Chapter 6

4336 Words
[FRANCELI] Kamutikan na akong matumba sa kinatatayuan ko nang makita ko ang itsura ni Luthan pagkatapos niyang magbihis suot ang mga pinahiram kong mga naiwang damit ni Kuya and I am not gonna lie, may maipagyayabang talaga ang kagwapuhan niya. Para siyang model ng street wear ng isang malaking clothing line sa itsura niya ngayon. Plain fitted grey shirt at navy blue cotton shorts at sandals lang naman ang suot niya pero dahil sa appeal niya ay parang rarampa na siya sa isang fashion show. "Oy, ano besh? Aalis pa ba tayo o maglalaway ka na lang diyan kay Luthan?" untag sa'kin ni Steph. Inirapan ko siya at nauna na akong naglakad palabas ng bahay pero deep inside di pa ako nakakabawi sa pagkagulantang ko. "Steph, bakit naman maglalaway sa'kin si Franceli?" inosenteng tanong ni Luthan sa lokaret kong bff habang naglalakad na kami sa kalsada palabas ng subdivision namin. "Mukha ka kasing masarap, kaya nagkakaganyan si besh," bulong ni Steph kay Star Boy na dinig ko naman. Humagikhik pa ang loka. Parang ang sarap nila ngayong pag-untugin. "Bakit, mukha ba akong pagkain?" usisa pa rin ni Luthan. Sa lahat ng bituin sa langit siya ang imbestigador. Tumawa si Steph doon. "Oo eh. Ang hot mo kasi. Kaya masanay ka na na pagkakaguluhan ka na ng mga babae, Luthan. Heartthrob ka kasi." "Heartthrob? Ano yun?" Napa-facepalm na lang ako sa sinabi niya dahil agad kong nakalimutan na hindi nga pala siya tao kaya't marami siyang hindi alam sa mundong ito, partikular na ang ibang lenggwahe. "Ibig sabihin nun, gwapo ka. May itsura. Artistahin." "Ah..." aniya na tumango-tango pa pero duda pa rin ako kung naintindihan niya nga ba talaga ang paliwanag sa kanya ni Steph. "Wag mo na siyang purihin nang ganyan Steph at baka lumaki pa ang ulo niyan,"  sabi ko namang medyo napapaisip na rin kung tama nga bang turuan namin si Luthan ng ilang mga bagay. After all, maituturing na ring blessing sa panahon ngayon ang maging unaware sa maraming bagay. Iyong tipong hindi ka madaling maapektuhan ng mga ito. Kapag kasi mawala ang kainosentihang ito ni Luthan, baka mag-iba rin talaga ang ugali niya. "Eh bakit ka ba bitterella, Franceli," tudyo pa ni Steph sa'kin. "Hayaan mo nang alam ni Luthan na hot siya. Malay mo, pagdating ng Valentines ay pareho pa tayong single. Pwede nating maka-date itong si Luthan. Tiyak maraming maiinggit sa atin no'n makikita mo." Tumawa pa siya ng pang-bruhang tawa na akala mo eh nagtagumpay na siya sa mga balakin niya. "Walang date na mangyayari dahil bago pa man mag-Valentines Day ay matutupad na ang hiling ko. Magiging kami rin ni Reuben mylabs makikita mo. Tara na nga at bilisan na natin, dadaan pa tayo sa convenience store." Walking distance lang naman mula sa'min ang pinapasukan naming university ni Steph kaya mabilis kaming nakarating dun. Pero dumaan muna kami sa isang convenience store para bumili ng meryenda. Kasali kasi yun sa plano namin. "Bakit ba kasi ako ang kakausap sa guard? Besh naman eh! Gusto mo lang masolo si Luthan!" "Hoy Steph!" sigaw ko at kinurot ko siya. "Alangan namang ako ang gumawa ng diversion? Kakausapin nga namin 'yung kaibigan ni Luthan di ba? At saka para saan pang may Theatre Arts 101 ka kung hindi mo naman gagamitin ang award-winning acting mo?" "Oo na!" sigaw niya sa akin na nakabusangot. "Pasalamat ka supportive ako sa love life mo!" At naglakad na siya papalapit sa guard house ng school namin bitbit 'yung pagkaing binili namin. Nagtago naman kami ni Luthan sa di-kalayuan sa likod ng isang puno habang pinagmamasdan si Steph sa kanyang gagawin. "Bakit ba kasi hindi tayo pwedeng pumasok doon agad?" bulong din ni Luthan sa'kin at nawindang ako nang lingunin ko siya kasi ang lapit na ng mukha niya sa'kin. Pinausog ko siya kasi medyo awkward lalo pa't nakakalimutan ko ngang hindi siya tao. "Eh kasi 'yang guard na yan ay bantay ng school," paliwanag ko sa kanya. "Kapag mahuli niya tayo sa loob ng school, makukulong tayo." "Saan?" Napakamot ako sa ulo. "Ah basta! Wag ka munang maraming tanong!" saway ko sa kanya dahil tinatamad akong magpaliwanag. Bumaling na ulit ako kay Steph na nakikita kong umiiyak na sa harap ng guard. Ang plano kasi namin, gagawa ng diversion si Steph para makapasok kami ni Luthan sa loob ng school nang hindi napapansin ng gwardiya. Magpapanggap si Steph na naiwan niya 'yung laptop niya sa loob ng school at magpapasama siya sa guard na hanapin yun. Hindi naman makakatanggi 'yung guard kasi bukod sa pang-FAMAS ang acting ni Steph, susuhulan niya pa ito ng pagkaing binili namin sa convenience store na worth two hundred pesos lang naman. Ganun kadalisay ang pagmamahal ko kay Reuben. Ang lakas maka-action at suspense plus drama. Sa susunod nga baka mangholdap na ako ng bangko. Mukhang effective naman ang plano namin kasi sumama na kay Steph 'yung guard at pumasok na sila sa loob ng campus. Usapan namin ni Steph na sa College of Education niya dadalhin si Koyang Guard na malayo sa College of Architecture na pupuntahan namin. Pagliko nila Steph at ng guard sa kanto, sinenyasan ko na si Luthan para pumasok na kami. Binilisan na namin ang pagtakbo papuntang College of Architecture at hindi ko maiwasang mangiti. Aaminin ko kasi, nakakaramdam ako ngayon ng excitement. "Ay grabe, Luthan! First time kong pumasok sa school nang patago at nakaka-excite pala! Tiyak maiinggit si Kuya pag kinuwento ko 'to sa kanya! Hindi niya kasi nagawa 'to noong kapanahunan niya rito..." "Kayo talagang mga tao, ang hilig niyong sumuway sa mga batas. Kung ano talaga ang bawal, yun pa ang gusto niyo..." sermon naman niya sa akin na ikinaloka ko. Aba at may free Values Education lecture pa ang lokong 'to. "Nagsalita ang bituing nahulog sa lupa kasi ayaw na raw niyang maging bituin..." resbak ko naman at natahimik siya. Tinamaan yata sa sinabi ko. Pagkarating namin sa tuktok ng building ng College of Architecture ay hindi ko n naiwasang magtanong sa kanya. "Hoy Luthan, curious lang ako, bakit ayaw mo nang maging bituin?" Hindi kasi maayos ang sagot niya dati. Parang nakakaintriga kung ano ang dahilan niya. "Bakit mo naman tinatanong?" "Wala lang," sabi ko. "Para lang alam ko. Alam mo kasi kung bakit yun ang hiling ko. Parang dapat ay alam ko di ba? Kasi nagtutulungan tayo rito. Mamaya kasi may hindi ka pa sinasabing twist diyan. Baka mamaya paghiling ko sa'yo, papanget naman kami ni Reuben habambuhay. Eh di nalugi ako." "Mabuti naman at maaliwalas ang gabi," sabi ni Luthan na nakatingala sa langit kaya tumingin din ako at nakita kong ang daming  ngang bituin. Alam kong sinusubukan niyang iwasan ang tanong ko at effective naman dahil napatingala rin ako sa kalangitan. Totoo ngang maraming bituin ngayon. Mukhang sinuswerte nga talaga kami ngayon. Kakausapin ko pa sana si Luthan pero nakita ko siya na parang nagmi-meditate habang nakatingin sa langit. Seryosong-seryoso ang mukha niya kaya ntawa ako dun nang bahagya. Para kasing nag-o-orasyon si Luthan sa ginagawa niya. Napapakanta tuloy ako sa isip ko. Twinkle, twinkle, Luthan star. How I wonder what you are. I already touched your 'birdie' thrice. Hard like a diamond in the sky... Napapabungisngis na ako sa kapilyahang naiisip ko. "Franceli, magtago ka muna!" utos niya bigla. "Ha? Bakit?" "Hindi ka pwedeng makita ni Aster!" Aba kung makasigaw ang lolo mo, parang high blood lang ah. "Bakit nga?" tanong ko pa. Kaasar 'tong si Luthan. Ipagdamot ba ang Aster na yan? Ano yan, girlfriend niya ang Aster na yan kaya pinagtatago niya ako kasi sa ganda kong ito eh baka pagselosan ako? "Paparating na siya! Wag ka na munang maraming tanong!" sigaw niya pa. Gusto ko pa nga sanag magreklamo pero napaatras na ako kasi bigla siyang nagliwanag. Shet, ito na. Darating na yata 'yung Aster! Palaki nang palaki ang pagliwanag ng katawan ni Luthan na para siyang bumbilya. Kumukutikutitap. Bumubusibusilak. Nakatingin pa rin siya sa langit kaya napatingin din ako roon. At anak ng bumbilya, napanganga ako sa nakikita ko ngayon. Parang lumiwanag 'yung space sa taas mismo ni Luthan. Kitang-kita ko kung paanong ang liwanag doon ay parang usok na nagkorteng tao sa mismong ibabaw ni Luthan. Sa sobrang liwanag nga nito, hindi ko na matingnan si Luthan at kung ano man 'yung nabubuo sa taas niya dahil pakiramdam ko ay mabubulag ako. Mahabaging Diyos! [LUTHAN] Nagtago na sa likod ng isang poste si Franceli. Mabuti na lang at hindi na siya nakipagtalo. Mabuti na lang at naalala kong hindi nga pala siya pwedeng makita ng kaibigan ko. Tagumpay na natawag ko si Aster gamit ang konting liwanag ko. Nasa taas ko lang ang katawang-liwanag niya. Hindi tulad ko, ang kanyang kabuuan ay likha lamang mula sa purong liwanag. Hindi naman kasi siya naging bulalakaw upang magkaroon ng katawang tao. Sa sobrang liwanag ng paligid mula kay Aster, alam kong hindi magtatagal ay may taong makakapansin sa amin. Kaya kailangan naming magmadali. Tumingala ako kay Aster. "Aster," tawag ko sa kanya. "Luthan," sagot naman niya. "Tinawag mo ako." Tumango ako. "Kumusta ka na?" "At ngayon ay para ka ng isang tunay na tao. Binati mo ako. Nakakaaliw ka naman. Ikaw yata ang dapat kong kumustahin." "Siya nga," tugon ko naman. "Ipagpaumanhin mo kung nagambala kita. May itatanong lang sana ako sa 'yo." "At ano naman ang itatanong ng isang suwail na bituin mula sa'kin?" sumbat nito. Mukhang mahihirapan yata ako. Halatang galit siya sa ginawa ko. "Paano ko ba makukuha ang natitirang liwanag mula sa mga taong dating bulalakaw?" Mukhang natigilan siya sa sinabi ko. Ang tagal kasi bago siya sumagot. "Nahihibang ka na Luthan. Sinuway mo na ang ating batas. Ginawa mong isang bulalakaw ang sarili mo kahit hindi mo pa panahon para bumagsak sa lupa. At ngayon, paubos na ang liwanag mo at malapit ka nang mawala. Naghahanap ka ba ng paraan para manatili kang buhay kaya inaalam mo kung paano mangalap ng liwanag mula sa mga dating bulalakaw?" Hanga talaga ako kay Aster. Walang bagay sa kalawakan na hindi niya alam. "Tama ka Aster," tugon ko. "At hindi ko matutupad ang hiling ng taong pinili ko kung wala akong sapat na liwanag." "Bakit hindi mo kayang tuparin ang kahilingan niya? Isa ka ng bulalakaw hindi ba?" "Nagamit ko na kasi ang karamihan sa natitirang liwanag ko... Hindi na ito sapat ngayon para tumupad ng isang hiling..." nahihiyang tugon ko. Alam ko kasing magagalit siya sa sinagot ko. "Mali ang ginawa mo, Luthan," aniya. Sabi ko na nga ba. "Alam mong simula nang tumuntong ka sa lupa ay hindi na kita pwedeng bahaginan ng karunungan ko." Napakamot naman ako sa ulo ko dahil sa sinabi niya. "Ngunit hindi pa naman ako isang ganap na tao! Kaya maaari mo pang sagutin ang mga tanong ko! Aster, sige na naman!" "Hinahanap mo pa siya," pag-iiba niya ng usapan. Natahimik lang ako kasi totoo. "Ang nais mo ay tuparin ang hiling ng taong pinili mo upang maubos na ang liwanag sa katawan mo at nang maging tao ka na upang mahanap mo siya. Ngunit hindi ka sigurado kung magiging ano ka pagkatapos." "Kapag matupad ko na ang hiling ng taong pinili ko, mamamatay na dapat ako di ba? Pero iba ang sitwasyon ko, kasi bumagsak ako sa lupa ng hindi ko pa oras. Kaya hindi ako mamamatay di ba? Magiging tao ako gaya ni Iris di ba?" Pigil-hininga akong naghintay sa sagot ni Aster. Matagal ko na kasing gustong itanong sa isang kapwa ko bituin ang bagay na yun dahil nag-aalala ako sa maaari kong kahinatnan kung sakali. "Ikaw lang ang kilala kong bituin na gumawa nang ginawa mo kaya wala akong alam na sagot para sa tanong mo," aniya. Napatigagal ako sa naging sagot niya. Hindi ko naman alam na may mga bagay pala na hindi masasagot si Aster. "Ngunit paano maaalis sa taong dating bulalakaw ang liwanag sa kanila?" "Alam mo ang sagot diyan, Luthan," sabi niya. "Ano ba ang tanging bagay na meron ang mga tao na wala ang mga tulad natin?" "Pag-ibig," sagot ko agad. Oo. Pag-ibig. Bakit hindi ko naisip yun? Tama nga naman, yun ang kailangan kong gawin. "Tama. Ngayong alam mo na ang gagawin mo, aalis na ako Luthan..." "Sandali lang!" hirit ko pa. "Ano kasi... may tao... may tao akong nasalinan ng konting liwanag ko nang 'di sinasadya. Ano kaya ang kalalabasan noon, ha Aster? Mapapahamak ba siya?" "May tao kang nasalinan ng liwanag mo?" pag-uulit ni Aster sa nilahad ko sa kanya. Mukhang nagalit siya dun sa narinig niya. "Luthan, bakit mo ginawa yun? Alam mong napakasagrado ng liwanag ng isang bituin, ito ang ating buhay---" "Hindi ko naman sinasadya!" giit ko. "Sinasadya mo man o hindi, nilabag mo pa rin ang batas ng kalawakan. Hinayaan mong mapunta sa isang tao ang bahagi ng iyong buhay. Hindi ko alam kung anong mangyayari sa taong yun, ngunit umasa kang magdudulot ito ng gulo. Sana lang ay hindi ito matuklasan ng Tagahatol." Napalunok ako sa sinabi ni Aster. Hindi ako pwedeng matuklasan ng Tagahatol! Kailangan ko pang maging isang tao. Kailangan ko pa siyang mahanap! "Ito lamang ang mapapayo ko sa 'yo Luthan. Iwasan mong mapansin ka ng mga tao habang nandito ka sa lupa. Walang dapat makaalam na isa kang bituin, kahit na ang taong pinili mo. Bilisan mo ang paghahanap sa mga taong dating bulalakaw at may kutob akong malalaman ng Tagahatol ang ginagawa mo. Mas madali ka niyang matutunton kung naglalabas ka pa rin ng liwanag. Tandaan mo na ang pag-ibig ang---" Nabulabog kami ni Aster ng may narinig kaming malakas na ingay. Napalingon ako sa pinanggalingan ng ingay at nakita kong nakadapa sa sahig si Franceli. "Aray!" reklamo niya at tiningnan niya ako. Pero nasilaw siya sa liwanag ni Aster kaya nag-iwas ulit siya ng tingin. "Luthan, nag-text si Steph, papunta na raw dito 'yung guard! Napansin niya siguro itong nakakalokang unli bright lights!" Halatang takot na si Franceli kasi hindi na naman siya makakilos. Nakahiga lang siya sa sahig. "Luthan ano pa ang ginagawa mo? Baka mahuli tayo!" "Ano 'to, Luthan?" tanong bigla ni Aster. "Bakit may kasama kang tao?" "Aster, hindi... magpapaliwanag ako..." Pero muling nagsalita si Aster. "Hindi na kita maaaring tulungan, Luthan. Mag-iingat ka na lang..." "Teka, Aster!" sigaw ko pa pero naglaho na si Aster. Tapos nagsimulang tumulo ang mga patak ng ulan mula sa langit. Kasabay ng pagkawala niya ay ang paglaho ng liwanag na kanina lang ay bumalot sa lugar. Napakurap ako sa pagkawala ng liwanag. Lumakas naman ang ulan at alam kong hindi ko na muling masasamo pa si Aster. "Luthan, baka maabutan tayo ng guard!" Sumisigaw na si Franceli pero nakatulala lang ako sa pagkagulat sa mga nangyari. Nababasa na kami pareho ni Franceli mula sa ulan. At bigla na lang akong hinila ni Franceli pababa ng gusali. [FRANCELI] Hindi pa rin ako maka-get over sa nakita ko kanina. Pababa na kami ng hagdan ni Luthan pero nasa tuktok pa rin ng building ang utak ko. My gosh! Nakakita ako ng isang kakaibang bagay! Yung kausap ni Luthan kanina, korteng tao siya pero gawa sa liwanag ang katawan niya! Siya ba 'yung Aster? Aba'y kulang na lang ay mapakanta ako ng Shine bright like a diamond sa nakita ko! Ang liwanag lang niya na akala ko nga ay mabubulag na ako. Jusko! Sa sobrang liwanag ng Aster na yun ay sigurado akong napansin yun ng guard sa baba! Nasa second floor landing na kami nang bigla namang hinila ako ni Luthan papunta sa madilim na corridor na ikinagulat ko. "Luthan, anong---?" reklamo ko pero tinakpan na niya ang bibig ko. Sisigaw na sana ako nang marinig ko ang footsteps ng ilang tao at hinila pa ako papalayo ni Luthan sa stairs. Nagtago kami sa likod ng mga nakahilerang lockers sa corridor. Sumilip naman ako sa hagdan at nakita kong paakyat ng rooftop ang tatlong nagmamadaling security guards. Sure akong i-inspeksyonin nila ang rooftop para alamin kung ano 'yung nagliwanag doon nang bongga. Baka nga isipin nila may lumanding na dun na spaceship. "Tara, baba na tayo habang nasa taas pa sila," sabi ni Luthan at hinila na niya ako pababa sa first floor. Pero umuulan pa sa labas at napilitan kaming manatili sa loob ng building. Iginiya niya naman ako papunta sa isang classroom. Pinihit niya 'yung pinto. "Lock!" sabi ko. Ngumiti lang doon si Luthan. Ay, pakshet, dinadaan ako sa pang-hearthrob niyang ngiti! Hindi pwede ito! Biglang umilaw 'yung kamay niya at hinawakan niya ang pinto at bumukas na lang yun bigla na parang magic. Pumasok kami sa loob ng room. Dito na lang muna kami hanggang tumila ang ulan. Tinext ko rin si Steph na sumilong lang kami saglit. Naupo ako sa isa sa mga armchairs at pinagmasdan ko si Luthan na sumisilip sa labas ng bintana. "Hoy Luthan, ba't gumagamit ka ng liwanag mo? Akala ko ba di ka pwedeng maubusan niyan?" tanong ko na kasi hindi ko maintindihan ang ginagawa niya. Dapat nagtitipid siya ng liwanag! Conserve energy dapat! "Nag-aalala ka pala sa'kin..." sagot niya. Nagtaas ako ng kilay sa reply niya. "Hindi naman po kasi ako ganun kasama para hindi mag-aalala sa 'yo. Siguro naman kaibigan na kita ngayon di ba?" Lumapad ang ngiti ng loko. "Kaibigan..." pag-uulit niya sa sinabi ko. "Gusto ko yan." Ewan ko ba kung bakit ako nailang sa sinabi ni Luthan. Siguro dahil sa close na kami? O baka dahil nagwagwapuhan talaga ako sa kanya at nire-repress ko lang? Iniba ko ang usapan. "Hoy, Luthan, sabihin mo nga. Nakausap mo naman ba nang matino 'yung Aster na yun? Bakit hindi ko siya narinig na nagsalita?" Totoo naman kasi. Nakikinig kaya ako kanina. Para ngang tanga si Luthan eh. Nagsasalitang mag-isa. "Oo. Nagkausap nga kami. Hindi mo talaga siya maririnig dahil nasa anyong-liwanag siya." Oh. So may ganun? Wala siyang katawan so wala din siyang vocal chords para magkaboses? Is that it? "So ano, nasagot niya ba ang tanong mo?" usisa ko naman. "Alam mo na ba kung pano manguha ng liwanag?" "Tara na, tumigil na ang pag-ulan." At lumabas na nga kami ng building na hindi niya sinasagot ang tanong ko. Si Luthan ang nauunang maglakad sa aming dalawa. At himala, alam na niya agad ang daan pabalik ng gate. Pinagmamasdan ko lang siya habang nakasunod sa kanya. In fairness naman sa kanya, mabilis siyang maka-pick up sa mga bagay-bagay. Ang bilis naming nakapagtago kanina. Tapos parang totoong tao na siya kung magplano at magsalita. Matalino siya at laking pasalamat ko dahil ibig sabihin nito, hindi ako maha-high blood sa kashungahan. "Besh! Luthan!" sigaw ni Steph pagkalabas namin ng gate. Sinalubong niya kami. "Buti safe kayo! Nakita ko din 'yung liwanag sa College of Architecture! Grabe, nakakawindang! Akala ko may spaceship na nag-landing!" Tumawa na lang ako. Naglakad na kami pauwi at di ko na mapigilang magtanong ulit kay Luthan. Nai-excite talaga kasi ako. "Hoy, ano na Luthan? Paano daw makukuha ang liwanag mula sa mga taong dating bulalakaw?" "Oo nga, Luthan, paano?" segunda ni Steph. "Kailangan lang nilang maranasang umibig at ibigin..." matalinhagang sagot ni Luthan. "What?" napatigil naman ako sa paglalakad. Eh paano, hindi ko expected 'yung sagot ni Luthan. Lakas maka-fairy tale ah! "Seryoso? Ang corny ha? Akala ko pa naman bibigyan ka ni Aster ng special na item na pansipsip ng liwanag. Umiling si Luthan. Tinitigan niya ako nang seryoso at namula na naman ako dun. Kung makatitig naman kasi itong si Luthan... Ano bang meron sa mukha ko? Uling? "Di ba tinatanong mo kung bakit hindi masaya na isilang bilang isang tao ang isang bulalakaw?" Tumango ako. Naaalala ko nga ang sinabi niya. Ang sabi niya, yung mga bulalakaw na bumabagsak sa lupa na hindi nakapili ng hiling na tutuparin ay isinisilang na tao. Hindi sila naglalaho tulad ng isang normal na shooting star. Sabi niya hindi daw yun masaya. "Bakit hindi naman yun masaya?" si Steph na ang nagtanong. "Ang pagkakaiba niyo sa amin ay ang kakayahan niyong umibig." "Romantic kasi kami," sabi ni Steph. "Hindi namin nararamdaman 'yang pag-ibig na yan," sabi pa ni Luthan. "You mean manhid kayo?" curious na tanong ko. Wala kaming kakayahan na magmahal,"  aniya. "Dahil ang mga tao lamang ang may ganung kakayahan. Iyon ang katangian niyo na wala kami." "Ah! So... so dahil may natitira pang liwanag sa mga taong dating bulalakaw... you mean... tulad mo, hindi rin sila capable na umibig?" tanong ko pa dahil parang naging interesante naman itong sinasabi ni Luthan. Tumango naman si Luthan doon sa tanong ko. "Oo at hindi. Ang isang taong bulalakaw ay makakaramdam ng pag-ibig at pagtangi sa isang tao, ngunit hahadlangan ito ng liwanag sa katawan niya. Dahil isa siyang dating bulalakaw." Naloka ako dun. "Ibig sabihin, hanggang nasa kanila ang liwanag nila, hindi sila mamahalin ng ibang tao?" "Pwedeng ganun. Basta pipigilan ng liwanag nila na sumaya sila sa pag-ibig." "Kaya pala may mga taong sadyang bigo sa pag-ibig. Siguro dati silang bulalakaw," komento naman ni Steph. Hindi ako makapaniwala na ganun ang realidad ng mga taong dating bulalakaw. Tama nga si Luthan. Ang lungkot nga nun. Naging tao ka nga, pero hindi ka naman sasaya kasi nakatakda kang maging bigo forever sa pag-ibig dahil lang sa liwanag sa katawan mo. Parang hindi ko yata kaya yun. "Kaya para makuha natin ang liwanag nila, kailangang umibig sila at maranasang ibigin sila pabalik..." sabi pa ni Luthan. "Kapag naranasan na nila ang ibigin, kusang lalabas mula sa katawan nila ang liwanag nila." "Wow, exciting!" tili ni Steph sa paliwanag ni Luthan. Tinarayan ko siya. "Anong exciting? Ibig sabihin, mag-aala-Kupido tayo para makakuha ng liwanag? So ano 'to, para mapaibig ko si Reuben, kailangan ko munang maging matchmaker ng mga taong dating bulalakaw?" Kaloka talaga. Pagkadinig ko pa lang sa sinabi ni Luthan, parang ayoko na! "Alam mo besh, kung ayaw mo eh 'di wag mo..." pagsusungit ni Steph. "Tanggapin mo na lang kasi na forever kang bigo kay Reuben." "Ayoko nga! Hindi ako susuko!" sigaw ko naman. Tapos tinuro ko ang puso ko. "Dalisay kaya ang pagmamahal ko kay Reuben! True love 'to!" "Oo na! True love na kung true love!" singhal ni Steph at huminto kami sa paglalakad. "O siya, bye na! Dito na ako!" Yumakap pa kay Luthan ang hitad bago umalis. Naglakad na siya papunta sa kabilang kalsada kung nasaan ang bahay nila. Naiwan kaming dalawa ni Luthan at tahimik kaming naglakad pabalik ng bahay. Wala ng tao sa paligid kaya ang awkward lang. Feeling ko hinahatid niya ako pauwi. "Franceli..." "Hmm?" "Masarap bang umibig?" tanong niya. I found his question awkward and silly, pero naalala kong bituin nga pala siya so hindi pa niya nararanasang umibig. Ang weird lang isipin na may nilalang na tulad niya. "Oo naman, kahit minsan pakiramdam mo wala ng pag-asa," sabi ko habang inaalala 'yung mga hopeless na pagpapapansin ko kay Reuben. Tinitingnan lang ako ni Luthan na para bang may gusto siyang sabihin kaso mukhang nahihiya naman siya. Umiwas na lang ako ng tingin at naglakad na lang kami ulit. Napahinto naman ako bigla kasi may natatanaw akong dalawang pamilyar na lalaki na papalapit sa'min. Feeling ko naestatwa ako sa nakita ko kasi hindi talaga ako makapaniwalang makikita ko siya rito! Yung isa kasing lalaki... Shet, si Reuben mylabs! Bago pa man niya makita si Luthan ay itinulak ko na ang mokong papunta sa garden ng bahay sa tapat namin. "Diyan ka na muna! Wag ka munang lalabas, papalapit si Reuben!" bulong ko sa kanya. Mahirap na, baka makita pa siya ni Reuben at isipin pa nun na boyfriend ko nga si Luthan. Eh di tsugi na ang love life ko di ba? "Franceli!" sigaw ng lalaking kasama ni Reuben. May dala siyang bisekleta. Si Glen. Classmate ko rin siya at pinsan siya ni Reuben. Siya ang pinaka-close dito. Tahimik lang na nakasunod kay Glen ang future boyfriend ko. Ang gwapo niya talaga at feeling ko aatakehin na naman ako ng syndrome ko. "Franceli?" untag sa'kin ni Glen at bumalik ang kaluluwa ko mula sa paraisong si Reuben ang naka-feature. "Nakatulala ka na naman kay Reuben," komento ni Glen. Tinawanan pa ako ng loko. "Ano pala ang ginagawa mo dito eh gabing-gabi na? Wala ka pang kasama!" Mabuti pa si Glen at concerned sa'kin. Sabagay, mabait naman talaga sa akin si Glen. Siguro kasi naaawa siya sa pagkakabigo ko sa pinsan niya. Nagawa ko pang magsalita kahit nasa harapan ko si Reuben. "Nagpapahangin lang... Eh kayo, napadpad kayo rito?" Tinitigan ko si Reuben pero nakatingin lang siya sa malayo. Pakipot talaga 'tong future boyfriend ko. "Ibibigay ko lang 'to... Galing kami sa bahay niyo pero walang tao dun. Buti nakita ka namin..." napakamot pa sa ulo niya si Glen. May inabot siyang poster sa'kin. Hindi ko na yun binasa kasi kinakabahan ako sa presence ni Reuben. "Sali ka ah! Alam kong magaling ka kaya sumali ka! Sasali rin si Reuben! Kaya sumali ka na!" Nanukso pa talaga eh no. "Sige..." matipid kong sagot kahit parang sasabog na yung obaryo ko sa sobrang kilig. Sinulyapan kasi ako ni Reuben! Watdapak! Pwede na akong mamatay! "Bye Franceli, see you!" Nagpaalam na silang dalawa samantalang ako ay parang batong nanigas sa kinatatayuan ko. Narinig ko pang tumawa si Glen habang papalayo sila. Noong sigurado akong wala na sila ay saka ako nagtatalon sa kilig. Grabe, pinuntahan talaga ako ni Reuben! [LUTHAN] Lumabas na ako sa pinagtataguan ko pagkaalis ng dalawang lalaki. Mula sa puwesto ko ay nakita ko rin naman 'yung dalawa at alam ko na 'yung Reuben 'yung hindi nagsalita. Hindi ako natutuwa na itinago ako ni Franceli sa lalaking yun. Hindi ko rin alam kung bakit. "Yun pala si Reuben," sabi ko nang makapasok na kami sa bahay ni Franceli. "Ang gwapo niya 'di ba?" parang kinikiliti pang tugon ni Franceli. "Hindi rin..." sagot ko para inisin siya at inirapan niya ako. Panay pa rin kasi ang tili niya. Habang tinitingnan ko siyang masaya, para bang may biglang umusbong sa loob ko na kakaiba. Hindi ko nagugustuhan na natutuwa ngayon si Franceli nang husto. Ganito ba ang pakiramdam ng naiinis?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD