ONE month earlier. Naalimpungatan ako nang may marinig akong pagbato sa pinto ng balkonahe ng aking silid. Hindi pa man lubos na nakakadilat ang mga mata ko ay dali-dali kong tinungo ang pintuan at hinawi ang kurtina. Mariin akong napapikit dahil sa liwanag na sumalubong sa aking mata. Ilang beses akong kumurap bago ko lubos na makita kung sino ang bumabato sa pinto ng aking balkonahe. Parang kamatis sa pula ang aking mukha nang makita ko si Daxton Fabellon sa baba ng aking balkonahe. Sakay ito ng kanyang kabayo na hindi na bago para sa akin.
Ang porselanang kulay ng balat ni Daxton ay mas maliwanag kaysa sa araw. Nakasuot ito ng puting polo na nakabukas ang unang tatlong butones. Kitang-kita ko ang pawis sa dibdib nito na kumikinang dahil sa pagtama ng sikat ng araw. Ang singkit at kulay tsokolate nitong mata na may makapal na kilay, matangos na ilong, at malapad na labi ay tumutugma sa kanyang hugis parisukat na mukha at buhok na maayos ang pagkakagupit.
“What are you waiting for? Come on down!” anyaya nito sa akin. Hindi ko mapigilang mapangiti. Sa loob kasi ng isang linggo ay lagi na itong ginagawa ni Daxton. Inililibot niya ako sa dalampasigan sakay ng kaniyang puting kabayo. Isang linggo na rin kasi ang nakalipas magmula nang ligawan ako nito.
Mabilis akong tumungo sa banyo ng aking silid upang magsipilyo at maghilamos. Hindi na ako naglagay ng kolorete sa aking mukha. Sinuklay ko na lamang ang umaalon kong buhok na hanggang balikat. Nagpalit lamang ako ng puting bestida na walang manggas at bumaba na patungo kay Daxton.
Nang matanaw niya ako ay dali-dali itong bumaba sa sinasakyang kabayo upang salubungin ako. Nang makalapit ako rito ay huminto ako sa harap niya. Napaiwas ko ang aking mukha at napakagat labi nang ilagay nito sa likod ng aking tainga ang buhok na nakaharang sa aking mukha dahilan ng pagngisi nito.
“Good morning, Letizia,” bati nito sa akin. Kinuha nito ang kanang kamay ko at hinalikan ito habang ang mga mata niya ay nakatingin sa mga mata ko. “You look beautiful,” dugtong niya na nagpabilis sa kabog ng aking dibdib.
Mabilis kong binawi ang kamay ko dahil sa kilig at hiya dahilan kung bakit naiwan sa ere ang kamay ni Daxton. Napahalakhak siya dahil sa ginawa ko.
“You need to get used to it, Letizia,” ani niya. Sinamaan ko naman ito ng tingin. “Paano na lang kapag naging tayo na?” pang-aasar niya pa.
“Tumahimik ka nga, Daxton. Palibhasa kasi ay sanay na sanay ka sa mga ganiyan dahil marami kang babae,” pang-aasar ko pabalik pero tinawanan niya lang ako at napapailing.
“Halika na,” pag-aya ko rito at pumuwesto na sa gilid ng kanyang kabayo. Pumunta na ito sa likod ko at hinawakan na ang baywang ko gamit ang dalawa niyang kamay upang alalayan ako paakyat.
“Magkakaroon lang ako ng maraming babae kapag dumami ka, Letizia,” bulong nito habang nakahawak pa rin sa baywang ko. Alam ko kung ano ang tinutukoy niya. Lihim akong napangiti dahil sa kilig na naramdaman ko. Ngunit ang ngiti ko ay naging halakhak nang pisilin ni Daxton ang baywang ko para kilitiin.
Ilang segundo rin kaming nagharutan bago niya ako tuluyang isinakay sa kanyang kabayo. Sinabi ko kay Daxton na hindi pa ako kumportableng umupo sa harapan niya kaya’t sa likod niya ako nakaupo sa tuwing mangangabayo kami.
“Hold on tight. Baka mahulog ka, Letizia,” utos nito. Agad akong kumapit sa kanyang polo. “Baka mahulog ka sa akin,” dagdag nito. Hinampas ko ang likod niya upang pagtakpan ang kilig na dumaloy sa aking sistema.
“Sanay na sanay, Daxton,” ani ko. Nagkibit-balikat lamang ito. Nagulat ako nang alisin niya ang kamay ko sa pagkakakapit sa polo nito at mabilisang ipinulupot sa kanyang baywang.
“I said hold on tight,” ulit nito sa sinabi niya kanina at mas pinabilis pa ang takbo ng kabayo. Dahilan kung bakit ako napayakap ng mahigpit sa kanya.
“You’re doing this on purpose, Mr. Fabellon,” suspetsiya ko rito.
“Seems like it, Mrs. Fabellon,” pag-amin niya. Tumahimik na lamang ako dahil sa tuwing nagsasalita ako ay sinasagot ako ni Daxton ng matatamis na salita, tulad ngayon na tinawag na naman niya akong Mrs. Fabellon.
Nang makarating kami sa dalampasigan ay bumagal na ang pagpapatakbo ni Daxton. Ninanamnam namin ang magandang tanawin ng dagat. Sininghot ko ang sariwang hangin na sumasalubong sa akin. Kahit siguro hanggang pagtanda ay hindi ako magsasawa sa pakiramdam na ibinibigay sa akin ng tabing dagat.
Natigil ako sa pagmumuni-muni ko nang huminto ang kabayong sinasakyan namin. Bumaba si Daxton mula sa kabayo at inalalayan din ako nito upang makababa.
“Bakit tayo bumaba?” tanong ko rito. Maloko itong ngumiti at itinaas-baba ang kilay nito.
“It’s for me to know and for you to find out,” pamisteryoso nitong sagot sa akin na dahilan ng pagkunot ng noo ko.
“Ano ba kasi iyon? Binabaliw mo naman ako sa kakaisip, eh!” pangungulit ko pa rito. Kinagat lamang nito ang kaniyang labi at mapaglarong umiling. Mayamaya pa ay may kinuha ito sa kaniyang bulsa na kulay puting panyo.
“I might tell you if you snatched it from me,” hamon niya sa akin. Iwinagayway nito ang panyong hawak sa mukha ko, tila lalo pa akong inaasar. Inirapan ko ito at sinubukang agawin ang panyo mula sa kaniya. Itinaas lamang niya ito sa akin dahilan kung bakit hindi ko ito maabot. Tumalon-talon ako upang abutin ang panyo, pero hindi ko pa rin ito makuha mula sa kaniya.
“Nah! It’s never gonna work, Letizia. I’m a six-footer, remember?” paalala nito sa akin. Nagpanggap akong napipikon. Tinalikuran ko siya at naglakad papalayo.
“Hey, I’m just playing. Come back here, Letizia!” hinabol ako nito ngunit hindi ko siya binigyang pansin.
“Letizia, hey!” sigaw nito. Hindi ko ito nilingon at mas lalong binilisan ang lakad ko upang hindi ako maabutan ni Daxton.
“Mrs. Fabellon!” malakas niyang sigaw dahilan kung bakit ako napahinto sa paglalakad. Bago ko pa man siya maharap ay tinakpan na nito ng panyo ang mga mata ko mula sa aking likuran.
“Gotcha!” bulong nito sa kanang tainga ko. Naramdaman ko ang mainit na hininga nito dahilan ng pagtaas ng balahibo ko sa katawan.
“Ano na naman ito, Daxton?” malditang tanong ko rito habang pilit itinatago ang pananabik at kilig na nararamdaman ko.
“I already said. It’s for me to know and for you to find out, right?” ulit nito sa sinabi niya kanina.
“Fine!” pagsuko ko at nagpadala na lamang sa nais mangyari ni Daxton.