[FRANCELI]
Last night, I had a very weird dream. Nakatakas daw mula sa mental institution na pinagdalhan sa kanya si Luthan. Ang nakakaloka, binalikan niya raw ako rito sa bahay. Natakot pa nga raw ako nang bongga. Nawindang daw ako sa mga isiniwalat niyang revelations, not to mention na ilang ulit ko raw nakapa 'yung ano niya.
Kaloka talaga.
Tapos sinabi pa raw ni Luthan sa'kin na totoong galing nga daw siya sa kalawakan at kaya niya raw talagang tuparin ang hiling ko. Kaya raw niyang paibigin sa'kin si Reuben. O di ba bongga?
And as expected, ang shunga ko pa sa panaginip ko kasi naniwala naman daw ako. Nagkwentuhan pa nga daw kami kung paano niya tutuparin 'yung hiling ko. Ang kaso naman, kulang na raw siya ng liwanag kaya maghahanap pa kami ng mga taong dating bulalakaw.
Ang weird talaga ng panaginip ko. Oo, pati sa panaginip ko ay ini-invade ako ni Reuben pero ngayon lang ako nanaginip nang ganito ka-weird. Nakakainis pa kasi hindi kasali si Reuben mylabs sa panaginip kong ito.
Alam kong Sabado ngayon kaya hindi pa ako bumabangon. Inaantok pa kasi ako kaya nakahiga pa rin ako. Inabot ko 'yung mahabang unan sa tabi ko at niyakap ko ito. Pero parang may kakaiba.
Ang weird ng unan ko ngayon ha, parang katawan ng tao.
Teka, hindi unan 'tong niyayakap ko ah!
Ayoko pa ring dumilat kasi baka nakakatakot ang itsura ng niyayakap ko. Nagbabadya nga ulit ang syndrome ko eh. Baka mamaya si Luthan 'tong katabi ko! Waah! Nakakatakot naman!
Kaya para makasiguro, kinapa ko 'yung katawan ng katabi ko. Mukhang lalaki nga ang katabi ko. Jusko, sino kaya 'to?
"Ay patola!" sigaw ko agad kasi may nakapa na naman akong hindi ko dapat makapa! Automatic akong napaigtad at sa lakas nang paggalaw ko, nahulog ako sa sahig. Mabuti na lang at well-trained sa mountain hiking ang mga muscles ko kaya hindi naman ganun kasakit ang pagkabagsak ko.
"Franceli Solis, ayos ka lang ba?" tanong ng boses na kilalang-kilala ko. Agad akong tumayo at nakita ko ngang nakahiga sa kama ko si Luthan. Pinandilatan ko siya at pinagpapalo ko ng unan. "Aray! Bakit ka ba nananakit!?"
"WAAH!" sigaw ko ulit sabay palo sa kanya. "Bakit totoong nandito ka? Dapat panaginip ka lang eh!" Kasabay nang pagsisigaw ko ay ang pagpalo ko sa katawan niya na naaabot ko. Tapos dahil paranoid ako, niyapos ko ang katawan ko sa takot. "Bakit ka dito natulog sa kama ko? Anong ginawa mo sa'kin?" Nilakasan ko pa ang paghampas sa kanya gamit ang unan ko. "And for the record, tatlong beses ko nang nakakapa iyang ano mo kaya ilayo mo yan! Quota na ako ha! Baka kapag 'di ako makapagpigil ay puputulin ko yan at gagawin kong totoong poon para himas-himasin ko na lang talaga yan nang tuluyan!"
Tinitingnan lang ako ni Luthan habang nagsasalita ako tapos parang manghang-mangha siya sa nagbabagsakan na bulak mula sa unan na ginagamit ko sa kanya na panghampas. Natigilan din tuloy ako. Siguro sa sobrang lakas nang paghampas ko sa kanya ay nasira na 'yung tahi ng unan at bumulwak na 'yung bulak nito sa loob!
Naiinis na talaga ako. Kaya hinila ko si Luthan palabas ng kwarto ko at ni-lock ko 'yung pinto nang maitulak ko na siya palabas. Huminga muna ako nang malalim at nagmuni-muni.
Argh! Nakakaloka talaga!
Nakatabi ko si Luthan sa pagtulog! Siya ang unang lalaking nakatabi ko sa pagtulog! Lord naman, bakit 'yung galing pa sa outer space? Bakit hindi na lang si Reuben ang tumabi sa'kin? Bakit? At saka hindi lang pala panaginip ang lahat? Totoo talaga iyong kagabi? Paano na yan? Paano kapag nalaman ni Reuben mylabs ang tungkol sa pagtabi namin ni Luthan sa isang higaan? Tiyak magseselos yun! Chos.
May narinig akong katok sa pinto. "Anong kailangan mo?" sigaw ko sa kumakatok. Naiinis pa rin kasi ako. Mamaya kasi ginahasa na pala ako nito nang hindi ko alam!
"Hindi mo na ba ako papapasukin diyan sa silid mo?" malungkot niyang tanong sa kabilang side ng pinto.
"Teka lang! Magbibihis lang ako! Doon ka na muna sa kusina! Mag-almusal ka na! Susunod na lang ako!" malakas na sagot ko kasi ayokong makita siya paglabas ko. Naiinis na nagagalit na talaga ako. I feel violated! I feel attacked. I feel unloved. Chos.
Pagbaba ko ng kusina, nakita kong nag-aalmusal na nga si Luthan. Nilalaklak niya lang naman 'yung Milo mula sa malaking garapon kaya inagaw ko yun sa kanya habang pinandidilatan siya. Nagtimpla ako ng Milo para sa sarili ko. Natawa p ako sa itsura niya na mukhang gusgusing bata. Puno kasi nang nagkalat na Milo ang nguso niya. Tsk. Bakit ang cute niya sa itsura niya ngayon?
Umiling ako sa naisip ko dahil no, no, no... Nagluto na lang ako ng pancit canton at nagbukas ng corned tuna. Pinapanood niya lang ako. Naalala ko na naman 'yung pagtabi niya sa'kin sa kama kaya nainis na naman ako kaya padabog kong nilapag sa mesa ang mga pagkain.
"Kain," tipid kong sabi.
"Galit ka ba?" tanong niya naman. Aww, ang cute at ang inosente ng mukha niya... Tapos nag-aalala pa siya kung galit ba ako o hindi. Kaya I controlled myself again. "Malamang," sagot kong poker-faced. "Bakit ka ba kasi tumabi sa'kin sa pagtulog?"
"Yun ba? Pasensiya ka na. Hindi ko kasi alam kung saan ako pupunta kagabi noong natulog ka na. Kaya tinabihan na lang kita."
Umiling-iling ako sa sinabi niya. Oo nga pala. Hindi nga pala siya tao so malamang inosente pa siya sa mga bagay-bagay. "Alam mo kasi Luthan, hindi pwedeng magtabi sa kama ang babae at lalaki. Masama yun. Kaya hindi mo na pwedeng ulitin yun, okay?"
"Talaga?"
"Oo. Bawal yun."
Nakita kong kunot na ang noo niya dahil sa sinasabi ko. "Pero noong isa pa akong bituin, pinapanood ko ang mga tao mula sa langit. Ang dami kayang nagtatabing babae at lalaki sa kama. May ginagawa pa nga sila eh..." pilyo niya pang ngiti.
Nanlaki naman ang mga mata ko sa sinabi niya. "Anong ginagawa?"
"Hindi ko alam kung ano ang tawag dun, basta pumapatong ang lalaki sa babae---"
"Tama na!" sabi ko na agad at muntik ko nang maibuga 'yung Milo ko kay Luthan. Okay, note to self, hindi pala inosente ang mga bituin. "Wag na natin pag-usapan ang tungkol doon. Kalimutan na lang natin yun, Luthan. At sana, 'wag mo nang ulitin kung ayaw mong paalisin kita rito sa bahay ko."
"Naiintindihan ko. Patawad ulit," sagot niya naman agad. Nakita kong sumubo siya ng pancit canton at naalala ko na lang na kailangan pa pala naming mag-usap dahil hindi lang pala isang masamang panaginip 'yung nangyari kagabi.
"So...Luthan," panimula ko, "sinasabi mo kagabi na para matupad mo ang hiling ko, kailangan mo munang makaipon ng sapat na liwanag diyan sa katawan mo dahil kulang ka na ng supply ng liwanag?"
"Tama," sagot niya. "At makukuha lang natin yun sa mga taong dating bulalakaw."
"Taong dating bulalakaw? Ano yun? Hybrid? Nagpa-s*x change, ganun?" tanong ko kasi hindi ko maintindihan. "Ipaliwanag mo naman nang maayos, Luthan."
"Ganito yun. Bawat bituin ay bumabagsak sa lupa sa tamang oras. Iyon ang aming paraan ng kamatayan."
"HA? Teka, pero buhay ka pa!" gulat na turo ko sa kanya. "Bakit buhay ka pa?" Eh kasi, kung mamamatay dapat sila pag bumagsak na sila sa lupa, eh ba't buhay pa ang isang ito?
"Patapusin mo muna ang paliwanag ko," sabi niyang parang naiinip na. "Paubos na ang liwanag namin kapag bulalakaw na kami. At bago kami mamatay, pumipili kami ng isang hiling mula sa isang tao at gamit ang natitira naming liwanag, tinutupad namin yun. Kasabay nang pagkatupad ng hiling ay ang pagkaubos ng liwanag namin sa aming katawan at yun na ang tuluyan naming pagkamatay."
"Ang lungkot naman," bulong ko. "Pero teka, asan 'yung paliwanag mo tungkol sa mga taong dating bulalakaw?"
"Ayun nga," sabi niyang nakatitig sa'kin. Seryosong-seryoso ang mukha niya at titig na titig siya sa mata ko. Ganito ba magkwento ang mga bituin? Nakakailang tuloy.
"Hindi lahat ng bulalakaw na bumabagsak sa lupa ay maswerteng nakakatupad ng hiling ng tao. May iba na hindi makapili ng taong pagbibigyan ng hiling o 'yung iba, sadyang bumabagsak na hindi nakikita ng tao kaya walang humihiling sa kanila."
Nagtaas ako ng kilay. "Anong 'hindi makapili'? Sa dinami-dami ng mga engot sa mundo na humihiling sa mga bulalakaw, posible pa lang hindi pa kayo makapili? Ang arte ha?" Hindi ko alam kung saan hugot ang mga pinagsasasabi ko pero ang shunga pala talaga ng mga bulalakaw. Nakita kong natatawa lang si Luthan. "O, bakit natatawa ka?"
Malapad ang ngiti niya. Syete, ang yummy ng ngiti niya. "Tinawag mong engot ang mga humihiling sa'min...Eh di engot ka pala."
Agad nag-init ang dugo ko. Binabawi ko ng yummy siya! Bukod pala sa manyak at hindi inosente ang bituing ito, aba'y pilosopo rin pala! Kaya binato ko nga ng tinidor. Nakailag ang kumag at tumawa lang ulit.
"Magpaliwanag ka na lang kasing ungas ka para malaman na natin kung paano mo matutupad ang hiling ko at nang maging tao ka na at nang mawala ka na rin sa buhay ko!" singhal ko kay Luthan na natahimik naman. Natakot yata sa sigaw ko.
"Oo na, magpapaliwanag na 'ko," aniya na tumango-tango pa siya. "Doon sa tanong mo, kapag may humihiling sa'min, hindi naman namin basta-basta pwedeng tuparin yun. Kailangan naming isaalang-alang kung karapat-dapat bang tuparin ang hiling nila."
"Karapat-dapat? At ano naman ang mga hiling na karapat-dapat at 'yung hindi?" tanong ko kasi ang lakas lang maka-telefantasya ng sinabi ni Luthan.
"Hindi namin pwedeng tuparin 'yung mga hiling na gawa ng galit, pagkaganid, inggit, maitim na budhi, o ano pa mang hiling na masama ang layunin. Kadalasan, ang mga hiling na tinutupad namin ay 'yung galing sa puso," paliwanag ni Luthan. Titig na titig na naman siya sa akin. Seriously, hindi kaya pinagnanasaan na ako nitong si Luthan kaya ganyan siya kung makatitig? Nakakailang na ha?
"Ah, so kung ang hiniling ko sa 'yo ay sana mamatay na lahat ng jejemon sa mundo, hindi mo ako pipiliin?"
Natawa ulit ang kumag. "Hindi. Kahit ano pa 'yang jejemon na yan. Hindi kita pipiliin. Pinili kita kasi dalisay ang kahilingan mo. Hiling ng pag-ibig."
"Wow, dalisay. Big word!" sabi kong natatawa. Natuwa naman ako dun. Meaning, dalisay pala ang pagmamahal ko kay Reuben mylabs? Naks naman! "Pero teka Luthan, ano naman 'yung nangyayari sa mga bulalakaw na hindi nakapili ng hiling o 'yung walang humilingsa kanila? Nagiging emo ba sila? Loner?"
Nakatitig pa rin sa'kin si Luthan at nahihiwagaan na ako sa kanya. Sisitahin ko na sana siya pero nagsalita na ulit. "Hindi sila tuluyang namamatay dahil hindi nila nagagamit ang natitira nilang liwanag. Kaya pagbagsak nila sa lupa, gamit 'yung natitirang liwanag sa kanila, isinisilang sila bilang tao. At kahit tao pa rin sila, nasa kanila pa rin ang natitirang liwanag na taglay nila dahil hindi naman nila ito nagamit nang lubos."
"Ah, so ibig sabihin, may mga tao pa lang parang reincarnation ng mga bituin. Eh di masaya! Bongga! Amazing!" masayang sabi ko. Pumalakpak pa ako kasi hindi naman pala sad ending. At least buhay pa rin sila di ba?
"Hindi yun masaya," bulong ni Luthan na dinig ko naman.
"Bakit naman hindi masaya?"
"Basta," mahina ang boses ni Luthan at nag-iwas siya ng tingin. Hmm, may ayaw yatang sabihin ang Star Boy na ito eh. "Kaya ang gagawin natin, Franceli, maghahanap tayo ng mga taong dating bulalakaw at kukunin natin 'yung natitirang liwanag mula sa kanila. Pag makaipon tayo ng sapat na liwanag, matutupad na natin yang hiling mo."
"Ganun? Eh saang lupalop naman tayo makakahanap ng taong dating bulalakaw? Paano natin sila makikita? May powers din ba sila? Teka, baka glow in the dark din sila tulad mo?"
Umiling siya. "May marka sila sa mga mata nila. At may nakita na 'kong dalawang taong dating bulalakaw."
"Talaga? Saan mo sila nakita? Saan?" excited kong tanong. Ang bilis naman niyang makahanap!
"Hindi muna natin yan dapat iniisip. Nandiyan lang naman sila sa paligid. Ang dapat nating isipin ay kung paano natin makukuha ang liwanag mula sa kanila."
"Ha? Bakit, hindi mo ba alam kung paano?" gulat na tanong ko. Kaya niyang pailawin ang buong katawan niya pero hindi niya alam kung paano kumuha ng liwanag mula sa mga taong dating katulad niya?
Umiling si Luthan.
"Oh my God, so hindi mo talaga alam? Paano na ako niyan? Paano na kami ni Reuben mylabs? Luthan, anong klaseng bituin ka ba? Absent ka ba nang pinaliwanag yun lahat sa inyo? Hindi ka ba pwedeng kumuha na lang ng vacuum cleaner at sipsipin mo na lang 'yung liwanag mula sa kanila? Yung mga ganun?"
Umiling ulit siya. "Hindi ko alam kung paano gagawin ang pagkuha sa kanila ng liwanag, Franceli."
"What? Bakit hindi mo alam?"
"Dahil wala naman akong kilalang bituin na ginawa ang balak nating gawin." Hindi na ako nakasagot dun dahil tama nga naman siya. Kasi kung tama ang pagkakaintindi ko sa paliwanag niya, pagbagsak ng isang Bulalakaw dito sa lupa, tutuparin na niya agad ang hiking ng taong napili niya. And then tapos na. Deads na siya.
Pero iba ang sitwasyon ni Luthan dahil nga sa mga nangyari. Nagamit niya ang liwanag na dapat ay para sa pagtupad ng hiling ko.
"Luthan, di ba gusto mong maging tao? Eh paano pala mangyayari yun kung after kong tuparin ang wish ko ay mamamatay ka?"
"Huwag na muna natin iyang problemahin, Franceli. Ang isipin muna natin ay kung paano natin magagawa ang pangunguha ng liwanag sa mga dating Bulalakaw."
"Eh pano nga?" Medyo stressed na ako sa mga sinasabi niya.
"Magtatanong ako. May kilala akong pwedeng makatulong sa atin."
[LUTHAN]
"Sino?" tanong ni Franceli. Mukhang hindi yata siya makakapaghintay nang matagal na matupad ang hiling niya. Naisip ko tuloy, ganun ba talaga pag nagmamahal ka? Gagawin mo ang lahat?
"Si Aster. Baka makatulong siya," sagot ko. Nagtataas na naman siya ng kilay kaya pinagpatuloy ko ang pagpapaliwanag ko. "Kaibigan ko siya. Isa rin siyang bituin. Marami siyang alam sa mga Bulalakaw kaya baka makatulong siya."
"Asan naman 'yang kaibigan mo?"
"Nasa kalawakan," sagot ko na hindi niya ikinatuwa.
"Eh paano mo siya makakausap, eh nasa outer space pala siya. Ano yan, long distance call? Naka-roaming ba siya, koya?" Singhal niya. Ang taray talaga nitong si Franceli Solis, bukod sa atat siya sa mga bagay-bagay.
"Kapag gabi at naglalabasan ang mga bituin, maaari ko siyang makausap. Kailangan ko lang umakyat sa isang mataas na lugar. At siyempre, gagamit ako ng liwanag ko para makausap ko siya."
Mukha naman siyang nakonsensiya at lumambot ang itsura niya. "Pero Luthan, di ba konti na lang ang liwanag mo? Baka mamaya 'pag gumamit ka pa ng liwanag mo ay matigok ka na niyan?"
Nginitian ko siya para di na siya mag-alala. "Kaya ko yan. Konting liwanag lang naman."
Pumalakpak siya. "Yes! So ano, kelan natin kakausapin 'yang Aster na yan? Pwede bang mamayang gabi na?"
"Agad?" tanong ko.
Inirapan niya ako. "Ayaw mo ba? Akala ko ba gusto mong maging tao?"
Tumango ako. "Pero may alam ka bang lugar na mataas? Hindi ba dapat pag-isipan muna natin ito nang mabuti?"
"May alam akong lugar! Sa school namin, may mataas na building dun! Yung College of Architecture!" sigaw niya. "Ayos, pwede yun!" tuwang-tuwa talaga siya. Hindi na rin ako kumontra pa. Sana lang hindi umulan mamaya. Pag umulan kasi, mapuputol 'yung pag-uusap namin ni Aster.
Tinapik niya ako sa balikat ko. "Ano, mamayang gabi ha, kausapin natin 'yang Aster na yan." Tumango na lang ako. Alam ko na ngayon na mas makabubuting sumunod na lang sa mga sinasabi niya. Matindi pala kasi siya 'pag nagagalit. Nanghahampas ng unan. Namamato ng tinidor. At kung dilatan niya ako ng mga mata niya, parang papatayin niya ako. Sa madaling salita, nakakatakot siya.
May tumutunog na kung ano. Bigla namang tinungo ni Franceli 'yung pinto. May kumakatok sa pinto niya. Sinilip niya muna sa bintana kung sino.
"Si Steph!" bulong niya sa'kin. Para siyang natataranta. Akala ko ba, matalik niyang kaibigan yun? "Magtago ka!"
"Bakit?" bumubulong na rin ako pabalik sa kanya sa di ko maipaliwanag na dahilan. Para kasing nakakahawa 'yung pagbulong niya.
"Adik yun sa 'yo! Baka mamaya 'pag makita ka nun---"
Pero huli na ang lahat. Biglang bumukas ang pinto at pumasok na sa loob ang matalik niyang kaibigan, si Steph. Nang makita niya ako, agad niya akong niyakap.
"Luthan! Mabuti naman at ligtas ka!" humihikbi pa si Steph nang kumalas siya sa'kin. "Nag-alala pa ako na baka hindi mo matunton itong bahay nila Franceli. Ayos ka naman dito? Hindi ka naman sinasaktan ni besh? Bayolente kaya ang babaeng yan..."
"Ano?" nanlalaki na naman ang mga mata ni Franceli sa aming dalawa.
"Ayos lang naman ako," sagot ko kay Steph. Pinagmamasdan kaming dalawa ni Franceli. Halatang gulat na gulat siya sa nakikita niya dahil nakanganga siya sa amin.
"Teka, anong ibig sabihin nito?" tanong ni Franceli sa'ming dalawa ni Steph. "Hoy, Steph, ano 'to? Jowa mo na si Luthan?" Nagkatinginan kami ni Steph at pareho kaming tumawa. "Gusto niyong parehas ko kayong hampasin nitong walis tambo?" sigaw niya pa sa'min. Naaasar na yata siya. "Magpaliwanag kayo! Wala akong maintindihan sa nangyayari sa inyo!"
At pinaliwanag ko na nga. Sinabi ko kay Franceli na noong tumakas ako sa pinagdalhan sa akin, hindi naman talaga ako nakaalis doon. Nagtago lang ako sa isang sulok dun. Wala kasi akong ideya kung paano makabalik sa bahay niya nang 'di gumagamit ng liwanag ko.
Mabuti na lang at nakita ko si Steph na galing sa loob ng gusaling yon na umiiyak. Nilapitan ko siya at muntik pa nga siyang mapasigaw sa pagkakabigla na makita ako. Nang kumalma na siya, nagpatulong ako sa kanya kung paano makabalik sa bahay na ito. Alam na rin kasi ni Steph ang totoo na isa talaga akong bituin. Mabuti nga at agad siyang naniwala.
"So alam mong totoong bituin si Luthan?" halata pa rin kay Franceli ang pagkagulat habang pabalik-balik sa aming dalawa ni Steph ang tingin niya.
"Oo besh," pag-amin ni Steph. "Saka sorry na rin kung hindi ko sinabi sa 'yong tinulungan ko siyang makabalik dito. Baka magalit ka kasi eh. Kung pwede nga lang na sa amin na tumira itong si Luthan eh ginawa ko na. Pero alam mo naman ang Papa ko, daig pa si Hitler sa kahigpitan. Sorry talaga besh." Binato naman siya ni Franceli ng tsinelas. "Aray, ano ka ba naman besh, bakit ka nananakit?"
"Gaga ka talaga Steph!" sigaw ni Franceli pero natatawa lang sa kanya si Steph. "Ang dali mo namang naniwala kay Luthan! Paano pala kung r****t yan? O kidnapper? Ang bilis mo namang mauto, samantalang ako--- naku Steph, hindi mo alam kung ano ang pinagdaanan ko kagabi bago ako naniwala---"
"Pero tama ako besh!" singit ni Steph. "Totoong isa siyang falling star!"
"Argh! Nakakainis!" sigaw ulit ni Franceli. "Nakakainis kayong dalawa! Hoy Stephanie Allison Mendoza, ano bang nakain mo at ganyan ka pagdating kay Luthan?"
Natawa ako. Sa totoo lang, may ideya ako kung anong nangyayari kay Steph. Noong araw na bumagsak ako galing kalawakan, hinampas ako ni Steph ng kahoy at hindi sinasadyang nasalinan ko yata siya nang konting-konting liwanag. Hindi ko alam kung ano ang naging epekto nun sa kanya, pero mukhang dahil dun kaya lahat ng gusto ko ay ginagawa ni Steph. Sa ngayon, mukha namang nakakatulong sa'kin 'yung mga nangyayari kay Steph kaya hindi ko na rin muna yan iispin. Kapag magkausap na kami ni Aster, itatanong ko na lang ang tungkol dito.
[FRANCELI]
Nakakaloka talaga! Aba, kasabwat pala ni Luthan si Steph! Nakakainis! Naiinis talaga ako 'pag naaalala kong binalaan pa ako ni Steph na nakatakas si Luthan at baka balikan ako. Yun pala, siya ang nagturo kung asan ang bahay ko!
"At least tama ang ginawa kong pagtulong kay Luthan," sabi ni Steph. "Ngayon matutupad mo na ang hiling mong mahalin ka ni Reuben."
Alam na kasi ni Steph ang tungkol sa misyon namin ni Luthan na maghanap ng mga taong dating bulalakaw. At gusto niya pang tumulong.
"Oo na, salamat nang marami ha?" singhal ko. "Ba't di mo na lang kaya gawan ng paraan na doon sa inyo tumira itong si Luthan? Mag-abang ka kaya mamayang gabi ng shooting star at humiling kang maging jowa mo na itong si Luthan at nang mapanindigan mo 'yang pagkerengkeng mo. Tutal mukha namang dalisay ang pagtingin mo diyan," turo ko kay Luthan na nakakunot ang noo. Na-distract naman ako kasi pati pagkunot ng noo niya pang model.
"Kung pwede ngang sa bahay na lang siya, naku!" hirit ni Steph. "Ang kaso, palalayasin ako ni Papa kapag pinapasok ko si Luthan sa bahay. Alam mo namang strict ang parents ko..." paliwanag niya pa at natawa na lang ako. Totoo kasi yun. Bawal pang magsyota si Steph. Saksi ako sa mga 'paghihirap' niya 'pag may nagugustuhan siyang lalaki.
"Kaya patirahin mo muna siya rito. Mukha namang matatagalan pa bago kayo makahanap ng mga taong dating bulalakaw."
Tumango naman si Luthan. "Tama ka Steph. Mahirap silang hanapin lahat. Kailangan pa naman natin nang maraming liwanag."
"Ano?" sigaw ko naman. "Hindi rito pwedeng magtagal si Luthan! Ano na lang ang sasabihin ng mga chismakers kong kapitbahay? Na nakikipag-live in ako? At pano kapag dumalaw dito si Kuya? Kakatayin ako nun!"
"Sus, hindi naman na umuuwi dito 'yung Kuya mong yun."
"Kahit na!" Giit ko. "At anong sasabihin nila Mommy at Daddy 'pag nalaman nilang nagpapatira ako dito ng lalaki?"
"Bahala ka nang magpalusot," sagot naman ni Steph. "Besh, alangan namang sa kalsada titira si Luthan habang tinutulungan ka niyang tuparin ang greatest wish mo? Baka mamaya magtampo ito at iwanan ka na lang bigla. Goodbye sa wish mo."
Nakakainis! Akala ko kasi at most, aabutin lang ng mga three to four days ang pagtupad sa hiling ko. Kaya keri lang sana na dumito muna sa bahay si Luthan ng three to four days. Pero 'yung mas matagal pa dun? Hindi pwede!
At saka nakakailang...naaalala ko kasi 'yung pagtabi niya sa'kin sa kama! Tapos 'yung palaging aksidenteng pagkakahawak ko sa ano niya! Baka kung ano pang mangyaring mas malala sa mga nangyari na kapag magtagal pa siya rito!
Kahit bituin siya, lalaki pa rin siya no? Isa pa hindi siya inosente! Siya mismo ang nagkwentong nakakakita siya ng mga lalaking pumapatong sa mga babae noong bituin pa siya! Baka bigla na lang din siyang pumatong sa'kin 'pag natulog ako!
At higit sa lahat, kung patirahin ko nga siya rito, paano kung kumalat ang balitang nagpapatira ako ng lalaki sa bahay? Paano kung umabot ang chismis kay Reuben? Eh di mas lalong walang pag-asa ang pangarap ko?
"Besh, anong nangyayari sa 'yo? Namumula ka!" tudyo ni Steph. "Naiisip mo na ang mga pwede mong gawin kay Luthan habang nakikitira siya sa 'yo no?"
"Gaga. Nag-iisip ako nang excuse kung sakaling malaman ni Kuya na may kasama akong lalaki rito."
"Sus, kaya mo yan. Ikaw pa, expet ka pagdating sa mga palusot."
"Ano naman kayang palusot ang lulusot kay Kuya?" tanong ko na lang sa sarili ko kasi wala na akong choice kundi ang patirahin sa bahay ko si Luthan. Naisip ko lang kasi, siya ang susi ko para makamit ang aking mailap na Reuben mylabs. Hindi ko na 'to dapat palampasin.
"Ibig sabihin, patitirahin mo na ako rito?" tanong ni Luthan.
"Oo!" sigaw ko at natuwa si Luthan. "Para kay Reuben, handa akong mapagalitan ng pamilya ko." Natawa si Steph sa sinabi ko kaya natawa na lang din ako. Basta, bahala na siguro si Batman.
"Salamat besh!" at niyakap ako ni Steph. Ang lakas talaga ng tama ni Steph kay Luthan. "Thank you at hindi mo matiis si Luthan na magpakalat-kalat sa kalsada."
"Hindi mo na kailangang mang-guilt trip, Steph. Luthan, dito ka na muna titira hanggang sa matupad mo ang hiling ko at tuluyan ka ng maging tao," turo ko kay Luthan. "At habang nandito ka sa pamamahay ko, dapat susundin mo ako okay? Nagkakaintindihan na tayo?"
Tumango naman siya. "Oo naman, Franceli."
"Good. Ngayon, maghanda na tayo sa gagawin natin sa school. Di ba at pupunta pa tayo mamayang gabi sa school para makausap 'yang Aster na yan?"
"Oo, maghanda na tayo," sagot naman ni Luthan.
"Sounds exciting," humahagikhik pa si Steph sa sinabi niya. At tama siya, mukha ngang exciting ang susunod na mga mangyayari.