Isang linggo.
Isang linggo na ang lumipas mula noong may nangyaring kababalaghan sa akin. Hindi pa rin mawala sa isip ko ang misteryosong gubat na iyon. Ilang beses ko iyon binalikan pero hindi na muli ko ito natagpuan.
Ilang gabi ko na rin napapaginipan ang magandang tinig na narinig ko roon. Punung puno ito ng lungkot at pangungulila. Pakiramdam ko tuloy ay dapat hinanap ko ang nagmamay-ari ng tinig na iyon kaso mas pinanaig ko ang aking takot.
"Sa susunod talaga na makakapasok ako roon ay hahanapin ko siya. Para mapanatag na rin ang aking kalooban," bulong ko sa aking sarili.
"Nakikinig ka ba, Cipher?!"
Napaangat ako ng tingin at bumungad ang nakasimangot na mukha ni Althea. Nahihiyang napakamot ako ng aking batok dahil wala akong narinig sa lahat ng sinabi niya sa akin.
"Ginigigil mo ko," natatampong sabi niya, "Ganoon ba ako ka-bored kausap?"
Mabilis kong iiling ang aking ulo. "Sorry Althea, may iniisip lang kasi ako."
"Babae siguro iyan," nang-aatig na komento ni Haze na nasa likuran ko lang pala, "Ganyan tayong mga lalaki, kapag pumapag-ibig natutulala."
Sinamaan ako ng tingin ni Althea. "Aba't Cipher! Hindi ka pa nakuntento sa kagandahan ko at naghanap ka pa ng iba," pumapadyak na sabi niya. "Bakit mas maganda ba ang babaeng iyan sa akin?"
"Malamang," pagsingit naman sa usapan ni Con.
Naghalukipkip ng kanyang braso si Althea at sinamaan pa ako ng tingin.
"Sina Laycka at Erah lang ang pwedeng mas gumanda sa akin!" pagmamaktol niya pero agad natigilan ang lahat sa pagbanggit ng pangalan ni Erah.
Napakunot ako ng noo sa kanilang inasta. Kapareho ito ng naging reaksyon nina Tita Caramel noon sa opisina. Hindi ko tuloy maiwasan magkaroon ng kuryosidad sa kung ano ang nangyari kay Erah at bakit hindi nila sila kasama ngayon.
"Nasaan ba si Erah?" lakas loob na tanong ko sa kanila, "Nakakapagtaka na hindi niyo siya kasama."
Nag-iwas ng tingin sina Haze at Con sa akin. Si Althea naman ay halos mangilid ang luha sa kanyang mga mata.
"She's missing," malungkot na sagot ni Laycka sa aking tinatanong, "No one knows where she is. Basta isang araw bigla na lang siya nawala."
Napatango na lang ako ng ulo sa aking nalaman. Wala akong kaide-ideya na nawawala ang panganay na anak ni Tita Naomi.
"Marami ang nagsasabi na patay na siya," malungkot na sabi ni Haze, "Pero umaasa pa rin kaming lahat na isang araw ay bigla siyang babalik."
"We waited for 5 years, Cipher," dagdag naman ni Con, "Unti unti na kaming nawawalan ng pag-asa na buhay pa nga siya."
Pilit ko pinakikinggan ang kanilang sinasabi pero tila nakukulangan ako. Umalis ba si Erah o kinuha siya ng mga lihim na kumalaban pa kina Tita Naomi?
Ngunit ang sabi nila ay inaantay nila ang kanyang pagbabalik kaya posibleng si Erah mismo ang lumayo. Pero bakit naman gagawin iyon ni Erah ngayon may nagmamahal sa kanyang pamilya at may mga mababait na kaibigan?
Nakakapagtaka naman.
"Change topic na tayo guys," malakas na sambit ni Althea habang pinupunasan ang ilang tumakas na luha sa kanyang mga mata saka ako binigyan ng pilit na ngiti sa kanyang labi, "Sino sa inyo ang game na sumama sa akin sa Headmistress office?"
Kita ko ang pangiwi nina Haze at Con nang mabanggit ni Althea ang Headmistress’ office. "Pass kami diyan," namumutla pa nilang mga sambit.
Nameywang si Althea sa kanilang harapan. "Hmmp! Natatakot lang kayo kay Tito Aidan eh!" pag-irap pa sa kanila ni Althea, "Kayo Cipher, Laycka?"
Iniling ni Laycka ang ulo niya. "Ayoko nandoon rin kasi sina mama," nakangiwing pagtanggi niya na samahan ang kanyang pinsan.
Pagkatanggi na pagkatanggi ni Laycka at agarang humarap sa akin si Althea. "Paano ba iyan, Cipher ikaw na lang ang isasama ko," nakangising sambit niya.
Nanlaki ang aking mga mata dahil hindi niya kinumpirma kung gusto ko rin sumama sa kanya. Sa huli ay wala akong nagawa kundi samahan si Althea papunta ng Headmistress office. Ngunit pagpunta namin roon ay naabutan naming walang tao sa opisina.
"Teka Cipher, tawagan ko lang muna sina Tita Naomi. Hindi ko kasi pwede basta iwanan lang rito ang potion na pinabibigay nina mama at papa sa kanya," paalam ni Althea at lumabas muna ng opisina para tawagan sina Tita Naomi.
Dahil naiwan akong mag-isa sa opisina ay tinignan ko na rin ang kabuuan nito. Walang masyadong papeles na nakatambak sa mga mesa dahil sa malimit na pagtratrabaho nina Tita Naomi at Tito Aidan sa opisinang ito.
May nakadisplay rin na mga larawan sa dingding ng opisina. Hindi ko namalayan na nilapitan ko ang mga ito at isa isa sinimulan na pagmasdan.
"Siya pala si Vivo Lockheart," manghang sambit ko nang malaman na nasa unang larawan ay ang unang Headmaster.
Kasunod ng larawan niya ang imahe naman ng dalawa niyang anak. Sina Erin at Daphne Lockheart.
Napahawak ako sa aking baba at napaisip. "Teka anong mahika ang meron si Erin Lockheart? Para walang nasabi si author noong Book 1 ah. Saka nagkapag-asawa ba siya? Ang alam ko lang ay may tatlo siyang anak sina Tito Tyler, Tito Yuan at Tita Jija."
Natatawang nilampasan ko ang larawang iyon. Sumunod naman ang larawan nina Tita Naomi noong nag-aaral pa sila sa Enchantasia. Kasama sa larawan na iyon si mama.
"Kuha ito ilang araw pagkatapos maikasal nina Tita Naomi at Tito Aidan," nakangiting sambit ko, "Sa dami nang nangyari sa akademya nang panahon na ito, sa kasalan pa rin sila nauwi."
Ilang beses naikwento sa akin ni mama ang nakakakilig na lovestory nina Tita Naomi. Ewan ko bakit lovestory ni Tita Naomi ang kinukwento niya at hindi lovestory nila ni papa. Kapag tinatanong ko siya tungkol sa kanila ni papa ay 'nakakahiya raw' kaya huwag ko na lang alamin.
Hanggang sumunod ang larawan ng buong pamilya nina Tita Naomi at Tito Aidan. Mukhang bata pa si Erol sa larawan na ito. Siguro mga 5 years ago pa ito nakuhanan.
Nabaling ang atensyon ko sa babaeng katabi ni Erol. May mahaba at straight itong buhok. Maputi siya at may rosy na pisngi. Nakangiti siya sa larawan na makikita na punung puno siya ng sigla at saya.
"Siya siguro si Erah."
Maganda nga siya tulad ng sabi ni Althea. Napahawak tuloy ako sa dibdib ko ng bumilis ang t***k ng puso ko. Mukhang magkaka-crush na lamang ako sa taong makikita ko lang sa larawan.
Tumigil ka Cipher.
"Don't stare to my daughter's picture like you want to eat her."
Sa sobrang gulat ko ay napaatras ako ng ilang hakbang at ikinawala iyon ng balanse ko kaya napaupo ako sa sahig. Nasasaktan na napahawak ako sa aking nasaktan na pang-upo saka tinignan ang pinagmulan ng boses na iyon. Paglingon ko ay nandoon si Tito Aidan na binibigyang ako ng mapanuring tingin.
"Aidan, tinatakot mo naman yung bata."
Saway sa kanya ng babaeng kasama niya. Saka ko lang napansin na kasama niya rin pala si Tita Naomi.
Napatakip ako ng kamay sa aking mukha. Nakakahiya! Nakita nila ako nakatitig sa litrato ng anak nilang babae. Ano na lang ang iisipin nila sa akin? Worst. Ikwento pa nila iyon kina mama.
Lumapit sa akin si Tita Naomi at tinulungan ako tumayo. "You're Cipher, right? Pasensiya na at hindi kita nasalubong noong hinatid ka nina Heal," nakangiti sabi niya, "May importante kasi akong inasikaso ng araw na iyon."
"O-Okay lang po, Tita," nahihiyang sambit ko.
"Bakit nandito ka sa opisina namin? May kailangan ka ba?" mapanuring tanong ni Tito Aidan at kita pa rin sa mukha ang pagkadigusto sa nasaksihan niya kanina.
"U-U-Umm..."
Pameywang na hinarap ni Tita Naomi si Tito Aidan. "Aidan naman. Be good to him," saway niya rito, "Normal lang naman sa edad nila ang magkagusto ngayon. Parang hindi mor in pinagdaanan iyan kung makaasta ka diyan."
"Tss."
"Don't mind him, Cipher. Ganyan lang talaga siya pagdating kay Erah. Akala mo nanakawin ang anak niya," sabi niya pero agad rin nabahiran ng lungkot ang mukha niya, "If only she's still here..."
Sa isang iglap, nakalapit si Tito Aidan kay Tita Naomi ay niyakap ang umiyak na asawa. "We'll find her, Naomi. I promise you."
Hindi ko alam pero gusto kong tulungan sina Tita Naomi hanapin si Erah. Bilang na rin kabayaran sa lahat ng tinulong niya kay mama at sa aming pamilya.
Kaso paano ko iyon gagawin? Wala naman ako mahikang pwedeng ipantulong sa kanila?
"Gosh Tita! Nandito na pala kayo!" malakas na sambit ni Althea na kakabalik lang, "Naku Tita, kanina ko pa kayo tinatawagan."
Sinamaan ako ng tingin ni Althea. "Hindi mo man lang ako sinabihan na nandito na sila, Cipher."
"Kakarating lang namin, Althea," nakangiting sambit ni Tita Naomi kahit halata pa sa mata niya na umiyak siya kani-kanila lang.
"Tss. The noisy kid is here," hindi nasisiyahang sabi ni Tito Aidan, "Kakaalis lang nina Cielo, mukhang ang bata iyan naman ang mag-iingay."
"Ay grabe Tito. Ang hard mo sa akin," nakangusong sambit ni Althea. May kinuha siya kanyang bag at may nilabas na maliit na bote, "Pinaabot po nina mama."
"Thanks Althea," pasasalamat ni Naomi nang iabot ni Althea ang boteng iyon sa kanya, "Sana sa potion na ito ay ma-track na natin si Erah."
Nanlaki ang mga mata ko sa nalaman. Isang tracking potion ang pinagawa nila kina Tita Choco at Tito Citron. Napahirap gawin ng potion na iyon.
"Sana nga po makita na natin siya."