Cocktailify

1455 Words
LADY’S POV Ramdam na ramdam ko na ang pagod at antok habang palapit nang palapit ang pagtatapos ng shift ko sa trabaho. Hindi talaga ako sanay na magpuyat at kahinaan ko talaga ang pagpupuyat. Sa tuwing nagpupuyat ako ay sobrang bilis na bumaba ang timbang ko kaya ang bilis kong pumayat. I naturally have a slender figure. Kung magpupuyat pa ako ay mas magmumukha akong payat lalo na at hindi naman ako maliit. I am around five feet and four inches. Sapat na sapat na ‘yon para mapansin ng kahit na sino ang taas ko. Pero dahil wala akong choice kung hindi ang maging working student ay kahit na night shift pa ang trabaho bilang waitress sa restaurant ay pumayag na ako. Tuwing weekend lang naman iyon dahil hindi ako pwedeng magtrabaho ng pang gabi kapag weekdays dahil nag-aaral ako sa umaga. Simula noong nagbreak kami ng ex-boyfriend kong si Colt ay pilit na tinuon ko ang sarili sa ibang bagay para mabilis na makalimutan ang hindi kaaya-ayang nangyari sa pagitan naming dalawa. Ilang linggo ko ring dinamdam ang nangyari dahil bukod sa trauma sa mga lalaki ay nahirapan akong mag-concentrate sa pag-aaral pagkatapos ng nangyari. Kaya kahit na pagod na pagod ako sa pag-aaral at meron naman akong trabaho bilang tutor ay kumukuha pa ako ng ibang sideline para malibang ang sarili at matuon ang isip sa ibang bagay. Ngayon ay patapos na ang semester para sa taong ito at halos hindi ko iyon namalayan dahil masyado akong abala sa pag-aaral at trabaho. Ni wala na akong oras para mamasyal kasama ang iilang mga kaibigan ko. “Sinabi na ba sa’yo ng manager ang balita, Lady?” Tapos na ang shift ko sa restaurant bilang waitress at nasa locker room na para magbihis at maghanda sa pag-uwi nang lapitan at kausapin ako ng isa sa mga kasamahan kong waitress na si Olive. Kumpara sa akin na working student, si Olive ay hindi nag-aaral at namamasukan dito sa restaurant bilang full-time waitress. Single mother siya at mag-isang binubuhay ang three years old na anak dahil hindi nag susustento man lang ang tatay ng bata. Palaging sinasabi sa akin ni Olive na swerte pa daw ako dahil nakakapag-aral ako. Halos magka edad lang kaming dalawa pero siya ay maagang naging biktima ng maling pag-ibig kaya maaga rin na nagkaroon ng responsibilidad bilang ina. Hindi ko naman masasabi na swerte ako. Dahil kung swerte ako ay hindi sana ako naghihirap na pag-aralin ang sarili ko at hindi ko kailangan na makisama at tumira sa kamag-anak ko na hindi naman kamag-anak ang turing sa akin kundi isang katulong. “Hindi ko pa nakausap si Manager. Ano bang balita ‘yon, Olive?” kunot ang noong tanong ko habang inaayos ang mga gamit ko sa locker. Narinig kong bumuntonghininga siya kaya tumigil ako sa ginagawang pag-aayos ng gamit at tuluyang hinarap na siya. “Ano ba kasi ‘yon? Ikaw na ang magsabi sa akin para alam ko na,” pamimilit ko dahil naiintriga na ako sa sinasabi niya. Laglag ang mga balikat niya matapos muling bumuntonghininga at nagsimulang magsalita. “May problema sa restaurant, Lady…” simula niya. Hindi ako agad na nag react at nanatili lang na nakatingin sa kanya para hintayin ang iba pa niyang sasabihin. “May kaso na kinakaharap iyong isang chef dahil sinadya niyang lasunin iyong isang VIP na customer natin,” tuloy-tuloy na sambit ni Olive. Hindi pa rin ako nag react at nanatili lang na pinapakinggan na matapos ang sinasabi niya. “Tapos ang bali-balita ay iyong may-ari daw nitong restaurant ang nag-utos doon sa chef kaya may mga pulis daw kanina dito. Iyon ang sabi sa akin ng kaibigan ko na pang-umaga ang shift. Kaya asahan mo ng hindi na kayo papapasukin bukas. Mga regular employee na lang ang papasok dahil halos wala namang tao dahil doon sa balita. Pansin mo? Nakakaantok ngayon kasi wala halos mga tao!” tuloy-tuloy na kwento niya. Doon pa lang ako tuluyang nakapag react matapos marinig ang buong kwento niya. Bigla tuloy akong nag-alala dahil patapos na ang second semester ng second year kaya kailangang-kailangan ko ng pera para may pang-enrol sa susunod na semester. Wala tuloy ako sa sarili habang nag-aayos ng mga gamit sa locker. Naglalakbay na kaagad ang isip ko sa kung paano ako makakapag-ipon kaagad kung mawawala ang part time job ko dito sa restaurant. Malaki pa naman ang kita dito dahil bukod sa night shift na ay hindi lumilipas ang gabi na walang tip galing sa mga VIP customers. Kung tutuusin ay ilang gabi lang ay kikitain ko na ang pang tuition ko sa susunod na semester kung magpapatuloy ako sa pagtatrabaho dito sa restaurant. Pero dahil sa sinabi ni Olive ay mukhang mapupurnada pa iyon kaya kailangan kong makahanap ulit ng trabaho na halos ganito rin kalaki ang sasahurin para makaabot sa magiging tuition ko sa susunod na semester. Kung hindi ako makakahanap ng panibagong sideline ay malabo na makapag-enrol ako sa susunod na semester. Ilang sandali pa lang matapos kaming mag-usap ni Olive ay nilapitan at kinausap na ako at ang mga kasama kong part timers sa restaurant. Kagaya ng sinabi ni Olive ay ibinalita nga ng manager ang masamang balita. At dahil nga doon ay titigil na muna sila sa pagkuha ng mga part timers para sa night shift. Antok na antok ako habang pauwi sa bahay pero hindi ko magawang matulog nang nasa kwarto na ako at namamahinga. Ilang oras na nga lang ang itutulog ko dahil mamaya ay kailangan kong gumising para tumulong sa mga kasambahay para maghanda ng agahan nila Tita Larra, ang bunsong kapatid ng Daddy ko. Simula noong namatay si Daddy ay kinuha na nila ako sa poder nila. Hindi ko inaasahan na hindi maganda ang magiging pagtrato nila sa akin dahil lang sila daw ang nagbayad sa mga pagkakautang ni Daddy nang mamatay ito. Kung hindi raw dahil sa kanila ay wala na sa kamay ng mga Ross ang Rosswin Realty, ang isa sa pinakamalaking kumpanya sa real estate industry na si Daddy mismo ang nagtayo at nagpalago. Ang kuya Larwin ko ay matagal ko ng hindi nakikita at nakakausap. Ang sabi ni Tita Lara ay nasa US daw si Kuya at busy sa trabaho doon kaya hindi pa makauwi dito sa Pilipinas. At kung hindi lang dahil sa kuya ko ay matagal na akong umalis sa poder nila. He is always sending me postcards saying that I should stay here no matter what happens. Pero ilang taon na noong huling nagpadala siya sa akin ng postcard kaya madalas ay nawawalan na ako ng pasensya na manatili dito. Kahit anong pikit ko ay hindi talaga ako makatulog kaya bumangon na lang ako at naghanap sa internet ng mga pwedeng pasukan na trabaho. Nag send ako nang nag send ng mga CVs sa kung saan-saang restaurant bago ako tuluyang hinila ng antok at nakatulog. Masakit pa ang mga mata ko at alam kong kulang na kulang pa ang dalawang oras na tulog ko ay tumunog na ang alarm. Alas sais na at kailangan ko nang bumangon para tumulong sa paghahanda ng agahan. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan ko pang gawin iyon samantalang kulang sampu ang helpers nila dito sa bahay. Pero dahil iyon ang kagustuhan ni Tita Larra ay wala akong magagawa kundi ang sundin siya dahil katwiran niya ay kung hindi dahil sa kanya ay sa lansangan ako pupulutin dahil walang gustong kumupkop na kamag-anak sa akin nang mamatay si Daddy. Palabas na ako ng kwarto nang tumunog ang phone ko para sa message ng kaibigan kong si Blessie. Isa siyang waitress sa isang high-end restaurant at isa siya sa mga tinext ko kanina para magtanong kung may bakante ba sa kanila. Binasa ko ang message niya at nalaman kong lumipat na pala siya ng pinapasukan na restaurant. “Cocktailify Restaurant?” kunot ang noong sambit ko sa pangalan ng restaurant na tinext ni Blessie sa akin. Pamilyar na pamilyar sa akin ang pangalan na Cocktailify dahil mahilig mag-bar ang kuya Larwin ko noong nandito pa siya sa Pilipinas. Isa ang Cocktailify sa mga paborito niyang puntahan na bar kaya alam kong hindi basta-basta iyon. Nagsabi si Blessie sa akin na puntahan ko siya sa restaurant kung may oras ako para makapag-usap kami. Magrereply na sana ako sa message niya pero sunod-sunod na katok sa pinto ng kwarto ko ang pumigil sa akin na gawin iyon. “Lady! It’s past six! What the hell are you still doing there?!” Boses ng Tita Larra ko ang narinig ko sa labas ng kwarto kaya inis na binaba ko ang phone ko sa kama at mabilis ang kilos na lumabas para tumulong na sa mga kasambahay sa pagluluto ng agahan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD