Bangungot kung ituring ni Maxine ang malagim na pangyayaring 'yon sa buhay niya. Ni sa hinagap niya, hindi niya aakalain na makaka-aksidente siya na naging dahilan nang pagkamatay ng mag-ina.
Dead on arrival ang isang babae at ang anak nito pagkarating sa Hospital. Samantalang ang asawa naman ng babae ay critical ang condition at na-comatose raw ito.
Sugatan at nabali rin ang buto niya. Kaya naman hanggang ngayon ay nakasimento pa rin ang kaliwang binti niya. Ngunit bukod pa roon ay wala na siyang malalang nakuha.
Alam ng Diyos kung gaano niya pinagsisihan ang pangyayaring 'yon. Hindi niya matanggap na nakapatay siya ng tao. Oo nga't hindi naman niya intensyon at iyon ay isang aksidente, pero dahil sa kapabayaan niya ay may nawalan ng buhay. Ang hindi niya pa matanggap ay tinanggalan niya nang karapatan ang isang batang anghel na mabuhay pa sa mundong ito!
Nang malaman niya 'yon, parang gusto na rin niyang mamatay nang magising siya sa Hospital. Hindi niya kayang dalhin habang buhay ang mabigat na dalahin na ito. Alam niya, dadalhin 'yon ng kanyang konsensya hanggang sa pagtanda niya.
Nagkaroon siya ng depression dahil dito. Halos hindi na siya kumakain at hindi na siya naliligo. Gusto niya laging mapag-isa at nagkakaroon na siya ng suicidal ideation.
At kung hindi lang siya pina-therapy ng ama sa isang psychologist ay baka mas lumala pa siya.
Saglit na naudlot ang kasal nila ni Jack. Pakiramdam niya nga rin ay biglang nanlamig sa kanya ang kasintahan nang malaman nito ang kinasangkutan niya.
Ngayon, sa tulong ng kanyang pamilya at mga kaibigan, ay unti-unti na siyang nakabangon sa bangungot na 'yon.
"Papang, ano nga pala ang lagay ng kaso ko? Makukulong po ba ako?" Napahikbi siya sa tanong.
Malalim na hininga ang binitawan ni Manuel. Galing pa ang mga ito sa probinsya, at napaluwas sa Maynila ng wala sa oras dahil sa nangyari sa nag-iisang anak.
"Ginagawa namin ng mamang mo ang lahat para hindi mangyari 'yon. At mukhang wala rin namang balak na mag-demanda 'yung biyudo,"
Napasinghap si Maxine sa narinig. "G-Gising na po siya papa?"
Tumango ang matanda. "I-Impossible naman papang na hindi niya ako ide-demanda. Napatay ko ang mag-ina niya. Baka naman may amnesia siya?"
Ayaw sana matawa ni Manuel sa sitwasyon dahil wala namang nakakatawa, ngunit hindi nito maiwasan dahil nasobrahan na talaga ang kanyang anak sa pagbabasa ng mga nobela at panonood ng telebisyon.
"Wala siyang amnesia. Nasuri na siya ng doctor. Nagulat nga rin ang pulisya eh akala tuloy binayaran natin 'yung biyudo kasi no comment lang siya sa naging aksidente,"
"Impossible..." anas niya sa sarili.
Kung sa kanya mangyari ang naging kapalaran nito, kung nagkapalit sila ng sitwasyon nito, pagkadilat na pagkadilat niya pa lang sa Hospital ay susugurin na niya ito. Hindi niya ito tatantanan hanggang sa makuha niya ang hustisya para sa mag-ama niya.
Pero bakit hindi ito kumikilos? Napakaimpossible...
Nabasa ni Manuel ang pinag-aalala ng anak. "Huwag mo na muna masyadong pakaisipin ang sitwasyon. Hindi ka pa tuluyang magaling. Kailangan mo pang tapusin ang therapy mo. Kapag handa na siyang makipagusap saatin, kakausapin natin siya at hihingi tayo ng tawad. Kung kinakailangang gawin natin lahat ng gusto niya ay gagawin natin," seryosong bilin nito.
"O-Opo, papang..."
Ngunit lumipas ang mga araw, linggo at buwan, walang Dimitri Finnegan ang nagpakita sa kanya...
~
MATIIM ang titig ni Dimitri sa mga gusali na katapat ng kanyang opisina. Malayo ang tinatakbo ng isipan. Hanggang ngayon, ang pait ng nakaraan ay nakaukit pa rin sa isip at puso niya at kahit kailan ay walang makakapawi ng sakit na pagkawala ng kanyang asawa at anak...
Sa nakalipas na mga buwan ay nanahimik muna siya. Hindi nagpakita. Tinimbang sa sarili kung ano ba ang magandang gawin. At ngayon, nakapagisip na siya ng kanyang hakbang.
Aaminin niyang sa pagkamatay ng kanyang mag-ina ay parang namatay na rin siya. Gusto na niyang sumunod sa mga ito. Ngunit hindi siya papayag na ang taong may kagagawan nito ay malaya lang na nakakagala.
Maraming binago sa kanyang personalidad ang pagkamatay ni Grace at Jessie. Naging malamig siya, walang puso at kinatatakutan ng lahat. Totoong binabago ng pait at sakit ang isang tao.
May kumatok sa private office niya. Inupos niya ang sigarilyo sa ash tray at pinapasok ito.
"Mr. Finnegan, naririto na po ang detailed report," magalang na sabi ng kanyang assistant na si Sullivan. Maasahan ito at matagal nang nagtatrabaho sa kanya.
"Sigurado ka bang kumpleto ito?" malamig na tanong niya.
Tumango ito. "Kumpleto ho ang detalyeng naririyan. May mga pictures pa pong kasama,"
"Sige. Makakaalis ka na,"
Pagkalabas ni Sullivan ay umupo siya sa swivel chair niya. Bumungad sa kanya ang mga impormasyon tungkol sa babaeng pumatay sa kanyang mag-ina.
Maxine Lagera...
Wala siyang kainte-interest sa nababasa. Gusto niya lang alamin ang lahat dito upang alam niya kung paano ito aatakihin. Kung inaakala nitong nanahimik na talaga siya, puwes, nagkakamali ito. Dahil nagsisimula pa lang siya!
Simpleng babae lang ito pero mayaman. Ngunit mas di hamak na mayaman pa rin siya. Kaya hindi niya tuloy maisip kung ano ang pwede nitong ibayad sa kanya. Hindi sapat ang pagkakulong nito sa kinuha nito sa kanya. At sa nakikita niyang impormasyon dito ay wala namang bagay na pwedeng pag-interesan dito.
Ang huling pahina ng papel ay larawan ng isang babae.
Aaminin niya, ito ang babaeng pinakamagandang nakita niya sa tanang ng buhay niya. Mas maganda pa ito sa asawa niyang si Grace.
Tinignan niya ulit ang unang pahina at nakita niyang single ito at hindi pa married.
May isang ideya ang naglaro sa isipan niya. Napangisi siya at inilagay sa mesa ang papeles.
Bakit nga ba, hindi?
Tutal alam naman niya na kahit anong mangyari ay hindi matutumbasan ng pagkakakulong nito ang dalawang buhay, bakit hindi nito palitan ang winala nitong buhay?
Muli niyang tinignan ang napakaamong mukha ni Maxine.
Kinuyom niya ang kamao at muling tumayo upang dumungaw sa bintana.
"Sisiguraduhin kong pagbabayaran mo ang pagpatay sa mag-ina ko, Maxine Lagera! Ikaw. Ikaw ang magbibigay sa akin ng panibagong anak!" tiim-bagang na pangako niya sa sarili.