Kahit na ayaw ko magtrabaho sa coffee shop na iyon, wala rin naman akong magagawa. Masiyadong malaking halaga ang binigay ni Clyde at hindi ko iyon mababayaran agad.
Hindi ko rin naman matanggihan iyon dahil kay Ate Eloise. Tumawag si Mama na natanggap na niya ang deposito ko sa bangko at bukas na bukas din ay makakalabas na si Ate Eloise sa hospital sa Hawaii.
Noong umaga, tumungo ako sa restaurant ni Sir Roce para pormal na magpasa ng aking resignation. Pumayag din naman siya dahil probationary pa lamang din ako.
“Sayang naman, Kari. Pero ayaw ko naman na maging sagabal pa ako sa pag-aaral mo kaya papayagan kita.” ani Sir Roce at nilagay ang aking resignation letter sa drawer pagkatapos niyang basahin iyon.
Ngumiti ako.
“Pasensiya na po talaga, Sir. Senior na po ako at malapit nang mag-thesis kaya kailangan ko po.” sabi ko.
Tumango si Sir Roce. Kinuha niya ang checkbook niya at nagsulat doon.
“I won’t hassle you anymore. Ibibigay ko na rin ang last pay mo ngayon dahil naging mabuti ka namang empleyado. Saan ka ba lilipat ng trabaho?” tanong niya.
Parang nanuyo ang lalamunan ko sa tanong na iyon ni Sir Roce. Pero naisip ko na ito rin ang paraan para kumpirmahin ang namamagitan sa kanila ni Janiel.
“Sa Coffee Break Corp po.” sagot ko.
Saglit na umawang ang bibig ni Roce sa akin pero binawi niya iyon. Alam kong naiisip niya ang nasa isip ko. Alam niyang coffee shop iyon ni Janiel.
Tumikhim siya at tumango.
“Ah. That’s a good opportunity. The owner’s my college classmate.” He said.
Hindi ako nagpakita ng reaksyon maliban sa ngiti. Nagpasalamat ako muli kay Sir Roce bago bumalik sa University.
Gusto ko sanang i-text man lang si Clyde tungkol sa opisyal na pagpayag ko sa pagtatrabaho pero napagtanto ko na wala akong lakas para gawin iyon.
Matapos ang klase sa araw na iyon, tumungo ako sa bar. Napagpasiyahan ko kasi na ituloy pa rin ang trabaho sa bar tuwing gabi dahil bukod sa malaking halaga na utang na kailangan ko bayaran, malaki rin ang magagastos ko sa oras na mag-thesis na ako.
Bumati ako kina Hubert matapos magbihis. Ngayong araw, sa mga VIP room ako nakapuwesto. Nagkasundo kasi ang management na kailangan ng rotation sa trabaho. Natanaw ko na naman ang pamilyar na si Agape na pumasok sa isa sa mga VIP room kasama ang dalawang babae.
Umiling ako. Hindi kaya nagkakasakit ang isang iyon? Gabi-gabing party at iba-ibang babae.
“Miss, isang bucket ng beer.” sabi noong lalaki mula sa likuran ko.
Nakabukas ang pintuan ng room nila. May mga kasama siyang isang babae na inaalalayan ng ilang lalaki. Wasted na ata. Nagsisigawan sila sa lalaki at babae na mukhang papaalis na.
“Okay, Sir.” sagot ko.
Hindi pa rin siya pumapasok sa kanilang room. Binati niya ang lalaki na halos kargahin na ang kasamang babae.
“Enjoy kayo ng girlfriend mo.” makahulugang sabi niya.
Hindi ko na sila pinansin at nag-umpisa nang maglakad pababa. Nakatingin siya sa akin hanggang sa nakalampas ako at narinig ko pa ang munti niyang pagsipol.
Kinuyom ko ang mga palad ko. Hindi pamilyar sa akin ang lalaking iyon. Mukhang ngayon lang napadpad dito.
“Oh? Bakit nakasimangot ka?” tanong ni Hubert sa akin.
Huminga ako nang malalim.
“May mga lasing sa taas. May isa na sumisipol sa akin.” sagot ko, medyo iritado.
Kumunot ang noo ni Hubert.
“Gusto mo ako na lang mag-deliver niyan?” tanong ni Hubert.
Umiling ako.
“Hindi na. Mamaya makita pa tayo ni GM na hindi tayo sumusunod sa rotation. Kaya ko na ‘to.” sagot ko.
Kumuha ako ng bucket ng beer at iniakyat iyon.
Kumatok ako sa pintuan ng kanilang room. Bumungad sa akin ang lalaki kanina. Nakangisi siya at hinayaan akong pumasok.
Pinagmasdan ko ang kanilang silid. Wala nang babae roon. Tanging ang lima niyang kasama ang nandoon at nakangiti na rin sa akin.
Hindi ko iyon pinansin at nilapag ang bucket sa mesa nila. Tumalikod na ako para lumabas nang harangan ng isa sa mga iyon ang pintuan.
“Wait lang, Miss.” sabi niya.
Kumunot ang noo ko.
“Bakit, Sir?” tanong ko.
Hindi ako nagpakita ng pagkataranta pero hindi rin ako masiyadong nagpakakampante. Kung may gawin man sila sa akin, sisiguraduhin ko na lalaban ako.
May lumapit na isa pang lalaki. May dala na itong shot glass. Iniabot niya iyon sa akin.
“Shot ka muna, birthday ng kasama ko.” pag-alok nito.
Umiling ako.
“Hindi kami allowed, Sir. Salamat na lang.” sagot ko.
Pero mukhang lasing na sila at makulit.
“Hindi naman kami masamang tao, Miss. Isang shot lang kasi crush ka nitong birthday boy. Kanina ka pa niya nakikita rito sa hallway.” sabi noong isa at tinuro iyong lalaking tumawag sa akin kanina.
“Hindi talaga, Sir.” sagot ko at sinubukang umalis pero hinawakan na ako noong isa.
“Ito namang si Miss. Isa lang naman. Huwag na maarte.” saad noong isa.
Nagtawanan sila sa sinabi nito. Dumiin ang mga panga ko. Sanay na ako sa mga customer na makukulit at lasing pero iba talaga ang pakiramdam ko sa mga ito.
Huminga ako nang malalim.
“Aalis na ako, Sir. Kung puwede lang po maki—“
“Mamaya nga, Miss! Pagkatapos mong mag-shot. Ang arte arte mo. Gusto mo ba ipa-tanggal kita sa Manager mo?” mayabang na sabi noong isa.
Napigtas na ang tali ng pasensya ko sa sinabi noon. Nilingon ko siya.
“Hindi kasama sa trabaho ko ang makipaghalubilo sa inyo. Palabasin niyo ako kung ayaw niyong tumawag ako ng bouncer.” banta ko.
Ngumisi iyong may birthday.
“Hindi mo ba ako nakikilala, Miss? Anak ako ng Vice Mayor ng lugar na ito.” sabi noong sumipol sa akin kanina.
Tumaas ang kilay ko.
“Pasalamat ka nga at type kita. Sinayang mo ang pagkakataon na makaangat ka sa buhay mo.” aniya pa.
“At sino naman ang maysabi sa’yo na papatulan kita?” tanong ko.
Nagtawanan ang mga kaibigan niya. Mas lalong nairita ang lalaki sa akin.
“Aba, mayabang ka ah?” sigaw nito at agad akong kinuwelyuhan.
Mahigpit ang hawak niya sa kuwelyo ko kaya medyo nahirapan akong huminga. Kinakalas ko ang kaniyang kamay pero malakas siya. Kaya wala na akong maisip pa, sinipa ko siya sa pagitan ng mga hita niya.
He groaned in pain at agad ko siyang naitulak. Binuksan ko ang pintuan at hinabol ako ng ilan sa mga kaibigan niya. The one grabbed me by my hair ang isa naman hinawakan ako sa pisngi.
“Mayabang kang babae ka, ah? ‘Di hamak na waitress ka lang naman!” sigaw ng lalaki.
Pumiglas ako para sipain sila pero masakit din iyon sa akin dahil sa paghawak nila sa buhok ko.
“Tulong!” I screamed.
Tinakpan noong isa ang bibig ko. Kinagat ko siya pero agad niya akong sinuntok sa tiyan ko. Umubo ako sa sakit noon.
A door opened at nakita ko ang isa sa mga babae ni Agape na lumabas doon. She’s fixing her hair at napatigil siya sa kinatatayuan niya ng makita ang nangyayari.
“f**k! Ipasok niyo ‘yan dito.” sigaw noong anak ni Vice Mayor.
Agad nila akong binuhat papasok sa VIP room nila. Pumiglas ako pero dahil anim sila, nakaya pa rin nila akong ipasok doon. They locked the door.
Inihiga nila ako sa sofa. I cried dahil dinaganan ako noong isa at tinakpan ang bibig ko.
“Ito na, Johan! Regalo na namin ‘to sa’yo.” pagtawa noong isa.
Sumipol ang isa sa mga lalaki.
“Tangina, makinis kahit morena. Mga ganito tipo mo, eh?” tinapik noong lalaki si Johan.
“Are we sure about this?” tanong noong isa na nakahawak sa paa ko.
Tumawa iyong Johan.
“My father would make this girl shut up. Babayaran lang ‘to ni Dad. Did you forget that my father’s the vice mayor?” sinabi nito na parang pananakot pa iyon.
Sumigaw ako nang itaas noong Johan ang polo-shirt ko. They laughed and it immediately stopped when they heard loud noises from outside. Nagsimulang magtubig ang gilid ng mga mata ko.
How could I be molested like this? Sa ganito na ba masisira nang tuluyan ang buhay ko?
May kumakalabog sa pintuan. It was continuous hanggang sa pumatak ang pinto sa sahig. Bumungad doon sina Agape at Clyde. May hawak na fire extinguisher si Clyde at hinihingal ito. Mukhang sinira nila ang pintuan gamit iyon.
“Bitawan niyo siya!” sigaw ni Clyde.
Binato ni Clyde ang fire extinguisher at agad na pinaulanan ng suntok ang may hawak sa akin. Tumili ako. Binitawan nila ako dahil tumulong sila para gulpihin sina Agape at Clyde. Dumating si Hubert kasama ang ilang staff.
Gumapang ako. Nakikiawat ang ilang staff habang si Hubert ay nakita kong nakikisuntok na rin. Lumapit sa akin ang ilang ka-trabaho ko para ilabas ako.
Dinala nila ako sa baba. Ang ilang partygoers, mukhang naging aware na rin sa nangyayari dahil may mga bouncer na umakyat doon.
Sinalubong ako ng General Manager at pinaupo sa isa sa mga sofa. Binigyan nila ako ng tubig. Ilang saglit pa, may mga pulis na rin na dumating. Pinanood kong bumaba si Clyde at Agape na pawisan. May mga galos sila sa gilid ng labi pero hindi ganoong kalala gaya nang sa mga kalalakihan.
Akay-akay ng bouncer si Johan na galit na galit na nakatingin kina Clyde. Sinubukan pa nitong sumugod pero agad nahila ng mga bouncer.
“My father would hear about this!” sigaw niya.
“Go ahead. Kahit samahan pa kita.” mariing sabi ni Clyde.
Nilingon ako ni Clyde.
“Okay ka lang ba?” tanong niya.
Tumango ako. Si Agape naman, nilalagyan ng yelo mula sa bucket ang gilid ng labi niya.
“If you’re ready, we should go to the police station to make a complaint. Those assholes needs to pay.” sabi niya.
Nanginginig pa rin ako sa galit at takot pero tama si Clyde. Kung hindi ko pagbabayarin ang mga ito, maaaring ulitin pa nila sa iba.
Sumama ako kay Clyde at sa General Manager papunta sa police station.Pagdating namin, naroon na ang ilang magulang ng mga lalaki.
Diretso ang lakad ni Clyde papunta sa harapan ng mga pulis kahit pa galit ang titig ng mga ito. He’s not scared and too confident.
“Maupo po muna kayo.” saad ng pulis.
Sumunod kami. Sinigurado ni Clyde na nasa tabihan niya ako. Dumating din si Agape at si Vice Mayor.
“Nasaan ang anak ko?” sigaw niya sa mga pulis.
Tumayo si Johan.
“Dad!” sigaw niya.
Tila hari na naglakad ito.
“Ano ang nangyayari dito, Hepe? Bakit narito ang anak ko?” matapang na sabi nito.
“Vice Mayor, nasangkot po ang anak niyo sa tangkang panghahalay sa isang bar employee.” sagot ng pulis.
“Panghahalay? Nababaliw ka na ba, hepe? Itong babaeng ito ba? Sa bar ito nagtatrabaho. Baka inakit lang ang anak ko—”
“If I were you, Vice Mayor… I would stop talking right now.” sabi ni Clyde para putulin ang anumang sasabihin ni Vice Mayor.
Kumunot ang noo ng Vice Mayor.
“And who are you? Ikaw ba ang may-ari ng bar?” tanong nito.
Tumayo si Clyde at tinagilid ang ulo niya.
“I am not the owner of the bar, Vice Mayor… pero ako ang bumugbog sa anak mo.” sagot niya.
Tumawa si Agape sa gilid na tiningnan ng masama ni Vice Mayor.
“You what? I will file a case against you. Who are you to accuse my son and his friends? I will make sure that that bar will be closed and out of business.” sabi nito.
Umiling si Clyde at ngumisi.
“You are just like your son. Mahilig manakot. But okay… I will counter the case if you want. Maraming witness sa ginawa ng anak niyo at ng mga kaibigan niya. May mga footage rin ang bar na puwedeng magamit. Hindi ba?” tanong ni Clyde sa General Manager.
Tumango si General Manager.
“Fully equipped ng CCTV ang bar. At this moment, kumukuha na ng copy ang legal team ng bar. Kung totoo ang sinabi ng witness na sapilitan na ipinasok si Miss Santos sa VIP room, we’re very sure that we get that on camera.” paliwanag ng General Manager.
Natahimik si Vice Mayor at ang ilang magulang.
“Kakausapin ko si Mayor tungkol dito. Tatawagan ko siya ngayon din. This is bullshit! My son and his friends are just having fun on his birthday!” galit nitong angil at kumuha pa ng cellphone.
Tumango si Clyde at kinuha ang wallet niya. Iniabot niya ang kaniyang calling card kay Vice Mayor.
“Ito ang numero ng opisina ko, Vice Mayor. Handa akong sagutin ang lahat ng pagpapagamot sa anak mo at sa mga kaibigan niya.” ani Clyde.
Binasa iyon ng Vice Mayor.
“Clyde Luna?” tanong nito.
Ngumisi si Clyde.
“Yes. Isa sa pinakamalaking business sa siyudad na ito. Kami rin ang nag-pondo ng kampanya ni Mayor kaya kung sa tingin mo ay papaboran ka niya at ang anak mong rapist, pag-isipan mo.” banta niya.
Napaawang ang labi ko. Ngayon ko lang nakitang ganito magsalita si Clyde. Parati siyang magalang sa sinumang kausap niya, ano man ang estado sa buhay.
Pero ngayon?
He’s cold and ruthless. Parang sa bawat salita niya, ipaparamdam niya sa’yo kung gaano siya kataas at kakapangyarihan.
Pinagdaop ko ang mga kamay ko.
Hindi makapagsalita si Vice Mayor.
“Itutuloy namin ang pagsasampa ng reklamo. This is a serious matter. My attorney will contact all of you. Your son and his friends chose to harass my friend and they will suffer the consequences.” banta niya.
Nilingon niya ang mga ito. Nagsiyukuan ang mga kaibigan ni Johan. Habang si Johan ay hindi makapaniwala. Napawi ang mayabang na ekspresyon ni Vice Mayor.
Tumikhim si Clyde at tumingin sa akin. Nilalaro ko ang mga daliri ko. Wala akong maramdaman sa ngayon. Sobrang blangko ng mga nangyayari.
“Let’s go.” aniya.
Tumango ako at pilit na tumayo pero nanghihina ako hanggang sa nagdilim ang paningin ko. Naramdaman ko na lang na para akong lumilipad.
Nagising ako na nasa pamilyar na kuwarto sa condo ni Agape. May suwero ako, at nasa paanan ng kama ko ang nag-uusap na si Clyde at Nera.
Napatingin si Nera sa akin. Lumapit siya at agad akong sinuri.
“Maayos na ba ang pakiramdam mo?” tanong niya.
Tumango ako.
“Mabuti naman. Lalabas muna ako para kumuha ng pagkain. You need to drink meds. Ikaw na muna ang bahala sa kaniya, Clyde.” bilin nito ay umalis na.
“How are you feeling?” tanong ni Clyde.
Napansin ko ang isang pitsel at tubig sa bedside table kaya naman umamba ako na abutin iyon para makapagsalin pero inunahan niya ako.
“Here.” sabi niya.
Uminom ako. Nakakabingi ang katahimikan.
“Ilang oras na akong tulog?” tanong ko.
Mariin ang tingin ni Clyde sa akin.
“It’s six in the evening. Halos mag-iisang araw ka ng tulog. But you need it. You’ve been through a lot.” He said.
Tumango ako.
Ang huli kong naaalala, nahimatay ako sa police station. Mahigpit kong hinawakan ang baso.
“Salamat nga pala. Niligtas mo na naman ako.”
Kumunot ang noo niya.
“It’s nothing. Mabuti na lang at nakita ka ng isa sa mga ka-fling ni Agape. Kung walang nakakita sa’yo, baka kung ano na lang ang nangyari.” He sighed.
Tumango ako. Tama siya, kung hindi lumabas ang isa sa mga kasamang babae ni Agape, baka na-rape na ako ng mga lalaking iyon.
“Paano ka pala napadpad doon?” tanong ko.
Lumunok siya.
“Janiel and I fought. Agape texted me so we can have a drink. Pagdating ko, they’re trying to open the door. Agape said you’re inside.” He explained.
Kinagat ko ang ibabang labi ko.
“Salamat at nandoon kayo.” sabi ko ulit.
“Ganoon ba palagi sa trabaho mo? Hindi maiiwasan ang mga lasing at mga manyakis na naghahanap ng one night stand.” sabi niya.
Tumango ako.
“Nasanay na kami. Saka ngayon lang talaga ako nakaranas ng ganoon. Minsan hindi naman manyakis ang mga lasing sa bar. Nagkataon lang siguro kagabi.” sagot ko.
Nalukot ang mukha ni Clyde sa sagot ko.
“Kahit na, hindi pa rin maganda na ganoon ang trabaho mo. I will ask the owner na sa bar counter ka na lang para maiwasan ang ganoon—”
“Huwag na.” pagputol ko sa sinasabi niya.
Kumunot ang noo ni Clyde.
Magandang ideya iyon pero masiyado na niya akong tinutulungan. Ayaw ko rin maisip ng mga ka-trabaho ko na mayroon akong special treatment lalo na kung may rotation schedule na dapat sundin ang lahat. Hinawakan ko ang kamay ko at tumingin sa kaniya.
“Marami ka nang naitulong. Ako na ang bahala roon.”
sagot ko at tumango.
“What happened to you is traumatizing. Hindi dapat pinagsasawalang bahala ang mga ganoong pangyayari—”
“Ano ba? Hindi ba’t sabi ko ako na ang bahala?” sigaw ko.
Natigilan si Clyde sa pagsigaw ko. Kumurap ako at lumunok. Hindi rin ako mapaniwala sa inakto ko. I am just tired and really frustrated. Naiinis ako sa lahat. Sa nangyayari, sa mga problema ko at pati na rin sa kabaitang pinapakita ni Clyde Luna sa akin.
Masiyadong mabait si Clyde sa akin. Ayaw ko na maging damsel in distress ang tingin niya sa akin na kailangan niyang iligtas palagi. Hindi niya ako responsibilidad na kailangan niya akong tulungan. Hindi ako isang charity case.
“Pasensiya na, Clyde.” sabi ko.
Kumurap si Clyde pero hindi pa rin siya nagsasalita. Nanatili siyang nakatayo sa harapan ko at pinapanood ako. Kinagat ko ang labi ko sa mga emosyong nararamdaman ko. Naramdaman ko ang paghapdi ng mga mata ko. Huminga ako nang malalim at tiningnan siya ng diretso sa kaniyang mga mata.
“Bakit ba ang bait-bait mo sa akin?” tanong ko, hindi mapigilan ang luha.