FROM DAD: I'm really sorry, my princess, hindi nakarating si Daddy kagabi dahil nagkaroon ng emergency. Pero hayaan mo, babawi na lang ang daddy kapag hindi na busy.
Parang kinain ako ng lungkot nang mabasa ang text message ni Dad pagkagising ko kinabukasan. Talagang hinihintay ko pa siya buong magdamag sa pag-aakalang darating para sunduin ako, pero hindi naman pala. Gusto ko pa naman sanang hilingin sa kanya ng personal na ilipat na lang ako ng school. Hindi ko naman mahiling sa kanya through phone call or text message dahil sa totoo lang ay nahihiya rin ako. Mas maganda sa personal para maipaliwanag ko nang maayos sa kanya kung bakit gusto kong mag-transfer.
Ngayon ay muli akong bumalik ng university para mag-take ulit ng exam dahil nga hindi natuloy kahapon, buti na lang may second chance pa para sa mga absent kahapon.
Matapos ang exam ay nanatili lang ako sa loob ng library room at nagbasa ng medical book.
“Hi, Trine!”
Napatingin ako sa dalawang babaeng naupo sa tabi ko, si Jaica at Mila, mga kaklase ko na masasabi kong mabait naman sa akin, kaso hindi kami gaano kalapit sa isa't isa, nagbabatian lang kami kapag nagkikita.
“Hello.” I smiled back at them. Matapos ko silang batiin ay muli ko ring binalik ang tingin sa binabasa kong libro.
Pero hindi na ako makapag-focus pa sa pagbabasa ko dahil sa paghagikhik nilang dalawa habang nakatingin sa kanilang phone.
“My gosh, ang guwapo niya, 'diba?”
“Oo, ang hot niya! Suwerte naman ng babaeng kamuntikan na niyang mabangga dahil nasilayan ang kanyang guwapong mukha sa personal at talagang malapitan pa!”
“Malamang sinadya ng girl na 'yan na magpabangga, siguro alam niya na dadaan diyan ang sasakyan ni Deo!”
Naingayan na ako sa kanilang dalawa. Hindi na lang ako nagbasa at sinara na ang libro. Tumayo na ako at sinukbit ang bag ko. Aalis na sana ako nang aksidente naman akong napatingin sa phone na hawak ni Mila at nakita ang pamilyar na litrato na tinitingnan nilang dalawa.
Hindi ko na napigilan ang sarili ko at mabilis kong inagaw ang phone sa kamay ni Mila para makumpirma ang nasa litrato.
Bahagyang namilog ang mga mata ko. Hindi nga ako nagkamali dahil ako ang nasa litrato na nakalagay sa article kasama ng lalaking nakabangga sa akin kahapon, 'yun nga lang ay hindi makita ang mukha ko dahil naka-blurry ito.
“Ano ba, Trine! Akin na nga 'yang phone ko!” Inis na inagaw muli ni Mila ang phone sa kamay ko. Napatingin na silang dalawa sa akin.
“N-Naku sorry, curious lang kasi ako kung sino ang pinagtitilian niyo.”
Napairap sa akin si Mila, pero agad naman itong siniko ni Jaica. “Ano ka ba, Mila, huwag ka namang magalit kay Trine, baka crush niya rin si papa Deo.”
Napatikhim naman si Mila at humalukipkip sa harap ko. “So, crush mo rin si Deo?”
I shook my head. “Naku, hindi. Bakit, sino ba siya?”
“Tsk. Hindi mo kilala?” asik sa akin ni Jaica na napaikot pa ang mata. “Isa siyang sikat na CEO ng Dazzling Corporation. His name is Hideo Mikalov, half Russian, half Japanese, and half Filipino. Isa siya sa pinaka-hot at guwapo na CEO sa balat ng lupa. At hindi lang siya guwapo, dahil matalino rin siya. Ang alam ko ay anim na language ang alam niyang salita at nakapagtapos siya sa Harvard University.”
“Imposibleng hindi mo siya kilala. Palagi siyang laman ng bawat article sa internet o kahit saan. Hindi ka ba nagbabasa ng mga magazine?” Si Mila na napataas pa ang kilay sa akin.
Muli akong umiling. “Hindi eh, palagi kasing libro ang binabasa ko.”
Tumaas lang ang kilay nilang dalawa sa akin at muli nang naupo, pinagpatuloy ang pang-i-stalk sa lalaki at hindi na ako pinansin pa.
Lumabas na ako ng library habang sukbit ang bag ko at hawak ang isang libro.
Now I know, kaya pala ang yabang ng lalaki kahapon, ni hindi man lang nabahala kahit nabangga ako, talagang nainis pa nang hindi ko siya nakilala. Sikat pala at sobrang yaman, kaya siguro hindi takot kahit makabangga dahil alam niyang kayang-kaya niyang bilhin ng pera niya.
“Ang yabang niya, akala mo naman lahat ay kaya niyang makuha sa itsura niya,” hindi ko mapigilan bulong ng mag-isa at napabuntong hininga na lang. Sa totoo lang ay medyo masakit pa rin ang balakang ko magpahanggang dahil sa pagbagsak ko sa matigas na semento kahapon. Ang sama talaga ng ugali ng lalaking 'yun, sinundan pa nga ako, hindi ko naman alam kung bakit pero buti na lang natakasan ko.
Nang mapatingin ako sa suot kong wristwatch ay 04:45 PM na. Naisip kong maupo na lang sa may bench chair para hintayin na lang ang pagdating ng driver ko, dahil 5 PM pa ang dating nito para sunduin ako.
Para hindi maboring sa kahihintay ay pinagpatuloy ko na lang ang pagababasa ko. Good thing, mukhang wala ngayon ang mga bully kong kaklase dahil nakapag-exam na kahapon.
“Trine, pinapatawag ka raw ni Prof Lopez sa music room.”
Napahinto ako sa pagbabasa at napaangat ng tingin sa babaeng huminto sa harap ko. Si Keisha, isa rin sa mga classmate ko na kasama ko sa pag-take ng exam ngayon dahil absent ito kahapon.
“Sa music room? Bakit daw?” Bahagyang kumunot ang noo.
“Ewan, basta puntahan mo na lang.” Mabilis na itong umalis.
Hindi ko naman mapigilan ang magtaka. Tumayo na lang ako at muling sinukbit ang bag ko.
Pagdating ko sa labas ng music room ay nakasara ang pinto nito at wala akong marinig na ingay mula sa loob. Nang sumilip ako ay walang katao-tao. Binuksan ko na lang ang pinto at pumasok. Pero pagkapasok ko ay agad din akong napahinto nang bigla na lang may kamay ang nag-spray papunta sa mukha ko.
Napahiyaw ako sa hapdi sa mata at napapikit, nanuot din sa loob ng ilong ko ang mabaho na amoy ng spray. Rinig ko naman ang tawanan ng tatlong babae na nakasandal pala sa pader kanina malapit sa pinto kaya hindi ko nakita.
“A-Anong in-spray niyo sa akin?!” galit kong tanong at bahagyang minulat ng konti ang mahapdi kong mga mata.
Walang iba kundi si Ryza kasama ang dalawa nitong kaibigan.
Pero imbes na sagutin nila ako ay nag-apiran lang silang tatlo at tumawa pa bago ako muling in-sprayhan sa mukha.
Para akong nahilo sa klase ng amoy, hanggang sa bumagsak na ako sa sahig at tuluyan nang dumilim ang paningin, nawalan ako ng malay.
“Sige na, girls! Dalian na natin at baka may dumating pa, doon natin dalhin sa cr at i-lock. Balikan na lang natin mamayang gabi para hindi tayo mabisto at walang makikita sa atin. Four hours pa naman bago magising 'yan.”
NAGISING akong gulat na gulat nang makitang madilim na sa paligid at kasalukuyan na akong kinakaladkad ng tatlong babae paakyat ng rooftop habang may hawak na flashlight sa kanang isang kamay.
Agad akong nagpumiglas at pinilit na magsalita, pero nakatali ang bibig ko.
“Oh, gising na ang bruha. Dalian niyo, ihulog na natin!” wika ni Ryza at mas lalo akong kinaladkad kasama ang dalawa pang babae.
Bigla naman akong natakot. Ihulog? Balak ba nila akong ihulog dito sa rooftop?
“Pero, Ryz, hindi ba tayo makulong nito?”
“Ano ka ba, paano naman tayo makukulong kung wala namang makakita!”
Mas lalo akong nagpumiglas, pero dahil tatlo sila ay nabuhat pa ako sa taas ng guardrail na mas lalo kong kinatakot, pero buti na lang ay nasipa ko ang isang babae. Kaya si Ryza at 'yung isa na lang ang may hawak sa akin.
“Mamatay ka na, Trine! Mamatay ka na!” gigil na sabi sa akin ni Ryza at sinakal ako. Pero agad akong gumanti ng sakal dito nang bitawan ang kamay ko ng isang babae dahil dinaluhan nito ang babaeng nasipa ko.
Nakahiga na ako sa guardrail. Ramdam na ramdam ko ang malamig na simoy ng hangin na tila naghihintay na sa aking kamatayan. Talagang mamamatay ako oras na mahulog ako sa rooftop na ito.
“Alam mo bang nasa ospital ngayon si mommy, uminom ng maraming gamot para magpakamatay, at dahil iyon sa kagagawan ng malandi mong ina! Nag-aaway si mommy at daddy dahil sa Ina mong pokpok!” muling sigaw sa akin ni Ryza na parang naiiyak na sa galit at panggigigil sa akin.
Hindi naman ako makasagot dahil hindi ko pa naalis ang nakataling tela sa bibig ko at pilit akong lumalaban ng sakal para may makapitan pa rin ako at hindi ako mahulog agad. Hindi ako papayag na mahulog ako. Lalaban ako hanggang sa maubos ang lakas ko.
“Ngayon ay ihuhulog na kita rito sa taas ng rooftop para maipaghiganti ko si Mommy laban sa Ina mo! Tingnan na lang natin kung ano ang maramdaman niya kapag namatay ka! Ibabalik ko sa kanya ang pasakit na binigay niya sa mommy ko!” Mas lalong diniin ni Ryza ang pagkakasakal sa akin. Hanggang sa nabitiwan ko na ang kanyang leeg at napahawak na ako sa guardrail. Namamawis na ang kamay ko, hanggang sa napasigaw na lang ako nang tumilapon na ang katawan ko pababa ng rooftop.
Akala ay tuluyan na akong mahuhulog, pero kasabay ng pagtilapon ng katawan ko ay may mabilis na kamay ang bigla na lang humawak sa isa kong braso, dahilan para mabitin ako. Nanlaki ang mga mata ko sa takot. Pero ang takot at kaba ko ay nawala nang malakas nang hinila ang kamay ko ng taong humawak sa akin at muli na akong napabalik sa rooftop. Napasubsob pa ako sa matigas na dibdib, at agad na nanuot sa ilong ko ang halimuyak ng pabango.
Habol ko ang sarili kong hininga at para akong saglit na natulala.
“Sino ka? Ikaw ba ang daddy niya? Kapatid ka niya?” rinig kong tanong ng boses ni Ryza na parang may panginginig na, tila takot na takot.
Napaalis naman ako sa pagkakasubsob sa dibdib at tumingin kay Ryza na ngayon ay hawak na ang phone na nakabuhay ang flashlight at nakatutok sa aking kinatatayuan. Akmang susugurin ko na ito pero bigla akong natigilan nang makita ang dalawang babaeng kasama ni Ryza na nakahandusay na sa semento at parehong duguan, tila hindi na humihinga pa. Nang mapatingin ako sa taong nasa harap ko na siyang humila sa akin ay nahigit ko na lang bigla ang aking paghinga nang bumungad sa akin ang nakakatakot nitong suot na ghost mask.
Mabilis akong napaatras. Pero nagulat na lang ako nang biglang itinaas ng taong nakamaskara ang kamay nitong may hawak na baril at walang sabi-sabing ipinutok iyon na kinatili ko sa gulat at kinapikit. Pero kung napatili ako sa gulat ay gano'n si Ryza. Hindi malakas ang ingay ng baril dahil silencer.
Napakapa pa ako sa sarili kong katawan sa pag-aakalang tinamaan ako. Pero wala naman akong makapa, hanggang sa narinig ko na ang umiiyak boses ni Ryza.
“H-Huwag, maawa ka, huwag mo akong patayin. Hindi ko na uulitin 'to kay Trine. Please, huwag mo akong papatayin!”
Nang imulat ko ang mata ko ay nagulat ako nang makitang nakaluhod na sa semento si Ryza habang umiiyak at nagmamakaawa sa taong nakamaskara na ngayo'y nakatayo na sa kanyang harap at nakatutok na ang baril sa kanyang noo.
Ibinaba naman ng nakamaskara ang hawak nitong baril, pero bigla na lang hinila si Ryza sa damit nito at pinatayo. Hanggang sa lumakas na ang pag-iyak nito at pagmamakaawa nang ilabas ito ng rooftop na tila ihuhulog.
“Huwag, please, parang awa mo na, huwag mo akong ihuhulog. Handa akong magbayad kahit magkano, sabihin mo lang babayaran— Aahh!!!”
Napalitan ng malakas na sigaw ang pagmamakaawa ni Ryza nang walang sabi-sabi itong inihulog na ng nakamaskara pababa ng rooftop.
Na-shock ako, nanlaki ang mga mata. Hanggang sa napaatras na ako nang humarap na sa akin ang nakamaskara at marahan na humakbang.
“H-Huwag kang lalapit!” may panginginig kong sigaw kasabay ng aking pag-atras. Hanggang sa tumakbo na ako para sana umalis na ng rooftop, pero bigla na lang may matigas na bisig ang pumigil sa baywang ko at kasabay nito ang pagtakip sa bibig at ilong ko.
Pinilit ko pang magpumiglas pero malakas siya, hindi ako makawala. Hanggang sa tuluyan na akong nanghina dahil sa amoy ng panyo na tinakip niya sa ilong ko.
“Sei mia ora, tesoro,” rinig ko pang anas niya sa akin bago ako tuluyang nawalan ng malay sa kanyang mga bisig.