[FRANCELI]
Mukhang magiging totoo na yata talaga sa pagkakataong ito ang Wrong Turn: Left for Dead Luthan Version!
"Aah! Lumayo ka sa'king impakto ka!" sigaw ko habang paatras ako sa kanya at paakyat ulit sa kwarto ko. Pero sinundan niya pa rin ako kaya sogaw na ako nang sigaw. Napansin kong nagliliwanag talaga ang katawan niya at hindi ko lang yun guni-guni. Nakakatakot siya dahil sa pag-ilaw ng katawan niya. Para siyang glow in the dark! Ngayon ay confirmed ko na. Hindi nga siya talaga normal!
Diyos na mahabagin! Impakto siya! Demonyo!
Kahit madilim, tumakbo na ako pabalik sa kwarto ko. Nanginginig pa nga ako sa takot eh. Jusko ano ba 'tong nangyayari ngayon sa akin? Nasa episode ba ako ng Gabi ng Lagim?
Pagkapasok ko sa room ko, sa sulok ako sa tabi ng bed ko ako sumiksik, nagtago at pumikit. Napadasal na rin ako.
Diyos ko, kung eto na po ang oras ng kamatayan ko, sana magka-ilaw man lang at nang malaman ko kung in-accept ba ni Reuben 'yung friend request ko sa kanya sa f*******:. At least kung in-accept niya yun, mamamatay akong kinikilig at may ngiti sa labi.
"Asan ka?"
Holy Kamatis. Narinig ko na ang boses ni Luthan! At pakiramdam ko papalapit na talaga siya sa'kin! Jusko! Que horror! Eto na ba 'yung eksena sa mga horror movies kung saan nagtatago sa ilalim ng kama ang bida at hinahanap siya ng killer na kumakanta pa ng 'Asan ka? Magpakita ka...?'
Eto na ba ang katapusan? Ang pagwawakas?
Mamamatay nga ba akong NBSB?
Napapalunok na lang ako ng laway habang naririnig ko ang mga hakbang niya. Sigurado akong papasok na ngayon sa kwarto ko si Luthan na may dala-dalang palakol na gagamitin niyang panghataw sa akin.
Waah! Mommy! Daddy! Kuya! Steph! Reuben! Zac Efron! Brad Pitt! Ji Chang Wok!
Asan ba kayo kung kelangan ko kayo?
"Hoy, asan ka ba?"
Halos magsitayuan ang mga balahibo ko sa kaba pagkarinig ko sa malakas na boses niya. Ibig sabihin kasi nasa loob na siya ng kwarto ko! Napatakip na ako sa bibig ko para hindi ako makasigaw.
Hindi na siya glow in the dark kaya wala pa rin akong makita sa dilim. Bakit kasi ngayon pa nag-brown out? Nagbabayad naman ako ng bills ko sa Meralco ah!
Siguro kung pelikula lang itong nangyayari sa'kin, malamang tumabo na ako sa takilya. "Magpakita ka! Pagkatapos nang ginawa mo sa'kin, pagtataguan mo ako?"
Ngayon sure na ako na nasa loob na siya ng kwarto ko. At anak ng luya, mukhang galit siya!
Kailangan kong makaalis dito sa kwarto ko!
Naisip kong kung hindi ko siya makita sa dilim ng kwarto ko, malamang hindi niya rin ako nakikita kaya siya sigaw nang sigaw. May naisip akong paraan para makatakas dito. Kaya gumapang ako pabalik sana sa pinto. Ang alam ko may racket ako ng tennis sa bedside table ko at pwede ko iyong ipanghataw sa kanya kung sakali mang may confrontation pang magaganap sa'ming dalawa. Nangapa ako papunta sa bedside table ko.
"Ay talong!" gulat na sigaw ko kasi iba na naman ang nakapa ko.
Argh! Bakit kailangan kong mahawakan ulit yun? Bakit lagi na lang yun ang nahahawakan ko sa kanya? Anong tingin niya sa ano niya, poon na kailangang ipahimas-himas?
"Andiyan ka lang pala!" sabi niya at bumalandra sa harapan ko ang katawan niya. May suot naman siya pero ang awkward lang ng position namin ngayon. Susmaryosep! Hindi pwede rito ang Rated PG!
Hindi na ako nakagalaw at bigla ulit siyang umilaw na parang Christmas lantern. Sa gulat ko, napaatras ako ng may pwersa hanggang sa ma-shoot ako palabas sa bintana na bukas pala!
[LUTHAN]
Nahulog siya sa bintana sa lakas nang pag-atras niya mula sa akin. Wala akong maisip na dahilan kung bakit ganun na lang ang pagkagulat niya kapag nakikota niya ako. Nakakatawa ang itsura niya. Para siyang nawawalan ng ulirat at hininga.
Balak ko lamang sana siyang sindakin ngunit nahulog na siya kaya dali-dali akong tumalon sa binta na para iligtas siya. Gumamit pa ako ng liwanag ko kahit ayoko para lang maabutan ko siya bago siya mahulog sa lupa.
Mabuti na lang at nayakap ko na siya bago pa man kami tumama sa lupa. Hindi naman kami nasaktan dahil gamit ang liwanag ko, sinadya kong bagalan ang pagbagsak namin.
"Ayos ka lang ba?" tanong ko habang pinagmamasdan siya. Nasa lupa na kami ngunit nakatulala pa rin siya sa akin. "Buhay ka pa ba?" Tanong ko ulit.
Para siyang natauhan dun at lumayo na siya agad sa'kin at napapansin kong humihinga na siya siya nang mabilis at malalim. Paulit-ulit.
"Nasaktan ka ba?" tanong ko na lang.
Sa wakas ay nagsalita na siya. "Tinatanong mo ako kung ayos lang ako? Pagkatapos mong bumagsak sa'kin, takutin ako, guluhin ang tahimik kong buhay, i-harass ako sa pagpapahimas sa ano mo, at takutin ulit nang ganun gamit 'yang demonic powers mo? Tapos tinatanong mo 'ko kung ayos lang ako? Adik ka ba?"
Hindi ko naintindihan ang buong sinabi niya pero alam kong natakot ko siya. "Ipagpaumanhin mo sana kung natakot man ki---"
"Natural matatakot ako! Bumagsak ka mula sa langit! Tapos umiilaw ang katawan mo! Nakatakas ka rin mula sa mental facility na pinagdalhan sa 'yo! Tapos kanina nang niligtas mo 'ko parang hindi ka naaapektuhan ng gravity! Hindi ka normal!"
"Masama bang hindi ako normal?" tanong ko dahil parang ang nais niyang ipahiwatig ay may mali sa akin.
"Ewan ko sa 'yo! Basta ang alam ko, hindi ka tao! Kung hindi ka impakto, malamang may sa demonyo ka!"
"Isa akong bituin," paliwanag ko na agad.
"Bituin? Anong bituin?"
Tumingala ako ulit sa langit. Mabuti na lang at maaliwalas ang kalangitan at naglabasan ngayon ang mga kapwa ko bituin. "Tulad nila," sabi ko habang nakaturo sa isa sa mga bituin.
"At sa tingin mo naman maniniwala ako? Lokohin mo 'yang ano mong laging nakabalandra! Sigurado akong kampon ka ng kadiliman!"
Nainis na ako sa sinabi niya. Ganun ang tingin niya sa'kin? Eh siya nga itong may sa demonyo kasi pinapunta niya ako sa lugar ng mga taong wala sa pag-iisip. Saka hindi niya ba pansing hindi ko naman siya sinasaktan? Kaya ano ba ang ikinatatakot niya sa akin? Kaya sa galit ko, naisipan kong takutin siya.
Tinitigan ko siya nang masama tapos tumawa ako nang malakas. Yung nakakatakot na tawa. "Tama ka, kampon nga ako ng demonyo!" Tapos pinagliwanag ko ulit ang katawan ko sa harapan niya.
"AAAAAAAHHHHHHHHH!"
[FRANCELI]
Nagtitili at tumakbo ako papasok ng bahay at ini-lock ko agad 'yung pinto para hindi na niya ako masundan pa. Siniguro kong hindi na makakapasok 'yung impaktong yun. Pati mga bintana sinara ko na. Tapos nag-sign of the cross ako.
Diyos ko. Anong klaseng kasalanan ba ang nagawa ko sa past life ko at pinaparusahan Niyo ako nang ganito? Bakit sa dinami-rami pa ng pwedeng magpakita sa'kin, 'yung kampon ng demonyo pa?
Kaya pala hindi ako mapalagay buong araw. Hindi pala ordinaryong tao ang lalaking iyon. Sinasabi ko na nga bang masamang ispirito siya... kung ano man siya! Tawa pa lang niya, nakakatakot na! Sana masamang panaginip lang talaga 'to. Hindi ko alam kung paano tatanggaping totoo itong nangyayari ngayon!
Nakasandal lang ako sa likod ng pinto. Pinakikinggan ko kung andiyan pa ba siya sa labas. Sana naman wala na siya.
Ayoko namang umakyat sa kwarto ko at baka andun na rin siya. Bukas pa naman ang bintana roon at baka dun pa siya manggaling. Tapos ang dilim-dilim pa ng buong bahay kaya ayokong mangapa sa dilim at baka kung ano na naman ang makapa ko. Nasa kwarto ko din pala ang phone ko kaya hindi ako makatawag kahit kay Steph man lang.
May kumakatok na sa pinto. "Ay impakto!" sigaw ko sa gulat. Oh no, ayan na naman siya! Hindi niya yata talaga ako titigilan!
"Buksan mo na ang pinto! Binibiro lang kita!" rinig kong sigaw ni Luthan sa kabilang side ng pinto.
Aba, loko rin to ah! Nagawa pa akong lokohin! Hanep! "Heh! Magtigil ka! Hindi kita papapasukin kasi may sa impakto ka! Baka kung anong gawin mo sa'kin! Gustong-gusto raw pa naman ng mga demonyong tulad mo ang mga magagandang birhen!"
"Bakit, mag-isa ka lang naman diyan ah!" Reklamo niya. "Wala ka namang kasamang maganda o birhen diyan."
Ano raw? Aba bastos ito ah! Pati ba naman demonyo hindi ako itinuturing na maganda?
"Uy, papasukin mo na ako! Mag-usap naman tayo! Kailangan kong ipaliwanag ang lahat sa 'yo!" pangungulit niya pa.
"Sabihin mo munang maganda ako at birhen! Bawiin mo 'yung pang-aalipustang sinabi mo!"
"Gusto mong magsinungaling ako?"
"Bastos ka alam mo ba yun?"
Tumawa na naman siya. Pero this time 'yung mabait na tawa na. Hindi ko rin mapigilang isipin na hindi naman siya mukhang baliw based sa pag-uusap namin ngayon. Kaya kahit papano bumaba ang alert levels ng utak ko.
"Paumanhin kung natakot kita. Ang totoo niyan nainis lang naman ako sa 'yo kanina kasi pinagbibintangan mo ako sa mga bagay na hindi naman totoo. Hindi ako demonyo. Hindi rin ako impakto. Kahit isang beses, hindi nga kita sinaktan. Kaya hindi ako masama."
"Ganun? Anong akala mo, Kinder ako at paniwalain? Neknek mo uy!"
"Patawarin mo na ako. Kasalanan ko na. Saka kung tutuusin, kaya kong sirain ang pintong ito kung gugustuhin ko. Kung gusto talaga kitang saktan, hindi na ako hihingi pa sa 'yo ng tawad. Pero hindi nga kasi ako masama."
Oo nga naman. Hindi naman niya ako sinaktan. So ibig sabihin ba nito hindi siya kampon ng demonyo?
"Sige na. Mag-usap na tayo nang masinsinan." Sa boses niya malamang tulad ko nasa tapat din siya ng pinto. Mukha tuloy kaming mag-jowa na may LQ sa pwesto naming ito. Yung eksenang nasasaktan ang girlfriend kaya pinagsarhan niya ng pinto ang two-timer niyang boyfriend. Chos lang.
"Sige na naman... Papasukin mo na ako..." naririnig kong pakiusap pa niya at napapaisip na ako.
"Kung hindi ka masamang nilalang, ano ka?" kinakabahan kong tanong ko na. Curious din naman kasi ako talaga.
"Isa akong bituin mula sa kalawakan!" sagot niya agad.
"WEH? Totoo talaga yan? Hindi ka lang ba lutang?"
"Yung bulalakaw na pinaghilingan mo, ako yun!" sigaw pa ni Luthan.
Napaisip na ako dun sa sinabi niya. "Kaya ba alam mo kung ano 'yung hiniling ko, kasi ikaw mismo ang bulalakaw na yun?"
"Oo... Ako nga yun."
Come to think of it, wala naman akong mahanap na explanation kung bakit one moment isang shooting star siya na pabagsak sa'kin tapos pumikit lang ako eh biglang naging lalaking hubad na yun. Ang hirap ipaliwanag nun. Parang kailangan ko talagang maniwala sa imposible.
"Hindi ka talaga baliw? O mayamang businessman na hinahabol ng mga goons?"
"Hindi!"
"Hindi ka ba contestant sa isang kakaibang reality show? Ikaw talaga 'yung bulalakaw na yun?" Paninigurado ko pa.
"OO NGA!" Sigaw niya nang pagkalakas-lakas at napaigtad pa ako sa gulat dahil dun. "ISA AKONG BITUIN NA NAGING BULALAKAW NA BUMGASAK DITO SA LUPA!"
"Di nga?"
"ALAM MO BA NA NOONG PABAGSAK PA LANG AKO SA LUPA AY MARAMING TAO ANG HUMILING SA'KIN? PERO IKAW ANG PINILI KO KAYA SA 'YO AKO BUMAGSAK!"
Hindi ko na yun kinaya. "OO NA! IKAW NA ANG BULALAKAW! IKAW NA ANG GALING SA KALAWAKAN! HINDI MO KAILANGANG MAGSISIGAW! DINIG NA DINIG KO NA!" sigaw ko na rin kasi natanggal na yata lahat ng tutuli ko sa lakas ng boses niya. Tumahimik naman siyaagad.
Ano ba 'to. Ang hirap paniwalaan nang sinasabi niya pero bakit parang gusto ko nang maniwala? Siguro dahil lang 'to sa wala akong ibang makitang paliwanag kung papano niya nalaman iyong wish ko. Yun talaga 'yung naging deciding factor ko eh. Yung tungkol sa wish ko na misteryosong nalaman niya. Dun ako nako-convince. Wala na ba kasing explanation dun sa nangyari maliban sa supernatural explanation niya?
"Ayos lang naman kung ayaw mong maniwala. Alam kong sadyang mahirap maniwala ang mga taong tulad mo sa mga bagay na hindi niyo lubos maintindihan. Ang sa'kin lang, hindi kasi ako maaring lumayo sa 'yo kasi kailangan ko pang tuparin ang kahilingan mo upang tuluyan na akong maging tao."
Agad namang nagliwanag ang mga mata ko sa sinabi niya. "May kakayahan kang tumupad ng mga hiling?"
"Oo nga!"
Agad kong binuksan ang pinto pagkasagot niya sa tanong ko at nakita ko si Luthan na nakatayo sa harapan ko. Nasa harap nga siya ng pinto. Nakasuot pa rin siya ng white gown na suot ng mga pasyente sa mental.
Ngumiti siya at holy sibuyas, ang gwapo niya lang lalo na kapag nakalabas ang dimples niya. Nyemas ka Franceli, inisip mo talagang kakatayin ka ng hot na nilalang na ito?
"Papapasukin mo na ba ako?" Excited na tanong niya.
"Talaga bang kaya mong tuparin ang hiling ko?" pangungulit ko naman. "Kaya mong paibigin sa'kin si Reuben?"
Tumango siya. Oh my God. Di nga? So this is it! Sa wakas magkaka-love life na rin ako! Woohoo! Kaya hinila ko na si Luthan papasok ng bahay bago ko sinara 'yung pinto. Tuwang-tuwa siyang pinapasok ko ulit siya. Pinaupo ko siya sa sofa at aba, biglang nagkailaw?
Nagtatalon ako sa tuwa at umakyat ako ng kwarto ko para i-charge ang laptop ko. Pero pagkabukas ko sa f*******: ko, nalaman kong hindi pala galing kay Reuben 'yung notification na tumunog kanina. Galing lang sa isa sa mga childhood friends ko.
Siyempre nakakapanlumo. Ibig sabihin inisnob lang ulit ako ni Reuben?
Where do broken hearts go na ba ang theme song ko?
Pero hindi pa rin ako susuko. Ngayon pa na nasa akin na ang huli at pinakamatindi kong alas? Parang gusto ko ngang magtitili na naman sa naiisip ko eh.
Humanda ka sa'kin Reuben mylabs!
[LUTHAN]
Naupo kami sa tapat ng mesa para kumain na parang isang tunay na tao. Isa ito sa mga ginagawa nila para mabuhay. Kapag nanonood nga ako noon sa mga tao noong nasa langit pa ako, natutuwa akong panoorin silang kumakain. Parang ang saya-saya lang gawin.
At ngayon eto na at pwede ko nang gawin. "Pasensiya ka na kung yan lang ang pagkain ko. Hindi pa ako nakakapag-grocery kasi hindi pa ako pinapadalhan ng pera..."
Tiningnan ko 'yung pagkaing hinain niya.
"Corned beef yan tsaka hotdog," turo niya sa mga pagkain. Tinikman ko naman. Kakaiba sila sa panlasa pero hindi naman pangit 'yung lasa. "First time mong makakain niyan?" tanong ulit niya at tumango ako.
"Hindi naman kasi kami kumakain ng pagkain para mabuhay. Ang liwanag namin ang nagpapanatili sa buhay at lakas namin," paliwanag ko.
"Ah," tumango-tango siya. "Saang lupalop ka ba sa kalawakan galing?"
"Sa malayong parte ng kalawakan..." simpleng sagot ko ulit at sumubo ako ng pagkain. Parang nagugustuhan ko na 'yung lasa nila. Ito na ba 'yung tinatawag nilang masarap?
"Lahat ba ng bituin nabubuhay tulad mo?" tanong pa niya. Nagsisimula na siyang magtanong tulad ng ibang tao.
"Oo naman, lahat kaming mga bituin ay may buhay."
"Ang cool! So pati ang araw, buhay siya? Di ba isa rin siyang bituin?"
"Oo. Ang pangalan niya ay Raj." Isang dalagang bituin si Raj at kilalang-kilala ko siya.
"Raj? Ang pangit naman ng pangalan niya. Mas maganda yung sa 'yo. Pero kung sakaling bumalik ka sa kalawakan, pakisabi kay Raj na salamat sa pagsikat niya araw-araw at nabubuhay kaming lahat. Para malaman niya na at least may isang taong nakaka-appreciate sa ginagawa niya."
Natawa ako. "Hindi mo na kailangang pasalamatan si Raj. Hindi niya naman ginagawa yun para sa inyo. At isa pa, kapag kasi naisipan niyang ihinto ang paglalabas niya ng liwanag ay mamamatay kayong lahat."
Hindi alam ng mga tao ang dahilan kung bakit ganun na lang kung maglabas ng liwanag si Raj o kung tawagin nila ay Araw.
"Kaya nga dapat may magpasalamat sa kanya para hindi siya magsawang lumiwanag para sa'min di ba?" Ang kulit talaga nitong babaeng 'to.
"Hindi na ako babalik sa pinanggalingan ko. Kaya hindi na kami magkikita. Di ba nga at gusto ko nang maging isang tunay na tao?" paalala ko sa kanya. Naubos ko na 'yung pagkain ko. Nakita ko siyang tumayo at nagpunta sa bahagi ng bahay nila kung saan maaring gumamit ng apoy. May ginagawa siya dun.
"Bakit ba gusto mong maging tao?" tanong niya habang naglalagay ng mainit na tubig sa isang tasa.
"Kasi ayoko nang maging bituin," paliwanag ko na naman. Nasa tabi niya lang ako at nanonood sa ginagawa niya.
"Gusto mo?" alok niya sa akin kasi napansin niyang nakatitig ako sa hawak niyang baso. "Milo ang tawag dito, masarap 'to." Tumango ako at ngumiti siya. Mabait naman pala siya. "Sige, ipagtitimpla din kita. Umiinom ako nito bago ako matulog."
"Ang bango niyan," sabi ko. May nilagay nga siyang parang kulay lupa na buhangin sa isang tasa.
"Ay, wala na tayong mainit na tubig!" malungkot na sabi niya. Pero kinuha ko na 'yung tasa at kinain ang laman nito na parang buhangin. Hindi na kasi ako makapaghintay. Parang ang sarap-sarap kasi.
Tumawa siya bigla. "Alam mo, para ka ng tunay na tao sa ginagawa mo. Pinapapak ko rin kasi yan minsan."
Natuwa naman ako sa sinabi niya. "Ang sarap namang buhangin nito. Salamat ha...ngayon lang ako nakatikim nang ganito..."
Tumatawa pa rin siya. "Hindi ka naman pala nakakatakot," sabi niya bigla. "Sorry kung akala ko masama ka."
Ngumiti ako. "Ayos lang."
"So, Luthan, pano mo pala tutuparin ang hiling ko? Curious akong malaman..."
Napalunok ako. "Ah eh, ano kasi, may konting problema..."
[FRANCELI]
Nagtaas ako ng kilay sa narinig ko sa kanya. "Problema? May problema?"
"Oo eh. Mahihirapan ako na tuparin ang hiling mo..."
"Hoy, Luthan, 'wag ganyan! Pag sinabi mong hindi totoong isa ka ngang bituin at isa lang itong bagong reality show sa tv, at dare sa 'yo ang mang-uto ng mga magagandang dalaga, tatadyakan talaga kita sa ano mo!"
Tumawa siya. "Hindi ka pa rin ba naniniwala sa'kin? Isa nga akong bituin. Yun ang totoo. At para matupad ang kahilingan mo, kailangan ko nang maraming liwanag. Ang problema, konti na lang ang liwanag na meron ako sa katawan ko..."
"At bakit naman konti na lang ang liwanag mo? Akala ko ba bituin ka?" Ang taray niya lang kasi, bulalakaw siya pero kulang siya ng liwanag?
"Kasalanan mo..." nakasimangot na sabi niya. In fairness naman sa simangot niya, artistahin din.
Pero kumunot ang noo ko sa sagot niya. "At bakit kasalanan kong konti na lang ang liwanag mo?"
"Kung hindi mo ako pinapunta sa lugar na yun, hindi sana ako gagamit nang napakaraming liwanag para tumakas doon at hanapin itong tirahan mo. Medyo marami rin akong nagamit na liwanag makabalik lanh dito."
"So paano na?"
"May liwanag pa naman ngayon sa katawan ko, ang kaso, masasaid ang katawan ko kapag ginamit ko yun para tuparin ang hiling mo. At kapag maubos ang liwanag sa katawan ko, mamamatay ako."
"Ganun? Pero paano ka magkakaroon ulit ng liwanag? Yung sapat para tuparin mo ang hiling ko?" Na-guilty naman ako at ako pa pala ang may kasalanan ng pagkaubos ng liwanag niya. Matawagan nga ang Meralco at nang makahingi sa kanila ng liwanag. Chos.
"May dalawang paraan. Ang una, pwedeng bumalik ako sa kalawakan at kumuha ulit ng liwanag. Pero imposible yun kasi para makaalis ako, kailangan ko nga ng liwanag."
Ano ba yan. Sasapukin ko na 'to minsan si Luthan. Kailangan lahat nang sasabihin niya parang walang pag-asa? Ganun ba kahirap maangkin si Reuben mylabs!? Pati mga bituin nahihirapan?
"Eh ano 'yung ikalawang paraan?" tanong ko na. Baka naman kasi mas madali 'yung ikalawang paraan. Baka naman may hardware shop pala diyan na pwede naming mapagbilhan ng liwanag.
"Maghahanap tayo ng mga taong dating bulalakaw at kukunin natin ang liwanag na natitira sa kanila. Yun ang gagamitin nating liwanag para matupad ang hiling mo."
Naloka ako sa sinabi niya. "Sabihin mo na lang kasi Luthan kung bagong reality show nga 'tong ginagawa natin at baka matuwa pa ako 'pag makita ko ang sarili ko sa tv. Hindi 'yung pinapaasa mo pa akong loko ka." Parang gusto ko nang magdabog talaga. Eh kasi naman, habang tumatagal ang pag-uusap namin, mas lalong nagiging imposible 'yung mga pinagsasabi niya.
Taong dating bulalakaw? Ano yun? Lumipat sila ng tirahan kaya dati na lang silang bulalakaw? Nag-migrate lang, ganun?
Hindi na umimik si Luthan. Para siyang nahihirapang magpaliwanag. Nakakaramdam na rin ako ng pagod dahil sa mga nangyari kaya maganda siguro ipagpabukas na namin ito.
"O siya, inaantok na ako kaya itigil na muna natin itong lokohan natin, bukas na lang ulit." Tumayo na ako at umakyat na papunta sa kwarto ko. Tinitingnan lang ako ni Luthan.
"Hindi kita niloloko," pahabol niya.
"Sabi mo eh. O, matulog ka na rin. Bukas na tayo mag-usap."
"Teka..." aniya at napahinto na ako dun.
"Bakit?"
"Hindi mo pa sinasabi kung ano ang pangalan mo."
Kaloka. Akala ko kung ano na. Pero oo nga ano? Kahit isang beses di ko pa nasabi 'yung pangalan ko sa kanya. Nahiya tuloy ako.
"Franceli. Franceli ang itawag mo sa akin." Sabi ko.
Ngumiti siya. "May apelyido ka ba?"
Natawa naman ako sa tanong niya. Ngayon alam ko ng hindi nga siya talaga tao. "Solis. Franceli Angeline Joanna Solis ang buong pangalan ko. Pero Franceli na lang."
"Good night, Franceli Solis," masayang bati ni Luthan na kumakaway pa habang nakaupo sa sofa.
"Good night din," sabi ko na lang na nakangiti. In fairness, marunong siyang mag-good night. Taray!
"Sweet dreams, Franceli Solis," sabi niya na naman bago pa ako makapasok ng kwarto ko. Muntik na nga akong mahulog sa hagdanan sa narinig ko. Ansabe ng bituing to, marunong din mag-sweet dreams!
"Sweet dreams din," tugon ko. Ano ba to, ang awkward lang ha. At saka bakit ko sinasagot 'yung mga sinasabi niya? Kaloka ka, Franceli!
"Please dream of me tonight!" sigaw niya bigla. Ewan ko ba kung bakit biglang nag-init ang mukha ko dun at kung bakit ako nahiya bigla sa sinabi niya. Watdahek, saan galing yun? Anong pinagsasabi nitong lalaking 'to?
Sa taranta ko at baka kung ano pa ang sabihin niya, pumasok na ako sa kwarto ko at pabalibag ko nang sinara 'yung pinto.