak lang talaga akong malas dahil walang jeep na nandoon sa pila at bigla pang bumuhos ang ulan.
Tiningnan ko ang pera ko at meron pa akong two hundred. Kasya na siguro iyon kung magta – taxi ako kaya pinara ko ang taxi na dumaan sa harap ko.
“Sta. Cruz manong,” sabi ko ng makasakay.
“Traffic ‘dun, mam. Plus fifty ka na lang para sa ibang way tayo dadaan,” sabi ng driver.
“Manong naman, two hundred na lang ho ang pera ko. Baon ko pa ito hanggang sa Biyernes. Estudyante lang ako,” sagot ko sa kanya. Gusto kong batukan si Manong. Hindi na naawa sa akin.
Nakita kong kumamot ito ng ulo.
“Bumaba ka na lang. Maghanap ka ng ibang masasakyan. Traffic talaga ‘dun,” sabi niya sa akin.
Napahinga ako ng malalim.
“Baka itong relo ko puwede ng dagdag. Wala na talaga akong fifty pa na maibibigay sa iyo,” pakiusap ko at iniabot ang relo ko sa kanya.
Saglit siyang nag – isip at tiningnan ang relo ko tapos ay ibinulsa iyon.
“Sige puwede na ‘yan,” sabi niya at pinaandar na ang taxi.
Pakiramdam ko ay bibitayin na ako ng makarating ako sa bahay ni Uncle Rod. Pasado alas otso na iyon. Sobrang traffic naman talaga at kung puwede ko lang liparin ang pauwi ay ginawa ko na.
Humihingal pa ako ng makapasok sa sala at naabutan ko doon sila Uncle Rod at Auntie Tessie. Ang pamilyang sinasabi niya. At napako ang tingin ko sa isang lalaking nasa isang sulok na nakayuko.
Lahat sila ay nakatingin sa akin pero bukod tanging ang lalaki lang ang nakayuko at hindi nag – angat ng tingin. Siguro dahil sa itsura kong mukhang basang sisiw. Bakat na bakat ang katawan ko sa school uniform ko habang kipit ang mga librong basa dahil sa malakas na pag – ulan.
“O, nandito na pala si Nikki,” nakangiting sabi ni Uncle Rod at lumapit sa akin. Naramdaman ko ang madiin niyang hawak sa braso ko.
“P – pasensiya na ho. Ang hirap kasing sumakay,” tanging nasabi ko.
“Walang anuman iyon, iha. Nag – aaral ka pa pala? Nabanggit kasi sa akin ni Rod huminto ka na daw sa pag – aaral,” narinig kong sabi ng matandang lalaking naroon. Sigurado akong ito ang Orlan na sinasabi ni Uncle Rod. Mukha namang siyang mabait. Siguro kaedad lang din niya si Uncle.
“Third year na po ako sa course kong Education. Sa katunayan, defense ko ho ngayong gabi. Kaya lang kailangang nandito ako kaya sigurado akong bagsak na ako doon,” hindi ko alam kung bakit nasabi ko iyon. Siguro kasi naiinis ako. Dahil nasayang ang lahat ng pinag – aralan ko dun.
Nakita kong nag – angat ng mukha ang lalaking nasa sulok at napatingin sa akin. Napalunok ako. Kilala ko siya. Siya ang kaibigan ni Harold na nagpapagawa sa akin ng term paper. Alam kong nakilala din niya ako dahil nakatitig na siya ngayon sa akin. Those deep set hazel brown eyes staring straight to me na binagayan ng makakapal na kilay. His nose is perfect for his facial shape and those red lips na parang ang lambot. Parang cherry.
“Oh? Sayang naman iyon, iha. Bakit hindi mo pa tinapos ang defense mo?” nakita kong worried ang mukha ng matandang lalaki.
Umiling lang ako at iniiba ko ang tingin ko. Alam kong nakatingin pa rin siya sa akin. Pinilit ko na ngumiti. “Okay lang ho iyon. Babawi na lang ako. Scholarship ko lang naman ho ang maapektuhan noon. Baka instead of full scholarship, maging fifty percent na lang or hindi ko po alam kung anong mangyayari,” sagot ko.
“Huwag mo ng intindihin ang pag – aaral niya, Orlan. Ayaw ng mag – aral niyang si Nikki. Gustong – gusto na niyang mag – asawa. Sigurado akong bagay na bagay sila ni Javier,” Sabat ni Uncle Rod. Nakita kong pilit na pilit ang ngiti niya.
Napatingin ako muli sa Javier na tinawag nila. Nakatiim lang ang bagang niya at nakatingin pa rin sa akin. Ano ba? Nakakaasiwa kaya? Feeling ko hubad na ako sa tingin niya.
“Orlan, mamaya ka na mag – interview kay Nikki. Pabayaan mo na muna siyang magbihis at makapag ayos,” saway dito ng kasamang babae at tumingin sa akin. “Sige na, iha. Magbihis ka muna at baka magkasakit ka pa.”
Napatingin ako kay Uncle Rod.
“Sige. Bilisan mo,” mahinang sabi niya sa akin.
Hindi ko na alam kung anong t-shirt ang nahugot ko mula sa aparador ko. Nanginginig ang kamay ko habang isinusuot ko ang jeans ko. Hindi ko alam kung dahil ba sa ginaw o sa kaba kaya ako nanginginig.
“Palit na lang tayo,” narinig kong sabi ng kung sino.
Hindi na ako lumingon. Alam ko naman na si Stacey iyon. Lumapit pa siya sa akin at humiga sa kama ko.
“Sabihin mo kay Papa ayaw mo nang pakasal. Ako na lang ang ipakasal niya,” sabi pa nito sa akin.
Tiningnan ko lang siya at tingin ko, hindi nga siya nagbibiro.
“Ayoko ng mag – aral. Gusto ko na lang mag – asawa para mawala na ang problema ko sa mga grades kong bagsak. Saka nakita mo ba ang anak nila Tito Orlan? Grabe ang guwapo! Ako na lang ang papalit sa iyo,” sabi pa niya.
Totoo naman iyon. Guwapo naman talaga ang lalaking iyon. Kahit na nga una ko pa lang siyang nakita sa campus. Kahit na mukha siyang walang pangarap sa buhay.
“Bakit hindi mo sabihin kay Uncle Rod ‘yan?” gusto kong magwala. Gusto naman pala ni Stacey magpakasal sa lalaking iyon. Bakit kailangang ako pa?
“Eh, ayaw nga ni papa. Marami pa daw siyang pangarap sa akin. Ikaw naman daw, sigurado naman daw siyang wala ka ng pupuntahan after mong mag – aral. Hindi nga daw siya sigurado kung makakapag – enroll ka pa sa next sem dahil wala na siyang pampaaral sa iyo. Kaya ikaw na lang ang ipapakasal niya para wala na siyang obligasyon sa iyo,” mahabang paliwanag nito.
So iyon pala ang totoo. Ayaw na ng obligasyon sa akin ni Uncle Rod kaya itatapon niya ako sa ibang tao.