Chapter 22

3076 Words
[FRANCELI] Masyado akong nagulat. Sa sobrang gulat ko nga eh hindi na ako nakakilos at pakiramdam ko nalulunod ulit ako at mawawalan na naman ako ng malay. Napatumba si Luthan sa sahig. Sumigaw naman sina Mikka, Leila, at Steph sa takot at gulat dun sa nangyari. Agad din namang tumayo si Steph para sugurin si Reuben na nakatayo naman sa harapan ni Luthan. Nakatalikod siya mula sa'kin kaya hindi ko makita ang facial expression niya--- pero kinakabahan ako. Watdahek, ano ba kasi ang nangyayari? Bakit niya sinuntok si Luthan? "How dare you!" sigaw ni Steph kay Reuben. "Bakit mo sinaktan si Luthan? Anong problema mo sa kanya?" Matagal bago nagsalita si Reuben. Parang lutang din siya at shocked sa ginawa niya, based sa kaniyang reaction. Nilingon niya kasi ako at nakita niya siguro na natakot din ako sa ginawa niya. Kinailangan ko namang talasan ang pandinig ko nang magsalita siya dahil masyadong mahina ang boses niya. "S-Siya ang boyfriend ni Franceli. Dapat inuuna niya ang kapakanan ng girlfriend niya..." Nagkatinginan kami dun ni Steph. Alam kong pareho kami ng iniisip ngayon. Pagkatapos niya namang magsalita ay umalis na si Reuben, na sinundan naman agad nang kumakaripas ng takbo na si Leila. May sinigaw pa si Steph kay Reuben na nag-walk out na pero hindi ko na narinig dahil kinain na ako ng narinig ko mula kay Reuben. 'Siya ang boyfriend ni Franceli. Dapat inuuna niya ang kapakanan ng girlfriend niya...' Anong ibig sabihin niya doon? Bakit niya sinabi yun? Nakita kong lumapit na sa'kin si Steph, pero andun pa rin sa pwesto niya si Luthan. Nakatingin siya sa'kin na parang may malalim na iniisip. "Besh, okay ka lang ba? Nasaktan ka ba? Tinatawag na ni Glen si Kuya Ferdie..." Tumango na lang ako. Ni hindi ko nga alam na umalis pala si Kuya dito sa pool. "Oy, Luthan, halika rito!" tawag ni Steph kay Luthan. Tumayo ito pero hindi siya lumapit sa amin. Bagkus ay naglakad siya papunta sa direksyong tinungo ni Reuben. "Luthan, saan ka pupunta? Don't tell me susugurin mo si Reuben?" tanong ni Steph sa kanya na naunahan ako. Yun din sana ang itatanong ko, kaso parang nawalan ako ng boses. Hindi ko na nga alam ang nangyayari sa'kin eh. Napalingon sa'min si Luthan at nagkatitigan kami. "Kailangan kong makausap si Luna." "ANO?" gulat na sigaw ko sa kanya. Naloka kasi ako sa sinabi niya. Maiintindihan ko pa sana kung si Reuben ang kakausapin niya. Pero bakit si Luna? Gusto kong magprotesta sa sinabi niya pero hinayaan ko na lang siyang umalis. And for the first time since nakilala ko si Luthan, nakaramdam ako ng totoong tampo sa kanya. Watda ef kasi, ako ang nalunod. Ako 'yung naaksidente. Pero uunahin niyang kausapin si Luna? Ano ba talaga ang babaeng yun sa kanya? At close ba sila kaya kanina nag-usap sila sa pool? At isa pa, girlfriend niya ako. Kahit kunwari lang, girlfriend niya ako. Siguro naman dapat inasikaso niya muna ako ako. Kahit pakitang-tao lang. Hindi naman sa ayokong inuna niyang niligtas si Steph pero dapat ako 'yung inuna niya eh... Kasi ako naman 'yung 'girlfriend' niya. Pero bakit ganun? Iniisip ko nga na may point 'yung sinabi ni Reuben eh. Kung hindi lang din weird 'yung ginawa niya. Bukod sa nakaka-high blood. Bago nga 'to sa pakiramdam ko eh, ang talagang purely na magalit kay Reuben ng dahil sa isang bagay. Dati-rati hindi ko ito kayang gawin sa kanya, kahit pa tinataboy niya ako palagi. Ilang minuto rin ang lumipas at dumating si Kuya dito sa'min na alalang-alala. Nakabuntot sa kanya sina Dean at Daniella na magka-holding hands na. Pero imbes na matuwa ako sa naging development sa kanila, nairita tuloy ako kasi naalala ko sa kanila si Luthan. Si Luthan na hinahanap si Luna. And speaking of Luna, hindi siya kasama nila Kuya ngayon, na nakakapagtaka. Baka magkausap na nga sila ngayon ni Luthan, na mas lalong nagpainit ng ulo ko. Kinuwento ko kay Kuya 'yung nangyari sa'min ni Steph. Naisip ko tuloy kung 'yung pagkalunod ba namin ay dahil pa rin ba sa liwanag ni Luthan. Gusto ko sanang hindi maniwala, kasi ang sabi ni Luthan noong nagpaplano pa lang kami ay sa isang tao lang gagana 'yung liwanag niyang yun. Kaya noong nalunod na si Daniella kanina, inisip kong wala na sa tubig 'yung epekto ng liwanag niya. Pero mukhang mali pala ako. Pero naisip ko rin, ang dami nang lumangoy sa pool after malunod ni Daniella kaya hindi ko maisip kung bakit kami ni Steph ang malulunod. Maliban na lang kung naglagay ulit ng liwanag niya si Luthan sa tubig para lunurin kami. Imposible naman yun kasi alam ko namang hindi ako kayang saktan ni Luthan. I believe in him. Hindi niya ako sasaktan. *** Bandang alas sais na ng hapon nang magpasya kaming umuwi na ng Manila. Dapat sana ay overnight kami kaso nagpasya si Kuya na umuwi na rin kami dahil nga sa nangyari. Hindi na rin kasi namin kayang mag-celebrate pa pagkatapos ng naging mga ganap. Ang nakakaloka, nauna nang umuwi sina Leila at Reuben kanina na hindi man lang nagpaalam sa'min. Nalaman na lang naming umalis na sila ng resort dahil nag-text si Leila kay Mikka. Sa school na lang daw ako kakausapin ni Reuben. Ang totoo niyan kinakabahan ako sa nangyari. Kung ano man 'yung sasabihin ni Reuben ay kinakabahan talaga ako. Kanina pa ako kinukurot ni Steph para malaman ang reaction ko pero hindi ako makapag-share kasi laging nasa tabi ko si Kuya. Nakalimutan niya yatang malaki na ako para bantayan ako. Ganyan siya 'pag naaaksidente ako, didikit sa'kin na parang personal nurse ko. Sa van pauwi, naupo ako sa pinakalikod dahil gusto kong matulog. Tumabi sa'kin si Kuya pero agad din siyang umalis. "Sorry Luthan, nakalimutan kong boyfriend ka na pala ni Frans. O ayan, tabi ka na kay Frans." Narinig kong tumawa si Luna kay Kuya. "Ang OA mo kasing kuya. Dun tayo sa harap at bigyan natin sila ng privacy," sabi pa nitong tunog nanlalambing. Tse. Privacy mo mukha mo, sarap mong sapatusin ng tsinelas, kung pwede man yun. Girlfriend ka na nga ni Kuya, enjoy na enjoy ka pa sa attention na nakukuha mo kay Luthan. Ang kati mo gurl! Kung matino ka, dapat umiiwas ka kay Luthan, malandi ka, kahit sabihin pa nating walang malisya sa 'yo si Luthan kasi bituin siya. Nakapagtaas naman ako ng kilay nang tumabi na sa'kin si Luthan. Pero hindi man lang niya ako nagawang tingnan. Nakatingin siya kay Luna doon sa harapan. Hindi niya nga rin napansin na sumandal sa ulo niya si Steph na katabi niya sa kanan niya. Umandar na ang van at pauwi na kami. Umandar na rin 'yung samu't-saring emosyong nararamdaman ko, at nasasaktan ako sa ginagawa ngayon ni Luthan. [LUTHAN] Nakatulog na si Franceli sa tabi ko. Napagod yata siya. Napabuntong-hinga na lang ako dahil sa kakaisip. Sinisisi ko ang sarili ko sa nangyari. Hindi ako nag-ingat. Hindi ko naisip na hindi nga pala tao si Luna para makaintindi sa sitwasyon namin ni Franceli. Maaaring nag-aanyong tao siya pero siya pa rin ang Tagahatol. Dapat alam kong parurusahan niya rin sina Franceli at Steph, kahit ako naman talaga ang may kasalanan. Natatakot at nag-aalala ako sa posibleng gawin niya para kina Franceli at Steph. Hindi ko maikakailang kasalanan ko kung may mangyayari sa kanilang masama dahil dinamay ko lang sila rito. Kaya kanina pa ako isip nang isip kung ano ba ang dapat kong gawin ngayong alam ko nang binabantayan ng Tagahatol ang bawat kilos namin ni Franceli. "Tulog na si Frans?" tawag sa'kin ni Kuya Ferdie nang tumigil saglit 'yung sasakyan. Nagsibabaan mula sa van sina Glen, Mikka, Dean, Daniella, at Steph para magbanyo sa isang gasolinahan. "Opo." "Bakit ka raw ba sinuntok ni Reuben?" seryosong tanong na ni Kuya Ferdie sa akin. Alam kong kanina niya pa ito gustong itanong. "Hindi ko po alam. Pero sabi niya dapat daw inuna kong iligtas si Franceli. Pero Kuya, yun naman po talaga ang gusto kong gawin. Kaso nalayo siya---" "Hindi mo kailangang magpaliwanag. Alam kong ginawa mo 'yung best mo," sagot niyang nakangiti. "Itsura mo pa lang kanina noong naabutan ko kayo, halata kayang natakot ka para sa kapatid ko. Ang putla mo kanina. Kung meron mang dapat magpaliwanag, si Reuben yun. Kasi bakit nakikialam siya sa inyo ni Frans? Gago ba siya? Alam naman niyang may relasyon kayo 'di ba?" "Po?" "Alam niyang syota ka ni Frans 'di ba?" Paglilinaw niya. "O-Opo." "Makinig ka, Luthan. Alam kong kaya ka nagustuhan ni Frans kasi mabait ka, loyal at may pagkainosente. Pero dapat maging mapagbantay ka rin. Yung ginawa ni Reuben, pinapakita niya lang na nag-aalala siya sa kapatid ko. At 'wag mong hayaang gawin niya ulit yun. Ipaglaban mo ang karapatan mo kay Frans. Malalaman mo na lang, pinopormahan niya na si Frans kaya bantayan mo ang girlfriend mo. Hindi sa sinasabi kong pagtataksilan ka ni Frans pero 'di natin maitatanggi na gusto niya dati si Reuben. Kaya sabihin mo lang sa'kin kung kailangan mo ng tulong at sasamahan pa kitang gulpihin 'yung tarantadong yun." Tumango na lang ako kahit medyo nakakalito 'yung mga sinabi niya. Wala namang alam si Kuya Ferdie eh. Kung ano man 'yung ginawa ni Reuben, 'yung naging bunga ng ginawa niya ay hindi 'yung inaasahan ko. Hindi ko tuloy maiwasang alalahanin 'yung naging pag-uusap namin kanina ni Luna. *** "Bakit mo ginawa yun?" sigaw ko kay Luna kanina. Sa sobrang galit ko sa nangyari ay nasigawan ko na ang Tagahatol, na 'di hamak namang mas mataas ang antas kesa sa akin. Nagpunta siya sa restaurant na may ilang metro ang layo mula sa pool nang mangyari ang insidente. Sinundan ko siya. Papasok na siya roon nang hinatak ko siya papunta sa likod ng restaurant. Ni hindi ko na nga inisip ang mga maaaring mangyari sa'kin dahil sa ginagawa kong kapangahasan sa kanya. Nilukob na ako ng galit ko. "Isa ka lang bituin. Wala kang karapatang sigawan ako," bantya niya naman na nagpabalik ng kaba sa dibdibko. "Huwag mo nang dagdagan pa ang mga kasalanan mo." Sinubukan kong kumalma. "Ako na lang ang parusahan mo. 'Wag na sila." Halos makiusap na ako sa kanya sa pagbaba ng tono ng boses ko. Siguro naman madadaan ko siya sa pakiusap. "Hindi mo ba naiintindihan ang kasalanan mo, Luthan? Dinamay mo sila. Hindi iyon tama. At may liwanag pa kay Steph, biruin mo yun? Iyon ay isang matinding paglabag sa batas ng kalawakan! Ang liwanag na naroon kay Steph ay nagsisimula nang humalo sa kanyang katawan, at iyon ang dahilan kung bakit binibigay niya lahat ng tulong na kailangan mo. Ginawa mo siyang isang mistulang taong-alipin mo ng hindi niya alam!" "Hindi ko naman yun sinasadya!" sigaw ko naman ulit. "Hindi ko alam na mangyayari yun!" "Hindi pa rin yun tama. Alam mong labag iyon sa ating batas. At itong pangongolekta niyo ng liwanag? Alam mo bang sinisira mo ang balanse ng liwanag at dilim? Alam mo bang sinisira mo ang agos ng kalangitan?" Alam ko yun. Kaya nga kailangan kong maging tao bago ako mahuli. Dahil ito ay bawal. Hindi ko naman inaasahang agad akong mapapansin ni Luna. Umasa akong magagawa namin ni Franceli ang misyon namin bago bumaba rito sa lupa ang Tagahatol. Ngunit mali ako. "Alam ko lahat nang ginagawa mo Luthan. At sinasabi ko sa 'yo ito. Imposibleng makaipon kayo nang sapat na liwanag bago ang susunod na kabilugan ng buwan. Hindi niyo ito magagawa." Tinitigan ko siya. "Posible yun. Dalawang dating bulalakaw na ang nakukunan namin ng liwanag." Natawa siya. "Wala pa nga kayo sa kalahati eh. At inuunahan ko na kayo. Sa oras na maglabas ka ulit ng liwanag para gamitin sa mga plano niyo... Sina Franceli at Steph ang mapapahamak..." Napalunok ako. Nagbabanta na siya. "Nakikiusap ako sa 'yo. Hayaan mo na lang ako hanggang sa kabilugan ng buwan. Tutal kung tama ang sinasabi mong hindi namin ito magagawa, sa pagsapit ng kabilugan ng buwan...     A-Alam mo na ang mangyayari sa'kin!" "Huwag mo akong pangunahan---!" "Kapag hindi ko makuha 'yung kinakailangan ko pang liwanag, mamamatay naman ako 'di ba? Siguro naman sapat ng kaparusahan yun para sa'kin..." Pinagmasdan ako ni Luna nang maigi. "Kung sabagay. Nalilito nga ako sa 'yo eh. Mukhang masaya ka pa sa mga nangyayari ngayong bilang na ang mga araw mo." "Masaya akong naranasan kong mamuhay nang ganito..." sagot ko naman at naalala ko bigla si Franceli. "Mukhang malakas ang paniniwala mong magagawa mo ngang makaipon nang sapat na liwanag bago ang kabilugan ng buwan. Alalahanin mo, lima ang kailangan mo kaya tatlong dating bulalakaw pa ang kukunan mo ng liwanag. Magagawa mo kayang makakuha nang ganun pa karami? Alalahanin mo, hindi basta-basta ang pag-ibig, Luthan." Tumango ako. "Pero susubukan ko pa rin. Wala namang mawawala kung susubukan ko." Natawa siya dun. "Anong wala? Mawawala ka na nang tuluyan kapag nagkataon!" "Kahit pa! Hindi pa rin ako susuko!" "Matapang ka. Saan ka ba kumukuha ng lakas ng loob?" tanong niya. "Alam kong magagawa ko. Kasi tutulungan ako ni Franceli." "O talaga? Hanggang kailan ka naman kaya niya tutulungan, ngayon pang nagpapakita na ng motibo sa kanya si Reuben?" matagumpay niyang tanong. Naisip ko na rin yun. Kaya nga kinakabahan ako. Paano kung ligawan na ni Reuben si Franceli? Ipatitigil na ba ni Franceli ang pangongolekta namin ng liwanag sakaling mangyari yun? Ano na ang mangyayari sa'kin 'pag nangyari yun? Hindi na ako nakasagot kaya ang lapad ng ngiti ni Luna. "Kita mo na? Kaya sige. Pumapayag na akong hayaan ka hanggang sa kabilugan ng buwan. Dahil kapag hindi ka nagtagumpay, mamamatay ka rin naman at mapaparusahan ko na rin sina Franceli at Steph." *** Pinagmasdan ko ang mukha ni Franceli na mahimbing na natutulog sa tabi ko. Umandar na ulit ang van. Malapit na kami sa bahay. At malapit na rin akong mahatulan. [FRANCELI] Pagkarating ko ng bahay hindi ko pinapansin si Luthan. Agad akong nagkulong sa kwarto ko. Kahit si Steph na gusto pang makipagchikahan tungkol sa mga nangyari ay hindi ko muna pinapunta sa bahay. Gusto ko kasing mapag-isa muna. Mag-isip. Hindi kasi ako mapakali. At hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Nakatulala lang ako sa bintana, na para bang mahahanap ko ang sagot doon... Ilang beses ring kumatok si Kuya dahil kakain na kami pero sinabi kong hindi ako nagugutom. Ngunit ang totoo ayoko lang makita si Luthan kasi naiinis ako sa kanya. Hindi man lang niya naisip katukin ako rito. Hindi man lang niya naisip na mag-celebrate kami dahil sa nagtagumpay 'yung plano namin. Talagang nawala na sa isip niya lahat. Nakakainis. Eh 'di makipagtitigan na lang siya kay Luna kung gusto niya. Bakit ba ako nag-aalala sa kanya? Dapat si Reuben ang iniisip ko eh! Nahiga na ako sa kama ko nang mag-ring ang phone ko. Number iyon ni Kuya kaya agad kong sinagot na may halong pagtataka. "O Kuya bakit?" "Hello. Hello. Hello." Natigilan ako kasi si Luthan ang narinig ko sa kabilang linya. Si Luthan! At hello siya nang hello at naloloka na ako. "Hello. Hello. Hello. He---" "BAKIT KA BA HELLO NANG HELLO? MAGSALITA KA NA!" sigaw ko sa phone ko. "Sorry. Akala ko kulang pa 'yung pagsabi ko ng Hello." Natawa ako kahit naiinis ako. "Ano ka, si Adele? Bakit ka ba tumatawag eh nasa kabilang kwarto ka lang naman? At talagang sa phone ka pa ni Kuya tumawag ah! Kayo na ang magka-kuntsaba!" "Pasensya ka na. Baka naiinis ka kasi sa'kin, kaya sabi ni Kuya Ferdie tawagan na lang kita. Nakakatakot daw kasi kapag kinukulit mo ang mga babae 'pag galit sila." "Para kayong mga adik. Kung kumatok ka na lang kaya dito," sagot ko naman na lihim na napapangiti. Ang problema kay Luthan, nadadala ako sa pagkainosente niya at hindi ko kayang magalit sa kanya nang matagal. Medyo nakakaasar na nga eh. Matagal bago siya sumagot at ewan ko ba kung bakit ako kinakabahan sa sasabihin niya. Feeling ko kasi may pasabog na revelation na naman siya. "Franceli..." "O bakit? Ano ba yun? Sabihin mo na kung may sasabihin ka kasi matutulog na ako!" "Mahal mo si Reuben 'di ba?" tanong niya bigla at napatigil ako. "Ha? Anong klaseng tanong ba yan?" tanong ko rin sa kanya. "Matibay naman ang pagmamahal mo sa kanya 'di ba? Hindi naman yun magbabago 'di ba?" sunod-sunod niya pang tanong. "O-Oo naman..." sagot ko. Bigla tuloy akong napaisip nang malalim. Contemplate, kumbaga. Mahal ko naman si Reuben. Kaya ko nga ginagawa ang lahat ng 'to, 'di ba? "Franceli... Pwede bang mangako ka sa'kin?" pakiusap niya at kinakabahan na talaga ako rito kay Star Boy. "Anong pangako ba yan?" "Pwede bang mangako kang magiging masaya ka kapag natupad ko na ang hiling mo kahit anong mangyari?" "Luthan, ano bang pinagsasasabi mo?" "Gagawin ko ang lahat matupad lang ang hiling mo, Franceli. At pangako, hanggang sa susunod na kabilugan ng buwan, matutupad ko na 'yung hiling mo sa kahit anong paraan pa yan." May naalala ako. "Teka lang, sinasabi mo bang... ginagawan mo ng paraan na magkalapit kami ni Reuben?" "Ha?" "Yung tubig sa pool, Luthan! Yung pagkalunod namin ni Steph... Sinadya mo ba yun, para iligtas ako ni Reuben? Para magkaroon kami ng special moment together? Oh my gosh Luthan!" Hindi ko naisip yun ah. Si Luthan, posibleng sinadya niyang lunurin kami ni Steph. Tapos hindi niya ako inunang sagipin para si Reuben ang magligtas sa'kin! Grabe, delikado 'yung ginawa niya pero effective kasi napansin na rin ako ni Reuben! "Ano Luthan? Ginawa mo ba talaga yun?" paninigurado ko. "Ah, eh... oo." Sinasabi ko na nga ba. Nakakatuwa naman si Luthan, iniisip niya talaga ako! "Kaya Franceli, mangako ka ah... Na magiging masaya ka. At mangako kang... mangako kang tutulungan mo akong tuparin 'yung hiling mo bago ang kabilugan ng buwan." "Pangako," sagot kong nagtataka. "Pero Luthan, ano bang meron sa kabilugan ng buwan?" Natahimik muna siya ng ilang segundo. "Oo nga pala, ayaw mo nang binibitin ka... Franceli. Kaya sasabihin ko na. Hanggang sa sunod na kabilugan ng buwan na lang ako pwedeng manguha ng liwanag." "ANO? Pero bakit?" Hindi ko siya maintindihan. Bakit naman ganun? Akala ko ba magiging tao siya? "Posibleng maglaho ako sa araw na yun. Kaya dapat natupad ko na ang hiling mo bago ang araw na yun. Hindi ka naman malulungkot 'di ba? Kasi mamahalin ka na ni Reuben. Gagawin ko ang lahat mangyari lang yun." Hindi na ako nakasagot sa sinabi ni Luthan. Tumulo na lang 'yung mga luha ko bigla.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD