[LUTHAN]
Gusto ko nang bumalik kay Franceli. Gustong-gusto. Ayoko na rito sa condo. Ang tahimik sa loob ng unit ko. At kung lalabas naman ako, masyado namang maingay. Kina Franceli lang talaga ako komportable. Para sa'kin yun lang ang aking tahanan.
Ilang araw din akong nawala ng Maynila. Nagkaroon kasi kami ng shoot sa iba-ibang lugar. Sa Zambales. Sa Bataan. Sa Pampanga. Isang linggo akong nagtrabaho at naglibot kasama si Maam Ella at ang iba pang mga model. Habang nasa biyahe kami kinakausap ko siya. Tinatanong ko siya kung kumusta na ba ang pagbubuntis niya at kung galit pa rin ba siya kay Kuya Ferdie.
"Galit?" ulit niya sa tanong ko. Nasa biyahe kami papuntang Nasugbu. "Galit siguro ako sa sarili ko, oo. Pero kay Ferdie? Hindi na. Ayoko nang magalit, Luthan. Ma-stress lang kami ng baby ko. Hindi ako pwedeng ma-stress dahil 'di pa ako pwedeng mag-leave sa trabaho. Maliit pa ang ipon ko."
Bigla naman akong natuwa sa narinig ko. "Talaga po ba? Hindi na kayo galit kay Kuya Ferdie?"
"Ayoko nang magalit sa kanya. Nakakapagod na. And besides, kung tutuusin hindi niya ito kasalanan. It's my fault. Kasi nagpabuntis ako. Kasi tanga ako. Kasi naniwala akong mahal niya ako. Sinabi niya yun eh. Na mahal niya ako. Na pananagutan niya ako. Ako namang si tanga, naniwala. Well, ano pa bang bago? All my past relationships, kung meron man, ganito rin naman ang ending. It's either lolokohin ako o masyado akong umasa at nagpakatanga."
Kumuha ako ng tissue sa bag ko at binigay ko kay Maam Ella. Agad siyang nagpahid ng luha niya. "Maam Ella, kung kelangan niyo po ng tulong, 'wag po kayong mahihiya sa'kin."
"Salamat, Luthan. Ang bait mo talaga," aniyang seryosong nakangiti. "Alam mo, sana majority ng lalaki sa mundo gaya mo. Yung medyo inosente at masyadong caring sa mga babae. Sana magparami ka ng lahi, Luthan. Kasi kung lahat ng lalaki tulad mo--- 'yung malungkot 'pag malayo siya sa girlfriend niya, 'yung takot makasakit ng feelings ng iba... At 'yung mukhang nakikinig talaga sa problema ng iba, aba! Baka ang saya ng mundo."
Napangiti ako nang bahagya doon. "Marami naman pong ganung lalaki," sagot kong biglang naalala iyong mga taong napapanood ko mula sa langit. "Hindi lang niyo sila siguro napapansin. Mas gusto kasi ng karamihan ng mga babae 'yung lalaking malakas ang dating eh. Bigla ko namang naalala si Reuben sa sinabi ko. Parang ganun kasi si Franceli. Gustong-gusto niya si Reuben na wala namang ginawa kundi saktan siya. Hindi ko talaga alam kung bakit niya nagustuhan ang lalaking yun. Kung tutuusin, wala naman talagang magandang ginawa si Reuben sa kanya na dapat niyang ikakilig.
"Eh sa ganun talaga eh!" sagot ni Maam Ella. Buti naman at nakangiti na siya. "Malay ko bang ganun sila. Saka wala kasing disclaimer 'yang mga lalaking yan kapag nakilala mo na sila. Wala silang sasabihin na: Hello, ako pala si Ferdie James Solis. Gwapo ako, maganda ang trabaho at mabulaklak ang mga salita pero tarantado ako at gusto lang kitang buntisin tapos kthanksbye na. Malay ko ba naman 'di ba?"
Natawa ako. "Pero Maam, mabait po talaga si Kuya Ferdie. Alam niya naman po yan, na mali ang ginawa niya sa 'yo. At maiisip niya ring itama yun. Hindi man natin alam kung kailan, basta alam ko mahihismasan din siya niyan."
"Alam mo Luthan, I want to believe you. Gusto kong sambahin 'yang sinabi mo pero ayoko nang umasa. Sa kakaasa ko ngang may magmamahal sa'kin, ayan oh, manganganak nako," sabi niyang natatawa. "Ano ba yan, lagi na lang hugot itong mga topics natin. Enjoy na lang tayo. Tiyak matutuwa ka sa pupuntahan natin."
"Saan po ba tayo pupunta?"
"Sa isang lighthouse. Doon ang shoot niyo."
[FRANCELI]
Isang linggo nang hindi nagpaparamdam si Luthan. Ang lungkot nga eh. Kasi palagi ko siyang naaalala. Palagi ko siyang naiisip. Kung kumusta na ba siya. Kung okay lang ba siya.
Sabi ko sa sarili ko, mas okay na rin 'to. Na hindi muna kami magkikita o magkakausap sa phone. Kasi para masanay ako. Para matutunan kong tanggapin na wala naman talagang patutunguhan ang feelings ko para sa kanya. Kaya kahit kating-kati na akong tawagan o i-text siya ay hindi ko ginawa. Kasi para mawala na itong nararamdaman ko.
Kaso wala eh. Hindi ko kinaya. Ang sabi niya kasi, dadalaw siya rito sa bahay pero Sabado na at hindi man lang siya nagpaparamdam sa text. Imposible namang wala siyang rest day. Kaya tinext ko na siya. Kinumusta ko lang siya. Kaso hindi siya nag-reply.
At doon ako nasasaktan kasi alam kong nababasa niya ang mga texts ko pero hindi siya nagre-reply. Ibig sabihin ba nun balewala lang talaga ako sa kanya, ganun? Kasi okay lang na 'di niya ako replayan? O baka naman wala lang siyang load? Pero kung gusto niya talaga akong makausap, makakagawa siya ng paraan. Bituin man si Luthan, mapamaraan kasi siya eh. Hindi ko pa nga alam ang problema eh ginagawan na niya ng solusyon.
Minsan nga pakiramdam ko isang mahabang panaginip ko lang si Luthan. Na hindi siya totoo. Tapos ngayon nagising na ako. Kasi sina Kuya, sina Steph, parang hindi naman ganun ka-affected sa pag-alis ni Luthan. Parang ako lang naman 'yung naapektuhan nang ganito.
Minsan iniisip ko naman imagination ko lang si Luthan. Kaso kapag nasa school ako kinukumusta siya nina Mikka sa akin, at dun ulit tumatatak sa'kin na totoo talaga si Luthan. Na naging malaking parte na siya ng buhay ko pero umalis na siya.
Sa school, parang bumaliktad na ang mundo. Kasi ngayon, lagi nang dumidikit sa'kin si Reuben. Lagi na kasi kaming nagkikita para tulungan si Xander.
And speaking of Xander, nakaharap ko na ulit siya. Noong una nahihiya pa siya sa'kin mag-open up kaso nakumbinsi ko rin naman siya kalaunan.
"Listen, Xander," sabi ko sa kanya. "Ganyan ako dati eh. May nagugustuhan akong lalaki," pag-amin ko. Nasa isang kiosk kami ngayon, nakaupo kasama si Reuben. "Alam mo ba, lahat na siguro ng klase ng pagpapapansin ginawa ko na sa kanya. Kasi ang paniniwala ko, kapag gusto mo ang isang tao, gagawin mo ang lahat mapansin ka lang niya. Hindi ko iaasa sa tadhana 'yung pag-ibig ko sa kanya. Na hihintayin ko pang siya ang unang lumapit kasi ayokong magsisi sa huli. Na sana ginawa ko lahat. At least ngayon, hindi man naging kami, wala akong regrets kasi sinubukan ko. Kaya ikaw, magpapansin ka. Lapitan mo si Lacie." Tumango lang si Xander. Hindi ko naman maiwasang mapansin na parang tinamaan si Reuben sa mga sinabi ko. Aba, dapat lang naman kasi totoo naman lahat nang sinabi ko ah.
Pagkatapos ng aming mga klase nung hapon ay sinamahan namin ni Reuben ang stepbrother niya na puntahan si Lacie at kausapin. Nakatambay si Lacie sa kiosk kung saan sila laging nakatambay ni Luna. Himala namang wala sa eksena si Luna na hindi pumasok sa mga klase namin. Kung nasaan man siya, sana hindi na siya bumalik nang umayos-ayos na ang buhay naming lahat no.
Pinanood namin ni Reuben ang pulang-pulang si Xander na lumapit kay Lacie. Agad siyang nginitian ni Lacie na friendly naman talaga at kitang-kita kong nanginginig si Xander sa kaba habang kausap ang babaeng gusto niya. Medyo malayo kami ni Reuben mula sa pwesto ng dalawa kaya hindi namin marinig nang maayos kung ano ba ang pinag-uusapan nila, pero okay na rin yun. Basta ayon sa nakikita ko, mukhang hindi basta-basta magkakagusto si Lacie kay Xander. Mukhang kailangan pa naming makialam ni Reuben para lang mapabilis ang mga pangyayari.
***
Pauwi na kami ni Steph nang makisabay sa'min si Reuben sa paglakad pauwi which was weird kasi hindi naman kami parehas ng way pauwi. Si Steph naman, parang kinikilig na hindi ko maintindihan. At ng sa wakas ay humiwalay na sa'min si Reuben, saka naman nagtitili si Steph.
"Grabe besh! Hindi pa rin ako sanay na close na kayo ni Reuben. Alam mo, nakakahalata na ako sa kanya. Hindi kaya type ka na niya?"
Muntik na akong matapilok sa sinabi ni Steph. "Ngek. Hindi naman siguro," sagot ko kahit naisip ko rin naman talaga yun. Pero ang weird kasi eh.
"Tingin mo? Kung ganun, eh ano sa tingin mo ang dahilan kung bakit bigla siyang bumait sa 'yo? At nakipagkaibigan pa ha?"
"Steph, kung totoong gusto na niya ako, eh bakit 'di niya sabihin? Kasing torpe rin ba siya ni Xander, ganun?"
Umiling si Steph. "Mag-isip ka nga besh! Eh 'di ba nga akala niya totoong magjowa kayo ni Luthan? Baka kaya hindi siya makapagtapat sa 'yo kasi akala niya taken ka talaga! Besh! Ano kaya kung itigil niyo na iyang pagpapanggap niyo ni Luthan na mag-boyfriend kayo? That way makukuha mo na ang gusto mo at hindi na kayo mahihirapan pa ni Luthan."
Napatigil ako sa sinabi ni Steph. Oo nga pala, hindi niya pa pala alam na nagbago na ang goal ko. Na lahat nang ginagawa kong ito ay hindi na para maging kami ni Reuben. Lahat ng ito, ginagawa ko para matupad na ang hiling ko upang maging tunay na tao na si Luthan. Dahil mahal ko na siya. At dahil mahal ko na siya, ayoko siyang mawala.
"Uy ano na besh? Nakikinig ka ba? Sabihin mo na kaya kay Luthan na itigil---"
"Ayoko," putol ko sa suggestion ni Steph.
"Ha?"
"Ayokong itigil na namin ni Luthan kung ano man ang meron kami," sabi ko pa.
"Ano?"
"Basta. Ayoko sa suggestion mo. Kung gusto ako ni Reuben, ipaglaban niya ako. Ako na lang ba lagi ang gagawa ng paraan? Bahala siya sa buhay niya."
Halos hindi na maipinta ang mukha ni Steph nang marinig niya ang mga sinabi ko. "Oh my God, besh," bulalas ni Steph. Nasa may kanto na pala kami papasok ng subdivision namin. "Hindi ko kinaya ang araw na ito. Hindi ko akalaing darating ang araw na ito na maririnig ko ang ganyan mula sa 'yo! Diyos na mahabagin, besh anong nangyayari sa 'yo?" Hindi talaga makapaniwala si Steph sa narinig niya mula sa'kin tungkol kay Reuben at parang maiiyak pa siya. Napaka-OA rin talaga ng babaeng 'to.
"Ah basta, hindi ko na siya priority! Ang pagiging tao na ni Luthan ang mas importante sa'kin ngayon."
"Besh, baka naman nagkakagusto ka na kay Luthan? Alam mo namang bituin siya!"
Ewan ko ba kung bakit ayokong umamin kay Steph sa tunay kong nararamdaman para kay Luthan. Siguro ayokong kapag kumpirmahin ko ang hinala niya, eh ayokong marinig ang sasabihin niya. Ayokong marinig mula sa iba kung gaano kawalang pag-asa ang feelings ko para kay Luthan.
"Concerned lang ako kay Luthan!" pagsisinungaling ko. "O, ayun na ang bahay niyo, umuwi ka na nga! Uuwi na rin ako!" kunwari naiinis na sabi ko para umuwi na si Steph.
"Oo na!" sagot naman niya at naglakad na siya palayo sa'kin. "Pero besh, kung ano man 'yang nararamdaman mo para kay Luthan, sana ipagpatuloy mo yan at ng maging mas concerned ka pa sa kanya!"
"Tse!" sigaw ko sa kanya at narinig ko pa siyang tumawa nang malakas.
***
Pag-uwi ko sa bahay nalungkot na naman ako dahil wala akong nadatnang tao. Wala na nga si Luthan, wala rin si Kuya. Baka magkasama na naman sila ni Luna at nababahala na talaga ako para sa kaligtasan ng kapatid ko. Hindi naman kasi biro ang sitwasyon niya na pingatritripan siya ng isang extra-terrestrial alien na adik sa kape. Kailangan ko na talagang makagawa ng paraan upang mapigilan ang panggagayuma ni Luna sa kuya ko. At dahil nakakalungkot mag-isa sa bahay, lumabas na lang ako at nagpunta ng mall upang magliwaliw. Wala lang, pakiramdam ko lang makakalimot ako sa lahat ng problema ko kapag lumabas ako.
Nanood ako ng sine. Mag-isa. Nakakatawa nga eh. Dati ayokong nanonood ng sine mag-isa. Para kasing ang lungkot. Pero ngayon, nagsine talaga ako. Kasi kailangan ko ng distraction mula kina Kuya at Luna. Pati kina Xander at Lacie. Pati na rin kay Reuben. At higit sa lahat, mula kay Luthan.
Tapos na ang pelikula ng may tumawag sa'kin sa telepono. Si Kuya. "O Kuya, napatawag ka?"
"Hello, Frans, kapag puntahan ka ni Luna at tanungin niya sa 'yo kung asan ako, wag mo na lang siyang pansinin. Sabihin mo hindi na ako uuwi sa bahay." Halatang problemado si Kuya base sa boses niya.
"What? Teka Kuya, asan ka ba? At anong sabi mo? Nag-away ba kayo ni Luna?"
"Oo Frans, " malungkot na sagot ni Kuya at muntik pa akong mapatili sa tuwa sa narinig ko. "Sinunod ko kasi 'yung sinabi mo. Kanina, sa bahay nga ako nagkape. Kaya nagalit siya doon nang magkita kami. Sabi niya wala raw akong tiwala sa kanya. Sabi ko naman, kape lang yun, pag-aawayan pa ba namin. Pero wala, nagalit pa rin siya, kaya umalis ako." Lingid sa kaalaman ni Kuya ay malapad na ang ngiti ko dahil sa narinig ko. Buti naman at pinakinggan niya pala 'yung payo ko sa kanya!
"Anong plano mo ngayon Kuya?" nag-aalalang tanong ko.
"Lalayo muna ako mula kay Luna," sagot ni Kuya. "Andito ako ngayon kina Dean." Buti naman at lalayo na siya mula sa impaktong Tagahatol na yun. Pero nag-aalala pa rin ako. Kilala kasi ni Luna sina Dean at Daniella. Baka gamitin niya ang kapangyarihan niya upang mahanap niya si Kuya.
"Kuya, wala ka bang ibang pwedeng puntahan, 'yung medyo malayo rito, kasi baka masundan ka pa ni Luna."
Bahagyang natawa si Kuya sa kabilang linya. "Ayaw mo talaga kay Luna, ano? Pero may punto ka. Si Luna kasi, parang may kakaiba siyang talento at agad niya akong nahahanap. Kaya naisip ko na ring umalis bukas."
"Good," masayang sagot ko. "Saan mo naman balak pumunta, Kuya?"
"Kay Luthan," aniya.
Nagulat naman ako dun. "Bakit, alam mo ba ang address niya?"
"Oo. Binigay niya sa'kin nang dumaan siya diyan sa bahay."
Parang gusto kong sumigaw dahil sa nalaman ko. "What? Bakit 'di mo sinabi sa'kin, Kuya' na alam mo pala ang address ni Luthan?"
"Teka, ano'ng ibig sabihin mo? Frans, hindi mo ba alam ang address ni Luthan? Mag-boyfriend ba talaga kayo? Hindi ko na binanggit sa 'yo kasi inassume kong alam mo na. Pero seryoso, hinid mo nga alam kung saanb siya nakatira?"
Hindi na ako nakasagot kay Kuya. Medyo nakakapagtampo kasi. Bakit hindi binigay ni Luthan sa'kin ang address niya? Ayaw niya bang dumalaw ako sa kanya?
[LUTHAN]
Namangha ako sa ganda ng paligid mula sa tuktok ng lighthouse. Nasa tuktok ako ngayon at nakamasid sa paglubog ng araw. Pahinga namin mula sa shoot at nasa baba sina Maam Ella upang maghanda ng makakain namin. Naalala ko naman bigla si Franceli. Tiningnan ko ang telepono ko at may nakita pa akong mensahee mula sa kanya. Binasa ko yun.
Luthan, asan ka ba? Pupunta ka ba rito sa bahay? Bakit di ka nagre-reply o nagte-text? 'Pag sinabi mong wala ka lang load, sasapakin talaga kita 'pag magkita tayo.
Napangiti ako sa mensahe niya. Kaya agad ko siyang tinawagan. Agad niya rin naman itong sinagot. "Luthan! Asan ka ba? Bakit hindi ka nagre-reply?" Halos sigaw na niya sa akin.
"Nasa Nasugbu ako. Isang linggo na kaming umaalis para mag-shoot sa iba't-ibang lugar."
"Ah. Nasugbu sa Batangas?"
"Oo. Nasa tuktok ako ng isang lighthouse ngayon. Ang ganda rito, Franceli. Sana kasama kita ngayon rito."
Panandaliang natahimik si Franceli sa kabilang linya. Akala ko nga hindi na siya magsasalita. Pero naririnig ko naman ang malalim niyang paghinga. "Ang daya mo, Luthan. Gusto ko rin makapunta diyan."
"Hayaan mo. Kapag maging tao na ako, babalik ako rito at kasama ka na. Tapos kukuha tayo ng picture tapos ilagay natin sa Instabook."
Natawa si Franceli. "Sira! Pinagsama mo pa talaga ang f*******: at i********:! Hindi ka pwedeng maging comedian!"
Natawa na naman ako. "Ganun ba? Mukhang marami pa talaga akong dapat matutunan sa inyong mga tao."
"Okay lang, sanay na ako sa pagiging clueless mo no! Pero promise yan ah? Isasama mo ako diyan next time!"
"Oo naman. Sa ngayon, focus muna ako dito kay Maam Ella. Mukhang malapit ko nang makuha ang liwanag niya. Hindi na waw kasi siya galit kay Kuya Ferdie."
"Talaga?" natutuwang tanong ni Franceli. "Tamang-tama. Pupunta sa condo mo si Kuya. Sana magkausap na sila ni Ate Ella att nang mabawasan naman ang mga alalahanin natin. May 21 days ka na lang bago ang full moon, Luthan."
"Parang ang bilis naman," komento ko. Totoo nga ang sabi ni Franceli, mukha lang marami 'yung mga natitira kong araw pero ang bilis pala nilang lumipas.
"Kaya nga Luthan," parang naiiyak na sagot ni Franceli. "Ayokong mawala ka. Ayokong mabalewala lahat ng paghihirap mo. And I don't want to lose you."
Sumaya ako sa sinabi niya. Minsan hindi ko maiwasang isipin kung may nararamdaman na ba si Franceli para sa akin. Katulad na lang ngayon. Pero hindi iyon maaari. Dahil mula nang una kong makilala si Franceli, alam ko nang hindi niya ako pwedeng mahalin. Hindi pwede.