FRANCELI
Patay na. Kapag malaman ni Kuya na napunta ng Mental facility si Luthan, baka isipin niyang totoong baliw si Star Boy tapos paalisin niya ito bigla ng bahay!
Hindi pwedeng mangyari yun!
"Hindi kami nagkakamali, siya nga yun! Tapos siya din 'yung nakabanggaan namin sa supermarket!" sabi pa nung Dean. Lahat sila ngayon ay kay Luthan na nakatingin. Tapos sa akin naman bumaling si Kuya.
"Frans, is this true?" tanong niyang nagtataka. Naku, lagot. Kailangan kong gumawa ng palusot, tutal ako ang tumawag ng mga taga-Baranggay noon!
Napalunok na lang ako ng laway sa kaba. "T-Totoong napunta ng Mental si Luthan, Kuya," sagot ko sa tanong niya na super kinakabahan. Pakshet. Heto na naman ako, magsisinungaling na naman ako!
"Bakit naman siya napunta sa pinagtratrabahuan nina Dean at Daniella?"
"Isang malaking m-misunderstanding lang yun!" giit ko. "Ako ang may pakana nun! Dapat prank lang kasi yun. Ang kaso kahit itong si Luthan naniwala na baka may mental condition na nga raw siya... Kaya hindi siya nagrereklamo ng kunin siya ng Baranggay hanggang sa napunta na nga siya sa lugar na yun!"
Sa'kin na silang lahat nakatingin ngayon. Parang hindi pa rin naniniwala sa'kin sina Dean at Daniella kaya kinakabahan na talaga ako. Lord, sana naging convincing 'yung sinabi ko! Please, please!
"Pero nakumpirma naming may kakaiba sa kanya," komento naman nung Dean dun sa tinuran ko. "Sabi pa niya sa amin, sa kalawakan siya nakatira, tapos wala raw siyang apelyido. At parang sobrang lakas din niya kasi nasira niya 'yung bakal na pintuan. Kaya hindi ko rin masasabing nagpapanggap lang siya sa min..."
Nagpalipat-lipat naman ng tingin si Kuya mula sa'kin patungo kay Luthan. Anak ng talbos ng kamote anong isasagot ko dun? For sure mas paniniwalaan ni Kuya itong mga nurse na ito kesa sa'kin!
"Lasing ako nun," sabat bigla ni Luthan na ikinagulat ko pa. "Lasing ako noon kaya ganun ako magsalita. Kung ano-ano kasi ang nasasabi ko 'pag lasing ako. Sorry pala sa nangyari. Nag-away kasi kami noon ni Franceli at parang nabaliw nga ako nun kasi yun lang ang pagkakataong nag-away kami nang matindi. Akala ko kasi maghihiwalay na kami kaya ganun. Sorry po talaga. At may apelyido po ako. Cruz ang apelyido ko. Luthan Cruz ang buo kong pangalan."
Gulat na gulat ako sa mga sinabi ni Luthan. "H-Hindi ka talaga mentally-challenged?" tanong pa ni Dean na halatang napapaisip na rin naman.
"Hindi po talaga," sagot ni Luthan.
"Eh pano mo maipapaliwanag 'yung pagkasira ng pinto?"
"Hindi ako ang may gawa nun. Sira na talaga siya bago ko iyon buksan."
"Imposible yan---"
"Teka, teka, mawalang galang na po ah," sabi ko naman dahil nagiging investigation na ang nangyayari. "Sinasabi niyo bang nagawang magbukas ni LUthan ng isang pintong gawa sa bakal?"
"Eh kasi naman yun talaga ang nangyari!" giit na rin ni Daniella.
"May pruweba ba kayo? Like CCTV footage?" kalmadong tanong ko sa kanila. At nang hindi na sila makasagot, pinagpatuloy ko na ang paglilitanya. "Ako na ang nagsasabi, hindi yun kayang gawin ni Luthan. Tignan niyo nga ang katawan niya! Mukha bang kaya niyang mangyupi ng bangkal?"
"Hindi nga... Pero kahit na... May atraso pa rin sa'min 'yang boyfriend mo."
"Meron pa siyang atraso kahit walang proof na siya ang sumira sa pinto na sinasabi niyo?"
"Oo, Franceli. Kasi kung hindi talaga siya baliw ay pwede namin kayong kasuhan sa ginawa niyo," sabi naman nung Daniella. Mahinahon lang siyang nagsasalita at binatukan niya 'yung Dean na parang gusto pang umaangal pa sa sinabi ko kanina. Sinesenyasan niya na ang kasama niya na kumalma lang.
"May ganun pa?" kinakabahang tanong ko naman. Huwat? Pwede kaming makulong ni Luthan?
"Frans, niloko niyo sila. Wala kayong karapatan para lokohin sila nang ganun. Naabala niyo pa sila sa mga trabaho nila..." saad naman ni Kuya sa'kin.
"Ay, don't worry Ferdie, hindi naman kami magsasampa ng kaso tutal kapatid mo naman pala itong si gurl," sabi ni Dean na kumindat pa kay Kuya. "Kahit maayos na sorry na lang ayos na."
"Kung ganun, sorry po sa nangyari. Sorry kasi naabala namin kayo," sabi ko na sa kanila at yumuko pako na parang Japanese. Ayoko kayang makulong.
"Pasensya na po," sabi rin ni Luthan na nakiyuko din.
"Ayos na yun," saad naman ni Dean. Buti naman at mabait pala siya. "Wala naman talaga kaming balak na ipakulong kayo. Na-curious lang talaga kami sa nangyari na yun."
"Pasensiya na po talaga. Pinagsisisihan ko na rin po ang bagay na yun. Sa katunayan nga po eh hindi na ako uminom pa ng kahit anong alak mula nun. At ginagawa ko na ang lahat huwag lang kaming muling mag-away nu Franceli."
"Awww. Ang sweet mo naman. Pero ganyan talaga ang pag-ibig. Minsan nakakagawa tayo ng mga nakakalokang bagay. Di ba Daniella?"
Sumimangot naman kay Dean 'yung Daniella. "Nakakaloka talaga. Ewan ko nga ba bakit ganito ako. Ako yata ang baliw eh."
"May sinasabi ka?"
"Bakit may narinig ka?"
Natawa si Kuya sa bangayan ng dalawa. "Baka gutom na kayo, kain na muna tayo. Damihan mo ang kain ha, Daniella at nagsasalita ka na nang mag-isa. O baka naman nahawa ka na sa mga pasyente mo?"
"Tse! Mas nakakabaliw kasama 'yang si Dean, alam mo ba?" singhal ni Daniella bago sila dumiretso sa kusina. Tapos hinarap naman kami ni Kuya na seryoso ang mukha kaya kinabahan ako.
"Kayo, 'di ba aalis kayo?" tanong niya sa'min ni Luthan.
"Opo, Kuya," sagot naman ni Luthan. Kung maka-Kuya naman ito parang siya ang kapatid at hindi ako.
"Okay. Pero teka, ano ba ang pinag-awayan niyo noon at umabot sa ganun katindi?"
"Ah, ano po, iniwan ko po kasi dito sa bahay si Franceli at galit na galit siya kasi mag-isa lang siya," sagot ni Luthan at napatingin ako sa kanya. Para kasing sinadya niyang yun ang isagot kay Kuya para imbes na magalit si Kuya ay magi-guilty siya.
At yun nga ang nangyari. Parang nalungkot nga si Kuya. "Ganun ba? Tsk. Sabagay, mukhang ganun nga ang gagawin nitong si Frans 'pag galit na galit. Frans, sorry kung kinailangan mo pa ng ibang tao para may makasama ka rito... Sorry wala ako---"
"Ano ka ba naman Kuya," putol ko sa kadramahan niya. "Tama na at ayokong umiyak dahil aalis kami."
"O sige. Basta uwi kayo nang maaga ha? Pasok na 'ko sa loob at asikasuhin ko pa 'yung mga bisita ko."
Tumango na lang ako at hinila ko na si Luthan palabas ng gate. Dun lang ako nakahinga nang maluwag. Naglakad na kami papunta kina Steph.
"Salamat pala sa pagligtas sa akin kanina," sabi ni Luthan. Hinawakan na naman niya ang kamay ko nang mahigpit kaya na-conscious naman daw ako.
"Dapat naman talaga kitang iligtas kasi ako ang dahilan kung bakit ka napunta dun sa lugar na yun," sagot ko. "Nakaka-guilty nga lang kasi ang daming beses na nating nagsinungaling, Luthan. Parang mula sa kasinungalingan isinilang ang ating pagmamahalan," biro ko at natawa si Luthan.
"Pasensya na Franceli at kinailangan mo pang gawin yun para sa'kin. Hayaan mo, pagsisikapan kong makuha agad 'yung liwanag ni Dean para madagdagan na 'yung liwanag na nasa akin."
"Anong liwanag ni Dean?" tanong kong nalilito.
Siya naman ang parang nalito sa sinabi ko. "Nakalimutan mo na ba? Isang dating bulalakaw si Dean. Kaya kukunin natin sa kanya ang liwanag niya."
Ay hala, nakalimutan ko na tuloy 'yung misyon namin ni Luthan! Oo nga pala, isang ex-shooting star si Dean!
"Gusto kong matuwa kasi nasa harap na natin ang sunod nating project pero gusto ko ring maiyak ngayon pa lang," pag-amin ko.
"Bakit naman?"
"Haler? Para kasing mahirap naman siyang paibigin," saad ko. "Sino naman kaya ang love interest niya? Dapat pala tayong mag-imbestiga sa kanya..."
Tumigil sa paglalakad si Luthan at tiningnan ako na nag-aalala. "Franceli, kilala ko kung sino ang gusto ni Dean."
"Sino?"
"Ang Kuya mo."
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig ko. "HUWAT?"
LUTHAN
Gulat na gulat si Franceli sa sinabi ko. Ako rin naman, nagulat nung una. Pero sa tinagal-tagal ko nang nanonood sa mga tao mula sa langit ay alam ko na ang ibig sabihin ng bawat kilos nila. Kaya isang tingin ko lang din kay Dean ay alam kong gusto niya si Kuya Ferdie. Ang problema, mukhang mahihirapan kaming makuha ngayon ang liwanag mula kay Dean.
"Luthan, paano yan? Hindi pwede ito! Kahit naiinis ako kay Kuya, ayoko namang umibig siya kay Dean. Maliban na lang kung gusto niya si Dean. Pero Luthan, lalaking-lalaki si Kuya, kaya imposibleng magkagusto siya kay Dean!"
Tumango ako. "Alam ko. Epekto ito lahat ng liwanag ni Dean. Kaya walang nagkakagusto sa kanya kasi lahat sila babae ang gusto."
"So ibig sabihin pala, lahat ng bakla at tomboy, dating bulalakaw kaya ganun ang mga love life nila?" tanong pa ni Franceli.
"Hindi ko alam," sagot ko. "Basta ganun ang nangyayari. Kapag dati kang bulalakaw, may hahadlang at hahadlang sa kaligayahan mo sa pag-ibig. Maliban na lang kung may taong ituturing kang napakahalaga higit pa sa buhay niya. Kapag gumawa siya ng bagay na magpapakitang mahalaga ka sa kanya, malalabanan nito ang epekto ng liwanag ng isang bituin."
"Ganun ba ang nangyari kina Glen at Mikka? Hindi obvious ah!"
"Oo," saad ko. "Bata pa lang sila, mahalaga na para kay Glen si Mikka. Di niya nga lang maintindihan yun dati dahil sa liwanag na taglay ni Mikka."
"Pero paano ba eksaktong natatalo ng pag-ibig churva ang powers ng liwanag niyo? Di ko gets, beh. Paki-explain."
"Isang napakamahiwagang bagay ng pag-ibig, Franceli. Di ko rin ito masyadong maintindihan pero iniisip ko na lang na kayong mga tao ay parang dagat."
"Dagat?"
"Oo. Kahit anong mangyari, para kayong dagat na kalmado lang. Hanggang sa araw na darating ang isang napakalakas na bagyo o delubyo at babaguhin ka nito... Sa tingin ko parang ganun ang pag-ibig. Nang malaman ni Glen na magkakaroon na ng boyfriend si Mikka, doon dumating ang bagyo na nagpabago sa kanya. Hindi na lang kaibigan o kabarkada si Mikka para sa kanya. Kasi doon niya napagtantong kung ano man 'yung pumipigil sa kanya para mahalin si Mikka, kailangan niya iyong mapagtagumpayan."
"Ah... Gets ko na. Pero parang hindi rin. Basta ang naiintindihan ko, kailangan magkaroon ng parang icebreaker. Kumbaga, once na maging aware na iyong love interest ng isang dating bulalakaw na may hadlang nga talaga sa nararamdaman niya, kailangan niya itong magawan ng paraan. Kasi bago naman tayo umeksena, eh may hadlang naman na talaga sa pagmamahalan nila 'di ba? Hindi lang nila alam yun. Kaya ang role natin, tayo ang tagagising ng mga natutulog nilang damdamin! O ha, pak!"
"Parang ganun na nga, Franceli."
"Pero seryoso Luthan, 'di ko pa rin talaga masyadong maintindihan. Buti na lang hindi yan tinuturo sa school at baka maloka ako nang bongga. Eh di nakakahiya naman kay Reuben."
Sumimangot ako bigla. "Basta yun na yun. At kailangan maranasan din ni Dean 'yung naranasan ni Mikka na pagpapahalaga sa kanya para makuha natin ang liwanag niya."
Napatigil na kami sa pagkukwentuhan dahil nasa tapat na kami ng bahay nila Steph. Maya-maya ay lumabas mula roon ang lokaret kong best friend na ngiting-ngiti at naglakad na kami papunta sa sakayan ng jeep patungong mall.
Nanood kaming tatlo ng sine at si Steph ang pumili ng pelikulang papanoorin namin. Nakakatawa iyon kaya tutok na tutok si Steph sa screen. Ako naman, wala sa palabas ang isip ko dahil nag-iisip ako nang magandang paraan para makuha 'yung liwanag ni Dean.
Hay, mahihirapan talaga kami nito. Lalo na at Kuya pa ni Franceli ang sangkot. Hindi rin gusto ni Franceli na madamay ang kapatid niya sa ginagawa namin.
Naramdaman kong sumandal ang ulo ni Franceli sa balikat ko. "Inaantok ka?" bulong ko sa tenga niya.
"Hindi. Pagod lang. Napagod siguro ako kakaiyak kagabi."
Hinaplos ko ang buhok niya. "Sige, kung gusto mong matulog ay okay lang. Sige lang. Sandal ka lang. Wag mong pipigilan."
Bigla siyang natawa. "Tapos ano, iiyak ko lahat sa 'yo?"
Hindi ko na naman alam ang sinasabi niya kaya nginitian ko na lang siya. May naisip ako bigla na ikinakatakot ko. "Franceli, paano kung dumating ang isang araw na ayaw mo nang ituloy itong ginagawa natin? Pahirap kasi ito nang pahirap at baka lang sumuko ka. Alam mo na..."
"Mahal ko si Reuben at siya lang ang gusto ko kaya hindi ako susuko. At saka 'di ba may mangyayari sa 'yo 'pag hindi ka naging tao? Teka, 'di ba maglalaho ka 'pag maubos na ang stock ng liwanag diyan sa katawan mo?"
Nginitian ko na lamang siya. Ayokong isipin mo ang mangyayari sa'kin, Franceli. Hindi malabong dumating ang araw na isusuko mo si Reuben lalo na kapag hindi natin makuha ang sapat na liwanag sa tamang oras. Ayoko sanang sabihin sa 'yong may hangganan ang paghihintay ko na maisakatuparan ang hiling mo dahil ayokong madaliin ka.
At ayokong isipin mo ako. Gusto ko ikaw mismo ang magpasya kung sino ang mas matimbang sa 'yo pagdating ng panahon.
FRANCELI
Nakatulog pala ako habang nanonood ng sine at ginising na lang ako ni Luthan. Hindi na kami kumain sa mall dahil bigla akong nakaramdam nang matinding pagod. Feeling ko mula pa ito noong practice namin sa Amazing Cycling Race at ngayon ko lang nararamdaman. Kaya nagpasya din kaming umuwi agad.
Habang nasa biyahe kami pauwi, tahimik lang si Luthan na parang may malalim na iniisip. Si Steph naman ang kwento nang kwento sa pinanood namin. Tapos may naalala akong itanong kay Luthan na nakalimutan ko kanina.
"Hoy, Luthan. Saan mo naman pala nakuha 'yung apelyido na sinabi mo kay Kuya?"
"Ano bang apelyido ni Luthan?" singit ni Steph.
"Cruz. Luthan Cruz daw siya," sagot ko naman.
"Ay, artistahin ang name. Pwede nang ihilera kina John Lloyd, Rayver at Sheryl Cruz!" Natawa ako sa sinabi ni Steph pero tahimik pa rin si Luthan na ipinagtaka ko. Parang may problema talaga siya na kung ano. Hinayaan ko na lang kasi sasabihin din niya naman sa'kin kung ano 'yang gumugulo sa kanya.
"Isa iyong constellation sa langit, 'yung Crux, na ibig sabihin din ay Cruz. Noong narinig ko 'yung Cruz parang gusto ko na agad," seryosong sagot ni Luthan at nagkatinginan na lang kami ni Steph.
Pagdating namin ng bahay, lasing na ang mga tao. Nag-iinuman sila at halatang napahaba na ang tagayan dahil sumayaw na si Dean sa gitna at pinapalakpakan siya ng lahat. Pansin kong tawa nang tawa si Kuya kay Dean at iniisip ko pa lang na magkakagusto siya kay Dean ay parang gusto ko na lang mangibang-bansa at magpakalayo-layo.
Hindi naman sa homophobic ako o ano pero si Kuya kasi ang pinaka-least expected mo na mai-involve sa isang same s*x relationship. Noong college student pa nga lang siya ang dami nga niyang pinakilala sa'king mga girlfriend niya at kalahati sa kanila ang umiyak nang bongga kay Kuya. Kaya 'di ko talaga ma-imagine na gagawan ko ng paraan na maging sila ni Dean.
Napansin ko ring lasing na rin si Daniella at kung ano-ano na ang sinasabi. "Gago ka talaga Dean! Gwapo ka sana kung 'di ka nagladlad nung second year high school tayo! Okay na sana 'yung may padala-dala ka pa ng flowers sa'kin yun pala ginagawa mo lang yun para hingian ka ni Ferdie ng bulaklak para naman sa mga chicks niya! Walastik talaga!"
"Oy, Daniella tama na sa alak ah!" saway ni Kuya rito pero inirapan lang siya ni Daniella.
"Iinom pa 'ko Ferdie!" sagot ni Daniella. "Para naman masabi ko na ang dapat kong masabi! At ikaw naman Dean, siraulo ka... Hinalikan mo 'ko sa ospital, at tuwang-tuwa na ako pero sasabihin mong joke lang? Eh gago ka pala eh!"
Magkahalong tawanan at sigawan ang narinig ko mula kay Kuya at sa dalawa pa nilang kasama dahil sa sinabi ni Daniella.
Ako naman, na nasa kusina para uminom ng tubig, pabalik na sana akong kwarto nang hinarang naman ako ni Luthan.
"Franceli, may naisip na akong paraan para makuha natin 'yung liwanag kay Dean."
Natuwa naman ako. "Talaga? Paano?"
"Di ba ang kailangan lang naman, maranasan siyang mahalin at bigyan ng pagpapahalaga?"
Tumango ako. "O tapos?"
Ngumiti siya nang malapad. "Wala namang sinabi na iisang tao 'yung mamahalin niya at magmamahal sa kanya. Kaya 'yung taong magpapakita sa kanya ng pagpapahalaga nang higit pa sa buhay niya, pwede namang hindi si Kuya Ferdie yun."
Napataas ang kilay ko. "Eh sino? Si Daniella?"
"Oo."