LUTHAN
Kanina pa ako nag-iisip nang sasabihin
ko kay Franceli dito sa may garden. Alam ko kasing paaalisin talaga ako ng kuya niya dahil halatang galit na galit ito sa'kin. Hindi naman ako natatakot na umalis, ayoko lang na malayo pa kay Franceli. Pakiramdam ko kasi hindi na ako makakahanap ng tulad niya na magpapatira sa'kin sa bahay niya at ituturing na kaibigan.
Hindi nagtagal at lumabas si Franceli mula sa bahay nila at naglakad papunta sa'kin. Eto na, sasabihin na siguro ni Franceli na dapat umalis na ako... Parang ang sakit sa pakiramdam na magkakahiwalay na kami... Kung kelan naman kumakain na kami sa labas at binigyan na niya ako ng sarili kong kwarto...
"Luthan!" masayang tawag sa'kin ni Franceli at niyakap niya ako. "Good news! Napapayag ko si Kuya na dito ka tumira!"
"Talaga?" ngiting-ngiting tanong ko. Hindi ako makapaniwala.
Tumango naman siya ulit. "Ang alam niya ay boyfriend talaga kita..." sabi pa niya. "Kakausapin ka raw niya mamaya at natatakot akong mabuking niyang wala talaga tayong relasyon..."
"Anong gagawin ko?"
"Magsinungaling ka na lang... sabihin mong galing kang Amerika at mayaman ang angkan niyo. Sabihin mo pang sundalo doon ang Daddy mo para matakot sa 'yo si Kuya..."
"Sundalo?"
"Oo! Basta yun ang sabihin mo!"
"Sige. Huwag kang mag-alala Franceli. Ililihim ko ang totoo."
"Very good Luthan!" masayang sabi niya bago kumalas sa akin mula sa pagkakayakap niya.
Naghapunan muna kami pagpasok ko ulit ng bahay. Tahimik lang kaming tatlo habang kumakain. Pansin kong tingin nang tingin nang masama ang Kuya ni Franceli sa'kin at yumuyuko na lang ako kasi nahihiya ako bigla. Kung alam lang niyang isa akong bituin ay baka siya ang mahiya sa'kin kaso hindi ko pwedeng sabihin kung ano talaga ako.
"Taga saan ka Luthan?" tanong bigla ng Kuya ni Franceli. Siniko ako ni Franceli na nanlalaki ang mga mata na para bang nagsasabing sumagot ako ayon sa sinabi niya.
"Taga Amerika po ako," sagot ko.
"Taga Minnesota siya Kuya," dugtong din ni Franceli. "Isa sila sa pinakamayamang Pinoy dun... Respetado rin sila doon kasi sundalo sa Amrican Navy ang Daddy niya."
"Talaga?"
"Opo... Nasa OMan ngayon ang Daddy ko. Doon sila nakadestino," dagdag ko pa na mula kay Franceli.
"Alam ba ng pamilya mo dito ka nakatira?"
"Ang totoo po niyan, hindi pa po. Ang alam lang nila ay nandito ako para magbakasyon. Ang kaso, nagkaroon ako ng problema kaya hindi ako makabalik doon. Nawawala ang mga dokumento ko kaya hindi ako makaalis. Yun ang dahilan bakit ako nandito sa Manila. Nilalakad ko ang mga papeles ko sa Embassy."
"Ganun ba? Mukhang mahirap nga yan. Ang alam ko strikto na ngayon ang US Embassy sa mga ganyang problema."
"Kaya nga Kuya. Kawawa na si Luthan sa problema niya kaya huwag mo nang kawawain pa. ANg laki na nang nagagastos niya diyan sa paglalakad ng green card eklavu niya. Naloko pa siya ng fixer. Kaya kung paaalisin mo pa siya, sobrang sama mo na noon," ani Franceli na hindi ko naman naintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin.
"Sorry pala kung nasaktan kita kanina... Pinagtatanggol ko lang ang kapatid ko... Pasensiya ka na Luthan. Sana...sana 'wag mo nang sabihin sa Daddy mo ang tungkol sa nangyari."
Napatawa si Franceli. Siguro nga natakot talaga ang Kuya niya sa sinabi ko. Tumango na lang ako.
"So Luthan, ano naman ang pinagkakaabalahan mo? Nag-aaral ka ba? O may trabaho ka na ba?"
Napalunok ako sa sunod-sunod na tanong ng Kuya ni Franceli. Kinakabahan pa rin ako dahil maaari akong magkamali. Buti na lang tinuruan na ako ni Franceli nang maigi kung ano ang isasagot sa mga tanong ng Kuya niya.
"Meron po akong trabaho sa US. At may inaasikaso po ako para sa family business dito," sagot ko at nakita kong ngumiti si Franceli. "Yun din po ang dahilan kaya kami nagkakilala ni Franceli..."
"Ganun ba? Hanggang kailan ka naman rito sa Manila?"
"Siguro po ay mga ilang buwan lang," sagot ko. "Aalis din po ako at babalik sa'min kapag maayos na ang mga papeles ko..." Tumatango-tango na ang kuya ni Franceli sa mga sinasabi ko.
Ganito pala ang pakiramdam nang nagsisinungaling. Ang bigat sa pala sa pakiramdam. Nakokonsensiya ako na nagsisinungaling ako sa Kuya ni Franceli pero ayoko namang mapaalis ng bahay nila. Naisip ko tuloy, ano kaya ang mangyayari sa amin ni Franceli sa oras na matupad na ang kahilingan niya at maging tao na ako?
Magkikita pa ba kami nun? Ano pala ang mangyayari sa'kin nun?
"Ganun ba? Eh 'di uuwi ka rin sa inyo? Maiiwan mo rin pala si Frans dito..." tanong pa niya.
"Opo." Ewan ko kung bakit, pero parang bigla akong nalungkot sa sinabi ko. "Pero babalikan ko naman po si Franceli. Hindi ko na po siya kayang iwan nang matagal," sagot ko at nakita kong nakatitig si Franceli sa'kin. Siguro nagulat din siya sa sinabi ko kasi kahit ako nagulat din.
"Good," seryosong sagot ng Kuya ni Franceli. "Luthan eto sasabihin ko sa 'yo nang lalaki sa lalaki... Kahit hindi kami nito laging nagkakasundo ni Frans ay mahal na mahal ko yan... Hindi ako pabor na dito ka tumitira sa bahay for the meantime pero ayokong masaktan si Franceli 'pag pinalayas kita. Kaya gusto kong mangako ka na hinding-hindi mo paiiyakin o sasaktan ang kapatid ko dahil kung hindi ay uuwi ka sa inyo ng pira-piraso..."
"Naiintindihan ko po. Hindi ko po kayang saktan si Franceli dahil... dahil mahal na mahal ko siya..." sagot ko at hindi ko naiwasang mapatingin kay Franceli nang sinabi ko yun.
Mabuti naman kung ganun," sagot niya. "Aasahan ko 'yang sinabi mo, Luthan. At 'wag ka nang po nang po sa'kin dahil bata pa rin naman ako. Kuya Ferdie na lang."
Tumango ako na nahihiya. Nakita ko ring nag-thumbs up sa'kin si Franceli. Ibig sabihin ba nito ay okay na ako sa Kuya niya?
"Salamat naman Kuya at pinagbigyan mo ako... Pero nagtatampo pa rin ako sa 'yo... Kaya 'wag kang masyadong fc sa'kin," sabi ni Franceli sa Kuya niya.
"Ayoko ng maging masamang Kuya sa paningin mo Frans kaya susuportahan kita sa gusto mo... Hindi na ako tututol sa inyo ni Luthan. Pero naiintindihan mo naman sigurong kailangan kong sabihin kina Mommy at Daddy ang lahat nang nalaman ko?"
Nanlaki na naman ang mga mata ni Franceli sa sinabi ng Kuya niya. "Kuya! Wag na! Baka magalit sila!"
"Hindi pwede, Frans. They need to know," pagkontra ni Kuya Ferdie.
"Eh paano kung hindi nila gusto na andito si Luthan?" tanong pa ni Franceli at kinabahan pa ako lalo.
"Wala tayong choice kundi paalisin 'yang boyfriend mo. But don't worry, tutulungan kitang magpaliwanag sa kanila..."
Tumango si Franceli sa Kuya niya. Mukhang seryoso na talaga itong napasukan ko.
"Eh ikaw naman Kuya, ano'ng hangin naman ang nagpabalik sa 'yo rito?" tanong pa ni Franceli sa Kuya niya. Parang may tampo at inis pa rin siya sa kapatid niya pero hindi na tulad ng kanina.
"School Reunion namin kanina ng mga dati kong classmates," sagot naman ni Kuya Ferdie.
"Ay ang sosyal," sarkastikong komento ni Franceli. "Pag mga reunion pala nakakapunta ka Kuya..."
"Frans naman..."
Sasagot pa sana si Franceli kaso hinawakan ko na siya nang mahigpit sa kamay niya para tumigil na muna siya. Kahit hindi nila ako kaano-ano ay ayoko sa pakiramdam na nag-aaway sila. Ang bigat kasi. Tapos pakiramdam ko pa kasalanan ko kung bakit sila nag-aaway.
Naawa rin tuloy ako kay Franceli. May ganito pala siyang pinagdadaanan, 'di ko man lang napansin. Hindi man lang ako nagtaka nung una kung bakit mag-isa lang siya sa bahay niya.
"Frans, ayoko nang mag-away tayo please..." pakiusap ni Kuya Ferdie.
"Hindi naman ako ang problema," sagot ni Franceli. "Nakakapagtampo lang talaga Kuya na kaya mong umuwi kapag para sa ibang tao... Hindi kita kinulit na umuwi ka ulit dito kasi sanay na 'kong mag-isa, pero ang sakit pala talagang malamang ibang tao pa ang dahilan nang pag-uwi mo..." At pagkatapos sabihin yun ni Franceli ay tumayo na siya at tumakbo paakyat ng kwarto niya. Tinawag pa siya ng Kuya niya pero hindi na lumingon si Franceli sa amin. Narinig ko ang malakas na pagkalabog ng pinto ng kwarto niya. Nagkatinginan na lang tuloy kami ni Kuya Ferdie.
"Kuya pasensya na po sa inasal ni Franceli. Hayaan niyo po at kakausapin ko siya na makipagbati na sa 'yo."
"Salamat Luthan," tugon ni Kuya. "Alam mo close na close kami niyan ni Frans dati. Sa lahat ng ginagawa ko kasama ko siya palagi. Akala ko nga magiging tomboy yan eh, kasi nahilig sa extreme sports tulad ko tapos may pagka-boyish pa. Ngayon lang naman kami naging distant nang magkatrabaho ako..."
Tumango ako. "Kuya Ferdie, sana po dito ka na lang tumira ulit. Kasi malungkot po talagang mag-isa. Ayoko rin pong makitang malungkot si Franceli."
Pinagmasdan muna ako ni Kuya Ferdie bago siya ngumiti. "Gusto ko rin namang bumalik dito, kaso hindi pa ngayon..."
"Kelan pa po ba kayo makakabalik?"
"Pag maayos na 'yung magulong buhay ko... Ayoko kasing madamay si Frans..."
Hindi ko naintindihan ang sinabi ni Kuya Ferdie pero hindi ko na lang yun pinansin. Para kasing masyado na ring personal yun.
"Akyatin ko po muna si Franceli," paalam ko. "Kausapin ko lang."
"Sige."
Paakyat na ako ng hagdan nang tinawag niya ako. "Luthan. Salamat pala sa pagsama dito kay Frans. Kung hindi mo siguro siya sinamahan dito ay malamang sobra-sobra na ang galit nun sa'kin. Kaya salamat. At sorry din kasi nasaktan kita kanina."
"Ayos lang yun Kuya, siguro kung ako rin ang Kuya ni Franceli ay ganun din ang gagawin ko..."
Pinagpatuloy ko na ang pag-akyat ng hagdan nang magsalita ulit si Kuya Ferdie. "Luthan. Ingatan mo si Frans. Gusto na kita para sa kapatid ko..."
Umalingawngaw sa tenga ko 'yung sinabi ni Kuya Ferdie. Ang sarap kasi sanang pakinggan. Kaso imposibleng maranasan kong umibig.
Yung tunay na pag-ibig.
Kasi isa akong bituin.
FRANCELI
Umiyak ako nang umiyak sa kwarto ko. Pakshet kasi itong si Kuya, sarap sakalin nang dahan-dahan tapos ibibitin nang patiwarik.
Siyempre masakit para sa'kin na malamang umuwi pala ang Kuya ko hindi dahil sa'kin kundi dahil sa reunion niya ng mga dating classmates niya.
Nakakainis, parang di niya ako kapatid. Mabuti sana kung hindi kami close sa isa't-isa. Maiintindihan ko pa kung dati pa ay wala na kaming pakialamanan.
Alam kong para sa iba mukha akong nag-iinarte at sasabihin nila na ang babaw ng problema ko. Na masyado akong madrama sa buhay ko. Pero hindi nila alam ang pakiramdam nang nag-iisa sa isang malaking bahay. Sawing-sawi na nga ako kay Reuben mylabs, pag-uwi ko sa bahay sawi pa rin ako kasi ako lang ang tao. Mabuti nga at dumating sa buhay ko si Luthan kaya kahit papano ay nalilibang ako kapag nasa bahay kami.
May narinig akong kumatok sa pinto. Hindi ko iyon pinansin kasi malamang si Kuya yun. "Franceli pwede ba akong pumasok?" sabi ng boses ni Luthan sa labas.
Tumayo ako para pagbuksan siya na agad pumasok sa kwarto ko. Naupo siya sa kama ko at pinagmasdan niya ang itsura ko.
"Franceli... 'wag ka nang magalit sa Kuya mo..." mahinang sabi niya at pinandilatan ko siya.
"Wow ano ka ba ni Kuya? Spokesperson ka na niya?"
Umiling siya. "Franceli, hindi maganda 'yung nagtatanim ng galit sa kapwa lalo na sa kapatid mo..."
"Sorry naman at 'di ako na-inform na guidance counselor ka na ngayon..." sabi ko pa. "At si Kuya talaga ang kakampihan mo?"
"Wala akong kinakampihan..." saad ni Star Boy. "Ayoko lang na ganyan ka. Ayokong mabalot ng galit ang puso mo... Nakalimutan mo na ba? Hindi natutupad 'yung mga hiling kapag may galit o kahit anong masamang intensyon sa puso mo..."
"What? Eh ano naman ang kinalaman ng galit ko kay Kuya sa hiling ko? Di ba wagas ang pag-ibig ko kay Reuben mylabs? Dapat yun na yun!" Minsan talaga sasapukin ko na itong si Luthan nang bonggang-bongga kasi ang hilig niyang magpa-suspense.
"Franceli, mahihirapan akong tuparin ang hiling mo kung may galit ka naman sa puso mo... Kahit sapat na ang liwanag na nasa akin kung hindi naman dalisay ang puso mo ay wala ring silbi iyon."
"Oo na! Makikipag-ayos din naman ako kay Kuya eh!" sagot ko. Halos sumisigaw na 'ko sa asar. Ibig sabihin pati feelings ko ay nakakaapekto sa katuparan ng hiling ko?
Nagulat naman ako nang hinawakan ako bigla ni Luthan sa kamay. Titig na titig pa rin siya sa'kin. "Franceli. Pasensya ka na ha kung 'di ko man lang napansin na may problema ka pa lang ganito. Hayaan mo. Pangako ko sa 'yo, hangga't kailangan mo ako, hanggang gusto mo ako sa bahay na ito, at habang 'di ko pa natutupad 'yung hiling mo, hindi kita iiwan..."
Napatitig ako sa kanya. Nakita ko sa mga mata niya 'yung sincerity at ewan ko ba, naiyak ako bigla. For the first time kasi, may taong nangakong hindi ako iiwan. Sina Mommy, Daddy, Kuya, at lalo naman si Reuben, lahat sila malayo sa'kin at sa buhay ko. Pero eto, may isang nilalang na nagsasabing hindi niya raw ako iiwan.
"Promise yan ha..." humihikbing tanong ko at niyakap niya ako. Alam kong wala namang malisya 'yung yakap niya pero nailang pa rin ako nang konti. Ano ba itey, super closeness na ba kami?
***
Kinabukasan maaga akong ginising ni Luthan. Naloka pa ako dahil akala ko tumabi siya sa'kin sa pagtulog kaya naitulak ko siya. "Bakit mo naman ako tinulak Franceli?" reklamo niya.
"Nanggugulat ka kasi eh!" sagot ko. "Siyempre babae pa rin ako..."
Ngumisi si Star Boy nang pilyo. "Naiilang ka pa ba sa'kin? Dati nga ilang beses mong hinawakan 'yung ano ko eh..." sabi pa niyang natatawa at namula naman ako.
"Hoy bakit ginusto ko ba yun?" singhal ko. "Nagpapanggap lang tayo, remember that Luthan! Kaya 'pag tayong dalawa lang eh 'di mo na kailangang mag-effort sa pagpapanggap mo..."
Natigilan siya sa sinabi ko. Parang nalungkot siya sa sinabi ko. Bakit, don't tell me nagkakamalisya na siya sa'kin, kasi hindi ako maniniwala. Isa pa rin siyang bituin.
Sinabayan niya ako pagbaba ng hagdan. Andun na sa mesa si Kuya at kumakain na ng almusal. Hangsosyal, di man lang nangimbita.
"Kaya naman pala nagustuhan mo si Luthan," komento ni Kuya habang kumakain kami. "Magaling magluto at marunong sa mga gawaing bahay. Hindi halatang galing siya sa may-kayang pamilya."
Hindi ko na lang pinansin si Kuya na tingin nang tingin sa'ming dalawa ni Luthan. Magkatabi kasi kami ni Luthan sa pagkain at pinagsisilbihan niya pa ako. Siya ang nagtimpla ng Milo ko at pinagbalat niya pa ako ng nilagang saging. Nakakatuwa naman si Star Boy. Ang galing magpanggap na boyfriend ko. Asikasong-asikaso ako.
"Nga pala Franceli. Mamayang tanghali ay may mga bisita akong pupunta rito. Mga classmates ko noong high school. Mangungumusta lang..."
"Gagawin ko?" naiinis kong sagot. Walastik kasi, magdadala pa siya rito ng ibang tao sa bahay.
"Nagpapaalam lang ako sa 'yo Frans..."
"Buti naman..." sabi ko pa. Alam kong medyo bastos na 'ko pero deserve na deserve ni Kuya ang ginagawa ko sa kanya. "Ikaw bahala Kuya. Lalabas na lang kami ni Luthan."
Naging malungkot ang mukha ni Kuya at na-guilty naman daw ako. "Saan naman kayo pupunta?"
"Magdi-date na lang kami..." sagot ko at nakita kong ngumiti si Luthan. Naks, excited ang boyfriend kong galing outer space na makipag-date sa'kin.
"Sige. Basta uwi lang kayong maaga. Alam ko namang 'di ka pababayaan ni Luthan." Nagkatinginan pa ang dalawang lalaki. Nakakaloka, parang close na rin itong si Luthan kay Kuya.
Kaya pagkatapos naming kumain ay naligo na ako at nagbihis. Manonood na lang kami ni Luthan ng movie tapos kakain na rin kami sa labas. Isasama na rin namin si Steph para mas masaya. Alas diyes na ng umaga nang matapos kaming dalawa ni Luthan mag-ayos ng aming mga sarili. Paano kasi, ilang ulit ko siyang pinagbihis kasi hanggang ngayon hindi niya pa rin alam magbihis nang maayos. As usual ako rin ang nag-ayos ng buhok niya na pinatayo ko nang bahagya gamit ang wax. At ang mokong, tuwang-tuwa naman na pinapa-gwapo ko siya.
Palabas na kami ng gate nang dumating ang mga bisita ni Kuya. Apat sila, at pamilyar sa'kin 'yung dalawa. Nanlaki ang mga mata ko nang ma-realize ko kung sino sila.
"Teka, ikaw na naman?" tanong ng babae kay Luthan.
"Teka kilala mo si Luthan, Daniella? Boyfriend siya ng kapatid ko," sagot ni Kuya at pinatuloy na niya sa bahay ang mga bisita niya.
"Siya nga! Hindi kami nagkakamali!" dugtong naman ni Koyang Bekilou.
"Luthan nga 'yung name nang tumakas sa'min!"
Hindi na kami nakapagsalita ni Luthan sa kaba at tinitigan kami ni Kuya na nagtataka. Bakit kasi naging classmates pa ni Kuya ang dalawang nurse sa mental facility na yun?
"Luthan, totoo ba itong sinasabi nina Dean at Daniella? Takas ka raw sa kanila?" seryosong tanong pa ni Kuya at feeling ko katapusan na namin ni Star Boy.