Chapter 4

2450 Words
Nakahiga na ako pero naglalayag pa rin ang isip ko. Totoo ba 'to? Bakit ako? Eh, ni wala nga akong kaalam-alam sa mundo ng showbiz. Matapos ng pag uusap namin ni Miss Janice kanina ay inihatid nila ako pauwi hindi ko na rin nakita pa si Theo. Maraming offer si Miss Janice sa akin na halos hindi ko na maisa-isa dahil hindi talaga ako makapaniwala. Kani-kanina lang ay halos mamatay na 'ko sa takot, ngayon naman nagugulo ang isip ko. "Pag isipan mong mabuti, Wendy. Sayang ang opportunity. Dahil kahit maging tatlo pa ang trabaho mo hindi mo kikitain ang offer ni Miss Janice sa 'yo." Huling habilin ni Prima sa akin bago ako bumaba ng sasakyan. Muli akong napabuntong hininga dahil ayos lang sana kung ako lang. Ang kaso, kasama ko si Theo at loveteam pa kami. Ayokong madidikit sa mayabang na 'yon! Nakakainis ang pagmumukha n'ya! Kinabukasan ay maaga akong nagising. Masakit man ang ulo ko dahil sa konting tulog ay ayos na rin at idadaan ko na lang sa kape mamaya. Napatingin ako sa relo kong suot at nang makitang alas nuebe na ay agad akong bumaba, may pasok pa si Wendell sa school. "Nasaan ba si mama at hindi man lang nag aasikaso ng pagkain?" bulong kong pumanhik ulit sa itaas para gisingin ang aming bunso. Napakunot ang noo ko dahil hindi si Wendell ang naroon kundi ang kambal at tulog pa. "Jane! Jane!" Niyugyog ko ang balikat ng kapatid ko. "Wala ba kayong pasok? June. Tanghali na!" Gising ko pa kay June. Nag inat si Jane at inaantok pang kinusot ang mga mata bago ako tunghayan. "Hindi na kami pumasok kasi napuyat kami kagabi, ate,” sagot ni Jane sa akin. "Kakapanuod n'yo na naman ng t.v!" pangaral ko. "Bumangon na kayo d'yan. Nasaan si Wendell?" tanong ko habang pinupulot ang mga kalat sa loob ng kwarto. "Ano bang kwarto 'to? Matuto nga kayong maglinis!" Naiiling na lang ako dahil sa dami ng kalat nila dito sa loob ng kwarto. Nakakainis dahil may kasama namang matatanda hindi mo naman maasahan sa paglilinis dito sa loob ng bahay. Sumasakit tuloy ang ulo ko dahil sa napakaraming kalat dito sa loob ng kwarto. Kagagalitan ko na naman si Wella mamaya. Paglilinis na lang ng kwarto ay hindi pa magawa at hihintayin pa talaga na ako ang kumilos. Nawiwili na itong laging lumalabas kasama ng mga kaibigan niya. "Ate, nasa hospital sila mama. Dinala nila si Wendell," ani June maya maya. Nabitin sa ere ang paglalagay ko ng maruruming damit sa basket at nilingon ang aking kapatid. "Ano'ng nangyari? Bakit hindi n'yo ako tinawagan agad?" tanong ko at kinabahan bigla. "Kagabi lang ba?" "Opo, kagabi pa. Hinintay namin na umuwi sila pero wala. Kaya kami napuyat kasi akala namin sandali lang sila eh," sagot naman ni Jane. Mabilis kong kinuha ang cellphone ko sa loob ng aking kwarto matapos ligpitin ang nagkalat na maruruming damit. Bakit hindi ako tinawagan ni Wella? Kakagalitan ko talaga ang babaeng 'yon! May nangyayari na palang ganito tapos wala man lang akong alam! Agad kong dinampot ang aking cellphone at nanlaki pa ang mata ko nang makitang puro miss calls at text ni Wella ang naroon. Umilaw ang cellphone ko sa tawag ni Wella at nasapo ko ang aking noo dahil naka-silent nga pala iyon. Ang tanga ko! "Hello!" "Bakit ngayon mo lang sinagot? Kagabi pa ako tawag nang tawag sa iyo, ah!" naiinis na sabi ni Wella sa kabilang linya. Narinig ko siyang suminghot-singhot at alam kong naiiyak na siya sa sobrang inis. Ganyan ang ugali niya kapag sobrang naiinis na, idadaan na lang sa pag iyak lalo na kung wala namang magawa. "Pumunta ka na dito sa hospital, ate." maya maya ay sabi pa niya. "Sige! Magbibihis lang ako," tugon ko at agad pinatay ang tawag. Ipinaghanda ko muna ng pagkain ang kambal at nag saing na ako para sa pananghalian nila. Magdadala na rin ako sa hospital para kina mama. Binigyan ko na lang ng pambiling ulam ang kambal bago ako tuluyang umalis. Bitbit ang bag ng damit ni Wendell ay hinihingal akong pumasok ng hospital. Magtatanong na sana ako sa nurse station nang makita ko si Wella habang kumukuha ng kape sa coffee machine. "Wella!" tawag ko, saka patakbo akong lumapit sa kanya. Lumingon siya sa akin at nagliwanag ang mukha nito nang makita ako. Matapos makakuha ng kape ay sinabayan ko na siya papunta sa ward dahil naroon daw ang kapatid namin. Napasimangot ako at napatingin kay Wella dahil nakita ko na naman si Roman na bagong boyfriend ni mama. Ngumiwi lang si Wella at nagkibit balikat sa naging reaksyon ko. Lumapit ako kay mama para magmano. Tumayo siya at binitawan ang kamay ni Roman. Sumimangot lang ako dito dahil sa inis. Matutuwa pa sana ako kung kamay ng kapatid ko ang hawak niya. "Kagabi ka pa tinatawagan ni Wella. Hindi mo sinasagot kahit text n'ya," ani mama sa akin at naupo ulit sa mono block na bangko katabi ni Roman. "Naka-silent po ang cellphone ko. Alam n'yo namang bawal sa trabaho," sagot ko. Lumapit ako kay Wendell at hinaplos ko ang kanyang noo. Tulog na tulog ito at may swero sa kanang kamay. "Ano po'ng sabi ng doctor?" baling ko kay mama. Napatingin ako kay Roman at agad napaiwas dahil sa mga tingin nito sa akin. Inirapan ko siya ng sa muling sulyap ko ay nakatingin pa rin siya sa akin. Diskumpyado talaga ako sa pagmumukha nito. "Hindi pa lumalabas ang resulta. Ipapatawag na lang daw kapag meron na," tugon ni mama. "Ano ba kasing nangyari at nagka ganito si Wendell? Hindi n'yo yata binabantayan si Wendell dahil kung anu-ano ang inuuna n'yo eh!" makahulugang turan kong nilingon ang gawi ni mama. Tama ang hula ko nang mag iwas ng tingin si mama sa akin. Wala akong nagawa kundi ang mapabuntong hininga. Baliw na baliw na naman ito sa lalaki niya at napapabayaan na ang mga kapatid ko. Hindi pa tumitira ang Roman na ito sa bahay at ipinagpapasalamat ko iyon. At sana hindi nga! "Excuse me po. Pinapatawag po ni doc ang kamag anak ni Wendell," sabi ng nurse nang makalapit sa amin. "Saka dalawa lang po ang allowed na bantay ng pasyente," bilin pa nito bago kami talikuran. "Nasaan po ang doctor? Ako po ang ate ng pasyente. Ako na lang po ang kakausap," sabi ko sa nurse matapos itong sundan. "Sige po. Sumunod ka nalang sa akin." Hinila ko na si Wella na nakabuntot pala sa akin at sumunod kami sa nurse para puntahan ang doctor na sinasabi nito. "Ano na namang ginagawa ng Roman na iyon dito?" tanong ko kay Wella ng tuluyan kaming makalayo. "Nasa bahay 'yon kagabi. At kasama namin s'ya no'ng dalhin si Wwndell dito," tugon ng kapatid ko. "Takot na takot ako kagabi, ate. Nakita ko kung paano mangitim si Wendell dahil hindi makahinga," kwento pa ni Wella. Huminto kami sa isang opisina yata. Nagtaka pa ako dahil cardiologist ang nakalagay sa ilalim ng pangalan ni Doctor. Mc Cane, akala ko ay pediatrician ito. Nag angat ng tingin ang isa sa mga doctor na naroon nang pumasok kami ni Wella. Ako ang naupo sa bakanteng upuan sa harap ng babaeng doctor. "Good morning po, doc. Ako po 'yong ate ni Wendell Sierra," pakilala ko. "Ako si Dra. Zarah. Ako ang pedia ni Wendell. At ito naman si Dr. Mc Cane. Sa kanya ko na kayo iri-refer simula ngayon," paliwanag ni Dra. Zarah. "Cardiologist po ang nakita ko sa pinto. Ano po ba talaga ang sakit ng kapatid ko, doc?" usisa ko. "Ayon sa resulta ng mga test ni Wendell. May congenital heart disease, ang kapatid mo," ani Dr. Mc Cane. "Ano po 'yon, doc?" tanong kong nanlulumo. "May butas ang puso ng kapatid mo. Kailangan siyang maoperahan habang hindi pa ganoon kalaki ang butas. Mahihirapan tayo at maging ang kapatid mo kung lumaki pa ang butas dahil malnourished rin s'ya," pahayag pa ni Dr. Mc Cane sa amin. "Ano po ang pwede naming gawin para hindi s'ya maging malnourished? Saka magkano po ang operasyon?" sunod-sunod na tanong ko. "Dito muna siya sa hospital para ma-monitor namin ang katawan n'ya. Bibigyan namin s'ya ng mga vitamins at kailangan na healthy ang mga pagkain n'ya para maihanda ang katawan n'ya sa operation," saad ng doctor. "Sa operation naman. You need five hundred thousand." Nawindang ako sa presyo ng operasyon. Kalahating milyon? Saan ako kukuha ng kalahating milyon? Bayad pa lang sa hospital ay hindi ko na alam kung saan kukunin. Tapos tatagal pa ang kapatid ko dito. Paano at saan ko kukunin ang kalahating milyon na iyon? Pumasok si Wella sa loob ng ward at naupo muna ako sa labas, para akong nanlalambot sa paparating na gastusin. Nanghihina rin kasi ako dahil sa mga sinabi ng doctor kanina. Saang kamay ng Diyos ko naman kukunin ang ganoon kalaking pera? "Doc! Doc! Cold blue!" sigaw ng isang nurse sa hallway kung nasaan ako. Ward rin pala para sa mga matatanda ang kwartong nasa harapan ko at may emergency doon ngayon. Mabilis na nagsitakbuhan ang ilang nurse at isang doctor doon sa loob. Nakita ko pa kung paano i-rivive ng mga ito ang matandang pasyente. Ngunit wala ring nangyari dahil halos kalahating oras rin ang lumipas at nanlulumong nagsitigil ang mga ito. Matapos umiling ng doctor ay nakarinig ako ng mga iyakan ng mga tao sa loob. Bigla tuloy akong kinabahan nang pumasok sa isip ko si Wendell kaya agad akong umalis doon at pumasok sa ward ng mga bata kung nasaan ang kapatid ko. "Namatay na po 'yong matanda sa kabilang ward." "Oo, may sakit kasi sa puso 'yon." Narinig kong usapan ng dalawang bantay ng ilang pasyente sa loob nang dumaan ako. Nakita rin kasi nila ang nangyari kanina. Naupo ako sa upuang katabi ni Wella at nilingon ko ang himbing pa ring si Wendell. Gusto kong maiyak pero alam kong wala namang magagawa ang mga luha ko sa problema namin ngayon. Napalingon ako sa t.v na binuksan ng nurse. Nakita ko ang commercial ng black and white. Doon ko naalala ang sinabi ni Prima. "Kahit maging tatlo pa ang trabaho mo. Hindi mo kikitain ang offer ni Miss Janice sa 'yo." Tumingin muli ako sa kapatid ko at nilingon ulit ang t.v screen. Huminga ako ng malalim at saka tumayo. Ito lang ang pwedeng solusyon ngayon sa problema namin. "Saan ka pupunta, anak?" takang tanong ni mama sa akin. Isinukbit ko na ang bag ko at hinalikan ang noo ni Wendell. "May tatawagan lang po ako. Babalik rin po ako agad." Hindi ko na hinintay ang sagot ni mama at umalis na ako. "Hello, Janice Ferrer, speaking," wika ni Miss Janice ng sagutin ang tawag ko. "Who is this, please?" "Si Wendy po ito, Miss Janice," sabi ko. "Pwede ko po ba kayong makausap?" "Sure! Nasaan ka ba at pupuntahan kita?" tanong ni Miss Janice na bakas ang tuwa sa boses. "Magkita na lang po tayo sa coffee shop malapit po dito sa hospital." "What!? Hospital?" gulat na tanong ni Miss Janice sa kabilang linya. "What happened to you?" "Mahaba pong kwento," tanging naisagot ko lang. Tinapos ko na ang tawag at lumabas na ako ng hospital at naghintay sa coffee shop na i-ti-next ko kay Miss Janice. Hindi nagtagal at dumating siya kasama si Prima na assistant niya rin. Bumeso ang mga ito sa akin bago naupo sa harap ko at bakas ang pag aalala sa kanilang mga mata. "Order lang ako, miss," paalam ni Prima at iniwan kami saglit doon. "Ano'ng nangyari at nasa hospital ka?" tanong ni Miss Janice ng harapin ako. "Ang bunsong kapatid ko po nasa hospital kagabi pa. Ang sabi po ng doctor kailangang maoperahan ang kapatid ko habang maliit pa ang butas ng puso niya." "Sorry to hear that, Wendy," malungkot na tugon ni Miss Janice at hinawakan ang kamay kong nasa ibabaw ng mesa. "Ano bang maitutulong ko sa 'yo?" "Kalahating milyon po ang kailangan namin para sa operasyon ng kapatid ko, Miss Janice. At kayo lang po ang makakatulong sa akin," seryosong saad ko. "Payag na po ako sa offer n'yo. Gagawin ko po lahat mailigtas lang po ang kapatid ko," dagdag ko pa. "Good decision, Wendy. I'm happy for you," singit ni Prima nang dumating. "Hindi ka nagkamali ng nilapitan mo." Ngumiti ako ng tipid kay Prima at ibinalik ulit ang atensyon kay Miss Janice. Wala namang ibang paraan. Sila lang ang makakapitan ko sa ngayon. "Tama si Prima, Wendy. At 'wag kang mag alala, tutulungan kita sa problema mo," nakangiting sabi ni Miss Janice sa akin. "Thank you po!" naiiyak na sagot ko at nayakap si Miss Janice. "It's okay," anito pang hinagod ang aking likod. "May kilala akong magaling na doctor at magandang hospital. Bukas na bukas din ay ililipat natin ang kapatid mo." "Thank you po talaga, Miss Janice. Promise po babayaran ko po kayo kapag nagkapera na po ako." "H'wag mo munang isipin ang bayad, ang importante maging maayos muna ang kapatid mo," ani pa ni Miss Janice. "Sa ngayon, sapat na sa akin ang pagtanggap mo sa offer ko. Basta galingan mo lang at makinig lang sa lahat ng sasabihin ko." Napangiti pa ako kay Miss Janice at sunod-sunod na tango ang ginawa ko. Yumakap ulit ako sa kanya at masayang-masaya talaga ako dahil hulog siya ng langit sa akin. Para ito sa kapatid ko at handa kong gawin lahat gumaling lang si Wendell. Hanggang sa matuling lumipas ang mga buwan. Hindi ako makapaniwalang narito na ako. Ang mundong sa telebisyon ko lang napapanuod ay abot kamay ko na. Ilang buwan rin akong hinasa sa mga acting, dance at singing workshops para paghandaan ang nalalapit na pagpapakilala sa akin sa industriya ng showbiz. Sa sobrang hirap ng workshop ay gusto ko na lang mag-back out. Pero sa tuwing naiisip ko ang dahilan kung bakit ako nandito at kung bakit ko ginagawa ang lahat ng ito ay lumalakas ang loob ko at pursigido akong matuto. Pumirma na rin ako ng kontrata kalaunan at madalas ay isinasama na rin ako ni Miss Janice sa mga guestings para unti-unti raw akong makilala ng mga tao. At sa mga guestings na iyon ay lagi kaming pinagpapareha ni Theo. Iyon naman talaga ang main goal namin, para umusbong ang love team na kasalukuyang niluluto na ni Miss Janice. Iyon nga lang, kung gaano kami ka-friendly at kabait sa isa't isa on screen ay para naman kaming aso't pusa sa likod ng camera. Sana lang ay matagalan ko ang ugali ng lalaking 'to! Dahil baka maibaon ko s'ya sa lupa dahil sa ugali niyang hindi ko alam kung saan niya nakuha! Malayong-malayo sa ugali ni Miss Janice ang pag uugali niya!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD