Chapter 28

2202 Words
[LUTHAN] Isang bangungot. Isang buhay na bangungot ang nangyayari ngayon. At kasalanan ko ang lahat. Malamang ay nalaman na ni Luna na gumamit ako ng liwanag upang makausap ko si Aster. At ngayon binibigyan niya ako ng parusa. Nakita kong nababalutan ng kakaibang liwanag sina Kuya Ferdie at Franceli. Hindi ito tulad ng liwanag na taglay ng mga bituin. Ang liwanag na ito ay nakakapangilabot. At alam kong panganib lang ang dulot nito sa magkapatid. *** Pauwi na ako ng bahay nang makita ko si Reuben. Naglalakad siya papunta sa direksyon ng bahay nina Franceli. Nagtaka ako dahil kalaliman na ng gabi ngunit nasa labas pa rin siya. Dahil nagtaka ako, hindi ako nagpahalata na sinusundan ko siya. Ilang hakbang na lang siya mula sa bahay nang mapahinto siya. Nagtago pa siya sa may trash can. Nakakapanibago na nga talaga ang mga ikinikilos niya nitong mga nakaraang araw. Ano kaya ang nangyayari sa kanya? Hindi nagtagal ay bigla siyang napatayo at naglakad ulit. Parang may nakita siya na sinundan niya. At nakita ko rin kung sino ang sinundan niya. Sina Kuya Ferdie at Franceli! Hindi ako makapaniwala! Magkahawak kamay na naglalakad palayo mula sa bahay! Nakihabol din ako dahil agad akong kinutuban nang masama sa nakikita ko. Kita kong tahimik na sumusunod si Reuben sa dalawa. Hindi tulad ko, wala siyang ideya na nasa peligro na ang dalawa dahil hindi niya naman nakikita ang nakapangingilabot na kakaibang liwanag na bumabalot sa magkapatid. Natanaw kong patuloy sila sa paglalakad hanggang sa highway. Hindi sila tumitigil sa paglalakad, na ikinatakot ko. Gusto kong gumamit ng liwanag ko upang mapigilan sila. Ngunit natatakot akong baka may gawin na naman ulit si Luna kina Franceli kapag ginawa ko yun ngayon. Binalaan na niya ako dati. Ang sabi niya, may mangyayari kina Steph at Franceli sa oras na gumamit pa ako ng liwanag ko. At ito na nga yun. "FRANCELI!" Sumigaw na si Reuben. Mukhang naramdaman na niyang may mali, na wala sa katinuan ang magkapatid. Ngunit hindi pa rin tumigil sa paglalakad ang dalawa. Hindi ko na rin sila natiis. Tinawag ko na sila. "FRANCELI!" Napatakbo na ako papunta sa kanila. May paparating na higanteng truck! "FRANCELI!" Sabay pa kaming sumigaw  ulit ni Reuben. Nakita niya na rin ako. Ilang hakbang na lang at masasagasaan na sila. Hindi na ako nagdalawang-isip pa. Wala na akong pakialam kung anong susunod na mangyayari. Ang mahalaga ay mailigtas ko sina Kuya Ferdie at Franceli. Tumakbo ako nang mabilis. Pinilit kong mahablot ang kamay ni Franceli upang mahila ko siya pabalik sa gilid ng kalsada bago pa man sila mahagip ng truck. Nalaman agad ni Reuben na yun ang gagawin ko kaya tinulungan niya ako. Dahil mas malapit na siya sa dalawa, tinakbo na niya si Franceli at naabot niya ang isang kamay nito. Ako naman, hinila ko rin si Reuben pabalik, kaya nahila naming dalawa ang mag-Kuya pabalik sa kaligtasan. Napapreno pa 'yung truck bago kami lahat tuluyang matumba sa gilid ng kalsada at nakita kong tumama ang ulo ni Kuya Ferdie sa semento. [FRANCELI] Nagising akong nasa kwarto. Umaga na. Sumasakit ang ulo ko at bigla kong naalala iyong panaginip ko kagabi. Teka, binangungot ba ako kagabi? O talagang totoong nangyari yun? Teka, ano bang nangyari? Napansin kong may nakataling benda sa kaliwang braso ko at naramdaman kong masakit ito. What? Bakit may galos ako? Saan ko nakuha ito? So totoo nga ang mga nangyari kagabi? Hindi iyon masamang panaginip lang? Dahil sa kaba ko, agad akong bumaba sa sala. Kailangan kong ma-confirm kung totoo nga ang mga nangyari o hindi. At yun na nga, may nakita akong natutulog sa sofa. Akala ko si Luthan iyon kaya nilapitan ko siya. "Hoy, Lutha--- REUBEN?" Napasigaw ako sa pagkakabigla kasi si Reuben mylabs ang nakahiga sa sofa! Bakit siya nandito? At bakit dito siya natutulog? Napalakas naman yata ang sigaw ko dahil napabalikwas naman bigla si Reuben ng bangon. "O, gising ka na pala," sagot niya na parang nahiya naman bigla. "Bakit? Paanong---? Why?" Hindi na ako makapagtanong nang diretso dahil nalilito pa rin ako sa mga nangyayari. Paano ba namang hindi. Si Reuben, andito sa bahay? Lalo tuloy akong naguluhan, dahil itong eksenang ito ay talagang sa panaginip ko lang nasasaksihan! "Si Luthan na ang magpapaliwanag sa 'yo sa mga nangyari," sagot naman ni Reuben sa gulat na reaction ko. Kahit papano ay naintindihan niya siguro kung ano-ano ang mga gusto kong itanong. "Si Luthan? Asan nga pala siya?" "Nasa kwarto ng Kuya mo. Binantayan niya ang Kuya mo buong gabi." Pagkasabi nun ni Reuben ay agad din akong napaakyat ng kwarto ni Kuya. Naalala ko kasi, dun sa panaginip ko, nasaktan din daw siya... No... Sana panaginip lang talaga yun. Hindi na ako kumatok sa pinto ni Kuya at dumiretso na ako sa loob. Nandoon nga si Kuya, tulog pa rin na nakahiga sa kama niya at may mga benda din sa ulo. Tapos nakita kong nakahiga naman si Luthan sa sahig. "Kuya!" gising ko sa kapatid ko pero hindi siya nagising. "Anong nangyari?" kinakabahan pa na tanong ko sa kanya. Pero hindi talaga nagigising si Kuya. Tiningnan ko 'yung benda sa ulo niya. Sisilipin ko na sana kung gaano kalaki ang sugat nya kaso bigla akong pinigilan ni Luthan na nagising na rin pala. Sa kanya tuloy ako bumaling. "Luthan! Anong nangyari kay Kuya? At 'yung kagabi, ano ba ang nangyari kagabi?" "Kumalma ka lang Franceli---" "Paano ako kakalma?" sabi ko. "Paano ako kakalma kung walang malay ang Kuya ko at may malaki siyang sugat sa ulo niya? Tapos parang totoo lahat ng nangyari kagabi?" "Totoo ang nangyari kagabi, Franceli," mahinang sagot ni Luthan na nakayuko. "ANO?" "Totoo lahat yun. Hindi ka nanaginip. Maski si Reuben nakita lahat nang nangyari." Naguluhan ako. "Paano nangyari yun?" tanong ko habang malakas ang kabog ng dibdib ko. Ibig sabihin kasi, totoo ngang parang wala sa sariling dinala ako ni Kuya sa may highway kagabi at parang hindi namin kontrolado ang mga katawan namin. At totoo ring muntik na kaming masagasaan ng isang truck at lalong totoong nauntog si Kuya sa semento. "Ang Tagahatol, Franceli," sagot ni Luthan. "Kagagawan niya ito. Nagsisimula na siyang kumilos upang maparusahan ako. Patawad dahil nadamay kayo." Nagulat ulit ako dahil lumuhod sa harapan ko si Luthan na ikinataranta ko. Anak ng kundol at patola, bakit naman umeeksena pa ang Tagahatol na yan? Pinatayo ko si Luthan na naiyak na pala kaya niyakap ko siya. "Patawad, Franceli," hikbi niya bigla sa akin at kumirot ang puso ko. "Kasalanan ko ito. Naging pabaya ako..." "Hindi mo ito kasalanan," pag-alo ko sa kanya. "Tahan na Luthan. 'Wag mo nang sisihin ang sarili mo." Tumango siya at pinahid na niya ang mga luha niya. Ako naman, hindi ko na alam kung ano itong nararamdaman ko. First time ko kasing magpatahan ng lalaking umiiyak at hindi ko talaga alam ang gagawin. Alam kong bituin si Luthan pero ngayon ko lang siya nakitang ganito--- na nalulungkot at umiiyak nang todo. Simula kasi nang magkakilala kami, hindi ko pa siya nakitang nag-break down, and somehow, pakiramdam ko totoong tao na talaga siya ngayon dahil sa nangyari. Bakas din kasi sa mukha niya ang takot. "Franceli..." "Ano yun?" nagtatakang tanong ko dahil parang may gusto pa siyang sabihin sa'kin. Titig na titig siya sa akin dahilan para mailang ako bigla. "Ano kasi..." "Ano yun?" "May gusto sana akong ipagtapat sa 'yo---" sagot niya pero nauutal naman siya. Alam ko namang imposible pero ewan ko ba, in-expect ko na sasabihin niya na gusto na niya ako kahit malabong mangyari. Nainis tuloy ako sa sarili ko. "Oy, bakit kayo nag-iiyakan diyan?" dinig kong sabi ni Kuya at napalingon kami ni Luthan sa kanya. "KUYA!" sigaw ko sa tuwa at agad akong lumapit sa kapatid ko para yakapin siya. "Sa wakas gising ka na! Pinakaba mo naman kami!" Natawa si Kuya. "Ano bang nangyari?" tanong niyang seryosong nakatingin sa'min ni Luthan. "Bakit ako may sugat sa ulo? Dont tell me totoo iyong panaginip ko kagabi?" "Kuya, nag-sleep walk po kayo kagabi," sagot ni Luthan sa kanya. [LUTHAN] Kinailangan kong sabihin kay Kuya Ferdie na nag-sleep walk siya. Kahit naman kasi sabihin ko ang totoo, hindi sila maniniwala sa akin kaya yun na lang ang sinabi ko. Nakuha ko ang ideyang yun kay Reuben. Akala niya kasi yun ang nangyari kagabi kay Kuya Ferdie. Kinilabutan nga siya sa nangyari at halatang nag-aalala rin siya para kay Franceli. Kaya kahit na naiinis ako sa kanya, pinasalamatan ko siya sa ginawa niya dahil siya naman talaga ang nagligtas sa dalawa. Ang sabi niya, may mga tao raw talagang nagi-sleep walk, o 'yung kumikilos at naglalakad kahit tulog na pero bihira raw ito. Sa katunayan nga raw, hindi nga raw siya naniniwala rito kung hindi niya nakita 'yung nangyari kina Kuya Ferdie at Franceli kagabi. Hindi raw siya makapaniwala na may dalawang tao na sabay na nag-sleep walk, kaya sinabi kong parang gising naman si Franceli kasabi at hindi lang niya alam ang gagawin para mapahinto ang Kuya niya. Mabuti naman at nakumbibnsi ko doon si Reuben, kaya kahit mali siya ng hinuha ay hindi ko na siya tinama dahil mas mabuti na itong ganitong wala silang alam tungkol sa tunay na nangyari. Hangga't maaari ay gusto ko sanang ako lang ang may alam sa totoong nangyari upang hindi na lumala ang sitwasyon. Kaya ang alam nila, nag-sleep walk lang ang dalawa. Alam kong hindi sila makapaniwala sa nangyari pero mabuti na rin at hindi na nila ito pinansin pa. Nagkasundo silang huwag na itong pag-usapan pa lalo na at okay na naman sila. Nagagawa na ngang magbiro ni Kuya Ferdie tungkol dito at maski si Reuben ay mukhang hindi na naguguluhan sa nangyari. May pinag-uusapan sila ni Franceli na silang dalawa lang at hindi ko naiwasang mainis. Nakakaasar na nga itong pakiramdam na ito eh. *** Hindi nagtagal at dumating sa bahay si Luna na mukhang nag-aalala para kay Kuya Ferdie. Agad niya itong inasikaso doon sa kwarto niya na para bang hindi siya ang may kagagawan ng insidente. Ako naman, pinigilan ko na lamang ang sarili ko pero kanina ko pa siya gustong sugurin. Kung hindi lang siya ang Tagahatol, kanina ko pa siya sinugod sa galit ko. Itinuon ko na lamang ang atensiyon ko kay Franceli na nakikipag-usap ngayon kay Reuben. Naroon sila sa sofa at nag-uusap nang masinsinan. Ako naman ay nagtungong kusina upang maghanda nang makakain namin. Nakita ko namang pumasok si Luna sa kusina at kumuha siya ng dalawang tasa at nagsimula na siyang magtimpla ng kape. "Alam mo na siguro ngayon Luthan, kung ano ang kaya kong gawin," saad niyang nakangiti sa'kin. Napakuyom ako ng aking mga kamao sa sinabi niya. "Huwag mo na sabi silang idamay," galit na sagot ko sa kanya. Mahina lang ang mga boses namin dahil pareho naming ayaw marinig nina Franceli. "Gumamit ka ng liwanag. Kaya kinailangan kong kumilos. Alam mo, ayoko sanang saktan si Ferdie dahil natutuwa ako sa kanya. Kaso hindi ka nakinig sa banta ko sa 'yo." "Hindi na ako gagamit ng liwanag. Pangako. Basta 'wag mo na ring ulitin yun." Natawa si Luna. Naglalagay na siya ng asukal sa mga tasa. "Wala ka sa posisyon para pangunahan ako, Luthan." "Ano bang gusto mo? Bakit mo ba hinaharangan ang pangongolekta namin ng liwanag?" Sumeryoso si Luna. "Dahil nahihibang ka na. Gusto kong makita mo kung gaano kahirap itong pinasok mo." Nanlaki ang mga mata ko sa mga tinuran niya. "Anong ibig mong sabihin?" "Naiinis ako sa mga tulad mong suwail, Luthan," sagot ni Luna. "Bilang tagapagpatupad ng mga batas ng kalawakan, sa lahat ng ayoko ay ang mga gumagambala sa agos ng kalawakan. Mga tulad mong nahihibang at naniniwalang magiging tao sila..." "Posible iyong mangyari," giit ko. "Kalokohan. Ilang bituin na ba ang sumubok na maging tao? Ilan na ba ang gustong umibig? At may nagtagumpay ba? Wala! Dahil kahit anong gawin natin, tayo ay mga nilalang ng kalangitan. Hindi tayo maaaring maging tao. O umibig. Yun ang batas, Luthan." "Pero alam mong may mga taong dating mga bulalakaw," kontra ko sa sinabi niya. "Kaya hindi malabong mangyari na ako ay maging ganap na tao rin!" Tumawa lang ulit si Luna sa sinabi ko. "Ang mga bulalakaw na naging tao ay mga taong may sumpa ng kalangitan. Kaya habang may liwanag sila, hindi sila makakaranas ng tunay na pagmamahal. At nangyayari ito upang maging balanse ang lahat. Kaya tutol ako sa pangongolekta niyo ng liwanag. Para niyo na rin kasing sinisira ang balanse ng lahat ng bagay, at iyon ang hindi ko mapapatawad." "Ngunit paano kung tama ako? Paano kung posible ngang maging tao talaga ako? Yung may kakayahang umibig? Ano ang gagawin mo?" "Imposible!" "Papatunayan kong mali ka..." hamon ko sa kanya at parang nainis doon si Luna. "Gawin mo ang nais mo. Yan ay kung kaya niyong makuha ang liwanag kina Ella at Xander. Pipigilan ko kayo. Sisiguraduhin kong maglalaho ka sa kabilugan ng buwan." "Patutunayan ko naman sa 'yong mali ka," sagot ko rin. Magsasalita pa sana si Luna kaso may narinig kaming boses at nakita ko si Franceli na nakatayo na pala sa likod ko. "IKAW PALA ANG TAGAHATOL?" hindi makapaniwalang tanong ni Franceli bago niya sinugod si Luna at sinabunutan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD