[FRANCELI]
Kitang-kita ko kung paano natumba sa sahig si Luthan mula sa suntok ni Kuya at alam kong masakit iyon. Nanlaki ang mga mata ko sa ginawa ni Kuya dahil hindi naman siya bayolenteng klase ng tao. Gusto ko siyang awatin pero hindi ako agad nakagalaw sa gulat.
"Gago ka pala eh!" sigaw ni Kuya kay Luthan at sinugod niya ulit ito na akmang susuntukin pa at doon na ako nakagalaw.
"Kuya! Wag mo siyang sasaktan!" sigaw ko na rin at ihinarang ko ang sarili ko sa pagitan nilang dalawa. Sa'kin naman tumitig si Kuya at kinabahan ako kasi halatang galit na galit siya.
"Wag kang makikialam sa gagawin ko, Frans!" sigaw din sa'kin ni Kuya at bumaling ulit siya kay Luthan. "At ikaw naman, hayop ka, dito ka pa talaga tumira sa bahay!" Sinuntok niya ulit si Luthan at napasigaw na naman ako kasi napuruhan na si Luthan.
Bakit kasi 'di siya umiilag? Anong trip niya at nagpapakamartir siya?
"Ano? Bakit 'di ka lumalaban?" bulyaw ni Kuya kay Luthan na nakayuko lang ang ulo. In fairness kay Luthan, parang walang effect sa kanya yung mga suntok ni Kuya. Dahil kaya ito sa pagiging bituin niya?
"Hindi ko po kayo sasaktan dahil kapatid po kayo ni Franceli," mahinang sagot ni Luthan at bigla namang lumambot ang puso ko sa kanya.
"Ganun ba? Kung ganun naman pala, pwede umalis ka na sa bahay namin at baka mapatay pa kita?" ani Kuya. Kumilos si Luthan para siguro sundin ang sinabi ni Kuya kaso agad ko siyang hinawakan sa kamay niya. Nagkatinginan kami at naawa ako sa kanya kasi ang lungkot-lungkot ng mga mata niya.
Galit na rin ako kay Kuya. "Hindi aalis si Luthan!" saad ko.
Pinandilatan ako dun ni Kuya. "What?"
"Sabi ko hindi siya aalis," sagot ko.
"Are you out of your mind, Frans?" hindi makapaniwalang tanong sa'kin ni Kuya. "Alam mo ba ang ginagawa mo? Nagpapatira ka dito ng isang lalaki at boyfriend mo pa? Wala ka bang paggalang sa mga magulang natin na nagpapakahirap sa ibang bansa---?"
"Wag mo akong li-lecturan ngayon Kuya at mainit ang ulo ko sa 'yo," putol ko sa sinasabi niya. Tapos kinausap ko muna si Luthan. "Luthan, doon ka muna sa labas, mag-uusap lang kami ni Kuya. Diyan ka lang sa may garden ha, 'wag kang lalayo..."
Tumango siya at niyakap ko muna siya. Naawa kasi ako sa sinapit niya. Siguro na-trauma na siya ngayon dahil sa nangyari. Lumabas na siya na nakayuko pa rin ang ulo at parang gusto ko siyang sundan at aluhin. Kaso kailangan ko munang makausap si Kuya.
Kilala ko kasi si Kuya. Hindi niya ako titigilan hangga't hindi niya ako napapagalitan at nabibigyan ng lecture sa kung ano mang nagawa ko. Dahil dalawa lang kaming magkapatid, feeling niya magulang ko rin siya.
"Bakit ka ba nandito, Kuya? Ano'ng meron at napadalaw ka?" Sarcastic ang pagkakatanong ko doon para maramdaman niyang hindi ako masaya sa ginawa niya kay Luthan.
Sinamaan niya ako ng tingin. Mukhang galit na galit talaga siya sa nakita niya. "Bahay ko rin ang bahay na ito Frans. Kaya pwede akong umuwi rito kahit anong oras kong gustuhing umuwi. Alam mo, hindi talaga ako makapaniwala na magagawa mong magpapasok at magpatira rito ng lalaki. Huwag mo naman sanang bastusin sina Mommy at Daddy."
Nasaktan naman ako sa sinabi niya. "Sobra ka naman Kuya. Wala naman akong intensyon na bastusin ang mga magulang natin."
"Then explain kung bakit dito nakatira ang lalaking yun!" sigaw niya.
"Sinasamahan niya ako rito!" iyak ko na rin. "Ano'ng gusto mong gawin ko? Magmukmok na lang nang mag-isa rito?" tanong ko pang napaiyak na nang tuluyan. Lahat ng galit at hinanakit ko sa kanya, lumalabas na naman sa'kin.
"Hindi pa rin dahilan yun para magpapasok ka ng ibang tao rito," sabi niya pa.
"Wow. So anu yun, pababalikin kita rito?" sumbat ko. "Eh 'di ba hindi mo nga inisip na maiiwan ako rito nang umalis ka? Di ba ayos lang naman sa 'yo na iwanan mo ditong mag-isa ang nag-iisang nakababatang kapatid mong babae dito sa bahay? Sabihin mo nga Kuya, mas ligtas ba ako kung mag-isa lang ako rito? Kesa sa kasama ko rito ang boyfriend ko?"
Napatingin na lang sa'kin si Kuya at alam kong tinamaan siya sa sinabi ko. Totoo naman kasi yun. Ang dali niya lang akong iwan. Tapos kung maka-react siya ngayon! Nakakainis!
"Kahit saan mo tingnan, mali na nakatira kayo sa iisang bubong, Franceli."
Napakamot ako sa ulo ko dahil sa sinabi niya. "Kuya, wala kang karapatang pagalitan ako tungkol kay Luthan dahil siya ang gumagawa ng mga bagay na dapat sana ay responsibilidad mo bilang nakakatandang kapatid ko! Siya ang nag-aasikaso sa'kin at kasama ko rito. Kung 'di nga siya dumating ay baka nabaliw na ako sa pag-iisa...!"
"Frans, alam mong bahagi ng trabaho ko yun. Hindi ako umalis dahil sa gusto ko lang," sagot niya naman.
"Hindi rin sapat na dahilan ang trabaho mo para iwan mo ako ritong mag-isa..." sabi ko pa at nagkatitigan kaming dalawa ni Kuya. Sawa na akong manahimik na lang lagi kaya sana, maramdaman niya kung gaano ako nalungkot ng mag-isa na lang ako rito sa bahay. Sana maisip niyang imbes na magalit siya kay Luthan ay dapat pa niya itong pasalamatan dahil kahit paano ay may kasama ako rito sa bahay.
"Frans, alam kong galit ka sa'kin," sabi ni Kuya na biglang naging malumanay na ang boses. "Pero sana inisip mo muna nang mabuti bago ka nakipag-live in diyan sa boyfriend mo. Saka anong gusto mo, malalaman na lang namin na buntis ka na? Gusto mo bang atakehin sa puso ang mga magulang natin?"
"Hindi ako buntis! Walang nangyayari sa'min, ano ba? Virgin pa 'ko Kuya, kung yan ang gusto mong itanong," prankang sabi ko. "Kuya mali ka nang iniisip mo. Sinasamahan ako dito ni Luthan, pero wala kaming ginagawang hindi dapat kasi nga ginagalang ko sila Mommy at Daddy. Hindi ko sila sasaktan nang ganun dahil nagpapakahirap sila sa ibang bansa makapag-aral lang ako. Kahit paano ay may konsensya ako, okay?"
Kumurap-kurap na lang si Kuya sa pinagsasabi ko at halatang nagulat ko siya sa speech ko. Dati kasi kahit nag-aaway kami hindi ko siya sinasagot at nakikinig lang ako sa kanya 'pag sinesermunan niya ako. Pero iba na ngayon. Something broke between the two of us. Kapag nga iniisip ko siya nagagalit at naiinis lang ako sa kanya kasi natiis niya akong iwanan dito sa bahay na mag-isa. Tapos uuwi siya dito at susuntukin niya na lang bigla si Luthan?
"Mabuti naman kung wala pang nangyayari sa inyo ng boyfriend mo. Pero ayoko pa ring may ibang tao dito sa bahay," saad ni Kuya at tumindi ang galit ko sa kanya. "Ayoko sa lalaking yun," sabi niyang nakatingin sa pinto sa labas. "Halatang lolokohin ka lang."
"Kuya, sinabi ko na sa 'yo, hindi aalis dito si Luthan," giit ko pa. Ayoko nang magpaliwanag pa kung ano ba talaga ang meron sa'min ni Luthan dahil hindi rin naman siya maniniwala kung sasabihin kong isang bituin si Luthan.
"Bakit 'di pwedeng umalis 'yang boyfriend mo?" naiinis na tanong ni Kuya. "Wala bang bahay yan?"
"Basta. Kung paaalisin mo talaga siya, sasama na lang ako sa kanya," banta ko kay Kuya. Kinakabahan na ako. Kailangan magawan ko ng paraan para hindi mapaalis dito sa bahay si Luthan! "Ayokong mahiwalay sa kanya. Mayaman naman sina Luthan kaya sa totoo lang ay pwede niya akong buhayin..." pagsisinungaling ko. Nagi-guilty ako na nagsisinungaling ako kay Kuya pero gagawin ko ang lahat 'wag lang umalis si Luthan. Kailangan kong matakot si Kuya para maisip niyang seryoso ako.
"Frans... ano ka ba? Sigurado ka ba sa sinasabi mo?"
"Yes Kuya," sagot ko na seryoso ang mukha. "Dito titira si Luthan sa ayaw at sa gusto mo. Pero kung ayaw mo talaga siya dito ay sa 'yo na itong bahay na 'to at sasama na ako sa kanya... Ako na ang bahalang magsabi sa mga magulang natin sa pag-alis ko."
"Subukan mo lang para itakwil ka namin nina Mommy at Daddy."
"Eh 'di go. Kahit itakwil niyo pa ako. Like I said, mayaman sina Luthan kaya hindi ko proproblemahin ang kakainin ko kapag sumama na ako sa kanya."
"Ang tigas na ng ulo mo' Frans. Ano bang nangyayari sa 'yo?"
"Matigas na kung matigas ang ulo. Ngayong may taong bwilling ng mag-stay sa buhay ko, pakakawalan ko pa? Ikaw kaya ang tumira rito nang mag-isa Kuya. Subukan mo lang at tingnan natin kung hindi ka mabaliw. NI hindi ko na nga ma-picture na pamilya pa tayo, tapos 'yung konting kasayahan na meron ako hahadlangan mo pa? Bakit 'di mo na lang ako patayin?"
Umiling-iling muna si Kuya bago siya tuluyang tumayo. "Fine! Kung yan ang gusto mo, dito yan titira! Pero 'di kayo pwedeng magsama sa iisang kwarto!"
"Oo naman, kasi sa kwarto mo naman talaga siya natutulog."
"Eh saan ako matutulog?" bulalas na tanong ni Kuya.
"Hanggang kailan ka ba rito? Two days? Three days? One week? Eh kasi I dont believe na dito ka na ulit titira... Kaya kung magtatagal ka rito, dun ka na muna sa kwarto nina Mommy at Daddy. Pero kung ngayong gabi ka lang naman dito, kahit dito ka na lang muna sa sofa..."
Nakita kong nagbuntong-hininga si Kuya. "Sige. Doon muna ako sa room nina Mommy."
"Good."
"Frans, I know galit ka sa akin. Sorry kasi iniwan kita rito. Sorry kasi napakawalang-kwentang Kuya ko sa 'yo... Sorry kasi di na kita naiintindi---"
"Tama na Kuya," sagot ko agad kasi ayokong sorry siya nang sorry. "Alam ko namang may sarili ka ng buhay at wala akong karapatang panghimasukan yun. Malaya kang gawin kung ano mang gusto mo sa buhay. Kaya kung pwede rin, hayaan mo akong gawin ang mga gusto kong gawin. Hindi naman ako tanga na magpapabuntis nang maaga eh. At saka ano'ng paki ko sa sasabihin ng iba? Kaya sana irespeto mo na lang mga desisyon ko. Hindi aalis sa bahay na ito si Luthan dahil kailangan namin ang isa't-isa..." mahabang sabi ko pa at tinitigan na lang ako ni Kuya. Habang sinasabi ko naman yun dun ko na-realise kung gaano pala kaimportante si Luthan sa'kin ngayon. Bukod sa nasa mga kamay niya ang katuparan ng love life ko ay hindi ko na rin ma-imagine ang bahay na ito nang wala siya.
Si Kuya kasi, alam kong aalis din naman siya kaya hindi na ako umaasang babalik pa kami sa dati. Pero si Luthan, alam kong hinding-hindi niya ako iiwan dahil ako lang ang susi para maging tao siya.
"O sige na payag na 'ko na dito na titira 'yang boyfriend mo... Pero kakausapin ko muna yan nang lalaki sa lalaki..."
Naloka naman ako dun sa sinabi ni Kuya at kinabahan tuloy ako para kay Luthan. Baka kasi kung ano ang itanong ni Kuya kay Luthan tapos walang maisagot si Luthan. At mukhang paninindigan na talaga naming may relasyon kami.