[FRANCELI]
Alam kong hindi imposibleng magkagusto ang isang babae sa isang bakla. May mga naririnig na rin ako dati na may mga babaeng nagkakagusto sa mga beki, 'yung iba pa nga eh nagkakatuluyan pa. And personally, nakakakilig iyong concept na magpapaka-straight para sa 'yo ang isang bakla. Kakaiba abg satisfaction non. May napanood na yata akong romantic-comedy movie na ganun ang plot at alam kong posibleng mangyari yun in reali life.
Pero alam ko ring bihira na magkagusto ang isang homosexual na tulad ni Dean sa isang babae. Dahil sa totoo lang, hindi ko makita na magkagusto si Dean kay Daniella, lalo pa't wala namang history si Dean na may nakarelasyon siya noong babae. Ang alam ko, talagang noon pa man, lalaki na ang gusto niya.
Tapos medyo nagdadalawang-isip ako kay Dean dahil mali rin naman talaga na pilitin namin sila ni Daniella na magkagustuhan kung ayaw naman nila pareho. Kahit papano ay aware naman akong magiging toxic akong klase ng tao kapag ipinagpilitan ko ang hindi naman talaga uubra sa umpisa pa lang. Ayoko nang dumagdag pa sa naglipanang mga boomers at close-minded people sa mundo 'no.
Papayag lang ako na tulungan ang 'tambalan' nina Dean at Daniella kung makitaan ko mismo si Daniella ng signs na pwede siyang ma-in love sa isang bakla. Baka kasi na-misinterpret lang ni Luthan ang mga ikinikilos ni Daniella.
Baka mamaya platonic love lang talaga ang kayang ibigay ni Daniella kay Dean at magsasayang lang kami ng oras.
"Ayoko na, Luthan!" reklamo ko isang beses habang naglalakad kami papuntang school. Inihahatid na niya kasi ako sa school simula nang umuwi si Kuya sa bahay. At ang Kuya ko naman, nag-leave din pala ng dalawang linggo mula sa work niya sa 'di ko pa alam na dahilan kaya nasa bahay pa rin siya hanggang ngayon.
"Sumusuko ka na ba?" kalmado tanong ni Luthan sa akin. Good mood ngayon si Star Boy na mas lalo lang nagpapapraning sa'kin.
Mas lalo akong sumimangot pa. "Ewan! Parang feeling ko kasi nasasayang 'yung oras ko rito sa ginagawa natin, Luthan. Kung sinusuyo ko na lang siguro si Reuben mylabs araw-araw ay baka na-develop na siya sa'kin sa natural na paraan 'di ba. Hindi tulad nang ganito, hindi nga ako siguradong mamahalin na ako ni Reuben after all these sacrifices I'm doing. Medyo stressed na rin kasi ako, tapos parang wala naman akong maramdamang assurance na mangyayari nga ang hiling ko."
"Hindi ako nagsisinungaling sa 'yo, Franceli..." aniya.
"Alam ko naman, Luthan. Don't get me wrong ha. naniniwala naman ako sa 'yo. Sadyang mahirap lang talagang paniwalaan ang mga ganitong bagay. Kahit sino naman eh magdadalawang isip. I mean, itongpagdating mo at itong nangyayari ngayon sa akin, may magic na involved na, Luthan. May mga bagay na na kasali na hindi maipapaliwanag ng science or common sense. Kaya sorry kung ganito ang nararamdaman ko ha, no offense sa 'yo."
"Naiintindihan naman kita, Franceli. Ang magagawa ko lang ay pagbutihin ang ginagawa natin para matupad ko na nga ang hiling mo..."
"Pero gaano pa kaya katagal, Luthan? Bago matupad ang hiling ko? Baka nga mas mabuting suyuin ko na lang ulit si Luthan baka ngayon kasi na-feel na niya ang kawalan ko sa buhay niya..."
"Hindi mo siya mapapaibig sa ganung paraan," hirit niya.
Nagtaas ako ng kilay sa sinabi niya. "At bakit hindi?"
Hindi na siya sumagot. Hinawakan niya tuloy ako sa kamay nang mahigpit. Nakakawindang talaga minsan itong si Luthan. Hindi ko na alam kung ano ang iniisip niya sa tuwing hahawakan niya ang kamay ko o may kung may gagawin siyang intimate na bagay. Imposible naman kasing ginagawa niya lang ito dahil gusto niya ako. Isa siyang bituin at habang hindi niya natutupad ang hiling ko ay may liwanag pa rin sa katawan niya kaya hindi niya pa rin kayang magmahal.
Bigla siyang tumigil sa paglalakad at hinarap niya ako na seryoso ang mukha.
"Franceli. Nasa sa 'yo naman kung ipagpapatuloy mo itong ginagawa natin o titigil na tayo. Kahit anong desisyon mo, susuportahan kita." Ngumiti siya pagkatapos niyang sabihin yun pero halata namang malungkot din ang mga mata niya.
"Ano ka ba, siyempre ipagpapatuloy ko pa rin ito. Pinanghihinaan lang ako ng loob kaya ko nasabi yun."
"Gusto kong tuparin ang hiling mo kahit ano'ng mangyari," sabat niya. "Hindi ako hihinto hangga't hindi mo sinasabi."
"Thank you, Luthan. Nire-ready ko rin naman ang sarili ko sa mga posible nating gawin. Hindi rin ako susuko, kaya hindi ka dapat nag-aalala. Kailangan ko lang talaga maglabas ng nararamdaman ko. Mga doubts ko sa buhay, alam mo yun?"
Tumango siya. "Salamat, Franceli. Tara na, baka mahuli ka sa klase niyo."
At hinila na niya ako at nagpatuloy na kami sa paglalakad. Hindi ko alam kung bakit, pero natutuwa akong ganito na kami ni Luthan ka-close. Parang ang gaan-gaan na niyang kasama, ang sarap lang sa feeling.
[LUTHAN]
Pagpasok namin ni Franceli sa paaralan nila ay agad kaming pinagtinginan ng mga tao. Kinabahan naman ako bigla at nahigpitan ko tuloy ang hawak ko sa kamay niya. Gusto niyang hanggang sa gate ko lang siya ihatid pero hinatid ko pa rin siya hanggang sa mismong classroom nila kasi bilang boyfriend niya pakiramdam ko yun ang tamang gawin.
Naroon na sa silid nila si Steph at agad siyang lumapit sa'kin para mangumusta. Nakita ko rin sina Glen at Mikka na magkatabi at sina Reuben at Leila. Panandaliang nagkatitigan kami ni Reuben at naramdaman ko na naman 'yung kakaibang galit sa titig niya. Hindi ko na lang siya pinansin dahil hindi talaga ako natutuwa sa kanya sa ngayon.
Ang totoo naiinis ako sa kanya. Naiinis ako dahil ginagawa ni Franceli ang lahat at nagpapakahirap siya para sa kanya na wala man lang ideya sa kayang gawin ni Franceli para sa kanya. Ito ang hindi ko maintindihan sa pag-ibig ng mga tao, iyong ginagawa mo ang lahat para sa isang taong hindi naman sinusuklian iyon.
Napapaisip nga ako eh. Magiging ganito rin ba ako kung sakaling maging tao na ako? Gagawin ko rin ba ang lahat para sa isang tao?
***
"Uwi ka na, Luthan," sabi ni Franceli na lumapit ulit sa'kin. Nasa labas ako ng silid nila at galing siya sa mga kaklase niyang babae na nakaupo sa loob. Kumakaway sila na nakangiti sa'kin. "Pinagpapantasyahan ka na naman ng mga classmates ko o. Kaya umuwi ka na."
Nginitian ko siya. "Selosa ka pa lang girlfriend."
"Heh! Anong girlfriend? At nag-aalala lang ako sa 'yo no," sagot niyang namumula naman at hindi makatingin sa akin. "Mga loka-loka kasi ang mga classmates ko at baka iuwi ka na lang ng mga yun 'pag nagkataon..."
Di ko mapigilang ngumiti nang malapad sa sinabi niya. Ewan ko ba kung bakit. Basta bigla akong sumaya. Paalis na sana ako ng may makita akong isang babae. Dumaan siya sa amin ni Franceli at pumasok sa classroom nila. Nakita ko siyang lumapit sa upuan ni Reuben at kinausap niya iyon.
"Hay! Ayan na naman si Miss Kerengkeng..." bulong ni Franceli na narinig ko naman.
"Sino siya?" tanong ko naman na pabulong din.
Tumaas ang kilay sa'kin ni Franceli. "Bakit? Don't tell me nagagandahan ka rin sa kanya gaya ng lahat ng boys dito sa school?"
"Ha? Hindi ah..." sagot kong medyo nahihiya. "Para kasing---"
"Hay Luthan," sabi niya na napakamot sa ulo niya. "Kahit pala bituin ka ay lalaki ka pa rin talaga kasi 'pag chicks napapansin mo rin. Si Luna iyon, bagong student dito."
Pinagmasdan naming dalawa 'yung Luna. Maganda siya at maputi. At kinakabahan ako kapag tinititigan siya. Hindi ko alam kung ano siya, pero alam kong hindi siya ordinaryong tao.
"Titig na titig ka sa hitad ah..." hirit ni Franceli sa'kin.
"Eh ikaw, 'di ka ba nagagalit na masayang kakwentuhan ni Reuben mo 'yung Luna?"
Agad siyang sumimangot sa tanong ko. Masaya kasing nagkukwentuhan ngayon sina Reuben at Luna. Nakangiti pa si Reuben habang nagsasalita samantalang nakasimangot si Leila sa kanila sa gilid.
"Alam mo Luthan, oo, naiinis ako. Pero optimistic na ako ngayon. Kaya nga isip na ako nang isip kung paano natin makukuha ang liwanag mula kay Dean."
Tumango ako. "Ang kailangan nating gawin ay suriin ang relasyon nina Dean at Daniella. Siguro naramdaman mo naman na kahit papano ay may espesyal na pagtingin si Daniella kay Dean."
"Oo naman," sagot niyang natatawa. "Hugot nga yata 'yung pinagsasabi niya nung lasing siya. Ang 'di lang natin sigurado ay kung mapu-push ba natin siya na magustuhan, take note, as in magustuhan ni Daniella si Dean bilang boyfriend niya. Yun ang nakakapagpagulo ng isip ko."
"Mahirap ang gagawin natin Franceli, kaya sana maging pasensiyosa ka ha..." biro ko pa para gumaan ang loob niya.
"Oo naman. Kung hindi ko nga lang kapatid si Kuya ay siya na lang sana ang pinush natin kay Dean para mas naging madali ito. Tutal siya naman ang type talaga ni Dean. At nakakaloka kasing isipin na may darating na bagyo sa buhay ni Dean o Daniella para magkagustuhan sila sa isa't-isa. Eh kung literal na lang sanang bumagyo 'di ba tapos madala sila ng alon sa isang remote island at ma-stranded silang dalawa lang doon at one hundred percent pa yun na magkakagustuhan sila kasi wala silang choice."
Natawa ako sa sinabi ni Franceli at napansin kong napalingon sa'min sina Reuben, Leila at 'yung Luna. Nagtayuan ang mga balahibo ko sa katawan nang magtama ang mga mata naming dalawa ni Luna.
Sino kaya talaga siya?
Hindi siya isang dating bulalakaw pero ramdam kong hindi rin siya isang ordinaryong tao lang. Iba ang nararamdaman ko sa kanya. Ngumiti siya sa'kin at kinilabutan ako bigla.
"Hoy Luthan! Nakikinig ka ba?" untag sa'kin ni Franceli at lumapit na ulit sa'min si Steph. Nakatulala na pala ako sa babae...
Para kasing...
"Anong nangyayari, besh?" tanong ni Steph.
"Etong si Luthan! Salita ako nang salita pero nakatulala na pala dun kay Luna!" reklamo ni Franceli.
"Pasensya ka na... ano pala ang sinasabi mo?" tanong ko na lang pero mukhang nainis na si Franceli.
"Ay, galit na si besh," tudyo ni Steph. "Ikaw naman kasi Luthan. Pati ba naman ikaw ay nahuhumaling sa alindog ni Luna? Oo diyosa si Luna pero 'wag mo namang saktan ang girlfriend mo. Besh ko yan at siya ang kakampihan ko kapag may LQ kayo kahit ang yummy mo."
Nakonsenya naman ako at hinawakan ko si Franceli sa kamay niya. "Sorry Franceli. Ano nga pala 'yung sinasabi mo?"
"Ewan ko sa 'yo!"
Tumango na lang ako. Galit na yata talaga siya. "Sige. Alis na ako. Mamaya na lang tayo mag-usap kapag 'di ka na galit' Franceli." Naglakad na ako paalis kaso hinila naman ni Franceli ang kamay ko pabalik sa kanya.
"Hay Luthan, nakakainis ka minsan pero ewan ko ba at ayokong ganyan ka... Yung sinasabi ko sa 'yo kanina... Ang sabi ko bisitahin natin sa work nila sina Dean at Daniella."
[FRANCELI]
Kahit naiinis pa rin ako kay Luthan ay pumunta pa rin kami sa Mental Facility kung saan nagtatrabaho sina Dean at Daniella para masuri namin ang relasyon nilang dalawa. Ang alibi namin, pormal kaming hihingi ng sorry sa kanila sa nangyari noon pero oobserbahan namin talaga sila. Gusto ko kasing makumpirma kung ano ba talaga si Dean para kay Daniella; kung ang relasyon ba nila ay---
a. Bff lang talaga na dahil sa super close nila sa isa't-isa ay akala namin may something sa kanila
b. platonic lang talaga ang relationship nila at open-minded lang talaga sila kaya nagagawang biruin ni Dean si Daniella na halikan siya tapos sasabihin niyang joke lang
c. dati nga talagang crush ni Daniella si Dean kaso natanggap na niyang pareho silang lalaki ang gusto. O pwede ring...
d. May feelings talaga si Daniella kay Dean kahit alam niyang bading ito at binuburo niya lang ang feelings niya kasi may pagkamartir ang puso niya at talagang trip na trip niya 'yung mga ganung klaseng lalaki. Yung hindi sure ang pagiging lalaki.
Mas okay sana kung sa letter d babagsak si Daniella kaso wala na rin itong atrasan kaya kahit sa anong category pa sila bumagsak ay gagawin pa rin namin ni Luthan ang lahat ma-express lang ni Daniella ang romantic feelings niya (sana) sa best friend niya.
Pagdating namin ng ospital saktong break nila kaya sa cafeteria namin sila naabutan. Pormal munang nag-sorry si Luthan sa staff ng ospital at 'di ko nga maiwasang maging proud sa kanya kasi ang galing na niyang makitungo sa mga tao at kung ano ang sasabihin sa kanila sa tamang pagkakataon. Hindi naman pala galit 'yung staff kay Luthan dahil sa nangyari at natutuwa pa sila sa kanya.
"Ang sikat mo kaya dito fafa Luthan," sabi ni Dean. "Ikaw lang kasi ang nakatakas dito at dahil sa 'yo nagsimula na rin kaming maghigpit ng security. O 'di ba bongga?"
Natawa si Luthan. Napansin ko namang nagtaas ng kilay si Daniella sa interaction ng dalawa. Niyaya kasi ni Dean si Luthan na libutin ang facility. Pumayag naman ako na umalis silang dalawa kasi kailangan ko rin talagang makausap nang solo si Daniella.
"Uy, Franceli. Ingatan mo 'yang boyfriend mo. Malandi 'yung si Dean, naku!" bulalas niya pagkaalis ng dalawa.
Natawa na lang ako dun. "Akala ko ba si Kuya ang type ni Dean?"
"Paano mo nalaman?" nagtatakang tanong ni Daniella. "Sinabi ba ni Ferdie sa 'yo?"
Umiling ako. "Eh obvious naman! Ang landi kaya niyang bff mo kay Kuya."
Si Daniella naman ang natawa. "Mula high school pa 'yang kahibangan niya kay Ferdie. Pero natural, babae ang gusto ng Kuya mo. At alam mo bang nilagawan ako ng Kuya mo noon?" natatawang sabi niya.
"Talaga? Anyare? Binasted mo? Di ko kasi nasagap na naging girlfriend ka ni Kuya. Eh 'di sana kilala kita." Kilala ko kasi ang lahat ng mga naging syota ni Kuya kasi ako lang naman ang adviser niya noon sa mga girls niya. Kaya kahit bata pa ako noon ay maaga na akong namulat sa kalandian. Kaya nga siguro maaga rin akong nahumaling kay Reuben eh. Dahil sa influence ng kalandian ni Kuya.
"Binasted ko," sagot ni Daniella. "Ang chick boy kaya ng Kuya mo dati. Ayoko sa ganun... at saka may kinahumalingan ako noon..."
Eto na... Malalaman ko na... "Sino naman? Si Dean?"
Agad siyang namula. At nabitawan niya 'yung kutsarang hawak niya. Hindi siya nakasagot at alam ko kung bakit. Nahihiya siya.
Nahihiya siyang aminin na may gusto siya sa isang bading. At natatakot siyang masabihang loka-loka at martir. Pero hindi ko sasabihin yun sa kanya. Bukod sa kailangan kong magkagustuhan sila, malapit talaga sa puso ko itong mga ganitong scenario--- 'yung parang walang pag-asa ang nararamdaman mo para sa isang tao, kasi ganun ako.
"Ang awkward nito Franceli, pero pwede bang pakisampal ako? At pakisabi na rin sa'kin na 'Itigil mo na ang kahibangan mong yan, Ate Daniella, kasi hindi magkakagusto 'yung baklang yun sa 'yo', at pakilakasan ng sampal mo sa'kin ha, Franceli, para mas malakas ang impact sa diwa ko."
Hindi ako natawa. Hindi ko rin ginawa 'yung sinasabi niya. Sa halip ay hinawakan ko siya sa kamay.
"Hindi ka loka-loka, Ate Daniella. May ganyan talaga. Alam mo, feel ko din namang lalaki talaga 'yang si Dean. Kulang lang yan ng pampagising. Tutulungan kita. Push natin yan gurl."
"T-Talaga?" gulat na tanong niya na nanlalaki ang mga mata.