Chapter 29

2899 Words
FRANCELI Minsan, iniisip ko kung inampon lang ba ako ng mga magulang ko. Eh kasi naman, parehong matalino ang Mommy at Daddy ko. Lalo naman si Kuya na grumaduate ng college with flying colors. Kaya minsan lang talaga, well minsan lang naman, iniisip ko kung saan ko namana itong katangahan ko. Hindi ko ito nakuha sa pamilya ko panigurado. Kaya gusto ko silang tanungin kung ampon lang ba ako. Eh kasi naman, bakit hindi ko naisip na pwedeng si Luna ang Tagahatol? Bakit hindi sumagi sa isip ko na posible ngang nasa paligid lang namin ang Tagahatol? All along, nasa tabi ko lang pala siya at nakakasalamuha! At ang kapal ng fess niya ha? Talagang dumikit siya kay Kuya! Kaya nang marinig ko ang katotohanan kanina habang nag-uusap sina Luthan at Luna sa kusina ay hindi na talaga ako nakapagtimpi. Sinugod ko na siya. Sinabunutan ko siya. Talagang napasigaw na ako sa galit. "Walang hiya ka! Ikaw lang pala ang Tagahatol leche kang babae ka! Ikaw ang dahilan kung bakit muntik na kaming maaksidente kagabi!" "Franceli! Tama na!" ani Luthan pero hindi ako nakikinig sa kanya. Nanggigigil kasi ako. Kaya itinodo ko pa ang p*******t kay Luna na himala namang parang hindi nasasaktan. Wala siyang reaction sa p*******t na ginagawa ko sa kanya at nagulat ako dun. Ang taray niya kasi! Pati pala sa pisikalan, no comment siya? Aba, siya nga si Luna Anaesthesia! Tuluyan na akong naawat ni Luthan mula sa p*******t ko kay Luna. Hinawakan niya kasi ako sa braso. At si Luna naman, inayos na niya ang kawawang buhok niyang ginulo ko at nawindang pa ako dahil ngumiti pa siya sa akin. Kumbaga sinisindak niya ako sa 'manhid-manhiran epek' niya ngayon sa'kin. "Ano, Franceli, tapos ka na?" tanong ni Luna sa'kin. "Okay ka na ba?" Hindi ako nakasagot. Ewan ko ba, biglang umurong ang dila ko nang magsalita na siya. Hindi ko maintindihan, para akong nangilabot. Yung pananalita niya kasi ngayon, kakaiba. Parang ngayon ko lang siyang narinig magsalita nang ganito. "Luna, 'wag mo na sanang palakihin ito," pakiusap ni Luthan. " nakikiusap ako. Nabigla lang si Franceli. Wag mo na sana siyang parusahan." Ngunit umiling lang si Luna. "Kailangan ko siyang parusahan, Luthan. Hindi pwedeng may taong nakakakilala sa'kin kaya dapat ay may gawin ako sa pangyayaring ito." Lumakas ang kabog ng dibdib ko doon. Oh no! Paparusahan niya ako? Ano naman kayang klaseng parusa yun? Katulad ba nang ginawa niya kagabi? Ayoko! Iniisip ko pa lang na mangyayari ulit ang ganun ay nangingilabot na 'ko! Nabigla naman ako nang makita kong lumuhod si Luthan sa harapan ni Luna. Pati si Luna ay nabigla rin doon. "Maawa ka naman..." pakiusap pa ni Luthan Kay Luna na mangiyak-ngiyak na at parang kumirot ang puso ko sa ginawa niya. Talagang lumuhod pa siya sa harapan ng Tagahatol para lang mailigtas ako. Oh, Luthan! Bakit ganyan ka sa akin? "Kailangan kong sundin ang batas ng kalawakan," ani Luna. Sinamaan ko siya ng tingin. Kung hindi lang ako nangangamba sa kaya niyang gawin, baka bumunot na ako ng kutsilyo at pinagsasaksak ko na siya. Nagagalit na kasi ako. Nagagalit ako hindi lang dahil sa siya ang Tagahatol na gumugulo sa amin ni Luthan. Mas nagagalit ako dahil wala siyang puso. Lumuhod na nga sa harapan niya si Luthan pero hindi niya pa ito mapagbigyan. Hindi ba naaantig ang puso niya na ang isang napakabait na tulad ni Luthan ay nagmamakaawa na sa kanya? "Ako na lang ang parusahan mo," pagsusumamo pa ni Luthan sa kanya ngunit hindi rin siya pinakinggan ni Luna. Kaya hindi ko na kinaya ang eksena. Hindi ko na kayang tumayo na lang habang nakikitang nagmamakaawa si Luthan. Kaya ang ginawa ko, itinayo ko siya at hinawakan nang mahigpit sa mga kamay niya. Halata sa mukha ni Luthan ang takot at pangamba kaya lalo akong naawa at nalungkot. "Hoy, Luna," singhal ko sa kanya. Pinilit kong magtapang-tapangan dahil hindi pwede itong mga nangyayari. Hindi pwedeng basta-basta na lang darating itong si Luna sa buhay namin at guguluhin kami ni Luthan. Kung tutuusin, madali naman ang bigyan ng love life ang mga dating bulalakaw. Naging mahirap lang ngayon dahil umeksena si Luna. Nginitian ulit ako ni Luna. "Bakit, may sasabihin ka ba, Franceli? Bago ko tuluyang burahin ang memorya mo?" "Wag!" protesta ni Luthan. "Gawin mo ang gusto mo," hamon ko kay Luna. "Burahin mo ang memorya ko! Pero papayag lang ako kung papayag ka rin na lulubayan mo na si Kuya at aalisin mo na kung ano mang gayuma ang binigay mo sa kanya! O bakit, nagulat ka? Na alam kong ginayuma mo lang si Kuya? Well FYI kahit totoong tao ka, hindi ka papatulan ni Kuya!" "Aba, malakas din ang loob mo!" sabi niya. "Alam mo ba kung anong kaya kong gawin sa 'yo at sa Kuya mo?" "Eh 'di gawin mo!" sigaw ko na. "Ano pang hinihintay mo? Gawin mo na! Ano, hanggang banta ka lang? Saka ano ba talaga ang gusto mo? Di ba Tagahatol ka? O, hulihin mo na si Luthan! Bakit hindi mo pa siya hulihin? Akala ko ba yun ang ginagawa mo?" "Franceli, 'wag mo na siyang galitin pa," pakiusap na rin sa'kin ni Luthan pero nagpatuloy lang ako. "Teka lang, Luthan! Marami pa akong gustong sabihin dito!" turo ko kay Luna. "Hoy, ikaw, Luna Anaesthesia! Palagi mong sinasabing may sinusunod kang batas, pero ikaw mismo hindi mo yun sinusunod!" "Ano?" tanong ni Luna sa sinabi ko. "Anong sinasabi mo diyan?" "Kung naparito ka para hulihin si Luthan, hulihin mo na siya! Bakit mo pa hihintayin ang kabilugan ng buwan? Kung talagang ganun katindi 'yang batas ng kalawakan na yan na dapat niyong sundin, eh bakit mo pa pinatatagal ang paghuli kay Luthan? At bakit nakikisalamuha ka pa sa mga tao? Bakit mo ginagayuma ang Kuya ko? Pwede ba yun sa batas ng kalawakan?" Hindi nakasagot si Luna. Sabi ko na nga ba tama ako. Nakatingin lang siya sa'kin na nanlalaki ang mga mata. "Wala akong alam tungkol sa 'yo o sa mga batas niyo. Pero hindi ako ganun katanga, Luna. Kung bawal lahat ng ginawa ni Luthan, at bawal na malaman ko ang tungkol sa 'yo, malamang ibig sabihin nun bawal nga talagang makisalamuha ang mga tao sa 'yo. At siyempre vice versa! Ibig sabihin, bawal din 'yung ginagawa mo 'di ba? Hindi ka pwedeng makialam sa mga tao! Sa tulad lang ni Luthan meron kang jurisdiction! Ano? Tama ako 'di ba?" "May dahilan kung bakit ko ginagawa ang ginagawa ko," sagot niya. "May dahilan din si Luthan!" sumbat ko naman. "Parehas lang kayo! Kaya kung may kasalanan kami, may kasalanan ka rin! Kung parurusahan mo kami, parusahan mo rin ang sarili mo!" Natahimik si Luna sa speech ko. Si Luthan naman, nakatingin sa'kin na parang namamangha na kinakabahan din sa maaaring mangyari. "Anong gusto mong parusa para sa'kin?" tanong niya na ikinabigla ko rin naman. "Maglaho ka! O 'di kaya ay maglagay ka ng temporary restraining order sa sarili mo! Oo, yun na lang! Bawal mo kaming galawin o lapitan isang kilometro mula sa lahat ng direksyon! Ganern!" Napatawa siya sa sinabi ko. "Kalokohan!" "Kasi loka-loka ka! O ano? Gusto mo ng hustisya 'di ba? Gusto mo ng balanse? Pwes parusahan mo ang sarili mo sa pakikialam mo sa buhay ng Kuya ko. Gawin mo na yun at papayag na akong maparusahan mo rin!" Parang nagdalawang-isip si Luna dahil alam niyang may point ako. Halata na nag-isip siya nang mabuti bago siya sumagot sa akin. "Alam kong sinabi mo lahat iyon upang palampasin ko itong kasalanan mo, Franceli. Sige. Tutal tama ka. Ako rin, ay lumabag sa batas. Ngunit gusto kong malaman niyo, lumabag ako dahil kailangan ko." "Yun nga ang sinasabi sa 'yo ni Luthan! Lumabag din siya sa batas niyo dahil kailangan niya rin!" "Hindi mo na ba parurusahan si Franceli?" tanong naman ni Luthan. "Hindi na. Pero kapalit nun, aalis ka na ng bahay na ito, Luthan. Hindi na kayo magkakasama ni Franceli." Nanlaki ang mga mata ko sa narinig ko. "What?" LUTHAN Pumayag na rin ako sa sinabi ni Luna. Wala rin naman akong mapagpipilian. Kesa naman sa mapahamak si Franceli. Tapos na ang naging pag-uusap naming tatlo. Naglalakad na kami ngayon papunta sa school niya. Hinahatid ko siya at kanina pa siya tahimik. "Ang tahimik mo," komento ko sabay kurot sa pisngi niya. "Eh paano naman kasi. Kailangan mo nang umalis ng bahay. At kasalanan ko kasi nalaman ko na si Luna Anaesthesia pala ang Tagahatol." "Aalis lang ako. Hindi pa naman tayo magkakahiwalay." Hinigpitan ko ang hawak ko sa kamay niya kasabay nang pagkakasabi ko nun. Ngayon ko lang kasi naisip, ito na ang huling beses na maihahatid ko siya sa school niya. "Talaga? Hindi ka mawawala?" Tumango akong nakangiti. Ngiti ako nang ngiti at tawa ako nang tawa para hindi siya malungkot. Para maramdaman niyang ayos lang ang lahat. Kahit hindi naman talaga ayos ang pag-alis ko. Ayoko kasing umalis. "Nangako ako sa 'yo Franceli. Hindi kita iiwan. Malayo man ako, hindi ibig sabihin nun iiwan na kita." "Aba dapat lang!" sagot niya naman na pinipilit lang na ngumiti. Parang naiiyak na rin siya. "Saka, ako pa rin naman ang fake girlfriend mo 'di ba? At ikaw pa rin ang Star Boy ko?" Napatigil ako sa sinabi niya. "Star Boy?" Parang namula naman siya doon. "Yun kasi ang tawag ko sa 'yo minsan. Hindi mo lang alam..." "Ah. Sige. Pangako. Ikaw pa rin ang kasintahan ko kahit na peke lamang iyon. At ako pa rin ang Star Boy mo." Nagtaas pa ako ng kanang kamay ko na parang namamanata at natuwa naman siya doon. "Eh saan ka na niyan titira?" "Sa Ortigas. May pera naman ako mula sa modelling. Magpapakuha ako kay Maam Ella ng condo." "Wow, sosyal. Bigla na lang may condo ka na! Iba talaga ang fast-rising model of the year!" "Naku, 'wag mong gamitin yan at nahihiya ako." "Hindi ka dapat mahiya sa achievements mo Luthan! Parte yan ng pagiging tao! Dapat pa nga ika-proud mo yun!" "Kung sabagay..." "Pero bakit pala doon mo napiling tumira? Ang layo nun mula dito ah!" reklamo niya. "Ang dami namang condo at mga apartment dito lang din malapit sa school." "Mas mabuti na yun at nang wala nang masabi pa si Luna. Saka magiging kapitbahay ko si Maam Ella doon. Mababantayan ko siya." "Ah. Oo nga no? Eh kelan ka lilipat?" "Bukas," sagot ko. "Bukas na? Bakit ang bilis naman?" "Mahalaga ang oras, Franceli." Tumango siya. Pero napansin kong basa na ang gilid ng mga mata niya at bigla niya akong niyakap. Magkahalong lungkot at tuwa ang naramdaman ko dun. "Mami-miss kita at ang kainosentihan mo, Luthan" aniya. "Di bale, wala na akong sasayangin na oras. Kanina sa bahay nag-usap na kami ni Reuben. Magkikita kami mamaya para makapag-isip ng paraan kung paano manliligaw si Xander kay Lacie." Tumango na lang ako. "Ako naman, mag-aayos na ako ng mga gamit ko mamaya." Nagkangitian kami doon. Tapos magkahawak-kamay kaming dumating sa school nila. Nakita kong nakaabang si Reuben sa may gate kaya agad bumitaw sa'kin si Franceli. Ngumiti siya kay Reuben at kinawayan naman siya nito. "Bye, Luthan, see you later," paalam niya at tumakbo na siya papunta kay Reuben. Ako naman, pinagmasdan ko na lang siyang tumakbo palayo sa'kin. FRANCELI Hindi naging productive ang araw ko sa school. Naiinis na nga ako eh. Ang sabi kasi ni Reuben, kinausap na niya si Xander na makipagkita sa'ming dalawa sa cafeteria kapag nag-lunch break para malaman ko kung ano ba talaga ang problema niya. Kaso hindi sumipot si Xander. Nag-text lang ito sa stepbrother niya. Nahihiya raw ito sa'kin. Lalo tuloy akong nainis. Kaya ang ending, dalawa lang kaming kumain ni Reuben ng lunch. Nagkita rin kami sa cafeteria ni Luna. Kasama niya si Lacie. Ngayon ko nga lang napansin na si Lacie lang talaga ang bff niya dito sa school. Malamang sinadya niyang mapalapit kay Lacie. Sana naman wala rin siyang hokus-pokus na ginagawa kay Lacie. Hindi kami nagpansinan kahit nasa kabilang table lang siya. Panay ang tingin niya sa'kin pero hindi ko na lang inintindi. Naisip ko kasi na hindi ako dapat magpapaapekto sa kanya. Kailangan kong mag-focus kina Xander at Lacie. Na hindi ko rin naman nagawa dahil wala nga si Xander. "Ayaw mo ba sa pagkain?" tanong ni Reuben. Hindi ko na kasi ginagalaw ang pagkain ko. "Ha? Diet lang," palusot ko na lang. "Nagda-diet ka ba? Parang hindi naman kita dati nakikitang hindi kumakain. Magana ka kayang kumain." Bigla akong nainis sa sinabi ni Reuben. First time yata na nainis ako sa kanya nang ganito. Nakakainis kasi siya. Hindi niya man lang talaga pinilit na isama dito si Xander kahit sinabi kong importante ito para sa akin. Ang sabi ko kasi, ginagawan ko na psychological study ang dalawa para sa isang major subject namin. Pero hindi niya man lang kinulit ang stepbrother niya. Pagkain ko tuloy ang napapansin niya. "Napapansin mo pala ako dati? Himala ah!" sagot ko na lang na nabadtrip. *** Mabagal ang mga hakbang ko pauwi kasi nalulungkot ako. Nalulungkot akong wala akong magandang balita para kay Luthan. Gusto ko sana, bawat pag-uwi ko, may makukwento akong ginawa ko para kina Xander at Lacie at nang matuwa na man lang siya sa'kin. Kaso wala. Puro problema lang tuloy ang dala ko. Dahil sa'kin napaalis pa siya ng bahay ng wala sa oras. Walang tao sa bahay pagdating ko. Tinawag ko sila ni Kuya pero walang sumagot. Ako naman itong paranoid ay dumiretso ako sa kwarto ni Luthan. Bukas ang pinto kaya pumasok ako agad. Kaso wala siya roon. Ang nandun lang ay 'yung mga gamit niyang nakaempake na. Natawa pa ako nang konti kasi sa isang malaking plastic bag ng Puregold niya nilagay ang mga damit niya. Eh transparent ang plastic ng Puregold. Kita tuloy 'yung mga boxer shorts niya sa loob. Wala man lang siyang maleta. Hinanap ko siya kaso di ko siya makita. Nataranta tuloy ako. Baka kasi umalis na siya ng hindi nagpapaalam. "LUTHAN!" sigaw ko sa buong bahay. "Asan ka?" Napaiyak na ako habang palabas ulit ng bahay. Hindi man lang kasi ako nakapagpaalam sa kanya. Patakbo na ako palabas ng gate kasi baka nasa may sakayan pa lang siya ng jeep at baka mahabol ko pa siya. Kaso narinig ko na ang boses niya. "Franceli! Dito! Sa taas!" sigaw niya at nakita ko siyang nasa bubong namin. "Anong ginagawa mo diyan? At pano ka napunta diyan?" tanong kong gulat na gulat. "Dito ako natulog kanina!" masayang sagot niya. "Presko kasi ang hangin!" "Eh saan ka umakyat?" "Sa puno ng bayabas!" turo niya sa puno. Meron kasi kaming puno ng bayabas na nakadikit sa gilid ng bahay namin. Kung aakyatin mo nga ito, mararating mo ang bubong. Kaya ako, parang bata akong umakyat papunta kay Luthan. Pagkarating ko sa bubong, nakita kong maganda nga ang pwesto namin kasi hindi na mainit tapos mahangin pa. Naupo ako sa tabi niya. "Nagpaalam na ako kay Kuya Ferdie kanina bago siya umalis," sabi niya agad. "Nagtataka siya sa biglaan kong pag-alis at pinipigilan niya pa ako. Sabi ko na lang importanteng business ang pupuntahan ko." "Naniwala naman siya sa 'yo?" Tumango siya. "Mabait ang Kuya mo, Franceli. Kaya huwag na sana kayong mag-away." "Nakakainis kasing nagpapadala siya kay Luna." "Wala siyang kasalanan doon. Si Luna, may binibigay siya sa Kuya mo. Pagsapit ng gabi ay umeepekto ito. Araw-araw niya itong binibigay sa Kuya mo, hindi ko nga lang alam kung ano. Ito ang dahilan kung bakit mahal niya si Luna. Sana matuklasan mo kung ano ito." "Paano mo nalaman yan?'" "Nalaman ko kay Aster. At sa iyo na rin. Ikaw ang nagbigay sa akin ng ideya. Nung sinabi mong ginagayuma ang kuya mo ni Luna." "Ako ang bahala. Humanda talaga sa'kin itong si Luna. Makikita niya." Natahimik muna kami. Nakatunghay si Luthan sa langit. "Luthan... kahit minsan ba, nagsisi kang pinili mong bumagsak agad sa lupa?" seryosong tanong ko sa kanya. Umiling siya agad. "Wala akong pinagsisisihan, Franceli." "Ah... Eh kung maging tao ka na? Ano yun, isisilang ka ba ulit o ganyan na agad ang itsura mo?" "Hindi ko alam." "Ano ba yan. Sana ganyan ka na lang agad para magkasama pa rin tayo. Ang awkward naman kung magiging tao ka nga pero ipapanganak ka naman na parang sanggol. Hindi ko yata yun matatanggap. Ano yun, magni-Ninang ako sa 'yo, ganun?" Tumawa lang siya. "Sana nga hindi na ako dumaan doon. Pero gusto kung oo, ayos lang din. Gusto ko ring maisilang muli. Para naman maranasan kong maging bata." Gusto kong sabihin sa kanyang ayoko. Na ayokong isilang pa siya ulit. Na gusto ko kapag maging tao na siya, gusto ko ganyan na ang itsura niya. Para posible pa kaming magkasama. Kasi kung kailan naman paalis na siya ng bahay, saka naman ako nasampal ng katotohanang gusto ko na siya. Na siya na siguro ang gusto ko. Na mahal ko na yata siya. Hindi na si Reuben. Kasi ayoko siyang mawala. Feeling ko hindi ako masasanay na wala siya sa bahay. At saka sa kanya na umeekpekto 'yung syndrome ko kuno. Na dati ay kay Reuben lang gumagana. Kasi ngayon, hindi ako makapagsalita sa harap niya. Hindi ako makakilos. At ang bilis ng t***k ng puso ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD