[FRANCELI]
Maaga akong nagising kasi excited akong pumasok sa school. Makikita ko na naman kasi si Reuben mylabs. Hanggang ngayon kasi kinikilig pa rin ako sa pagpunta nina Reuben sa'kin. Pagkababa ko sa kusina, gising na si Luthan at napatigil naman ako nang makita ko siya kasi wala siyang suot pang-itaas!
Naku! Nag-aala-boldstar na naman si Star Boy! Mabuti sana kung hindi siya yummy eh! Kaso ang hot niya at natatakot akong baka magkasala ako kay Reuben mylabs!
Kaya pinulot ko 'yung isa kong tsinelas at binato ko nun si Luthan sa ulo.
Bullseye!
"Aray! Bakit mo ginawa yun?" tanong niya sa'king napakamot sa ulo niya.
"Ba't wala ka na namang suot na damit? Eh 'di ba binigay ko na sa 'yo 'yung mga lumang damit ni Kuya? Bakit di mo sinusuot?" Napakuha tuloy ako sa drawer ng kuya ko ng damit at inihagis yun kay Luthan. Sinuot naman niya yun at kumuha na ako sa ref ng makakain namin.
"Pasensiya ka na. Hindi kasi ako talaga sanay magdamit. Noong bituin pa ako---"
"Noon yun' Luthan. Noong bituin ka pa. Pero dahil dito ka na nakatira sa'kin, aba'y magsuot ka naman ng damit. Lalo na kung lalabas ka ng bahay. Mamaya bigyan ng malisya ng mga tao 'yang paghuhubad mo, ma-chismis pa akong may ka-live in na. Kakatayin talaga ako nang buhay ng pamilya ko, sinasabi ko sa yo.'"
Nagsaing muna ako sa rice cooker tapos nagtimpla ako ng Milo para sa'min ni Luthan. Natuwa naman siya roon at kinuha agad sa'kin 'yung Milo niya at pinapak niya yun na parang bata.
"Sarap na sarap ka talaga sa Milo ah..." komento kong naaaliw.
"Ang sarap kasi... mabuti na lang marami kang Milo rito. Ang swerte ko talaga."
Natawa ako sa sinabi niya. Kahit pala may pagnanasa ako dito sa Star Boy na 'to, wala pa lang effect ang ganda ko, sadyang Milo ko lang talaga ang habol niya. Umiling na lang ako sa pinag-iisip ko.
"Franceli, 'di ba papasok ka ngayon sa school mo? Isama mo naman ako, gusto ko ring mag-aral," pakiusap ni Luthan habang naghahanda ako ng lulutuin.
"Hindi pwede. Wala kang records ng kahit ano kaya gustuhin ko mang makapag-aral ka ay imposible yun," sagot ko at nalungkot doon si Luthan.
At saka baka pagkaguluhan ka dun, sa gwapo mo ba namang lalaki ka, dugtong ko pa sa sianabi ko sa utak ko. Disappointed yata ang loko kaya pinalapit ko na lang siya sa'kin. "Halika, Luthan, panoorin mo na lang ang ginagawa ko. Since gusto mo talaga maging tunay na tao, tuturuan din kita ng mga bagay na dapat alam mo. Ngayon tuturuan kitang magluto."
Nagsalang na ako ng kawali sa kalan at naglagay na ako ng mantika. Pinapanood ako ni Luthan na nakangiti na. Nagprito ako ng hotdog saka itlog. "Ayan, ganyan ang pagprito niyan ha, dapat hindi sunog." Binigay ko na sa kanya 'yung siyanse. "O ikaw na." Excited naman na kinuha ni Luthan ang siyanse sa'kin at siya na nga ang nagprito. Aba, ang bilis niyang matuto!
"Tama ba 'to?" tanong niya at pinakita niya 'yung prinito niya.
"Alam mo ang galing mo magprito,"puri ko sa kanya. "Sige, ipagpatuloy mo lang yan. Maliligo muna ako." Iniwan ko na nga siya para maligo at pagbalik ko galing sa pagbibihis, nakita kong nakahain na ang mga pagkain sa mesa. Pati kanin nagsandok na siya kaya na-impress talaga ako. I guess masyado kong minaliit ang kakayahan niyang makapag-adjust. Hindi naman pala ako magkakaroon ng varicose veins kaka-explain sa kanya ng bawat bagay sa mundong ibabaw. Thank you Lord.
"Kain na tayo Franceli!" yaya niya pa nang mapansin ako.
"In fairness naman sa 'yo ha," nakangiting tugon ko sa kanya. "Parang 'di ka naman talaga bituin. Marunong ka na ngang maghain ng pagkain eh. Tikman ko nga kung masarap!" Naupo na ako at kumagat ako sa isang hotdog. Pinagmasdan naman ako ni Luthan at hinihintay niya yata ang reaction ko.
"Ano Franceli? Masarap ba ang hotdog ko?"
Muntik ko nang maibuga 'yung kinakain ko dahil sa sinabi niya. Hanubey, Franceli! Ang dumi ng isip mo!
"Ayos ka lang Franceli? Anong nangyari?Hindi ba masarap ang hotdog ko? Eh 'yung itlog ko?" nag-aalalang tanong niya na parang iiyak na rin. This time, naibuga ko na talaga sa kanya 'yung kinakain ko. Ang epic ng mukha niya pagkabuga ko ng kinain ko sa kanya. Ewan ko nga at paano ko napigilan ang sarili ko na tumawa nang bongga.
Agad ko namang pinunasan yung mukha niya. "Sorry Luthan! Ano ba yan, note to self, 'di na ako magpapaluto ng hotdog at itlog sa 'yo!"
"Pasensiya ka na kung hindi masarap ang luto ko, Franceli. Noong bituin pa kasi ako, minsan pinapanood ko ang mga tao na nagluluto kaya akala ko tama na ang ginawa ko. Aayusin ko na lang sa susunod." Malungkot talaga ang mukha niya dahil sa naging reaction ko kaya na-guilty naman ako.
"Ano ka ba? Masarap 'yung luto mo. Nabulunan lang talaga ako," palusot ko na lang. Pero malungkot pa rin si Luthan kaya kinuha ko 'yung lunchbox ko at naglagay ako ng pagkaing niluto niya roon. "Para maniwala kang masarap ang niluto mo, ayan o, magbabaon pa ako nito sa school para sa lunch ko."
Ngumiti na rin si Luthan sa wakas at doon lang ako nakahinga nang maluwag. Narinig ko namang nag-ring ang phone ko. Tumatawag pala si Steph.
"O Steph, nasa school ka na ba?" bati ko sa kanya sa phone.
"Oo besh!" Parang kinikilig pa si Steph sa tono ng pananalita niya. "Asan ka pa ba? Alam mo bang lumapit sa akin si Reuben kanina, hinahanap ka?"
Mabuti na lang at wala ng pagkain sa bibig ko kung hindi ay baka naibuga ko na naman iyon kay Luthan. "Weh? Wag mo nga akong ginu-good time, Steph!" Sumisigaw na ako kasi parang niloloko niya na naman yata ako para magmadali ako sa pagpasok ko.
"Ayaw mong maniwala ha. Tanungin mo pa si Glen. Sabi niya may sasalihan daw kayong competition?" tanong niyang nagpaalala sa akin sa nangyari kagabi.
"OMG! Steph! Ibig sabihin hindi ako nananaginip kagabi?"
Narinig ko na ang malutong na tawa ni Steph sa kabilang linya kaya alam ko ng totoo nga talagang nakausap ko kagabi si Reuben mylabs. Well, technically si Glen ang nakausap ko pero so what? Knowing Reuben, parang ganun na rin yun dahil ang pinsan niya talaga ang spokesperson niya.
"Ang sabi ni Glen kakausapin ka nila kaya magpunta ka na rito!"
Hindi ko na napigilan ang excitement ko at nagtitili na ako. "Parating na 'ko diyan!" sigaw ko kay Steph.
This is it!
Napapansin na rin ako sa wakas ni Reuben! Kapag nagpatuloy 'to, mukhang hindi ko na kailangan ang tulong ni Luthan!
[LUTHAN]
"Aalis ka na?" tanong ko kay Franceli na parang di na mapakali. Palabas na siya ng bahay.
"Oo! Hinihintay na ako ni Reuben mylabs!" sumisigaw na siya sa tuwa. "O sige na. Bye Luthan! See you later!" Lumabas na siya ng bahay. Sinundan ko siya hanggang sa pinto at bigla na lang akong nakaramdam ng lungkot pagkaalis niya. At inis.
Pero bakit kaya ako naiinis? Wala naman akong makitang dahilan para mainis kay Franceli. Ah, baka naman kasi ayokong kusang umibig 'yung Reuben na yun kay Franceli nang ganoon na lang. Kapag mangyari kasi yun, ibig sabihin hindi na ako kailangan ni Franceli. Eh di paaalisin na niya ako rito sa bahay niya.
Hindi pwedeng mangyari yun kasi kailangan ko pang mahanap siya... Hindi ako pwedeng mabigo.
Malungkot ulit akong pumasok sa loob ng bahay. Ang tahimik pala rito kapag wala si Franceli. Ano naman ang gagawin ko rito habang wala si Franceli? Parang nakakabugnot naman dito kung buong araw lang akong nandito. Matutulog na lang ulit ako. Balak kong matulog na lang ulit habang nasa paaralan pa si Franceli nang makita ko naman ang isang bagay sa mesa sa hapag-kainan.
Naiwan niya ang baon niyang pagkain!
Tiyak magugutom siya roon sa paaralan nila dahil wala siyang dalang pananghalian!
Nag-isip ako ng dapat gawin at iisa lang naman ang bagay na magagawa ko. Dadalhin ko ang baon niya sa kanya.
[FRANCELI]
Wala kaming first period kaya naabutan kong nakatambay ang mga classmates ko sa labas ng room namin. Tumabi ako kay Steph na nakaupo malapit sa mga puno ng mangga. "Hoy Steph! Ano na? Kwento ka na dali!" bungad ko sa kanya na kinakabahan at super excited. "Anong sabi ni Reuben mylabs kanina?"
"Franceli! Besh! Mukhang may naaaninag na akong pag-asa sa inyong dalawa ni Reuben!" tili niya na umagaw pa ng atensiyon ng ibang estudyante.
Napatakip ako ng bibig dahil sa sinabi niya. "Really? Feel mo? Ano nga kasi sinabi?"
"Tinanong ako kanina ni Reuben kung napag-isipan mo na nga raw ba kung sasali ka sa isang event next week! As in nagulat ako besh! Ngayon lang niya ako kinausap at tungkol pa sa 'yo ang topic namin!"
"O, anong sinabi mo?"
"Eh di sinabi kong hindi ko pa alam dahil di pa naman kita nakakausap ngayong araw," sagot niya na namimilog ang mga mata. "Pero besh, di ba? Bakit niya ako tatanungin tungkol sa 'yo? Besh, hindi kaya gusto ka na rin ni Reuben?"
Tumili na rin ako dahil sa nagiging takbo ng usapan namin ni Steph. "OMG! Sana nga!" Tapos kinuha ko mula sa bag ko iyong poster na binigay ni Glen sa'kin kagabi. Sabay naming binasa. "Amazing Cycling Race." Hala. Karera pala ito ng mga cyclist? "Teka, sporting event pala 'to?"
"O, ba't ka naman nagulat pa diyan? 'Wag mong sabihing kinakabahan ka pa? Eh lagi naman kayong sumasali sa mga ganyan dati ng Kuya mo noong tomboy ka pa?"
Inirapan ko si Steph sa hirit niya. "Hindi naman yun ang concern ko eh," matamlay kong sagot. Tinuro ko taas ng poster. "Ayan o, kailangan daw mag-partner 'yung sasali."
Ngumiti naman si Steph nang nakakaloko. "Ayan! Tadhana na ang gumagawa ng paraan sa inyo ni Reuben! Grab the opportunity na besh! Baka nga kaya ka tinatanong ni Reuben sa'kin dahil gusto ka niyang maging partner!" Nagtitili na kaming dalawa sa sinabi ni Steph. Posible kasing yun talaga ang pakay ni Reuben sa akin!
"Oh my God talaga, Steph. wala pa man, oo na agad ang sagot ko!"
"Naman! Huwag mo nang pakawalan ang chance na ito Franceli!" Nagtaas pa ako ng isang kamay para 'sumumpa' na gagawin ko ang lahat makamit ko lang ang aking minimithing pagtingin ni Reuben mylabs. High na high na tuloy ako buong araw mula sa tuwa dahil sa development sa love life ko ngayon.
Lunch break na at naupo kami ni Steph sa kiosk sa may School Gymnasium kung saan kumakain at tumatambay ang mga students na nagbabaon. Pwede naman talaga kaming umuwi ni Steph sa mga bahay namin 'pag lunch kaso thirty minutes lang ang break namin at hassle naman kung uuwi pa kami. Ang kaso naman ngayon, naiwan ko yata sa bahay 'yung baon ko! Naku, tiyak malulungkot si Luthan kapag makita niya yun doon sa bahay. Baka isipin pa niya sinadya ko yun at lalo pang magtampo ang Star Boy. Pero ano ba Franceli, bakit ka naman mag-aalala sa damdamin ni Luthan? Dapat kay Reuben ka mag-focus! Lalo na sa nangyayari ngayon!
"Ano besh, sasali ka ba sa Amazing Cycling Race? Kung sasali ka talaga, ito na ang chance mong makapareha si Reuben!" Nginuso ni Steph 'yung katabi naming kiosk kung saan may limang estudyanteng dumating upang tumambay doon. "Yayain mo na siya agad-agad."
"Alam ko!" sagot ko. Bigla akong kinabahan kasi kakausapin ko na naman si Reuben mylabs. Siyempre nag-aalangan na ako kasi hindi naman kagandahan iyong huling beses ko siyang kinausap. Pero kailangan ko talaga siyang maka-partner para sa future namin kaya kailangan kong tanggapin ang hamong ito.
Kaya mo 'to Franceli! Kakausapin mo lang naman siya. Mas malala pa 'yung mga ginawa mo sa harap niya dati kaya hindi ka na dapat kinakabahan. Go, go, go! Aja! Fighting!
Huminga muna ako nang malalim bago kami naglakad ni Steph papunta sa kabilang kiosk. Naabutan namin silang lima na nagkukwentuhan at nagtatawanan habang naghahanda ng mga pagkain nila sa mesa nila. Magbabarkada sila. Yung tatlong lalaki ay sina Glen, Paco, at siyempre si Reuben mylabs. Yung dalawang babae naman ay sina Mikka at Leila. Lahat sila ay mga classmate ko ngayon dahil pare-pareho naman kami ng course. Yung Mikka ay may gusto raw kay Glen samantalang 'yung Leila naman ay si Reuben mylabs ang hinahabol. Mabuti na nga lang at di siya pinapatulan ng future boyfriend ko. At saka asa pa siya, mas maganda naman ako sa kanya. Pero kung nagkataon kasi ay baka nabalatan ko na ng buhay ang malanding babaeng ito.
"O Franceli, kumusta?" masayang bati ni Glen pagpasok ko sa kiosk nila. Napansin kong sumimangot bigla 'yung Mikka pagkakita niya sa'kin. Insekyura yata ang lola mo. Si Reuben naman, sinulyapan niya lang ako tapos biglang nag-iwas na rin ng tingin. "Sasali ka sa event ha?"
"Ah oo, sasali 'tong besh ko," sabi ni Steph nang matulala na lang ako. Mabuti na lang talaga at maaasahan ko si Steph. "Ang kaso wala pa siyang partner. Busy na kasi ang Kuya niya at hindi naman ako pwede kasi di ba boy and girl dapat 'yung mag-partner? Kaya nandito siya para magtanong kung sino pa sa inyo 'yung sasali sa event na walang partner."
"Alam ko na ang style mong yan Franceli," hirit naman nung Leila sa'kin na mukhang tuod na nilagyan ng mukha. "Gusto mong yayain si Reuben na maging partner mo ano? Sorry ka na lang, kasi ako na ang kapareha niya. Mismong Mommy pa niya ang nakiusap sa akin," mataray na sabi niya pa at gusto ko na siyang sapatusin. Pinapahiya niya ako sa harapan ni Reuben mylabs at hindi ko yun mapapayagan!
Kaya kunwari natawa ako sa sinabi niya. "Ayos ah. Leila, kelan ka pa natutong mag-balance at mag-pedal?" balik ko sa kanya. Dinig ko ang malakas na tawanan nila sa hirit ko maliban siyempre kay Leila. Kahit nga si Reuben ay napangiti kahit tipid eh.
May history kasi yun. Sinubukan na kasi ni Leila na magbisekleta dati para nga magpa-impress kay Reuben. Ang kaso, kung hindi ba naman tanga ang bruha, hindi niya pala alam na dapat mag-pedal para umandar 'yung bisekleta niya kaya sumemplang siya sa puno ng Acacia.
"Inggit ka lang kasi ako ang partner ni Reuben at hindi ikaw," irap ni Leila na nanlaki ang butas ng ilong. "Laslas ka na lang gurl kasi hindi uubra kay Reuben 'yang mga style mo!"
"Tama na nga yan Leila!" saway ni Glen. Napailing ako dahil sa pagpipigil. Ayoko sanang umastang warfreak sa harapan ni Reuben pero hindi ako magpapatalo! Hindi ko na nga ka-partner si Reuben, magpapaapi pa ba ako?
"Alam mo Leila, tuwang-tuwa kang hindi kami ni Reuben, eh hindi naman din kayo! Asa ka din gurl, sa itsura mong yan, hindi mo kailangan ng lalaki sa buhay mo dahil hula ko para kang halaman na nagre-reproduce sa pamamagitan ng marcotting!"
Nagtawanan na naman ulit 'yung mga kasama ng bruha. Mukha yata akong clown sa mga ito eh. Pati kasi si Reuben ay tumawa at parang gusto nang malusaw ng panty ko sa kilig. Megash, tumawa siya sa hirit ko!
"O sige na, bumenta ka na!" resbak naman ni Leilang tuod na composed pa rin kahit na lamang ako sa laitan portion namin. "Kaya umalis ka na at wala ka nang mapapala dahil hindi makikipagpareha sa 'yo si Reuben! Binasted ka na nga niya di ba?"
Medyo kumirot ang puso ko sa sinabi niya dahil una, totoo. Pangalawa, poker face lang ang expression ngayon ni Reuben kaya parang tino-tolerate niya lang ang nangyayari. "Besh, pigilan mo ako at baka masabunutan ko 'yang balugang yan na pinaglihi sa pwet ng baso! Kumikinang nga pero fake naman!" banta ni Steph at sila naman ni Leila ang nagtarayan.
"Aba, at nagsalita ang pinaglihi sa airport ang noo!" ganti pa ni Leila. "Pwede ba? Umalis na kayo? Seriously, what made you think na makikipag-partner sa inyo si Reuben? Gumising nga kayo!"
"Well, just in case hindi mo alam, nagpunta kami rito kasi sila naman ang nag-invite sa beshie ko na sumali diyan. Kinausap pa nga ako ni Reuben kanina at tinanong niya ako kung sasali si Franceli! Eh di siyempre sa kanila kami magtatanong about sa partners! Gamitin mo ang utak mo Leila, pwede?"
Dahil sa sinabi ni Steph ay napatingin ang mga kasama ni Reuben sa kanya. Kaya nga lang, no comment pa rin ang loko. "Franceli, ako na lang partner mo!" sabi naman bigla ni Glen na namumula. Sa kanya na tuloy nabaling ang atensiyon ng lahat. "Ano kasi... balak talaga kitang yayain kagabi... nahiya lang ako..."
Natigilan ako dun. Ay ganun? Tama ba 'yung narinig ko? Niyayaya niya ba ako?
Teka, type ba ako nitong si Glen?
"Ano?" hindi pa makapaniwala si Leila. "Eh paano si Mikka? Glen, gusto ring sumali ni Mikka sa event!"
Tiningnan ko naman si Mikka. Parang nahihiya rin siya. "Ay naku, sige o-okay lang Glen. Si...Franceli na lang ang gawin mong partner. Di ba nga at magaling siyang magbisekleta? S-Siya na lang. 'Pag ako kasi baka matalo pa tayo. Kalimutan mo na lang 'yung s-sinabi ni Leila." Nakatungo si Mikka nang sinabi niya ang mga iyon kaya ramdam ko ang sakit sa ginagawa niyang pagpapaubaya.
"Gusto ko rin sanang sumali kaso aalis kami ng family ko sa date ng event," sabi naman nung Paco. "Kaya sorry girls."
"Don't tell me si Franceli pa ang mas pipiliin mo, ha Glen?" tanong ni Leila. "Napagkasunduan na natin 'to!" May personal yatang galit sa akin 'tong si Leilang tuod. Na-stress na ako sa kanya. "Para saan pa ang barkadahan natin since high school kung ibang tao ang pakikisamahan mo?" Hindi naman halatang galit talaga sa'kin ang Leila na ito. Hay, kung si Reuben na lang sana ang nag-offer na gawin akong partner eh di wala ng problema. Ang kaso andun lang siya sa gilid na parang poste ng Meralco.
"Hoy anak ni Piccolo, hindi lang kung sinong ibang tao si besh! Mananalo kayo kapag siya ang kapareha niyo. Baka nakakalimutan niyong may experience na siya sa cycling contests?" pagmamalaki ni Steph sa akin at medyo na-touched naman ako roon. "Bakit pala ikaw ang nagde-decide para kay Glen? Gusto naman ni Glen na maka-partner ang besh ko. At saka nagpaubaya na si Mikka. Pansin mo ba na ikaw lang ang kontra? Kaya 'wag ka ng epal, pwede?"
"Kalma guys..." awat ni Paco. Buti pa ang isang 'to. "Bawal mag-away. Lalo na sa iisang lalaki. Marami pang mga lalaki..."
Hindi na sumagot pa si Leila na mukhang napahiya na nga. "O ano Franceli, ako na ang partner mo ha?" offer na ulit ni Glen. Kahit malungkot na hindi ko na pwedeng makapareha si Reuben mylabs, mukhang okay rin naman na partner si Glen. Nakita ko rin naman na siyang magbisekleta. Sasagot na sana ako nang biglang---
"Hindi pwede." Napalingon kami sa nagsalita na nasa likod ko. "Ako ang kapares niya."
"LUTHAN?" Lahat kami nakatingin lang kay Luthan. I'm sure, laglag na ang mga panty nila Mikka, Leila, at Steph niyan ngayon. Nakasuot kasi si Luthan ng simpleng fitted white shirt at ripped jeans na alam kong kay Kuya at pakinshet lang, ang yummy niya sa suot niya!
"Teka, sino ka?" tanong ni Glen kay Luthan. Sa akin lang nakatitig si Luthan at parang may gusto siyang ipahiwatig.
"Bakit ka nandito?" tanong ko na lang dahil hindi sinagot ni Luthan ang tanong ni Glen. Bakit bigla na lang sumulpot dito ang isang 'to? Lumapit na nang husto si Luthan sa'kin at nakangiti niyang inabot sa'kin ang lunchbox na naiwan ko sa bahay. "Yung baon mo, naiwan mo sa bahay. Dinala ko na rito kasi baka magutom ka."
Na-speechless na ako. Hindi ko na alam ang gagawin, lalo na at nakatingin sa amin si Reuben. Gusto ko na ngang kainin ako ng lupa ngayon kasi alam kong baka iniisip ni Reuben na may relasyon kaming dalawa ni Luthan!
Hindi pwede! Paano na ang love life ko nito?
"Ang sweet mo naman sa besh ko Luthan!" gatong ni Steph sa nangyayari sabay harap kay Leila na nakanganga na pala kay Luthan. "O ano Leila? Laslas ka na gurl kasi walang lalaking kasing gwapo at kasing-hot ni Luthan ang maghahabol sa 'yo!"
Natawa ako kahit parang gusto ko na ring maglaslas. Tinitingnan pa rin kasi kami ni Reuben at sana lang hindi niya ma-misunderstood 'yung naging eksena.
"Sino ka ba? Ano ka ba ni Franceli?" parang inis na tanong ni Glen. Kunot na kunot na ang kilay niya at parang gusto ko nang magduda.
"Ako si Luthan. Ako ang kapareha niya kaya ikaw," turo ni Luthan kay Glen, "sa kanya ka na lang makipag-pareha," turo naman din niya kay Mikka.
"Luthan, mag-usap muna tayo," sabi ko na lang at hinila ko na siya palabas ng kiosk. Alam kong sinusundan pa rin kami ng tingin nina Leila kaya sa may mga puno ko siya dinala para matakpan kami ng mga halaman. "HOY IKAW BITUING LALAKI," sigaw ko dahil galit na talaga ako. "BAKIT KA NANDITO? ALAM MO BA KUNG ANONG GINAWA MO? SINIRA MO ANG IMAGE KO KAY REUBEN! Mamaya isipin nun na boyfriend kita! Naku! Masasapak talaga kita!"
Akala ko aawayin din ako ni Luthan dahil sa paraan ng pagtitig niya sa akin ngayon pero kalmado naman siyang nagsalita. "Hindi mo naiintindihan, Franceli. Kailangan kong gawin yun."
"Gawin ang alin?"
"Ang ilayo ka sa lalaking yun."
Napakunot ako ng noo. "Kanino? Kay Reuben? Bakit ka ba nangingialam ha?" giit ko pang naiinis na kasi nakakainis na itong si Luthan, grabe!
"Ang isa kasi doon sa kanila, isang dating bulalakaw," pagbubunyag ni Luthan at nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya.