[LUTHAN]
Pag-uwi namin ng bahay hindi na mapakali si Franceli. Malaking problema raw kasi namin kung paano kami makakasali sa Amazing Cycling Race kung hindi ako marunong magbisekleta. Sang-ayon naman ako sa opinyon niya dahil kahit ako ay nag-aalala rin sa bagay na iyon.
"Hay' Luthan, bakit hindi mo sinabi agad ang tungkol dito sa'kin? Paano ka niyan makakasali sa Amazing Cycling Race? I should have known this! Bakit hindi ko rin naisip ang tungkol diyan? Hindi ka naman tao para matuto ng mga ganitong bagay!"
Bigla naman akong nalungkot kasi sinasabi na naman ni Franceli na hindi ako tao. Dati hindi naman ako naaapektuhan kapag sinasabi niya yun kasi totoo naman. Hindi pa ako tao. Kailangan ko pang matupad ang hiling niya para maging tao ako.
Kaya dapat gawin ko ang lahat.
"Pwede mo naman siguro akong turuan, 'di ba?" tanong ko sa kanyang umaasa na may magagawa pa kami. Siguro naman hindi ganun kahirap matutunan ang pagbibisekleta. May mga bata nga na alam kung paano gawin yun.
"Luthan... H-Hindi kasi ganun kadali ang gusto mong mangyari..." Nauutal siya kaya halatang nag-aalangan siya.
"Ayaw mo ba akong turuan, Franceli?" tanong ko. Medyo nagtatampo na ako sa ikinikilos niya. Para kasing sumuko na siya.
"Hindi naman, ano kasi... Ang awkward lang na tuturuan kita..." sagot niya at namumula na naman siya. Nalito ako dun. Ang hirap talaga niyang maintindihan minsan. Mas lalo ko tuloy nararamdaman itong hindi kanais-nais na pakiramdam ngayon. Naninibago nga ako sa sarili ko eh. Parang ngayon ko lang naramdaman 'yung ganito.
"Ngunit Franceli, kung hindi mo ako tuturuan paano naman tayo makakasali dun sa paligsahan na yun?"
"Alam ko naman yun," sagot niya. "Ang weird lang kasi..."
"Kung naiilang kang turuan ako, ako na lang ang gagawa ng paraan. Gagamit na lang ako ng liwanag ko..." malungkot na saad ko. Ayoko sanang gumamit pa ng liwanag ko hangga't maaari dahil kaunti na lang ang meron ako. Kapag maubos kasi ang liwanag ko ay yun na rin ang katapusan ko. Ayoko namang mangyari yun. Marami pa akong dapat gawin. Ngunit kailangan na rin naming kumilos ni Franceli lalo na't ito lang ang pagkakataon naming paglapitin sina Glen at Mikka.
"Talaga? Gagawin mo yun?" gulat na tanong ni Franceli sa sinabi ko. "Pero 'di ba maaaring maubos ang liwanag mo kapag ginamit mo pa 'yang natitira sa 'yo?" Tumango ako sa tanong niya at parang lumambot naman ang tingin niya sa akin. Kanina kasi para siyang naiilang na naiinis. "Luthan, 'wag mo nang gamitin 'yung liwanag mo. Sige, payag na akong turuan kang magbisekleta... Pero dapat walang makakita sa ating iba para hindi tayo mabuko..."
"Talaga?" Napangiti ako agad sa sinabi niya. Ngayon masasabi ko na na nag-aalala na sa akin si Franceli at hindi na lang ako basta-bastang kasangkapan niya lang para makuha ang nais niya.
"Salamat, Franceli."
"Matututo ka naman agad siguro 'di ba?"
"Susubukan ko..." tugon ko sa kanya at ngumiti rin siya. Kapag kuwan ay nag-inat siya ng katawan at parang inaantok na. Gabi na rin kasi at pagod na rin naman ako kaya inayos ko na 'yung sofa kung saan ako natutulog. Simula nang tumira ako dito sa bahay ni Franceli ay dito na ako natutulog. Ayaw niya kasing sa kwarto niya rin ako matutulog kahit gustong-gusto ko doon.
Hindi ko nga maipaliwanag sa sarili ko kung bakit gustong-gusto ko doon matulog. Baka kasi para sa akin simbolo ng pagiging isang tunay na tao ang pagtulog sa isang kwarto. Pero ayos naman talaga sa'kin kung dito lang ako sa sofa natutulog. Wala namang problema sa'kin yun.
Kaya lang mukhang iniisip din yun ni Franceli dahil napansin ko namang nakatayo pa rin siya sa harapan ko na nakatingin sa'kin. Parang may malalim pa nga siyang iniisip. "Bakit Franceli, may problema pa ba? Hindi ka pa ba aakyat sa kwarto mo?"
"Luthan..." aniya na parang nahihiya na naman siya sa sasabihin niya.
"Ano yun?"
"Gusto mo bang sa taas matulog?"
Siyempre ikinagulat ko ang tanong niya. "Talaga? Gusto mong sa kwarto mo ako matulog?"
"Hindi sa kwarto ko, ano ka ba. Sa isa pang kwarto. Doon sa kwarto ni Kuya..." Napatulala na ako sa sinabi niya. Totoo ba ito? Binibigyan niya ako ng sarili kong kwarto dito sa bahay niya?
"May kwarto na ako?" tuwang-tuwang tanong ko pa. Tumango naman si Franceli. "Salamat talaga Franceli!" Agad akong umakyat ng hagdan patungo sa ikalawang palapag ng bahay at binuksan ko ang pinto ng kwarto na katabi ng kwarto ni Franceli at nagtatalon ako agad sa malambot na kutson sa sobrang saya ko.
"Para kang bata Luthan!" sabi ni Franceli na nakatawa. Pumasok na rin siya sa kwarto. "Dito ka na matutulog mula ngayon. Ayos ba?"
"Oo! Salamat talaga!" sabi ko. "Pero Franceli, bakit mo naman 'to naisipan?"
"Ah eh naaawa na kasi ako sa 'yo. Parang ang unfair ko naman kung wala kang sariling kwarto 'di ba. Na-realize ko na di man lang kita mabigyan nang maayos na matutulugan samantalang ikaw handa mong gamitin 'yung liwanag mo para sa'kin..."
"Ayos lang yun," sagot ko. Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Natutuwa akong ganito na ako ituring ni Franceli pero parang ang lungkot din kasi alam kong hindi dapat ako maging masyadong malapit sa kanya. Alam kong darating ang araw na aalis ako sa bahay na ito at ngayon pa lang nalulungkot na ako doon.
"Luthan, makinig ka sa sasabihin ko ha," aniya at napatingin ako sa kanya. "Kaibigan na kita at ayoko namang mapahamak ka dahil sa'kin. Siguro nga ambisyosa ako pero hindi naman ako ganun ka-selfish. Ayokong masasaktan ka dahil lang sa mga bagay na gusto ko. Kaya mangako kang hindi mo gagamitin ang liwanag mo kung hindi naman importanteng-importante."
Tuwang-tuwa ako sa naririnig ko mula sa kanya. "Pangako, hindi ko gagamitin ang liwanag ko kung hindi importante."
"Good, para fair naman tayo sa isa't-isa," sagot niya. "O sige, matulog ka na at tuturuan pa kita bukas mag-bike. Isang beses lang kita tuturuan kaya ayusin mo ha?" Tumango akong pinipigilang huwag nang sobrang magsaya. "Sige. Good night na."
At nagsimula na siyang maglakad palabas ng kwarto. "Good night din sa 'yo, Franceli. Sweet dreams..." Napatigil naman siya sa paglalakad at lumingon sa'kin. Pero hindi na siya sumagot at lumabas na ng kwarto. Kaya may ihinabol pa ako sa kanya.
"Please dream of me tonight!"
[FRANCELI]
Maaga akong gumising dahil nga sa tuturuan ko ngayon si Luthan na magbisekleta. Magluluto na sana ako ng almusal pero pagkababa ko nakahain na sa mesa ang mga pagkain. Nagprito si Luthan ng luncheon meat tapos may corned beef at pancit canton pa.
"Aba, improving ka na agad ha? Buti naman at hindi na lang hotdog at itlog mo ang niluto mo. Ngayon para ka na talagang tao..."
Ang lapad ng ngiti niya sa sinabi ko. Kung kumilos talaga siya ay para na siyang isang tunay na tao. At sa galing niyang magluto ngayon, posible pa nga sigurong maging chef pa siya balang araw. Napapangiti na nga lang ako sa ideyang magiging successful ang pagpapanggap naming dalawa bilang magjowa kasi habang tumatagal ay kumikilos na si Luthan na parang isang normal na tao.
Pero agad nawasak ang vision kong iyon dahil bigla ba namang maglagay ng Milo powder si Luthan sa kanin niya at sinubo niya yun? Nag-disappear kaagad ang nabuong admiration ko sa bilis ng kanyang pag-adjust.
"Hoy bakit mo inuulam ang Milo?" inis na tanong ko sa kanya.
"Bakit hindi? Masarap naman ah!" depensa niya brown na ang mga ngipin.
"Hoy Luthan umayos ka nga! May matino bang taong mag-uulam ng Milo, eh ang tamis niyan?" Inagaw ko sa kanya 'yung plato niya at pinakuha ko siya ng bago. Tapos tinago ko sa cabinet ang garapon ng Milo. Busangot tuloy ang mukha ni Luthan na nakatingin sa'kin. "Ayan ang kainin mo, 'wag puro Milo!" sabi ko sabay turo sa pagkain sa mesa. "Tapusin mo na nga 'yang pagkain mo at sisimulan na natin ang training mo!" sigaw ko pa at kumain na rin ako. Seryoso na talaga ako sa plano kong turuan siya ng alam ko sa pagbibisekleta. Kahit na awkward sa'kin.
"Ang higpit niya," nakasimangot na bulong ni Luthan sa sarili niya na rinig ko naman.
"May sinasabi ka? Ikaw maghugas ha!" dugtong ko pa nang matapos akong kumain.
***
Dumating ang bisekletang binili namin ni Luthan habang naliligo ako at tuwang-tuwa siya pagkakita ko sa kanyang hinahanda iyon.
Aba, excited si Star Boy. Sana lang kung gaano siya ka-excited ay ganun din niya kabilis matutunan.
Ako kasi natagalan bago ako matuto. Ang totoo niyan, kaya ayokong turuan siyang magbisekleta ay dahil sa ang daming alaala ang bumabalik sa'kin diyan sa pesteng pagba-bike na yan.
Una, si Kuya. Si Kuya ang unang nagturo sa'kin na mag-bike pero lagi niya akong napapagalitan noon kasi lagi rin akong sumesemplang. Di talaga ako natuto agad. Seven years old pa lang ako nun at fourteen years old naman siya. Parati kaming nag-aaway noon dahil sa tumigil si Kuya sa pagtuturo sa'kin dahil 'di raw ako natututo kahit anong turo ang gawin niya. Which was half-true.
Tapos siyempre, si Reuben. Una ko siyang nakilala dahil din sa bisekleta. Eight years old na ako nun nang bumalik ako sa pag-aaral na magbisekleta. Araw-araw nga akong dumadayo ng Science Garden noon para lang mag-practice. Gusto ko kasing patunayan kay Kuya na kaya ko kahit 'di niya ako turuan. Naiinggit kasi ako sa kanya 'pag sumasali siya sa mga contests at palagi siyang nananalo. Proud na proud sa kanya ang parents namin at naiinggit ako dun. Kaya ginusto ko rin talagang matuto.
At yun nga, isang beses sa Science Garden, sumemplang ako nang bongga sa tubigan. At dahil frustrated na ako sa sarili ko, naglupasay na ako sa tubig at umiyak nang umiyak. Tapos biglang dumating si Reuben at tinulungan niya akong tumayo. Naalala ko pa, tinanong niya pa ako kung bakit daw ako umiiyak. Ang sabi ko lang ay dahil 'di ako marunong magbisekleta.
At dahil mabait siya (noong bata siya) ay tinuruan niya naman akong magbisekleta. Isang beses niya lang akong tinuruan at himalang natuto naman ako agad. Kaya nga simula noon, naging crush ko na siya. Palagi na akong nagpupunta ng Science Garden para magbisekleta at para na rin abangan siya doon. Hindi ko namalayan, unti-unti ko na rin pa lang nagugustuhan si Reuben dahil dun.
Natuwa naman si Kuya nang makita niyang expert na ako sa bisekleta at naging close na ulit kami. Ang saya-saya ko nun. At dahil yun lahat kay Reuben. Ang nagagawa nga naman ng kalandian no? Chos! Este true love pala!
Kaya nga naiilang akong turuan si Luthan ngayon. Oo nga at may pagka-boyish ako pero sentimental din ako. Ayoko pa namang ginagawa 'yung mga bagay na nagpapaalala sa'kin sa mga masasayang bagay sa past ko. Hindi ko na kasi alam kung naaalala pa ba ni Reuben 'yung eksenang yun dati pero ako, makakita lang ako ng batang nagbibisekleta sa daan, naaalala ko na agad siya.
Siya kasi, parang hindi na. Mukhang nagka-amnesia na nga ang loko at hindi niya maalalang naging close kami dati. O baka naman hindi lang talaga big deal sa kanya yun. Baka lahat ng batang sumesemplang noon sa tubigan ay tinutulungan niya. Baka hindi talaga ako special para sa kanya.
Tapos andiyan pa ang issue ko kay Kuya. Tampong-tampo ako kasi simula nang magkatrabaho siya sa isang malaking pharmaceutical company ay iniwan na niya akong mag-isa sa bahay. Nalilipat kasi siya ng lugar kaya paalis-alis siya hanggang sa magdesisyon siyang mag-apartment na malapit sa head office nila. Inihabilin na lang niya ako kay Steph na para bang sapat na yun.
Nagtatampo ako kasi nasa abroad na nga ang parents namin ay iniwan niya pa ako. Kaya ayoko ring maalala siya kasi dati bonding time talaga naming magbisekleta o 'di naman kaya ay mag-mountain hiking. Pero heto ako ngayon at kailangan kong turuan si Luthan na magbisekleta.
***
Nagpunta kami ni Luthan sa plaza ng baranggay namin bitbit ang bisekleta niya para doon kami mag-practice. Doon kasi medyo malaki ang open space. Of course, pinagtitinginan na naman si Luthan ng mga tao dahil sa extra-terrestrial niyang kagwapuhan pero hindi ko na lang masyadong inintindi. Nagsimula ko na siyang turuan. Pinasakay ko na siya sa bike niya.
"O ganito ha Luthan, mag-pedal ka tapos bumalanse ka. Alalay lang ang paghawak sa manibela." Minuwestra ko pa talaga kung paano ang tamang pagbibisekleta at inikot ko ang buong plaza. Pumalakpak pa si Luthan nang tumigil na ako sa harapan niya. Nginitian ko naman siya.
"Ang galing mo pala talaga," puri niya sa'kin.
"Siyempre!" Ibinigay ko na sa kanya 'yung bisekleta para siya naman ang sumakay. "Karera ang sasalihan natin Luthan kaya dapat matuto ka agad. Kaya ikaw na ang mag-try. Wag kang mag-alala, aalalayan kita sa likod."
Nagsimula na nga siyang mag-try. Natutumba siya at tawa lang ako nang tawa kasi hindi rin siya agad natututo. Katulad ko rin siya noong bata pa ako at ang cute niya lang 'pag nagi-effort siya. Pero noong hapon na ay hindi pa rin siya natututo at hindi pa siya nakakapag-pedal ng isang hakbang na hindi natutumba kaya nainis na ako. Nagpa-panic na rin kasi ako kasi bukas na ang training namin sa Science Garden.
Paano na lang kami nito bukas kung ganito ang mangyayari?
"Magbalanse ka kasi!" sigaw ko na sa kanya. "Mag-concentrate ka sa ginagawa mo!"
"Ginagawa ko naman ang lahat!" reklamo niya rin. Sinubukan niya ulit pero bumongga pa lalo ang paghalik niya sa semento. Hindi ko na inalalayan ang mokong dahil naiinis na rin talaga ako.
"Ayusin mo naman Luthan! Sundin mo 'yung mga sinabi ko! Lalaki ka! Kaya mo dapat yan! Seryosohin mo kasi itong ginagawa natin!" Hindi ko na talaga mapigilan ang init ng ulo ko sa nangyayari.
"Dahil lang ba sa lalaki ako ay madali na sa akin ito?" anas niya na mas nagpainis sa akin. May punto kasi siya pero hindi ko gusto na sinasagot niya ako eh hindi niya pa nga kayang gawin ang dapat niyang gawin.
"Tumahimik ka na lang kasi at subukan mo pa ulit," singhal ko.
Hindi na siya umimik at sinubukan ulit magbisekleta. Pero wala pa rin. Nagulat naman ako kasi hindi siya tumayo sa pagbagsak niya this time kaya nilapitan ko na siya.
"Luthan, ayos ka lang ba?" Hindi siya sumagot at nakasubsob pa rin 'yung mukha niya sa isang braso niya. "Hoy Luthan, ba't tinatakpan mo ang mukha mo? Nagkasugat ka ba?" Pinilit kong alisin 'yung braso niya at nakita kong namumula ang mga mata niya. Natigilan naman ako kasi first time ko yata siyang makitang umiyak.
Umiiyak din pala ang isang bituin.
"Sorry Franceli, hindi ko kayang magbisekleta..." Humihikbi siya at naawa naman ako. Natigilan ako dahil sa pag-iyak niya. Para akong nabuhusan nang malamig na tubig sa guilt na nararamdaman ko dahil alam kong sumobra yata ako. Parang gusto ko na nga lang na itigil na namin itong ginagawa namin dahil naalarma ako sa pag-iyak ni Luthan.
"Luthan, kung hindi mo na kaya---"
"Kailangang kayanin ko, Franceli..."
"Pero hindi mo na kakayaning matutunan yan ngayon lalo na't pareho na tayong frustrated..."
Nag-iwas siya ng tingin sa akin. "Gagamit na lang ako ng liwanag ko..."
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. "Hoy Luthan ano ka ba? Baliw ka na ba? Bakit mo gagamitin ang liwanag mo? Gusto mo bang..." Gusto kong sabihin na nag-aalala ako sa kanya at baka ma-empty na siya na tulad ng isang battery kapag ginawa niya yun kaso ayoko namang lumabas na super concerned ako sa kanya. Kaya iba na ang nasabi ko. "Gusto mo bang gumamit ng liwanag para matuto kang magbisekleta? Tipirin mo naman ang liwanag mo! Paano tayo makakaipon ng liwanag kung panay naman ang gamit mo niyan? Paano na ang love life ko?"
Nagkatinginan kami ni Luthan. Alam kong selfish 'yung sinabi ko at malamang ay hindi niya yun nagustuhan. Gusto kong mag-sorry agad para doon pero nahihiya ako.
"Kung inayos mo lang sana ang pagturo mo sa'kin eh di natuto na ako..." bulalas bigla ni Luthan kaya nawindang ako. Alam kong para sa akin ang lahat ng ito at nag-effort naman siya kaya nga sobrang guilty ko na... Kaya tama bang sabihin niya pa yun sa"kin?
"Anong sabi mo?"
"Basta kahit anong sabihin mo Franceli gagamit na lang ako ng liwanag ko bukas," sabi niya. "Para makasali pa rin tayo at ng hindi tayo mapahiya sa mga kaibigan mo..."
Siyempre super-duper inis ang na-feel ko kasi ako pa pala ang sinisisi niya na hindi niya magawang matutunan ang isang simpleng bagay tulad nang pagbisekleta? Tapos gagamit pa rin talaga siya ng liwanag niya?
"Bahala ka nga diyan, Luthan!" sigaw ko at nag-walk na out ako. "Uuwi na ako! Gawin mo na lang ang gusto mong gawin." Hindi siya umimik at naglakad na ako pauwi.
Jusko, anong gagawin ko bukas? Ah basta, gamitin niya ang liwanag niya kung gusto niya!
Why do I care?
[LUTHAN]
Iniwan na ako ni Franceli sa plaza. Alam kong hindi na dapat ako nagsalita nang ganoon. Pero naiinis na rin kasi ako. Pero hindi sa kanya kung hindi sa sarili ko.
Bakit ba kasi ang hirap matutunan nang pagbibisekleta? Bakit hindi ko magawang magbalanse?
Noong si Franceli ang sumakay at nag-pedal parang ang dali lang naman nang ginawa niya. Pero noong ako na bakit ang hirap na?
Inis na inis na nga si Franceli kanina kasi maghapon na kami sa plaza pero wala pa akong magawa. Kaya nga naisip ko na ring gumamit na lang ng liwanag ko. Ang kaso ayaw naman ni Franceli dahil sa personal niyang mga dahilan.
Ano naman kaya ang gagawin ko? Paano ako matututo? At sino naman kaya ang pwedeng magturo sa'kin na magbisekleta? Yung pagtiya-tiyagaan akong turuan?
Teka, may naisip ako...
FRANCELI
Naloloka na ako kasi ngayong araw na ang training namin ni Luthan sa Science Garden kasama nina Glen, Reuben mylabs and company pero hindi pa rin umuuwi si Luthan simula kahapon.
Oo, hindi pa siya umuuwi!
Nagtampo siguro si Star Boy kaya hindi umuwi kagabi. Naks, lakas niyang maka-teenager ha? Pero asan na kaya siya? Uuwi pa ba siya dito sa bahay? O baka naman na-kidnap na siya?
Hindi na ako mapakali at habang kumakain nga ako ng almusal ko ay nasagi ko ang isang baso sa mesa at nabasag iyon. Kinabahan ako.
Oh my gas pulgas! Di ba ganito 'yung mga eksena sa tv 'pag may nalalagay sa panganib? Nahuhulog 'yung baso sa marmol na sahig o di kaya ay picture frame tapos nababasag? Isa kaya 'tong masamang pangitain? Nakakaloka, may masama na bang nangyari kay Luthan kaya hindi siya nakauwi? 'Wag naman sana! Hindi pa naman kami nagkaayos bago siya mawala!
Thinking na bakla nga may kung anong masamang nangyari na sa kanya, palabas na ako ng bahay para mag-report sa baranggay pero bigla naman siyang pumasok sa sala na halatang pagod at pawis na pawis.
"Luthan! Saan ka ba nanggaling?" nag-aalalang tanong ko pero hindi niya ako sinagot. Nasaktan ako dun kaya napahinto rin ako sa kinatatayuan niya. Tumuloy siya sa kusina at sumubo ng pagkain at nagmamadaling naligo sa cr. Hindi niya ako pinansin at hindi rin siya umimik kaya naisip kong baka galit nga siya sa akin.
Oh my God seryoso talagang galit siya sa'kin? Ang napakabait at napaka-inosenteng si Star Boy ay galit sa'kin?
Tulala pa ako paglabas niya galing kwarto niya at nakasuot na siya ng itim na jersey ni Kuya at white shorts at syete, nagmukha na naman siyang yummy!
Ngumiti na siya sa'kin and somehow ay gumaan na ang pakiramdam ko dun. Akala ko kasi galit talaga siya sa'kin to the highest level.
"Luthan..."
"Franceli..."
Sabay pa kaming nagsalita kaya natigil din kami pareho. "Sige mauna ka na..." aniya na napakamot sa batok niya at namula ako.
"Luthan...kasi...gusto kong mag-sorry sa 'yo... Hindi dapat ako nainis sa 'yo kahapon..."
Umiling siya. "Ako rin naman. Hindi ko rin napigilang mainis. Patawarin mo ako Franceli."
"No, Luthan. Ako ang may kasalanan. Kasi 'di ba para sa'kin naman sa wish ko ang lahat nang ginagawa natin. Kaya hindi ako dapat nagalit. Sorry talaga. Lalo na't hidni naman talaga natutunan ang pagbibiseklte ng isang araw lang. Ako nga eh nakailang subok kaya sobrang salbahe ko lang sa 'yo sa part na yun."
Tumango siyang parang nahihiya rin katulad ko dahil hindi siya sa akin makatingin, na dapat ako lang ang nakakaranas dahil mas malaki naman ang kasalanan ko sa kanya. "Wala na yun. Kalimutan na natin yun."
"Pero sorry pa rin talaga Luthan. Ang selfish ko at sana mapatawad mo ako..."
Natawa na siya sa tono ng boses ko. "Tama na, Franceli," mahinanhong sagot niya. "Ayokong nag-aaway tayo. Di ba nga at mag-partner tayo?"
Napangiti niya ako doon nang sobra. At medyo na-touched rin ako. "O tara na at mahuhuli pa tayo sa training." Kumilos na ako at naghanda ng babaunin namin.
***
Pagkarating namin sa Science Garden nakita na namin agad sina Glen at Mikka na nag-uusap. Aba, good sign ito. Perfect!
Samantala, parang nagwa-warm up naman sina Reuben mylabs at Leila Galema. Kumulo agad ang dugo ko sa kalandian ng babaeng higad.
Pinarada muna namin sa may puno ang mga bike namin ni Luthan at lumapit kami sa kanila. Napatitig silang lahat kay Luthan na bigla namang umakbay sa'kin.
"Ano ba Luthan? Chansing ka na!" Siniko ko siya pero lalo lang niyang hinigpitan ang yakap niya sa'kin.
"Hayaan mo lang ako," bulong niya pabalik habang naglalakad kami palapit sa puwesto nina Glen. "Nakatingin silang lahat... Dapat kumilos tayo bilang magkasintahan..."
Wala na akong nagawa. Who knows, baka biglang matauhan si Reuben at magselos!
"Hi Franceli!" masayang bati sa'kin ni Glen. "Late kayo ng twenty minutes ah. Na-traffic ba kayo?" Tinititigan niya si Luthan na parang nananakot at namumutla naman si Star Boy dahil doon. Siguro dahil sa nerbiyos.
"Naku hindi," sagot ko. "Sorry guys nagkaproblema lang nang konti---"
"Pasensiya na kung nahuli kami," biglang singit ni Luthan sa usapan at lahat kami napatingin na sa kanya. Ito kasing si Luthan ay parang may aura ng isang superstar at kapag nagsasalita siya ay naaagaw niya talaga ang atensyon ng lahat. "Napuyat kasi ako kaya hindi ako nakagising nang maaga."
"Ganun ba? Bakit ka naman napuyat?" Tanong ni Leila Galema na feeling ko gustong kainin nang buo si Luthan sa mga titig nito sa kanya.
"Nag-ensayo sa pagbisekleta buong gabi. Alalang-alala nga si Franceli kagabi dahil mag-isa lang siya sa bahay," sagot ni Luthan.
"Teka lang pare," sabi ni Glen. "Magkasama kayo ni Franceli sa bahay nila? Doon ka natutulog?"
Ako naman ang namutla on the spot. Ay grabe naloko na! Sana i-deny ni Luthan! Ayokong malaman nilang sa bahay nakatira si Luthan!
"Oo," sagot na ni Luthan at para akong tinusta sa mga tingin nina Glen at Reuben sa amin ni Luthan. "Sa bahay ako ni Franceli nakatira..."
Naloko na. Mukhang katapusan na ng future ko with Reuben mylabs.