[FRANCELI]
Kinausap ako bigla ni Glen pagkarinig niya sa sinabi ni Luthan. "Totoo ba ang sinabi niya Franceli? Magkasama kayo ng boyfriend mo sa iisang bahay?"
Siyempre hindi ko alam ang isasagot at gagawin. Nakatingin din kasi si Reuben sa'kin! Anak ng chop suey naman kasi itong si Luthan, hindi maipreno ang bibig!
"Ah eh... Ano kasi..." nauutal pa ako sa pagsagot ko. Ano ba kasi ang ipapalusot ko?
"Boarder ni Franceli si Luthan," sabi ng isang boses sa likod ko. Napalingon naman kami lahat at nakita ko ang best friend ko.
"Steph!" tuwang-tuwang sigaw ko sa kanya. "Andito ka!" Niyakap ko siya agad kasi niligtas niya lang naman ako sa isang malalang interrogation. Tapos hinarap ko ulit sina Glen. "Tama si Steph, boarder nga namin si Luthan sa bahay..."
"Boarder mo ang boyfriend mo?" ani Glen na may duda sa pagkakatanong. Nakakunot ang noo niya sa akin samantalang sina Leila at Reuben parang hindi naman naniniwala sa sinabi ni Steph.
"Oo. Dahil nga dun ay nagkakilala kami..." pagsisinungaling ko pa. My gosh, magiging habit ko na yata ang pagsisinungaling dahil kay Luthan! "Naging boarder ko muna siya bago naging kami."
"Ah... Pero bakit ka may boarder?" tanong pa ni Glen sa akin.
"Ano kasi... K-Kulang sa finances, alam niyo na," palusot ko. Grabe, 'di ko kinakaya ang interrogation nila. "Sayang naman kasi at mag-isa lang ako sa bahay. Business-minded minded na ako ngayon, sayang kasi pwede naman akong magpa-bedspace."
"Franceli, hindi ba delikado yan? Nagpapatira ka sa bahay niyo ng 'di mo kaano-ano. Babae ka oa naman at mag-isa ka lang."
"Ano ka ba Glen, siyempre nag-background check din naman ako muna sa lalaking 'to," turo ko sa katabi ko na mabuti naman at hindi sumasabat dahil kanina ko pa siya gustong tirisin. "Medyo dun nga kami na-in love sa isa't-isa..." Grabe talaga, nagsisinungaling ako nang harapan kay Reuben mylabs! Kung hindi lang talaga dahil kina Glen at Mikka 'di ko talaga gagawin 'to!
"Kaya naman pala," ani Glen na mukhang nakukumbinsi ko na. "Hindi ko alam na open ka pala sa ganyang set up, Franceli."
Natawa ako sa nerbiyos dahil alam ko naman kung ano ang tinutukoy ni Glen sa sinabi niya. "Ano ba kayo guys, 2020 na. Hindi na dapat ganyan ang tingin niyo sa ganyan. And FYI, wala naman kaming ginagawang kababalaghan ni Luthan. Takot ko lang sa Kuya ko no. Super gentleman din itong boyfirend ko. Di ba, Luthan?" Siniko ko naman nang palihim si Luthan na nasa tabi ko dahil hindi na talaga siya umimik. Tumango siya agad bilang pagsang-ayon sa kasinungalingang pinagsasabi ko at doon lamang mukhang nakumbinsi ang mga kasama ko na walang kakaibang nangyayari sa'min ni Luthan.
"Pero hindi ba parang masagwa?" maarteng tanong ni Leila sa'kin. "Mag-boyfriend pa lang kayo pero para namang nagli-live in na kayo? Buti pinapayagan kayo ng parents mo, 'di ba nasa abroad sila? Alam ba nilang may kasama kang lalaki sa bahay mo?"
Sasagutin ko na sana si Leila Galema kaso naunahan ako ni Steph. "Hoy Leila, dahan-dahan ka sa pagsasalita sa besh ko! Eh ano naman sa 'yo kung magkasama sila sa iisang bahay? Inggit ka? For your information lang, magkaiba sila ng kwartong tinutulugan. Alam din ng parents ni besh ang tungkol kay Luthan! Kung sila nga ay tiwala kay Luthan, ikaw pa kaya ang may karapatang magduda?"
Gusto kong matawa sa mga pinagsasabi ni Steph kasi lahat yun hindi totoo kaya bumibilib na sana ako sa lying at convincing skills niya. Kahit siguro ako maniniwala sa pinagsasabi niya kung hindi lang ako ang subject niya. Yun nga lang patong-patong na guilt ang kapalit non ngayon sa sistema ko na halos magpanginig sa mga tuhod ko. Ngayon lang naman kasi ako nagsinungaling nang ganito.
"Tama na Steph," saway ko na sa bff ko although parang gusto ko siyang yakapin sa ginawa niyang pagtatanggol sa'kin.
"Whatever," sagot na lang ni Leila na wala na yatang maibatong issue sa amin. "Bakit ka pala andito? Kasali ka ba sa practice?" Tinarayan talaga ni Leila Galema si Steph sa tanong niyang iyon.
"Panonoorin ko sila besh at Luthan na mag-practice may angal ka?"
"Uy chill lang girls," awat na ni Glen. "Buti pa ay simulan na natin ang practice..." Nakahinga ako dun nang maluwag. Kinuha na naming lahat ang mga bisekleta namin. Naunang maglibot sa track sina Reuben at Leila. Agad nagpasikat si Reuben sa galing at bilis niya sa bisekleta dahilan para magkorteng puso na ang mga mata ko kakatitig sa kanya.
Hay, balang araw Reuben ako na ang makakasabay mo sa pagbibisekleta, Reuben mylabs. Tandaan mo yan. Magiging boyfriend din kita makikita mo!
Natawa naman ako kasi nakita kong naiwan na si Leila sa sobrang bilis ni Reuben mylabs. Mukha naman kasing walang planong iba si Leila kundi ang magpa-cute. At pink pa talaga ang kulay ng bike niya ha? Hanubey, kulang na lang si Hello Kitty.
Tapos sumunod na rin sina Mikka at Glen at halatang hindi pa sila ganun kasanay na sila lang ang magkausap since palagi naman silang nasa isang malaking grupo. Nakakainis nga eh. Bakit ayaw nilang mag-usap?
Paano sila magkakaroon ng feelings sa isa't-isa niyan?
Kung bakit naman kasi sila pa ang dapat naming kailangang gawing magjowa. Saka, naisip ko lang, paano pala gumagana ang epekto ng liwanag sa katawan ni Leila? Ano yun, parang isang invisible shield niya yun laban sa pag-ibig?
At saka paano pala magugustuhan ni Glen si Mikka kung ang liwanag mismo ni Mikka ang hahadlang dito?
Siyempre hindi ako nakatiis sa mga naiisip ko bilang paranoid lang akong tao. "Luthan, paano pala magkakagusto si Glen kay Mikka?" tanong ko sa katabi ko habang pinagmamasdan ang dalawa. Nakatayo pa rin kaming dalawa ni Star Boy at 'di pa kami kumikilos.
"Kailangan maging malapit sila sa isa't-isa para matutunan ni Glen na pahalagahan si Mikka. Ang kailangan lang naman niyang gawin ay isang bagay na magpapatunay na mahalaga sa kanya si Mikka higit kanino man."
"Ang lalim naman nun."
"Ganun talaga. Dapat maging importante si Mikka kay Glen at maamin niya ito sa sarili niya kahit sa kabila ng katotohanang hinahadlangan siya ng liwanag ni Mikka."
"Wow, paano pala kung may feelings naman talaga si Glen kay Mikka?" usisa ko. "Hindi niya lang ito ma-realize dahil nga sa kontrabidang liwanag ni Mikka. Kaya sa'kin siya nagkakagusto. Paano kung ganoon pala ang totoong eksena?"
"Posible yun, Franceli," sagot sa'kin ni Luthan. "Sana lang ay maramdaman ni Glen na mahalaga nga sa kanya itong si Mikka. At sana may gawin siya rito kung sakali man."
Tumango ako. "Ah, parang isang act of true love. So ano yun, kahit hindi na niya sabihing I love you ganun, basta maipakita lang niya na mahal niya si Mikka?"
"Tama ka. Pero hindi madaling mangyari ang ganung bagay, Franceli, dahil nga sa kapangyarihan ng liwanag na na kay Mikka. Kaya pasensiya ka na at baka matagalan tayo sa dalawang ito..."
"Ano ka ba ayos lang, don't worry gagawa rin ako ng paraan para agad ma-develop si Glen kay Mikka. May naiisip na nga ako eh..."
Pasalamat ka Luthan at mahilig akong manood ng mga rom-com movies kaya kahit papano ay may natutunan ako sa mga ganitong bagay.
"Ano naman?" tanong niya sa akin na nakakunot ang noo.
"Basta. Secret muna. Ang kailangan lang naman ay magkaroon si Glen ng isang act of true love, 'di ba?"
'Ganoon na nga."
Nginitian ko si Luthan dahil medyo optimistic naman ako sa naiisip kong gawin. "Uy besh, Luthan, hindi pa ba kayo magpa-practice? Tutunganga na lang ba kayo diyan?" tanong naman ni Steph sa amin na lumapit na. Kinabahan naman ako dahil may isa pa pala kaming problema.
Natuto naman kaya itong si Luthan na magbisekleta kagabi? Baka mamaya humalik na naman siya sa semento! At sa harapan pa ni Reuben mylabs! Oh no, baka mapahiya kami!
"Uy tara na, mag-practice na tayo," untag sa'kin ni Luthan. "Halika na..." Gusto ko siyang tanungin kung alam niya na ba kung paano magbisekleta o kung balak niya pa ring gamitin ang liwanag niya kaso nilapitan naman kami ni Glen at tinanong kami kung bakit 'di pa rin kami nagsisimulang mag-practice.
Kaya wala na akong nagawa kundi mag-practice na rin. All the while pinagmamasdan ko si Luthan dahil kinakabahan ako para sa kanya.
Oh syete ayan na, magpi-pedal na siya. Sana hindi siya bumagsak! Pinapanood pa naman kami nina Reuben!
Nakahinga naman ako nang maluwag kasi nagawa nga ni Luthan! Hindi siya natumba! Marunong na siyang mag-balance!
Alam na niya kung pano magbisekleta! Ang galing niya pa nga eh!
Pero bigla rin akong nalungkot. So ibig sabihin ginamit nga niya ang liwanag niya?
Kaasar siya. Nangako siyang hindi niya gagamitin ang liwanag niya! Mas lalo tuloy akong na-guilty!
Nagpatuloy ang practice namin at bawat pair ay naging focused sa teamwork namin. Kaso napapansin kong hindi pa rin nag-iimikan sina Glen at Mikka at nagsisimula na akong mawalan ng pag-asa sa kanila. Si Glen kasi halatang nasa akin pa rin ang atensiyon. Panay kasi ang tingin niya sa akin o 'di kaya minsan ay tumitigil pa siya sa harapan ko para kamustahin ako. Si Mikka naman tahimik lang. Naiinis na rin ako sa kanya kasi wala siyang ginagawa para mapansin siya ng partner niya. Hay, mukhang kailangan ko na talagang makialam!
[LUTHAN]
Hindi ko alam kung ano ang balak ni Franceli pero sana maganda ang plano niya. Ako kasi hindi ko na alam kung anong dapat kong gawin. Hanggang ngayon kasi wala pang napatutunguhan ang mga ginagawa namin. Hindi ito maaari dahil paubos na rin nang paubos ang liwanag ko.
Isa pa habang tumatagal akong ganito rito sa lupa ay mas lumalaki ang tsansang mapapansin ako ng Tagahatol. Ayokong mahuli dahil ayokong maging katulad ni Raj.
Ang ginawa ko na lang, umaalalay ako kay Franceli kung ano ang gawin niya. Yung Glen kasi parang naghihintay lang ng pagkakataon para malapitan o matulungan si Franceli. Mukhang si Franceli pa rin ang gusto niya ngayon at hindi ito pwede dahil kaya lang naman siya nagkakagusto kay Franceli ngayon ay dahil sa epekto ito ng liwanag ni Mikka.
Pagkatapos naming makalibot sa track ng ilang beses nagyaya na sina Glen na magpahinga muna kaming lahat at kumain. Tanghali na rin kasi. Nakita ko namang nilapitan ni Franceli si Mikka at nagkausap ang dalawa nang masinsinan sa malayo. Napansin ko ring tinitingnan sila nina Glen at Reuben habang nag-uusap. Mukhang tulad ko ay nagulat sila sa nangyayari.
Kapansin-pansin para sa akin ang ibinibigay na atensiyon ni Reuben kay Franceli. Hindi ko siya maintindihan kung ano ba talaga ang nararamdaman niya. Minsan gusto kong isipin na nagkakagusto na rin siya kay Franceli pero imposible yun dahil---
"Uy, Luthan tara na kain na tayo!" Hinila na ako ni Steph papunta sa damuhan kung saan sila naglatag ng banig. Nasa lilim iyon ng puno.
"Wow, picnic ba ito?" masayang tanong ni Franceli pagkarating nila ni Mikka. Napansin kong parang umaliwalas bigla ang mukha ni Mikka. Nagtataka tuloy ako kung ano ang sinabi ni Franceli sa kanya. Lahat kami naupo na at binuksan na namin ang mga baon namin.
"O kuha kayo, luto yan ng Mommy ni Reuben, ang sweet niya sa'kin no?" sabi nung Leila at nilagay niya sa gitna 'yung pagkain nila ni Reuben.
"Uy Pork Teriyaki!" tuwang-tuwang saad naman ni Glen pagkakita niya sa pagkain. "Ang cool talaga ni Tita. Franceli, 'di ba mahilig ka sa Japanese food, kuha ka na!"
"Okay. Pero kuha din kayo ng Chicken Curry, luto yan ni Luthan," sabi niya sabay ngiti sa'kin. Nagulat naman ako kasi hindi naman ako ang nagluto nun. Siya naman yun. Ano kaya ang binabalak ni Franceli?
"Ay oo masarap yan magluto si Luthan!" dagdag pa ni Steph. Muntik na akong mabulunan sa sinbi nila. Balak yata nilang dalawa na mas lalong basagin ang natitirang pag-asa ni Glen kay Franceli sa pamamagitan ko.
Lahat kami kumain na. Tiningnan ko silang lahat. Si Steph na
ang nagkukwento at nakita kong sinusubukan na ni Mikka na makausap si Glen na nasa tabi niya. Siya pa ang naglagay ng ulam sa plato ni Glen. Nagpasalamat naman si Glen doon. Napatingin ako kay Franceli dahil pakiramdam ko siya ang nagsabing gawin yun ni Mikka at tama nga yata ako dahil kinindatan ako ni Franceli nang palihim. Natawa ako dun.
Samantala, si Reuben ay parang may sariling mundo dahil tahimik lang siyang kumakain at ito namang si Leila ay nagpapapansin sa kanya. "Ben, may dumi ka sa mukha o," maarteng saad ni Leila kay Reuben. Kumuha siya ng panyo para punasan ang dumi sa mukha ni Reuben pero pinigilan siya ng lalaki.
"Ako na..." malamig na tugon ni Reuben at pinunasan niya 'yung dumi sa mukha niya. Mukha siyang aburido at napapaisip ako kung bakit. Pero sabagay, sino ba naman ang hindi maiinis kung tulad ni Leila ang kasama mo?
Napukaw naman ang interes ko sa sitwasyon. Itong si Franceli, gagawin ang lahat mahalin lang siya ni Reuben. Si Reuben naman kahit mukhang walang pakialam parang parati ring naiinis. Si Leila naman papansin kay Reuben. Ito namang si Glen halatang gusto pa rin si Franceli kahit ang alam niya ay nobyo na ako ni Franceli. Tapos 'yung Mikka naman gusto si Glen pero hindi alam ang gagawin para magustuhan siya ni Glen.
Hindi lang nila alam, lahat ng nangyayaring ito ay dahil sa taglay na liwanag ng mga taong dating bulalakaw. Si Steph nga lang ang mukhang hindi direktang apektado, maliban na lang sa may liwanag din siya sa katawan niya na galing sa'kin na tingi ko ay may kinalaman sa kanyang pagsulpot kapag kailangan ko ng tulong tulad na lang kagabi at kanina.
"So Franceli, Luthan, paano pala naging kayo?" biglang tanong ni Glen sa amin. Nagulat kami ni Franceli at napasimangot naman dun si Mikka sa tanong ng partner niya. "Mag-share naman kayo. Nakakagulat lang kasi na may boyfriend ka na lang bigla."
"Ah... Yun ba?" naiilang na sagot ni Franceli. "Yun nga, naging boarder ko siya sa bahay..."
"Pero paano kayo nagka-developan?" masayang tanong ni Mikka sa'min at nagulat pa kaming lahat sa biglang pagiging masayahin niya.
Umarte namang parang kinikilig si Franceli. "Ganito kasi yun... Nag-board nga siya kasi wala siyang matitirhan... Nung una ayaw ko pa kasi nga 'di ba, lalaki siya at mag-isa lang ako sa bahay. Pero okay naman ang parents ko sa kanya tapos kulang talaga ako ng pera kaya okay na rin lang... naging magkaibigan kami tapos noong mga panahong may gusto pa ako sa ibang lalaki ay dinamayan niya ako sa kadramahan ko! Hahaha!" Tumawa nang peke si Franceli doon na tingin ko ay sinadya niya. Ganun din sina Glen at Mikka. Pero si Reuben biglang napatingin kay Franceli tapos agad ding nag-iwas ng tingin.
"Tapos niligawan si besh ni Luthan..." dugtong ni Steph na parang kinikilig.
"Nakakakilig naman," komento ni Mikka na napasulyap kay Glen na nakasimangot.
"Bakit naman wala kang matirhan Luthan? Taga-saan ka ba? Wala ka bang pamilya?" sunod-sunod na tanong sa'kin ni Glen. Parang alam ko na kung bakit niya ginagawa 'to.
"Taga-probinsiya yan si Luthan, family friend ng parents ni besh. O ikaw naman Leila. Kwento ka sa love life mo. Kanina ka pa kasi nagtataray diyan..."
"Paki mo ba? Close tayo?" sagot ni Leila. Lalo lang tumawa si Steph.
"Sorry ha, eto naman nakikipagkaibigan lang ako. Masama ba yun?" pang-aasar pa ni Steph ngunit tinarayan lang siya ulit ni Leila.
"Eh ikaw Mikka may nagugustuhan ka naman ba?" tanong na ni Franceli at namula naman agad si Mikka.
"Wag mong sabihing wala at baka ipadala kita sa Pluto niyan gurl," dugtong na hirit pa ni Steph.
"Ah... meron naman..." nahihiyang sagot ni Mikka kaya sa kanya na napunta ang atensiyon ng lahat' lalo na ni Glen na nagulat yata sa sinabi nito.
"Talaga? Uy may crush na ang partner ko, sino naman yun?" Walang kaalam-alam na tanong ni Glen at napailing na lang si Franceli.
"Alam niyo parang may gusto akong i-nominate para sa Manhid of the Week," sabi ni Steph at natawa ako dun.
"Sino kasi siya Mikka?" tanong ni Franceli. "Kilala ba namin?"
Umiling agad si Mikka. "Naku hindi, kababata ko. Magkikita nga kami bukas eh..."
Alam ko nang nagsisinungaling lang si Mikka at naisip ko tuloy kung kasama ito sa plano ni Franceli. Si Glen naman ay parang napaisip.
"Kababata mo? Teka, kababata rin kita pero wala akong maalalang kababata natin na posibleng magustuhan mo..." sabi ni Glen na napakamot sa ulo sa kaiisip.
"Hindi mo naman ako ganun kakilala para malaman mo lahat tungkol sa'kin," sagot ni Mikka. Tumayo na siya at naghugas na ng kamay. Natahimik ang lahat sa sinabi niya at nakita kong palihim na nagtitinginan sina Franceli at Steph. Eto yata talaga ang gusto nilang mangyari.
"Uy Leila close kayo ni Mikka 'di ba? Kilala mo ba kung sino 'yung tinutukoy niya?" tanong ni Glen pagkalayo ni Mikka.
"Maliban sa 'yo? Hindi ko kilala," sagot ni Leila at lalo lang nalito si Glen.
[FRANCELI]
I think gumagana ang strategy ko. Alam kong may madi-develop kina Glen at Mikka dahil nakakita ako ng pag-asa nang maging interesado si Glen sa lalaking 'gusto' ni Mikka. Konting push na lang at mari-realise din ni Glen na siya 'yung tinutukoy ni Mikka.
"Nakangiti ka... may maganda bang nangyayari?" tanong ni Luthan habang nagpi-pedal kami. Sa rough road na kami ngayon sumubok para maihanda namin ang mga sarili namin sa totoong course ng competition.
"Siyempre, kasi malapit nang magustuhan ni Glen si Mikka," sagot ko. "Basta ikaw, sumakay ka na lang sa nangyayari ha. Kung kinakailangang maging sweet tayong dalawa sa harapan nila para tumatak lang sa utak ni Glen na dapat na niya akong sukuan ay gagawin natin. At gagawin din ni Mikka ang parte niya."
"Ano bang sinabi mo sa kay Mikka kanina?"
"Basta, girl talk yun. Sabihin na lang nating na-inspire ko siya," sagot ko. "O ikaw okay ka naman ba? Baka mamaya maglaho ka na lang bigla kasi ginamit mo ang liwanag mo."
Sumeryoso ang mukha ni Luthan. "Kaya ko pa naman."
Sinimangutan ko siya. So ginamit nga niya talaga ang liwanag niya. Pasaway talaga 'tong Star Boy na ito!
Napansin ko na nag-uusap na sina Glen at Mikka at tinuturuan na ni Glen si Mikka nang maayos. Tapos sina Reuben at Leila mukhang walang mangyayari sa training nila kasi ang arte ng hitad, laging napapagod. Ang future boyfriend ko naman nagpapauto.
Nag-break ulit kami by 3pm at lumapit ulit ako kay Mikka. Umalis kasi si Glen para bumili ng meryenda kaya sinamantala ko na para ma-check ko ang development niya sa plano namin.
"Kumusta na?" bungad ko.
Ngumiti naman si Mikka. "Okay naman. Kinukulit nga ako ni Glen na sabihin ko kung sino 'yung lalaking gusto ko."
Napangiti ako. "This is it gurl! Ibig sabihin nun interested na siya sa 'yo! Sinunod mo naman ba ang sinabi ko?"
Tumango siya. "Hindi ko sa kanya sinasabi. Pero dahil dun mas lalo na niya akong kinukulit. Eto na ba yun, ha Franceli? Napapansin niya na ba ako?"
Tumango ulit ako. "Malamang sa malamang. Ngayon kasi naisip na niya na posibleng mawala ang pagka-crush mo sa kanya at posibleng may magustuhan ka ng iba. So ngayon kung interested talaga siya sa 'yo mati-threaten siya sa idea na mawawala ka na sa tabi niya. At ang sign dun ay kung magtatanong na siya tungkol sa lalaking gusto mo."
"Eh pano kung hindi naman talaga siya interested sa'kin?" nag-aalalang tanong ni Mikka.
"Fight lang gurl ano ka ba. Basta ipagpatuloy mo lang ang pagiging sweet mo sa kanya. At ang pagiging maalalahanin at malambing. Pero make it a point na sasabihin mong friends lang kayo at 'wag niyang bigyan ng malisya kasi may iba ka ng gusto. Kung pwede mo ngang sabihing nililigawan ka na ng iba ay sabihin mo."
Sinusubukan kong maging tunog madali lang ang gusto kong mangyari para hindi na panghinaan pa ng loob si Mikka.
"Okay. Salamat Franceli. Hindi ko talaga alam kung bakit mo ako tinutulungan eh 'di naman tayo close dati..." sabi niyang nahihiya.
"Ano kasi, n-nakikita ko sa 'yo ang sarili ko nang humaling na humaling pa ako kay Reuben. Pero sumuko rin ako. At ayokong maging tulad ka sa akin, kasi may possibility namang maging kayo. Close naman talaga kayo dati ni Glen 'di ba? At aware siyang gusto mo siya?" Tumango si Mikka at natahimik kami ng ilang sandali. "May naalala pala ako, Mikka," sabi ko. "Eto pala ang crucial part. Isang araw bago ang competition, sabihin mo sa kanyang hindi ka na sasali. Na magba-back out ka na... Sabihin mong nagseselos 'yung lalaking gusto mo na nanliligaw sa 'yo kaya ka magba-back out."
Nagulat naman si Mikka sa sinabi ko. "Ha? Pero bakit?"
"Sabihin mong wala ka naman talagang mapapala sa pagtulong mo sa kanya... Mag-suggest ka kunwari na may papalit naman sa 'yo... Na kunwari mas magaling pa sa 'yo..."
"Pero bakit ko nga gagawin yun?"
Huminga muna ako nang malalim bago nagpaliwanag. "Ganito kasi yun... Kapag pumayag lang siya basta-basta sa pag-back out mo... Kapag pinakawalan ka niya, it only means na wala ka talagang pag-asa sa kanya. Sumuko ka na kay Glen kapag ganoon ang mangyari, Mikka. Pero kapag hinabol ka niya, at sabihin niyang mag-stay ka, o kapag magalit siya sa 'yo kasi pinaasa mo siyang tutulungan mo siya, it only means one thing. He cares for you and he likes being with you. Malaki na ang chance non na may something na siya para sa 'yo..."
Nanlaki ang mga mata ni Mikka sa narinig niya. "Ganun ba yun?"
"Oo naman. Kung partner lang sa event na ito ang tingin niya sa 'yo, kaya niya namang humanap ng iba 'di ba? No offense Leila pero tingin mo ba nakikita niyang mananalo kayo sa race na yan kasama ka na hindi ka naman athletic na klase ng tao? Di ba parang dyahe sa kanya na ikaw ang partner niya?"
"A-Alam ko naman yun, Franceli..."
Umiling ako agad sa kanya kasi iba na agad ang iniisip niya. "What I mean is that kung hindi ka naman nagma-matter sa kanya, papayag siya sa pag-back out mo ng walang reklamo. Pero kung pilitin niyang huwag kang mag-back out, ibig sabihin lang nun kahit papano ay itinuturing ka niyang isang importanteng tao sa buhay niya... Na kahit alam niya na malaki ang chance na hindi kayo mananalo, mas gugustuhin niya pa rin na ikaw ang partner niya. Kapag yan ang mangyari, may chance ka pa sa kanya' Mikka."
Napaisip naman siya sa sinabi ko. Alam kong medyo napa-OA 'yung pinagsasabi ko pero kailangan ko talagang i-encourage si Mikka. Kailangan kong masigurong may patutunguhan itong pagtingin niya sa kababata niya dahil bukod sa kailangan namin ang liwanag niya, ayoko ring maranasan niya ang naranasan ko sa lalaking mahal ko.
Bigla na lang nakaramdam ako ng sense of responsibility na kahit isa man lang sa amin ay maging masaya ang love life. Kaya gagawin ko na talaga ang lahat maging sila lang ni Glen.