Chapter 30

3837 Words
[FRANCELI] Ang hirap kapag tumibok ang puso mo, hindi ito magpapaalam sa 'yo. Gugulatin ka na lang na isang araw, gigising ka na lang na mahal mo na pala 'yung taong dati ay hindi naman ganun kaimportante sa 'yo. Na 'yung taong hindi mo inaasahang darating sa buhay mo ay isa ng malaking parte ng buhay mo. I should have expected this. Ganito rin naman kasi ang nangyari sa'kin with Reuben. Kahit bata pa ako nun, alam ko ng mahal ko na siya that time, at biglaan yun. Nagising na lang ako isang araw na gusto ko na pala siya. Kaya itong nararamdaman ko kay Luthan, alam kong totoo ito. Na mahal ko na talaga siya. Hindi ko pa man maintindihan sa ngayon kung paano nangyari ito, alam kong gusto ko na si Luthan. Gusto ko ngang matawa sa sarili ko eh. Kasi ngayon ko pa na-realise ang feelings ko para sa kanya kung kelan aalis na siya. Kung kelan, hindi ko na siya makakasama sa bahay. At ang weird isipin na hindi ko na siya makikita sa bahay. Pakiramdam ko kasi ay matagal na siyang bahagi na siya ng buhay ko. Pero gusto kong pigilan itong nararamdaman ko. Kahit saan ko kasi tingnan, wala rin namang patutunguhan. Bituin siya. Kaya kahit sabihin ko pa sa kanyang mahal ko siya ay hindi rin naman niya ako mamahalin. Tapos kung maging tao na siya, 'di pa namin alam kung isisilang ba siya bilang sanggol kagaya ng ibang mga taong dating bulalakaw o kung ganyan na ang itsura niya. Wala rin akong laban kung isilang siya ulit kasi kung iyon ang tanging paraan para hindi siya maglaho at maging tao na siya, tututol pa ba ako? At ang pinakainaalala ko, para maging tao siya--- kailangan niyang tuparin ang hiling ko. Na mahalin na ako ni Reuben. Kailangan muna yatang magkatuluyan kami ni Reuben bago naman siya tuluyang maging tao. Kaya isang malaking kahibangan ang mahalin siya ngayon kasi para sa kapakanan at kaligtasan niya, kailangang maging kami ni Reuben. Doon ako napaiyak, nang mapagtanto ko ang lahat ng yun. Kasi sa simula pa lang wala ng pag-asa ang feelings ko. Ang bigat sa dibdib, pakiramdam ko inulit iyong mga panahong pinagtatabuyan ako ni Reuben. At ngayon, dumoble pa yun. Kaya ayoko sanang magtuloy-tuloy itong nararamdaman ko sa kanya, kasi pakshet wala namang happy ending na naghihintay sa para aming dalawa. Kaya kinimkim ko na lang ang feelings ko, at pinagdasal ko na lang na sana mawala na ito agad, kasi hindi ko yata kakayanin. Baka sumabog na lang ako bigla. Inisip ko na lang 'yung mga dapat pagtuunan ko ng pansin. Sina Xander at Ate Ella. Pati 'yung isa pang dating bulalakaw na hindi pa namin nakikita. Sila ang dapat na binibigyan ko ng atensyon. At hindi itong kagagahan ko. Para kay Luthan, handa kong ibigay ang lahat ng makakaya ko. *** Maaga kaming kumain ng dinner ni Luthan. Kaming dalawa lang ulit dahil magkasama ngayon sina Kuya at Luna. Isa pa ito sa mga prinoproblema ko, itong si Luna Anaesthesia. Sana talaga mawala na siya sa landas namin ni Luthan dahil ginagawa niyang komplikado ang lahat. "Hindi mo ba gusto ang luto ko?" tanong ni Luthan bigla na nakatingin sa plato ko. Hindi ko pa kasi iyon nagagalaw. "Medyo wala akong gana," pag-amin ko naman. "Iniisip ko lang kasi bukas kapag wala ka na, baka mag-isa na lang akong kumain dito. Ang lungkot." "Dadalawin naman kita rito," sagot niya. "Promise yan ha? Saka 'wag kang masyadong mag-alala sa'kin. Andiyan naman si Steph." Naisip ko kasi, 'di ko pala dapat siya pinag-aalala kasi baka bigla-bigla siyang pumunta sa bahay tapos ikagalit pa ni Luna. Eh 'di lalong gugulo ang lahat. Pagkatapos naming kumain ay naghugas ako ng mga pinagkainan namin. Tumulong naman siya. Nakatayo kami pareho sa may lababo. Ako ang taga-sabon, siya ang tagabanlaw. "Franceli, kumusta na pala kayo ni Reuben?" bigla niyang tanong. "HA?" "Kumusta na ba kayo," ulit niya. "Mukhang napapalapit na kasi siya sa 'yo." "Ah. Yun ba? Okay lang naman," sabi ko tapos pinilit kong ngumiti. "Himala nga eh. Bigla siyang bumait sa'kin." Ngumiti siya. "Mabuti naman. Sana maging mas malapit pa kayo sa isa't-isa para hindi ka na mahirapan." "Oo." "Franceli." "Hmm?" "Masaya ako para sa 'yo. Di ba ito 'yung matagal mo nang hinihintay? Yung mapansin ka niya?" "Oo." Hindi na ako makatingin kay Luthan. Pinagpatuloy ko na lang ang paghuhugas ko. Parang bigla na lang gusto kong magwala. Ang sakit pala kasi sa pakiramdam, na diretsahang sabihin ni Luthan na masaya siya para sa'min ni Reuben. Natutuwa siya, kasi akala niya masaya pa rin ako sa mga nangyayari. Hindi mo alam Luthan, kung gano ito kasakit at kung gano ito kahirap para sa'kin. Bakit kasi nahulog ako sa 'yo? Ikaw itong bulalakaw pero bakit ako 'yung nahulog? *** Pagkatapos naming maglinis ay tinulungan ko naman siyang ayusin ang mga gamit niyang dadalhin niya bukas sa pag-alis niya. Pinahiram ko na rin siya ng maleta. Tuwang-tuwa naman siyang makitang nilalagay ko yung mga damit niya doon. "Salamat sa tulong, Franceli," sabi niyang nakangiti. Ako naman, biglang namula. Ewan ko ba, dati-rati wala lang naman sa'kin 'yung mga ngiti niya. Pero ngayon... "Luthan..." seryosong tawag ko sa kanya. "Ano yun?" "Hindi ka ba talaga pwedeng ma-in love?" tanong ko. "I mean, alam ko namang bituin ka at may liwanag sa katawan mo, pero seriously, 'pag may nakikita ka bang babae na maganda o sexy 'di ka ba naa-attract? Yung ganun?" Umiling siya. "Wala akong nararamdamang ganyan." "Kahit konti? Kahit katiting? Kasi lalaki ka pa rin naman 'di ba?" tanong ko pa. Hindi ko na alam kung bakit kinukulit ko siya, gayong alam ko naman ang sagot. Siguro gusto ko pa ring umasa, na baka may nararamdaman din siya para sa'kin. Kahit hindi na love. Kahit crush na lang. Masaya na siguro ako nun. Kasi big deal yun 'pag galing kay Luthan. "Wala pa akong nararanasang ganyan 'pag tumitingin ako sa mga babae," sabi naman niya. "Eh baka sa lalak, attracted ka?" Natawa siya sa joke ko. "Lalo namang wala." "Grabe. Eh bakit nag-aalala ka naman para sa'kin? Bakit concerned ka sa'kin? Hindi ba love din naman ang platonic love? Kahit iyong ganong klase ng love, hindi mo rin maramdaman? Alangan namang charity work lang ang ginagawa mo. Dapat may nararamdaman ka eh, para maging concerned ka ng ganyan sa isang tao." Nang sinabi ko yun parang gusto kong sabunutan ang sarili ko. Baka kasi mahalata niya 'yung tinutumbok ko eh. "Normal naman yata yun. Kasi mahalaga ka sa akin." Lumakas ang kabog ng dibdib ko sa sinabi niya. "So meaning, nakakaramdam ka ng concern. Nag-aalala ka para sa mga taong mahalaga sa 'yo. Nakakaramdam ka rin ng iba-ibang emosyon. But never romantic love? Yung tipong may isang taong pinakamahalaga sa 'yo at hindi mo kayang mabuhay 'pag wala siya? Yung babaeng hindi mo kayang iwan at hindi mo kayang saktan? Yung ganun? Hindi mo ba nararamdaman ang ganun?" Ngumiti siya. "Ewan ko. Hindi ko alam. Pero kahit ganun, mahalaga ka sa'kin, Franceli. Hindi kita kayang iwan at mas lalong hindi kita kayang saktan. Kahit hindi ko mararanasang magmahal, mahalaga ka pa rin sa'kin. Pero sana maging tao na ako, dahil ayokong may maramdaman akong pag-ibig ngayon kung posible man yun kasi gagawa at gagawa ng hadlang ang liwanag ko. Sa kaso ko, siguro kapag malapit na ako sa ganung pagpapahalaga sa isang tao, biglang mangyayari ang isang bagay na hindi ko inaasahan." Gaya ng bigla kang aalis, dugtong ko sa isip ko. Sumuko ka na Franceli, wala kang laban sa liwanag niya. "Bakit mo pala tinatanong?" "Ha? W-Wala. Naintriga lang ako. Akala ko kasi pwede kang umibig. Special case ka kasi, 'di ba? Hindi ka na isang tunay na bituin, at hindi ka pa tao. Kumbaga nasa gitna ka. Kasi wala sa oras ang pagbagsak mo eh. Kaya inexpect ko lang na---" "Na kahit papano eh pwede akong makaramdam ng pagmamahal?" Tumango ako. "Hindi ko alam Franceli," sagot niya. "Sa totoo lang hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Kaya sana maging tao na ako." Nanlumo ako sa sinabi niya. Natapos na kaming mag-empake ng mga gamit niya. Lumabas na ako ng kwarto niya dahil parang gusto ko na namang maiyak. Kahit saang sulok ko kasing tingnan, wala talagang future ang feelings ko para kay Luthan. Para akong sumali sa isang cycling race tapos bangin 'yung finish line. Bago ako pumasok ng kwarto narinig ko pang tinawag niya ako. "Good night, Franceli! Sweet dreams! Please dream of me tonight!" masayang sabi niya. Napatigil pa ako kasi nga baka iyon na pala 'yung huling beses na masasabi niya yun sakin at ang sakit-sakit lang. [LUTHAN] Maaga akong umalis ng bahay nila Franceli. Gusto ko sanang magtagal pa kaso hindi na pwede. Baka kasi pagdating ni Kuya Ferdie ay kasama na niya si Luna at magalit pa yun sa'kin. Kanina pa malungkot si Franceli habang kumakain kami ng almusal. Nang nagtimpla siya ng Milo, bigla pa siyang naluha habang nakatingin sa garapon ng Milo. Naisip ko na lang baka nasasayangan siya doon kasi nga aalis na rin ako. Napapansin ko, simula pa kagabi itong kalungkutan niya. Nakakapanibago nga eh. Pero nakatutuwa rin isiping malungkot siya sa pag-alis ko. Ibig sabihin kasi, mahalaga ako sa kanya kahit papano. Ganun kasi ang mga tao kapag umaalis ang mga taong mahalaga sa kanila. Hinatid niya pa ako sa may sakayan ng jeep kasama si Steph. Nagprisinta pa silang sasamahan nila ako hanggang sa Ortigas kaso tumanggi ako kasi alam kong may pasok pa sila. Nang umandar na ang jeep, kumaway pa silang dalawa at kumaway din ako sa kanila. May sinigaw pa si Franceli pero 'di ko na yun narinig at natanaw ko pang nagyakapan ang dalawa noong malayo na ako. Tapos bigla akong nalungkot nang napakatindi. Hindi ko nga maipaliwanag eh. Parang sumasakit 'yung dibdib ko sa sobrang lungkot ko. Ayoko naman talaga kasing umalis. Kaso kailangan. *** Sinalubong ako ni Maam Ella sa condo kung saan ako titira. Bilang agency ko, sila ang nag-asikaso ng titirhan ko. Maganda naman siya kaso malungkot sa pakiramdam kasi mag-isa lang ako. "Luthan, may supermarket sa baba, pati convenience store. Kaya lahat ng kailangan mo, meron dito. At kung may tanong ka sa'kin, nasa kabilang unit lang ako." Tumango ako. "Salamat po Maam." "You're welcome. Pero bakit ang lungkot mo? Hindi mo ba gusto 'yung lugar?" "Naku, hindi po sa ganun. Ano, nalulungkot lang po ako kasi hindi ko na makakasama si Franceli." "Ah. Ang cute mo naman. Ganyan ka mag-alala para sa girlfriend mo." Napangiti na lang ako. "Nag-aalala lang po ako sa kaligtasan nila ni Kuya Ferdie. Simula po kasi ng muntik silang maaksidente---" Napatigil naman ako sa sinasabi ko kasi naalala kong galit nga pala si Maam Ella kay Kuya Ferdie. "Anong aksidente?" "Nauntog po ang ulo ni Kuya sa semento," sagot ko at medyo natuwa ako nang makita ko sa mukha niya 'yung pag-aalala. Kahit papano ay nabuhayan ako dun. Hindi man kasi sabihin ni Maam Ella, alam kong gusto niya pa rin si Kuya Ferdie. Kaya kailangan ko nang kumilos upang magkatuluyan na yung dalawa. *** Hapon nang pumunta ako ng school nila Franceli upang bantayan ang mga kilos ni Luna upang makasiguro akong hindi niya kasama si Kuya Ferdie. Nakita ko siyang mag-isang nakaupo sa cafeteria. Magtatago na sana ako para hindi niya ako makita kaso huli na, nakita na niya ako at dali-dali siyang lumapit sa'kin. "Aba, narito ka," bati niya na para bang magkaibigan kami. "Si Franceli ba ang pinunta mo rito? Andun siya kasama ni Reuben sa may Auditorium. Nag-uusap silang dalawa." "Ikaw ang pinunta ko rito," sagot ko. "Oh. Ganun ba? At bakit naman?" "Gusto ko lang itanong kung bakit mo nilalabag ang batas ng kalawakan. Kung bakit ginagayuma mo pa rin si Kuya Ferdie." Nawala ang ngiti niya sakin. "May isang bagay akong gustong malaman sa 'yo, Luthan." Nalito naman ako sa pag-iiba niya ng usapan. "Ano yun?" "Gusto mong malaman kung ano yun? Sabihin mo muna kay Franceli ang pinakaiingatan mong lihim. Saka ko sasabihin sa 'yo." Nanlaki ang mga mata ko. "Hindi ko gagawin yun. Sa simula pa lang, buo na ang desisyon kong hindi ko sasabihin sa kanya ang bagay na yun," giit ko. Nagtaas ng kilay si Luna sa sagot ko. "Ganun? Sayang. Gusto ko sanang ako ang magsabi kaso mas maganda kung ikaw. Tapos baka sugurin niya na naman ako. Nakakatakot kaya 'yang si Franceli." "Wag mo na sana siyang pakialaman. Umalis na ako sa kanila. Sana sapat na yun." Hindi ko talaga mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyari na naman kay Franceli. Tumango naman si Luna. "Wag kang mag-alala. 'Di ko na siya susubukang saktan. Dahil hindi ko na kayo kailangang takutin. Tutal alam niyo na ang pwede kong gawin. Ang sakin lang, nakakamangha rin 'yang si Franceli 'di ba? Talagang ako, na Tagahatol, ay sinabihan niyang lumabag sa batas ng kalawakan? Wala pang nagsasabi sa'kin nun! Tao man o bituin!" Totoo yun. Ako man, bumilib kay Franceli sa ginawa niya. At hindi lang yun. Matalas ang utak niya para maisip niyang may mga bawal din pala kahit sa isang tulad ni Luna. "Mas lalo tuloy akong nalilibang dito sa lupa, Luthan," sabi pa sa'kin ni Luna. "Hindi na ako makapaghintay kung ano ang mangyayari sa kabilugan ng buwan." At pagkatapos niyang sabihin yun ay umalis na siya. Ako naman, medyo kinabahan dahil baka sabihin ni Luna kay Franceli ang bagay na ayoko sanang malaman niya kasi ayoko siyang masaktan. Sinubukan ko na rin sa kanyang sabihin iyon. Maraming beses na. Kaso kapag naiisip ko ang magiging reaksiyon niya, natatakot ako. Ngayon pa nga lang, iyak na siya nang iyak, ano pa kaya kung malaman niya ang tungkol doon? Paalis na ako ng school nila dahil pupuntahan ko sana si Kuya Ferdie nang madaanan ko sina Franceli at Reuben. Nagtago pa ako para hindi nila ako makita. Nag-uusap sila tungkol kay Xander, 'yung dating bulalakaw na stepbrother ni Reuben. Nag-iisip sila ng mga magandang gawin upang magpapansin kay Lacie, 'yung babae namang gusto ni Xander. Lalapit na sana ako kay Franceli para makita niya ako kaso hindi ko nagustuhan 'yung sunod na nakita ko. "Salamat Reuben!" masayang sabi ni Franceli sabay yakap dito. Si Reuben naman, nagulat dun saglit dun ngunit tuwang-tuwang yumakap din. Ang saya nila. Ganoon talaga siguro kapag mahal mo ang taong kasama mo. Ang saya-saya. Siguro ang sarap ng pakiramdam na kasama mo ang taong yun--- iyong mamahalin mo at siguro ang sarap ding malaman na mahal ka rin ng taong mahal mo. At dahil ayokong magulo pa silang dalawa ay hindi na ako lumapit pa sa kanila. Naglakad na ulit ako palabas ng school. Nakasalubong ko pa sina Glen at Mikka pero nagmamadali na akong tumakbo palabas ng school nila. Tinawag pa ako ng dalawa kaso hindi na ako lumingon. Umuwi ako sa bahay nina Franceli. Naroon si Kuya Ferdie, may mga papeles na inaasikaso sa mesa. Natuwa siya nang makita ako at kinamusta niya ako. Nag-aayos daw siya ng mga requirements niya para makabalik na siya sa trabaho niya. Napansin ko naman iyong tumbler niya na puti na hawak niya. "Ano po yan, juice?" kunwari interesadong tanong ko. "Eto? Ah, hindi, kape. Iced coffee. Si Luna pa ang nagtimpla nito kanina," sagot niyang nagmamaliki pa at doon na ako kinutuban. Hindi kaya, sa kape nilalagay ni Luna ang gayuma? Ang dahilan kung bakit parang nag-iiba ng ugali si Kuya Ferdie? Kung bakit tila may kambal siya sa loob ng katawan niya? "Kuya, pwede po ba akong mag-iwan ng mensahe sa 'yo para kay Franceli?" [FRANCELI] Humahangos akong tumatakbo pauwi ng bahay. Ang sabi kasi nina Glen at Mikka kanina, nakita raw nila si Luthan dito sa school. Tinawag pa nga raw nila kaso mukhang nagmamadali. Ayoko ngang maniwala eh. Kasi andun na siya sa Ortigas 'di ba? Kaso nagkatagpo rin kami ni Luna kanina at sinabi niya ring nandito si Luthan kanina. Naguluhan tuloy ako. Bakit hindi siya nagpakita sa'kin? Kaya kanina pa ako excited umuwi kasi alam kong dadaan doon si Luthan sa bahay. Sigurado ako. Mag-uusap pa nga sana kami ni Reuben pagkatapos ng class namin kasi may naisip na raw siyang pwedeng gawin ni Xander para mapansin ni Lacie, kaso pinagpabukas ko na para agad akong makauwi. Pati nga si Steph hindi ko na hinintay na nasa library pa para maabutan ko pa si Luthan sa bahay. Ganun ako ka-excited. Sa sobrang excitement ko nga 'kala mo hindi kami magkasama kaninang umaga. Na parang isang buwan na siyang hindi umuuwi. Pagkarating ko ng bahay naabutan ko si Kuya sa sala na nanonood ng tv. "O Frans, bakit ang tagal mo?" "ASAN SI LUTHAN?" tanong ko agad na napalakas pa yata. "Umalis na, kanina pa---" "Ano?" Tumango si Kuya. "May shoot pa raw kasi siya, kaya umuwi agad. Uy, miss mo na agad siya?" Agad akong namula. "Heh! Ikaw Kuya, may number naman ako sa 'yo ah! Bakit hindi mo man lang ako tinext na andito si Luthan?" "Aba, malay ko bang hindi mo alam na nagpunta siya rito? Saka wala bang cellphone ang batang yun para hindi ka i-text? Sikat na model tapos walang cellphone?" Hindi na lang ako sumagot at baka awayin ko pa si Kuya. May point naman kasi 'yung sinabi niya. Walang cellphone si Luthan. Sinubukan ko siyang pilitin na mag-cellphone noon para makontak niya ako kung may emergency sa bahay, kaso ayaw niya. Hindi niya raw kailangan. "O, malungkot ka na niyan?" panunukso pa ni Kuya na tumayo at may binigay siya sa aking isang nakatiklop na papel. "Ano 'to?" "Love letter," nakangisi pang sagot ni Kuya sa'kin. Agad ko iyong binuksan at binasa ko ang nakasulat: Franceli, nasa kape ang gayuma. Medyo na-disappoint pa ako sa nakasulat kasi iba 'yung inaasahan ko. Shunga ka talaga Franceli, nag-expect ka talagang totoong love letter nga ang iniwan ni Luthan para sa 'yo? Kabahan ka kaya? Try mo magkape bruha ka! Pero kahit ganun, natuwa rin ako. Ngayon kasi alam ko na kung saan nilalagay ni Luna ang gayuma niya kay Kuya. Sa kape. Ang tanga ko. Oo nga naman, malamang kaya nagkakape palagi si Luna para lagi niya itong naipaiinom kay Kuya. Ang problema ngayon, hindi ko alam kung paano ko mapapatigil si Kuya sa pag-inom nito. Hindi ko alam kung paano ko mapipigilan si Luna. *** Nagkulong ako sa kwarto ko. Bumaba lang ako nang maghapunan kami ni Kuya. Tahimik lang kaming dalawa. "Halatang depressed ka sa pag-alis ni Luthan..." komento ni Kuya. "Parang ayoko na tuloy bumalik sa trabaho ko kasi maiiwan ka na naman dito na mag-isa." Sinimangutan ko ang kapatid ko. "O sige! Mag-alisan kayo! Ganyan naman kayo eh! Parati niyo naman akong iniiwan!" "Franceli---" "Isama mo na rin sa pag-alis mo 'yang si Luna at ng hindi ko na siya makita pa ever!" "Bakit ba ayaw mo kay Luna?" seryosong tanong ni Kuya. Aba, tinanong pa talaga eh no? "Kuya, hindi mo naman kasi mahal yun. Nalilito ka lang sa kanya." Kumunot ang noo ni Kuya. "Paano mo naman nasabi yan?" "Kasi hindi ka naman ganyan ma-in love. Kilala kita at alam ko kung paano ka ma-in love. Ang dami mong alam na gimik kapag tinamaan ka na sa isang babae. May pahara-harana ka pa, tapos palagi kang may binibigay na mga gifts sa mga naging girlfriend mo. Tapos makwento ka tungkol sa kanila. Pero kay Luna? Wala akong naririnig o nakitang kahit anong kakornihang gimik mula sa 'yo. Tapos daig mo pa ang maamong tupa sa kanya." "Iba kasi si Luna," sagot ni Kuya. Iba talaga, sabi ko rin sa isip ko. Ano kaya ang magiging reaction mo Kuya 'pag nalaman mong ginagayuma ka ni Luna at parang may isang ikaw pa sa loob mo na kumokontrol sa 'yo? Di ka kaya mawindang? "Sige nga Kuya," hamon ko sa kapatid ko. "Bigyan mo nga ako ng isang bagay na ginawa mo para kay Luna? Yung tipong act of true love? Meron ba?" Hindi nakasagot si Kuya kaya nagpatuloy ako. "Saka bakit parang siya palagi ang nasusunod sa inyong dalawa? Hindi ba pwedeng ikaw ang sundin niya, for once?" "Ayaw niya nga akong bumalik sa work ko eh. Kapag nalaman niyang inaayos ko na ang pagbalik ko, magagalit yun." "Eh bakit siya magagalit?" naiinis na tanong ko. Alam ko kasi kung bakit. Malalayo kasi si Kuya kay Luna at sa kape niya. "Alam mo Kuya, pag-isipan mo nga iyang mabuti. Susundin mo ba siya parati kahit future mo na ang nakasalalay? Kahit anong gawin mo dapat ba may approval niya? Parang kahit sa kape nga yata eh hindi ka pwedeng uminom 'pag hindi galing sa kanya eh." Tumango si Kuya. Yes, my suggestive manipulation is working! "Nalilito na rin ako," pag-amin niya naman. "Alam mo Kuya, kung talagang mahal ka niya, susuportahan ka niya. Mag-isip ka. Subukan mo kung controlling ba talaga siyang klase ng karelasyon sa 'yo. Bukas, bago kayo magkita, i-try mong magkape na rito sa bahay. Tapos 'pag magalit siya dun, at pinilit kang magkape pa, matakot ka na. Matakot ka na kasi alam mo na ang posibleng future mo sa kanya if ever." Iniwan ko si Kuya na parang naguguluhan. Umakyat na ulit ako sa kwarto ko. Napadaan pa ako sa dating kwarto ni Luthan at pumasok ako dun. Agad bumigat ang pakiramdam ko pagkapasok ko, kasi naamoy ko pa iyong pabango niya na bigay ko sa kanya. Nakita ko rin yung gitarang regalo nila Dean at Daniella sa kanya na nakasabit sa dingding. Hindi niya pala ito nadala. "Namimiss na kita agad, Star Boy," malungkot na sabi ko sa gitara niya. "Kumusta ka kaya sa condo mo? Sana pala tinanong ko ang address mo. Grabe no? Akalain mong mahal na pala kita? Paano kaya nangyari yun? At kailan mo sinimulang palitan si Reuben sa puso ko?" Umiyak na naman ako kasi ang sakit-sakit na. Pumunta pala siya sa school tapos hindi man lang kami nagkita kanina. Sino na ako nang sinok nang biglang nag-ring ang phone ko kaya napatigil ako sa pag-iyak at sinagot ko yun. Unregistered 'yung number. "Hello?" "Hello. Hello. Hello." Bumilis agad ang t***k ng puso ko sa narinig ko. Iisa lang ang ganito kung mag-Hello! "Luthan? Ikaw ba yan?" "Oo, Franceli." Napahagulhol na 'ko sa telepono. "Grabe ka! Hindi ka man lang nagpakita kanina! Asan ka ngayon?" "Narito pa sa studio. Hanggang alas onse ng gabi pa ang shoot ko." "Ganun? Eh kaninong number 'tong gamit mo?" tanong kong nagpapahid ng luha ko. "Sakin 'to. Nagpabili ako kanina ng cellphone kay Maam Ella." "Weh?" Natawa siya. "Oo nga. Gusto kasi kitang makausap bago ka matulog. Para kasing hindi kumpleto ang gabi 'pag 'di ko ito nasasabi sa 'yo." Kinakabahan ako. "Ano ba yun?" "Good night, Franceli. Sweet dreams. Please dream of me tonight." Hindi ako nainis sa sinabi niya. Napangiti pa ako dun. And for the first time, sinunod ko 'yung sinabi niya. Pinilit kong mapanaginipan siya. Kasi maski sa panaginip man lang, posible kaming magmahalan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD