[FRANCELI]
First kiss.
Lahat naman siguro ng babae ay excited sa first kiss nila. Siyempre, aasahan mong romantic yun at magmumula sa taong pinakamamahal mo. And in my case, si Reuben mylabs dapat yun! Pero anak ng kangkong, si Luthan talaga ang naging first kiss ko! Argh!
Bakit sa bituin pa nanggaling ang first kiss ko? Dapat na ba akong magpakamatay?
"Franceli ayos ka lang?" tanong ni Luthan sa'kin na parang wala siyang ginawa at dahil doon ay kaagad ko siyang binugbog at pinaghahampas. "Aray Franceli! Ano ba?" reklamo ng ugok. "Bakit ka ba nananakit na naman?"
"Nagtatanong ka pa talaga! Grabe ka! Ninakaw mo ang first kiss ko! Siraulo ka ba? Bakit mo ‘ko hinalikan? HA?"
Napakamot siya sa ulo niya. "Akala ko ba paninindigan kong boyfriend mo na ako?"
Binatukan ko ulit siya. Nang-aasar pa ang loko eh. "Ulol ka talaga! Hindi ko naman sinabing chansingan mo ako! Hindi natin kailangang umabot dsa halikan, Luthan! Ngayon sabihin mo! Paano mo maibabalik ang first kiss ko? Paano?"
Kumunot ang noo ni Luthan at nawindang ako sa sunod na ginawa niya. Inilalapit niya ulit ang mukha niya sa'kin. At dahil sa sobrang lapit ng mga mukha namin sa isa't-isa konti na lang talaga at maglalapat na naman ang mga labi namin! "Teka Franceli, gusto mo bang ibalik ko sa 'yo ang first kiss mo?" At ngumuso siya na akmang hahalik na talaga sa akin.
Namula ako at naitulak ko siya palayo. Jusko, maloloka na talaga ako nito 'pag ito lagi ang mangyayari! Kaya hindi na ito pwedeng maulit pa.
Tumayo ako at pinandilatan si Luthan. Kailangan ko kai siyang masermunan nang bongga sa ginawa niya para magtanda siya. "Umayos ka nga Luthan! Alam mo ikaw umaabuso ka na sa'kin porke't mabait ako sa 'yo eh! Unang-una, ayokong intimate ka sa'kin kapag tayong dalawa lang lalo na 'yang mga yakap at kiss kasi 'di ko kinikeri 'yang mga ganyang bagay. Pangalawa, 'di ka talaga pwedeng magdala o magpapasok ng ibang tao dito sa bahay lalo na 'yung mga haliparot na yun! At pangatlo, simula ngayon ikaw na ang maglilinis nitong buong bahay!"
"Ano? Bakit ko naman gagawin yun?" tanong niya. "Ang hirap kayang linisin ng bahay mong ganito kalaki!"
"Ayaw mo? O sige eh di lumayas ka na!" sigaw ko. Akala ba nitong lalaking ito na libre ang pagtira niya rito? Pwes, maling-mali siya! Kailangan kong ipakita na boss niya ako rito para matakot siya sa'kin at hindi niya na ako gawan ng kung ano-ano!
"Magagawa mo talaga akong palayasin kahit alam mong wala akong ibang matitirhan?" tanong niya na nagpapaawa pa! Ang cute niyang tingnan 'pag nagpapaawa siya pero kailangan ko siyang i-resist!
"Oo, kaya kitang palayasin! Bakit, akala mo maaawa ako sa 'yo 'pag mawala ka? Alis na!" High blood na high blood ako sa lalaking ito talaga! Naku!
"Kahit ikamamatay ko ang pag-alis ko?" hirit pa niya. Hindi ko alam kung seryoso siya dun pero wala na akong pakialam! I was harassed! I was disrespected as a woman! I was violated! Chos.
"Kung ayaw mong maglinis ng bahay ay umalis ka na," banta ko pa. "Kung gusto mong manatili rito dapat sinusunod mo ako, Luthan."
Tumango si Luthan. "Sige, aalis na 'ko." Aba, seryoso? Aalis siya? Hindi naman ako seryoso eh, inaasar ko lang siya at tinatakot para hindi siya maging kampante sa'kin na gawin ang kung anu-anong kabulastugan niya.
"At 'pag umalis ka na, wag ka nang babalik ha?" singhal ko pa. "We are never, ever, getting back together!"
"Oo, aalis na 'ko. At ito ang tandaan mo Franceli, kapag umalis na ako, mawawalan ka na ng pagkakataon na mahalin ka ni Reuben. Makakatuluyan niya 'yung Leila at ikaw naman ay habang buhay na mag-iisa dito sa madilim at malungkot mong bahay..."
Napaisip ako dun agad. Bakit naman parang sobrang saklap ng mangyayari sa akin kapag umalis na siya? "Sabi ko nga... sige na magsasalitan na tayo sa paglinis ng bahay," sabi ko pero naglalakad na siya papunta sa pinto.
"Hindi na Franceli," umiiling siya, na mukhang nasaktan ko nga talaga. "Aalis na lamang ako at hindi na kita guguluhin pa. Good luck na lang sa buhay pag-ibig mo..."
Aba, nagdrama ang lolo mo! Alam na alam niya talaga kung ano ang kahinaan ko!
Hinabol ko siya para pigilan ko siya. "Eto naman napakamaramdamin, uy 'wag ka nang umalis, naloka naman ako sa 'madilim at malungkot kong bahay.' Ang saklap pakinggan. Parang naputulan ako ng ilaw."
Hinila ko siya sa kamay pero napalakas yun at natapilok ako sa isang libro na nasa sahig. Kaya ang nangyari, napakapit ako sa shorts ni Luthan upang hindi tumama ang ulo ko sa sahig. Yun nga lang natumba pa rin ako sa sahig na yakap-yakap yung shorts niya. Automatic na napapikit ako dahil alam ko na ang susunod na mangyayari!
"Uy, Franceli, bakit nakapikit kang nakahiga diyan sa sahig? Hawak mo pa 'yang salwal ko. Gusto mo ba akong maghubad?"
"Ewan ko sa 'yo Luthan!" sigaw ko at tumayo akong nakapikit at naglakad ako paakyat ng kwarto kong asar na asar.
[LUTHAN]
Nakakatuwa palang asarin si Franceli. Ang bilis kasi niyang mamula. Kaso nakakatakot din lokohin asarin dahil nananakit siya at napakalakas ng boses niya.
Sa asar nga niya ay gusto na niya akong paalisin ng bahay niya. Ang kaso, mas nangingibaw 'yung kagustuhan niyang umibig sa kanya si Reuben kaya pinigilan niya akong umalis. Inisip ko na lang na siguro ganun talaga kapag nagmamahal ka. Gagawin mo talaga lahat.
Ang totoo nga niyan, kaya hinalikan ko siya kanina ay dahil sa naniwala ako na baka posible kong maranasang umibig kapag ginawa ko yun. Noong bituin pa kasi ako sa kalawakan, nagawa kong pagmasdan ang mga taong nag-iibigan na naghahalikan. Sa tingin ko parang yun ang simbolo na umiibig sila. Kaya naman akala ko na kapag maranasan kong humalik ng babae ay mararanasan ko ring umibig. Ngunit siyempre hindi iyon mangyayari dahil nga hindi naman ako tao.
Napakahiwaga kasi ng pag-ibig ng tao. Parang may taglay na kapangyarihan ito, na naipapakita sa isang halik. Kaya kanina akala ko may mararamdaman na ako nang halikan ko si Franceli. Pero wala pa rin. Bulalakaw pa rin naman siguro ako dahil may natitira pang liwanag sa'kin kaya hindi ko pa mararanasang umibig. Kaya nga kailangan ko nang matupad ang kahilingan ni Franceli sa lalong madaling panahon.
Samantala hindi pa rin bumababa mula sa kwarto niya si Franceli. Baka galit pa rin siya sa akin kaya nag-isip ako ng paraan para 'di na siya magalit sa'kin. Ang ginawa ko, nilinis ko na naman ang buong bahay. Nagwalis ako, nagpunas ng mga bintana, naglinis ng banyo, at nagtapon ng basura. Lahat ng gawaing bahay na tinuro ng tatlong dalaga kanina ay ginawa ko na. Tapos nagsaing ako ng kanin para sa hapunan namin at nagprito ng hotdog at itlog. Sinigurado kong maayos na at malinis ang bahay bago ko siya inakyat sa kwarto niya.
Kumatok ako sa pinto ng silid niya. "Franceli? Baba ka na. Kain na tayo."
"Ayoko!" sigaw niya mula sa loob. "Wala akong gana! Iwanan mo muna ako nang maipagluksa ko naman ang first kiss ko!"
"Pero Franceli, baka magutom ka niyan."
"Eh ano naman?" sagot naman niya. Ang sungit-sungit talaga nitong si Franceli.
"O sige, baba ka na lang pag magutom ka na," malungkot na sabi ko at bumaba na 'ko sa sala. Nagtatampo pa rin siguro sa'kin si Franceli. Kailangan ko siyang mapababa para mapigilan ko siyang magpalipas ng gutom. Kailangan ko ring makahingi ng tawad sa kanya nang maayos.
Siguro malaking bagay talaga sa kanya 'yung unang halik niya at nilaan niya yun para kay Reuben. Kaya kailangan kong humingi ng tawad. Teka, si Reuben? May naisip ako!
Agad akong umakyat pabalik sa kwarto ni Franceli at nagkakatok ako sa pinto niya nang walang tigil. "Franceli! Franceli! Nasa baba si Reuben, hinahanap ka!" pagsisinungaling ko. At tama nga ako. Biglang bumukas ang pinto ng kwarto at lumabas si Franceli mula sa kwarto na mukhang masaya.
"Talaga? Nasa baba siya? Si Reuben mylabs?" sunod-sunod niyang tanong at halata ang pamumula ng mukha niya. Agad siyang bumaba ng hagdan. "Asan siya?" tanong niya nang wala siyang makita pagkabukas niya ng pinto sa sala. "Wala naman ah!" Bumaba na rin ako na nakangisi. Dumungaw pa siya sa bintana at lumabas para hanapin si Reuben. Pagpasok niya, nanlilisik ang mga mata niya sa akin. "ASAN SI REUBEN MYLABS? WALA TALAGA SIYA NO? NILOLOKO MO LANG AKO!"
Ngumiti na lang ako. "Pasensiya ka na kung nagsinungaling ako. Ayoko lang kasing matulog ka na 'di kumakain." Hinawakan ko siya sa kamay at dinala ko siya sa kusina. "Naiwan mo na nga 'yung baon mo kanina, tapos 'di ka pa kakain ngayon. Baka magkasakit ka niyan... Teka, Franceli, galit ka pa ba sa'kin?"
Tumaas lang ang kilay niya. "Hoy Luthan. For your information lang kasi, very important para sa'kin ang first kiss ko. Minsan lang yun mangyari sa buhay ng isang dalaga tapos ganun pa ang mangyayari. Nakakainis ka kasi..." Tapos napatingin siya sa pagkaing nakahain sa mesa. "At ano 'to? Itlog at hotdog mo na naman ang ipapakain mo sa'kin? May hotdog festival at egg caravan ba rito sa bahay?"
"Ha? Ayaw mo ba talaga sa hotdog at itlog ko? Masarap naman yan ah!" pagtatanggol ko sa luto ko.
"Ay talaga naman at idadaan mo 'ko sa pagkain? Di ka man lang hihingi ng tawad?" tanong niya.
"Yun lang?" nakangiting sagot ko.
"Oo! Pwede na sa'kin ang isang maayos na sorry..." sambit niyang nakangiti. Nahawaan naman ako ng ngiti niya dahil alam ko kasi kung paano humingi ng tawad ang mga tao na siguradong patatawarin ka. Maraming beses ko na itong nakita sa mga tao mula sa langit.
Kaya lumuhod na ako sa harapan ni Franceli na ikinagulat pa niya. "Franceli, will you marry me?"
[FRANCELI]
"Franceli, will you marry me?"
Muntik na akong matumba sa narinig ko. Anak ng upo't kalabasa, ano raw? "Watdahek Luthan!" sigaw ko sa kanya. "Anong 'Will you marry me?‘" Akala ko ba hihingi lang siya ng sorry?
"Ha? Bakit mali ba ang nasabi ko? Hindi ba paghingi ng tawad ang ibig sabihin nun?" gulat pang tanong ni Luthan. Watdapak, akala niya talaga yun ang ibig sabihin ng Will you marry me?
Ah! Gets ko na! May alam siyang mga English phrases pero di niya talaga maintindihan ang mga meaning nun. Sabagay, naririnig niya lang naman 'yung mga yun pero di niya alam ang eksaktong kahulugan. Medyo naawa tuloy ako sa kanya.
"Luthan, 'I'm sorry' ang sinasabi kapag humihingi ng tawad... " sabi ko at napatawa na lang ako. Ang epic fail lang kasi ni Luthan. Nakapag-propose tuloy siya nang hindi niya alam.
"Hindi ka na ba galit Franceli?" tanong niya naman at binabantayan niya talaga ang expression ng mukha ko kung galit pa ba ako o hindi na.
"Di na ako galit. Nawala na dahil sa epic mong paghingi ng sorry," sagot ko at napatingin ako palibot sa bahay. "In fairness natutuwa naman ako na naglinis ka nga ng bahay."
Ngumiti si Luthan sa sinabi ko. Totoo naman kasi, ang linis-linis ng bahay ko kumpara kanina. Parang ang dami kong katulong sa bahay sa sobrang linis eh.
Teka, baka naman napagod itong si Star Boy? Napansin kong pinagpapawisan siya. Naawa na naman ako. May vibe kasi si Luthan na sobra talagang cute dahil sa pagka-inosente niya kaya imposibleng hindi ka ma-guilty 'pag nagi-effort siya.
Kaya kailangan ko naman siyang bigyan ng reward. "Luthan, gusto mo bang kumain tayo sa labas?"
"Talaga?" tuwang-tuwa ang loko sa sinabi ko. Halatang gustong-gustong lumabas ng bahay.
"Oo. Naloloka kasi ako sa hotdog at itlog mo. Sa labas naman tayo kumain. Pero thank you gift ko na rin ito sa 'yo. Bihis ka nang maganda at aalis tayo agad," sabi ko pa at umakyat ulit ako ng kwarto para magbihis din. Inisip kong dapat lang naman talagang lumabas kami ni Luthan paminsan-minsan. Effort kasi 'yung ginawa niyang paglinis ng bahay. Tapos na-realize ko kanina na ang dami pa niya talagang dapat matutunan sa pamumuhay ng mga tao. Tutal tinutulungan niya akong tuparin ang hiling ko, tutulungan ko rin siyang kumilos na parang tunay na tao.
Pagkababa ko ng sala ay nakatayo na sa may pinto si Luthan. Ngiting-ngiti sa'kin ang loko. Take note, gwapong loko. Bumagay kasi sa kanya 'yung suot niyang fitted shirt at jeans. Buhok niya na lang ang kulang. Kaya ang ginawa ko, kumuha ako ng wax mula sa drawer ng kuya ko at inayos ko ang buhok niya.
"Ang saya-saya ko Franceli. Lalabas na nga tayo, inaayusan mo pa ako."
"Ayoko namang lumabas kang parang ewan," palusot ko habang sinusuklay ko ang buhok niya. Ang gwapo niya talaga, peste. Na-stress tuloy akong isama siya sa mall. Mamaya kasi magsisabugan na lang bigla ang mga obaryo ng sangkababaihan doon.
"Salamat Franceli."
"Tuwang-tuwa ka naman..."
"Siyempre, ang bait mo kasi sa akin. Hayaan mo, gagawin ko ang lahat matupad lang ang hiling mo. "
"Aww... salamat Luthan." Na-touched naman ako dun. Kahit papano kasi, at least may assurance na rin ako na kakampi ko talaga si Luthan kahit lagi kaming nagsasagutan sa kung anu-anong walang kwentang bagay.
Pagdating namin sa mall automatic na pinagtinginan si Luthan ng mga babae at nairita ako agad. Kahit hindi ko naman siya talaga totoong boyfriend, nakakainis pa rin 'yung feeling na nilalandi siya ng tingin ng iba. Alam na nga nilang may kasamang babae si Luthan, super papansin pa rin sila!Kaloka pa 'yung isang girl, nilapitan at kinausap pa talaga si Luthan. Ang harot ni Ate, nasobrahan sa women empowerment!
Kaya sa inis ko ay hinawakan ko si Luthan sa kamay niya at hinila ko na siya sa Japanese restaurant na kakainan namin. Ang saya ni Luthan nang nakaupo na kami. Ako na ang nag-order at naiirita na rin ako sa girl sa counter na tingin nang tingin kay Luthan doon sa table namin. Minsan talaga nakaka-tempt subukan kung gano katibay 'yung mga tray panghampas ng mga malalantod.
Pagdating ng pagkain namin ay excited na kumain si Luthan. "Franceli, ano 'to?" tanong niya sa pagkaing hawak niya.
"Yan? Tempura tawag diyan. Masarap yan! Favorite ko kaya yan! In fact favorite ko ang Japanese food." Tumikim naman siya agad at ang saya niya tingnan dahil para siyang bata na kaka-discover pa lang sa mga bagay-bagay.
"Masarap nga," sabi niyang ngumunguya. "Franceli, turuan mo naman ako kung paano lutuin 'to minsan para maipagluto kita sa bahay."
"Ay ganun, may personal cook na ako? Sige. Maghahanap tayo ng mga recipe sa Internet at tuturuan kitang lutuin 'to." Masaya ko pang kinuwento kay Luthan 'yung isang beses na nagbakasyon kami ng pamilya ko sa Japan na naging dahilan sa pagkahumaling ko sa Japanese cuisine. Napahaba na nga ang kwentuhan namin. Hanggang sa makaalis kami ng restaurant ay panay pa rin ang kwentuhan namin tungkol sa pagkain.
Napadaan naman kami sa may Home Depot ng mall at napatigil ako nang may makita akong dalawang tao na nandoon.
"Franceli, sina Reuben at Leila..." Nakita din pala sila ni Luthan. Tumitingin sila sa mga bisekletang naka-display doon. Sweet na sweet ang maharot na si Leila kay Reuben pero 'yung future boyfriend ko ay parang tuod lang na nakatayo doon sa tabi ni Leila.
"Ano kaya ang pinag-uusapan nila?" tanong ko kay Luthan habang nag-i-espiya sa kanila.
"Bumibili sila ng bisekleta para sa event na sinalihan natin," sagot naman ni Luthan at tumango ako. Oo nga pala, malapit na pala yun.
Maya-maya ay umalis na rin sila at pumasok naman kami sa loob ng Home Depot. "Kailangan pala kitang ibili ng mountain bike, Luthan. Buti na lang pala at pinadalhan na ako nila Daddy ng pera." At pumili na ako ng bike na bagay kay Luthan. Meron na ako sa bahay kaya etong si Luthan na lang ang bibilhan ko.
Nakapili na rin kami nang magandang bike para sa pseudo-boyfriend kong Star Boy. Halata nga rin sa mukha niya na excited siyang subukan 'yung bike. Pagkabili namin ay nag-fill up lang ako ng form para sa pag-deliver nila ng bike bukas sa bahay. Tapos umalis na kami.
"Ayos ka lang ba Franceli?" tanong niya nang pauwi na kami.
Tumango ako. "Ayos naman. Paano ako 'di magiging ayos? Eh sa tulong mo ay mapapasakamay ko na rin sa wakas si Reuben? Uy, sa Sabado na pala ang training natin ha. Magaling si Reuben magbisekleta kaya magpasikat ka rin. Ayoko namang mapahiya tayo." Pero kumunot lang ang noo ni Luthan.
"Pero Franceli, 'di ako marunong magbisekleta," pag-amin niya at gumuho ang mundo ko.
"WHAT?"
Jusko, problema ito!