Chapter 23

2594 Words
[LUTHAN] Narinig kong umiyak si Franceli sa kabilang linya. Ako naman, agad na kinabahan. "Franceli, bakit ka umiiyak?" tanong ko sa kanya. Pero hindi siya sumasagot. Iyak lang siya nang iyak. Kaya ang ginawa ko, lumabas ako ng kwarto ko at kumatok sa pinto ng kwarto niya. Nakadikit pa rin sa tenga ko 'yung teleponong gamit ko habang kumakatok ako kaya naririnig ko pa rin 'yung paghikbi niya. "Franceli, buksan mo 'to!" sabi ko habang katok nang katok. Pero hindi pa rin ako pinagbubuksan ni Franceli ng pinto at pinatay na niya 'yung telepono niya. "Anong nangyayari?" tanong naman ni Kuya Ferdie na lumabas ng kwarto niya. Narinig niya yata 'yung pagkatok ko. "Si Franceli po, umiiyak sa loob," sagot ko na kinakabahan. Kumunot ang noo ni Kuya. "Nag-away ba kayo?" Umiling ako at bumalik siya sa kwarto niya si Kuya Ferdie. Akala ko hindi na siya lalabas pero pagbalik niya may hawak na siyang susi at sinubukan niyang buksan 'yung pinto ni Franceli na naka-lock kanina. Bumukas iyon at nginitian ako ni Kuya Ferdie. "May sumpong yata si Frans, ayan lambingin mo na," saad niya sa'kin bago siya bumalik sa kwarto niya. Tumango na lang ako at agad na pumasok sa kwarto. Nadatnan ko si Franceli na nakasubsob ang ulo sa unan niya na umiiyak pa rin. Umupo ako sa kama niya. "Franceli..." "Umalis ka! Naiinis ako sa 'yo!" sigaw niya sa akin na ikinagulat ko. "May nagawa ba ako sa 'yong kasalanan?" tanong ko kasi ikinagulat ko 'yung pag-iyak at pagsinghal niya sa akin. Kanina lang kasi maayos pa kaming nag-uusap. Wala talaga akong alam sa pag-uugali ng mga tao, lalo na ng mga babae. "Wala!" sigaw niya ulit. "Eh bakit ka umiiyak?" Nagpahid na siya ng mga luha niya at pinandilatan niya ako. "Ano ba sa tingin mo?" Pinagmasdan ko siya. Ano ba 'yung sinabi ko kanina? Teka... umiiyak ba siya kasi mawawala na ako? "Kainis ka," sabi niya at niyakap ko siya para payapain ang loob niya. "Lagi kang ganyan, may pasabog kang sasabihin na ikagugulat ko. May deadline ka pa lang hinahabol 'di mo man lang sinasabi sa'kin!" Napangiti ako. Sa wakas alam ko na kung ano ang dahilan ng pag-iyak niya. "Nag-aalala ka ba para sa'kin, Franceli?" Binatukan niya ulit ako. "Natural! Ano ang tingin mo sa'kin, bato ang puso? Ano ba kasi 'yung sinasabi mong posibleng maglaho ka na sa full moon? Bakit ganun? Bakit parang may expiration date ka?" Hindi ako nakasagot agad. Ayoko sanang sabihin ang tungkol kay Luna pero mukhang wala na akong magagawa. Huminga muna ako nang malalim bago ako sumagot. "Franceli, narito na kasi sa lupa ang Tagahatol." Tinaasan ako ng kilay ni Franceli. "Anong Tagahatol?" "Katulad ko siyang nagmula sa kalawakan. Ngunit mas makapangyarihan siya sa aming mga bituin. Ang Tagahatol ang nagbabantay at nagpapatupad ng mga batas ng kalawakan. Siya rin ang nagpaparusa sa mga lumalabag sa batas tulad ko. Pangalawa siya sa pinakamalakas sa kalawakan, pangalawa lang sa aming amang Dakilang Bituin. Sa madaling salita, para siyang pulis ng kalawakan." Natawa si Franceli. "Zaido ba ang pangalan ng Tagahatol na yan?" Umiling ako. Napagpasyahan ko munang hindi sabihing si Luna ang Tagahatol dahil baka maguluhan siya lalo na at girlfriend si Luna ng Kuya niya. Baka mas pagtuunan niya ng pansin si Luna kesa sa natitira pang liwanag na kailangan naming kunin. "Babae ang Tagahatol. Siya ang kakambal ng buwan." Hindi yata naintindihan ni Franceli ang mga sinabi ko. "Wait, Luthan. Kakambal ng buwan ang Tagahatol? Sailor Moon ba itey? Ay, wait. Seryoso pala ito. So anong ibig sabihin nun Luthan? Huhulihin ka ba niya kasi bumagsak ka rito sa lupa ng wala sa oras tapos alam ko ang tungkol sa 'yo?" Tumango ako. "Ganoon na nga. Pero napakiusapan ko siya. Binigyan niya ako ng palugit. Di niya ako gagalawin hanggang sa kabilugan ng buwan. Hanggang sa susunod na kabilugan ng buwan na lang kasi ang buhay ko rito sa lupa." "Bakit?" "Sa susunod na kabilugan ng buwan, malakas ang sinag ng buwan at magliliwanag ang kalangitan. Kapag hindi pa ako tao sa oras na yun, matatamaan ako ng liwanag ng buwan at mawawala ako. Ang liwanag ng buwan kasi ay nakakamatay sa amin kapag sobrang malakas." Sinamaan ako ng tingin ni Franceli. "At alam mo itong lahat sa simula pa lang?" Tumango ako dun. Ang sama ng tingin niya sa akin dahil dun. "At kaya ba, hindi ka sinusugod dito ng Tagahatol na yan eh kasi naniniwala siyang hindi ka magiging tao bago ang kabilugan ng buwan? Na mamamatay ka?" Tumango ulit ako at binato na ako ni Franceli ng unan. Tapos kinurot niya ako sa tagiliran ko. "Aray!" "Luthan! Bakit 'di mo na naman ito sinabi sa'kin? At teka, may isa pa akong concern. Ang sabi mo, kahit matupad mo ang hiling ko, hindi ka pa rin sure na magiging tao ka kasi nga hindi mo pa oras nang bumagsak ka. So you mean... y-you mean... maliit talaga ang chance na maging tao ka?" "Oo." "Pero bakit nga? Bakit hindi ka sigurado?" "Wala pa kasing nakakagawa sa gagawin ko, Franceli. Ako pa lang. Kaya hinid ko talaga alam kung mangyayari nga ba ang inaasahan kong mangyayari sa'kin kapag natupad ko na ang kahilingan mo. Gayun pa man, umaasa ako na tama ang hula ko, na magiging tao ako." Parang magwawala na si Franceli dahil sa mga sinasabi ko. "Argh! Luthan! Nakakainis ka talaga! Hindi ka man lang ba kinakabahan sa maaaring mangyari sa 'yo? Sana sinabi mo yan lahat agad para natulungan kita!" Galit na siya at napatungo na lang ako. "Sorry. Ayoko kasing madaliin ka. Gusto ko pagtuunan mo ng pansin ang pagkuha ng liwanag." "Eh paano ka? Bakit ginagawa mo pa rin ang lahat ng ito? Kung hindi ka naman pala siguradong magiging tao ka? Saka paano 'yung Iris na hinahanap mo? Di ba gusto mong hanapin yun? My God, Luthan! Nagi-enjoy lang tayo tapos sa next full moon ay pwede ka na pa lang babush from this world? Tapos parang chill ka lang diyan? Magkape ka kaya ng kabahan ka naman!" Nginitian ko siya. Nilagay ko ang mga kamay ko sa mga balikat niya at tinitigan ko siya sa mga mata niya. Natigilan siya sa ginawa ko, kaya pagkakataon ko na para sabihin sa kanya ang nais kong iparating nang masinsinan. "Makinig ka, Franceli. Gagawin ko ang lahat matupad ko lang ang hiling mo. Kahit pa walang kasiguraduhan na magiging tao nga ako. Kahit pa nag-aabang ang Tagahatol o kahit sino pa man. Kahit anong mangyari. Gagawin ko ang makakaya ko." Nagsisimula na namang maiyak si Franceli. "Luthan naman eh! Bakit ba kampanteng-kampante ka lang? MAWAWALA KA! MAGLALAHO! MAGI-EVAPORATE! MAGDI-DISINTEGRATE! Tapos kalmado ka lang?" Pinilit kong ngumiti ulit pero alam kong hindi umabot sa mga mata ko 'yung ngiti ko. "Kung mawawala ako pagdating ng kabilugan ng buwan, kuntento na rin ako sa naging buhay ko rito," nakangiting sagot ko sa kanya. "Kasi kahit papano, naranasan kong sumaya. Nakilala kita at naging kaibigan pa kita at yun ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko. Kaya kung mawawala man ako, hindi na ako magrereklamo, Franceli. Masaya na akong nakilala kita." Humagulhol na si Franceli at niyakap ko na lang siya. [FRANCELI] Ang daya ni Luthan. Pinaiyak niya ako ng wala sa oras. Bukod kay Kuya, siya pa lang ang nagpaiyak sa'kin nang ganito. Nakakainis siya. Ang lakas ng trip niya. Dinaig niya pa ang mailap na puso ni Reuben mylabs. Anong akala niya, nang sinabi niya 'yung tungkol sa deadline niya, sasabihin ko na, 'Okay. Bilisan na lang natin ang pangongolekta ng liwanag. Good luck sa atin and may the odds be in our favor?' Kaloka siya! As if naman, kapag matupad niya 'yung hiling ko, at maging kami nga ni Reuben, hindi ako malulungkot knowing na naglaho siya after ng full moon? Aba, hindi ako ganun ka-evil para hindi siya iyakan! Sadista pala itong si Luthan, kasi parang natutuwa pa siyang malapit na ang endo niya. Sarap niyang sapatusin sa maamo niyang mukha! Dahil sa kanya, umiyak tuloy ako nang umiyak. Ewan ko ba, ang lungkot kasi para sa'kin nang sitwasyon niya. Eto siya at ginagawa na lahat makuha lang 'yang mga pesteng liwanag na yan tapos hindi pala siya siguradong maisasalba siya sa mga pinaggagagawa niya. Ang mas nakakaloka, alam niya yun at okay lang sa kanya. Na-guilty naman yata siya na pinaiyak niya ako kaya niyakap-yakap niya na ako para patahanin ako. Mabango pa naman siya at hot sa suot niyang sando, kung hindi lang talaga nakaka-depress 'yung nalaman ko baka nakiyakap na rin ako sa kanya. Pinaaalis ko na siya kanina para matulog na ako pero hindi raw siya aalis hangga't hindi ako tumitigil sa pag-iyak. Na lalo namang ikinaiyak ko. Maya-maya lumabas siya ng kwarto ko at akala ko 'di na siya babalik. Pero nagulat ako kasi pagbalik niya may dala na siyang unan. Tatabihan niya raw ako at nagpaalam na raw siya kay Kuya. At ang concerned ko namang Kuya, pumayag. May sabwatan na talaga akong naaamoy sa kanila, peste. Sa inis ko, natulog akong nakatalikod kay Luthan na hawak ang isang kamay ko. Bago ako tuluyang makaidlip, narinig ko pa siyang nag-sorry sa akin nang paulit-ulit, bago niya sinabi 'yung pamatay niyang 'Good night, Franceli. Sweet dreams. Please dream of me tonight.' *** Pagkagising ko wala na sa tabi ko si Luthan and for some reason, nag-panic ako kasi baka naglaho na siya. Agad tuloy akong bumaba at nakita ko siyang nakaupo na sa mesa kasama si Kuya. Ang nakakaloka, kinakantahan siya ni Kuya ng Happy Birthday at may malaking ensaymada sa mesa na may nakapatong na maliit na kandila. Tulala akong lumapit sa kanila. "O, make a wish, Luthan!" sabi ni Kuya pagkatapos niyang kumanta. Nakasimangot din sa'kin si Kuya at di ko maintindihan kung bakit. Pumikit naman si Luthan. At mukhang magwi-wish. "Sana magkabati na kami ni Franceli at sana 'di na kami mag-away," sabi ni Luthan bago niya hinipan 'yung kandila na parang sa nine years old. Pulang-pula na ako sa ginagawa niya at tumatawa na si Kuya na nakatingin sa'kin. Nakangisi rin si Luthan at parang gusto ko silang pag-untugin. "Anong kalokohan ito?" tanong ko sa dalawa nang matapos na siya mag-blow ng candle. Tawa lang nang tawa si Kuya. "Grabe ka Frans, birthday ng boyfriend mo hindi mo alam? Tapos inaaway mo pa? Asan ang konsensya mo? Napakinggan mo ba 'yung birthday wish niya?" Gusto kong karatehin si Kuya kaso nag-ring 'yung phone niya at umalis siya para sagutin niya yun. Pinandilatan ko na lang si Luthan. "Anong kalokohan na naman ito Luthan?" sabi ko pagkaalis ni Kuya. "At kelan ka pa nagkaroon ng birthday?" Parang nahiya sa'kin si Luthan. "Tinanong ako ni Kuya kung kelan daw birthday ko. Sabi ko ngayon. Kaya bumili kami ng ensaymada. Tapos pwede raw ako humiling ng kahit ano kasi birthday ko. Kaya yun." Namula ako dun for some reason. Hindi ko nga alam kung bakit pero nakyutan ako sa ginawa niya. Talagang nag-impromptu birthday pa siya maparinggan lang ako na sana hindi na kami mag-away. "Oo na, bati na tayo!" sagot kong umupo. "Ang dami pang pakulo! Hindi na kita aawayin kasi bilang na nga pala ang oras mo!" Nang sinabi ko yun parang kumirot na naman ang puso ko at dumoble pa yun nang niyakap ako ni Luthan na nagpapasalamat. Pagkabalik ni Kuya sa mesa mukhang balisa siya kaya tinanong ko siya kung may problema ba. Umiling siya at napunta ang usapan sa 'birthday' ni Luthan. Since malayo raw si Luthan sa pamilya niya, kami na lang daw ang mag-celebrate. Kaya mamayang gabi raw, mag-iinuman kaming tatlo kasama si Luna. Siyempre invited din si Steph. Baka ipa-salvage ako nun kapag nalaman niyang nag-celebrate kami ng birthday ni Luthan ng wala siya. Pinagtitinginan naman ng mga tao si Luthan habang naglalakad kami papuntang school. Napapangiti sila at may ilan pang nangahas na magtanong kung pwede raw silang magpa-picture kay Luthan. "Anong nangyayari? Bakit ang dami mong fans?" shocked na tanong ko sa nakangiting si Luthan. "Sikat na kasi ako," natatawang sagot niya naman. "Saan banda?" biro ko sabay kunwari hanap sa mukha niya ng ikasisikat niya pero sumeryoso siya. May itinuro siyang estudyante sa isa sa mga bench na nadaanan namin. "O, may problema ba?" Seryosong nakatitig si Luthan sa taong nandoon. "Yung lalakeng yun, isa siyang dating bulalakaw. Alamin mo ang tungkol sa kanya." Tumango na lang ako. Alangan naman kasing umangal pa ako, eh para sa'kin naman 'tong pinaggagawa namin. At nakaka-guilty kasi, eto pang si Luthan na walang kasiguraduhan sa future niya ang pursigidong makakuha ng liwanag. Dapat ako 'yung masigasig kasi ako 'yung makikinabang. Kaya tinandaan ko 'yung lalaking tinuro ni Luthan. Nagbabasa iyon ng libro. Hindi ko pa man siya kilala, alam ko na ang problema ng isang ito. Kung hindi nerd ang isang ito, malamang torpe. Pati si Steph parang nangingiti pagkakita kay Luthan. Nang sinabi ko naman sa kanya 'yung celebration mamaya sa bahay, 'di naman mapakali si Steph kung ano raw ba ang ireregalo niya kay Luthan. Kung hindi lang ako nahihiyang tanungin siya, gusto ko sanang itanong kay Steph kung gusto niya ba si Luthan, the way she acts around him kasi parang may something na eh. Pero hinayaan ko na lang. Lahat ng tao sa school kinakamusta sa'kin si Luthan na para bang kilalang-kilala nila iyon. Hindi ko nga alam kung ano ang nangyayari, hanggang sa nakita ko ang posibleng dahilan ng biglaang kasikatan ni Luthan. Sa may downtown, nung nagpunta kami ni Steph sa supermarket para mamili ng panghanda mamayang gabi sa party ni Luthan, nakita ko siya sa isang malaking billboard. Model siya ng isang sikat na clothing line. [LUTHAN] Pagkarating ni Franceli galing sa school niya, agad niya akong hinanap. Naglilinis ako ng kusina ng madatnan niya ako. "Luthan! Ang laki ng billboard mo sa downtown!" natutuwang sabi niya. "Naks, sikat ka nga talaga!" Nakita na pala niya. "Gwapo ako doon 'di ba?" nakangisi kong sagot. Namula naman si Franceli. "Oo. Pero wait, 'di ba sabi mo ex-shooting star din 'yung boss mo? Sino ba yun?" "Si Maam Ella." Tumango siya. "Okay. Ganito Luthan. Double time tayo. Ako ang bahala sa nerdy guy sa school. At ikaw naman sa boss mo." Napangiti ako. "Nag-aalala ka na talaga sa'kin. Minamadali mo na 'yung pagkuha ng mga liwanag." "Tse! Eh sa concerned nga ako sa 'yo! Saka... saka 'pag nawala ka, sa'kin ka hahanapin ng lahat ng tao. Lalo na at sikat ka na! Ano naman ang sasabihin ko sa kanila kapag maglaho ka? Kaya dapat hindi ka na lang maglaho!" Natawa ako. "Nagpapalusot ka pa. Ayaw mo lang akong mawala eh." Sasagot pa sana siya kaso may narinig kaming sumisigaw sa labas. Boses ng babae yun. "Sino yun? Dito ba yun?" tanong ni Franceli at naglakad kami papunta sa sala. Dumungaw kami sa bintana para silipin kung sino 'yung nagsisisigaw. Nanlaki naman ang mga mata ko dahil nakita ko si Maam Ella na may dalang palakol sa labas at mukhang galit na galit. "Hoy hayop ka lumabas ka diyan! Gigibain ko itong bahay mo 'pag 'di ka lumabas diyang lalaki ka! Ano, magtatago ka diyan pagkatapos mo akong buntisin? Gusto mo ng iskandalo? Pwes, ibibigay ko sa 'yo! Edukada ako pero hayop kang leche ka, tatadtarin ko talaga 'yang bayag mo 'pag di ka pa lumabas diyan!" Napanganga si Franceli na nakatingin sa'kin. "Oh my God Luthan. Gulatin mo na lang ako sa ibang paraan pero 'wag lang ganito." "Ha?" Nalito ako sa sinabi ni Franceli. "Luthan, don't tell me nabuntis mo ang babaeng yan?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD