Chapter One
“Sister Asper!” nilingon niya si Sister Amanda na parang hinahabol ng engkantong patakbong papunta sa kanya. Inilapag niya ang basket na may lamang kamatis na inani nila ng mga bata sa maliit na taniman nila sa loob ng kumbento at sinalubong ito.
“Bakit? Anong nangyari?” nagtatakang tanong niya rito.
“Si..si Don Tiburcio! Dumating na!” habol ang hiningang napahawak ito sa dibdib.
“Talaga?!” ngumisi siya sabay kuha ng isang kamatis sa basket at kinuyom ang mga palad hanggang sa mapisa iyon. Si Don Tiburcio ay ang matandang mayaman na pilit kinukuha ang lupa na kinatitirikan ng kumbento. Gusto nito iyong ibenta dahil sa napakalaking utang nito sa sabungan kaya kahit ang lupa na donasyon ng asawa nito ay napag-interesan pa ng matanda. “Mabuti kung ganoon.” Sinenyasan niya ang mga bata na lumapit sa kanila.
“Pero Sister Asper, sigurado ka ba sa gagawin mo?” kinakabahang wika ni Sister Amanda.
“Ano ka ba, Sister Amanda? Huwag kang matakot, ako ang bahala sa lahat,” kampanteng sagot niya rito. Mukha kasing itong kangaroo na hindi makatalon. “Si Sister Ester?” tanong niya.
“Inihiga na namin sa quarter niya.”
“Sabi ko naman sa’yong kumalma ka lang.” Pinagpag niya ang suot na abito.
“Pagagalitan tayo ni Sister Ester sa gagawin mo…”
“Ssshh.” Tinakpan niya ang bibig nito gamit ang hintuturo. “Ilang beses ko ba dapat sabihin sayo na ako ang bahala sa lahat? Para rin ito sa atin. Gusto mo bang mawalan ng tirahan ang mga batang iyan?” tinuro niya isa-isa ang mga batang kinupkop nila.
Napatungo ito. “Kinakabahan lang talaga ako sa gagawin mo, Sister Asper.”
“Buksan niyo ang gate ngayon din!” sabay silang napalingon sa labas ng gate ng kumbento. Si Don Tiburcio! Kinakalampag nito ang gate nila kasama ang dalawang bodyguard na parang mga bouncer sa club sa laki ng mga katawan.
“Mga bata, hintayin niyo ang signal ko. Maliwanag ba?” baling niya sa mga bata. “Sister Amanda, follow me. Let’s bring it on baby!” napailing na lang ito na sumunod sa kanya palapit sa gate. Mahigit sampung beses na yata itong napa-antada sa sobrang kabang nararamdaman habang siya ay excited sa mga mangyayari.
“Nasaan si Sister Ester?” salubong ang kilay na bungad ni Don Tiburcio nang nasa harap na sila ng gate. “Gusto ko siyang maka-usap ngayon din.”
Binuksan niya ang gate at lumabas. Huminto siya sa mismong tapat ng mukha ng Don. Humalikipkip na tiningnan niya ito.
“Don Tiburcio! Inihulog ka ng Diyos mula sa langit dahil napakaganid mo.. este para magsabog ng kabutihan dito sa lupa! Maawa ka sa amin at sa mga batang ulila na wala nang matirahan!” nagulat ito at ang dalawang kalabaw na bodyguard nang bigla na lang siyang lumuhod at niyakap ang tuhod ng Don.
“Anong ginagawa mong madre ka!” pilit na inaalis nito ang mga kamay niyang nakapulupot sa tuhod nito. “Dodong, Berting! Ano ang tinutunganga niyo riyan? Alisin niyo ang madreng to ngayon din!” utos nito sa dalawang kalabaw.
“Ang katawan ko ay pagmamay-ari ng Panginoon kaya ako ay nakikiusap sa inyo na huwag niyo akong gamitan ng dahas. Ang paggamit ng dahas sa alagad ng Diyos ay may malupit na kaparusahang naghihintay sa impyerno.” Mukhang natakot sa sinabi niya ang mga ito dahil nagdalawang isip ang dalawa na alisin siya.
“Hindi niyo ba ako narinig?” muling sigaw ng Don. Dahil sa sobrang lakas ng pagkakasigaw ay naubo pa ito kaya muntik na siyang mapahagalpak ng tawa. Kaya sa halip na awatin siya ng dalawa ay natatarantang salitan ang mga itong tinapik ang likod ni Don Tiburcio.
“Don Tiburcio!”
“Huwag kayong magpapauto sa sinasabi niya!” muling sigaw nito nang mahimasmasan. Mukhang nauubusan na ito ng pasensya. “Susundin niyo ang inuutos ko o tatanggalin ko kayo sa trabaho?”
Kumalas siya mula sa pagkapulupot sa tuhod ng Don. Naawa rin siya sa dalawang kalabaw na mawawalan ng trabaho nang dahil sa kanya. Kahit kalabaw sila, may puso din silang nasasaktan. Ano ba itong mga pinagsasabi niya?
“Sister Asper...” agad na lumapit sa kanya si Sister Amanda. “Ito ba ang sinasabi mong ikaw ang bahala? Anong klaseng bahala ito?” bulong nito.
“Kalma ka lang Sister Amanda. Kung sa games, trial pa lang ginawa ko. Kung sa trapiko, first violation, sa basketball naman ay first warning pa lang at kung sa plants versus zombies, first wave pa lang ito. May nakahanda pa akong second wave. Watch and learn," wika niya rito bago kumindat.
Naglakad siya papuntang harap ng gate at tinanggal ang high heel na suot. Yes, naka-high heel siya. Hindi niya alam pero mas komportable siya kapag iyon ang suot niya.
Inilabas niya ang pito mula sa maliit ng secret pocket sa suot na abito at hinipan iyon. Kasunod niyon ang pagtakbuhan ng mga bata papunta sa kanya.
“Aila, Trizia, Nick, Alex, Hazel! Tulad ng ni-practice natin, find your height at tumayo kayo sa harap ng gate!" utos niya sa mga ito.
“Opo, Sister Asper.” Napa sign of the cross na lang si Sister Amanda samantalang si Don Tiburcio at ang dalawang kalabaw ay nakatingin sa kanila na puno ng pagtataka ang itsura.
“In the count of three, gagawin natin ang dapat nating gawin, maliwanag ba?”
“Opo Sister Asper,” sabay na sagot ng mga ito.
"One, two, three! Let's do the planking strategy!" sigaw niya sabay dapa sa sementadong harap ng kumbento. Sumunod naman sa kanya ang mga batang ulila.
“Anong kabaliwan ito? Umalis kayo diyan ora mismo! Kakausapin ko Si Sister Ester!”
“Huwag kayong aalis! Kakasuhan natin siya ng child abuse kapag marahas niya tayong paalisin sa pagpa-planking dito! Sa hospital tayo ipinanganak pero dito tayo mamatay! Narinig niyo mga bata?”
“Opo, Sister Asper!” sabay ulit na sigaw ng mga ito.
“Paalisin niyo sila!” labas ang litid sa leeg na utos ng Don sa dalawang bodyguard.
“Ra 7610. Child abuse. Maari kayong makulong at mag multa ng mahigit limapung libong piso kapag hinawakan niyo ni dulo ng daliri ng mga bata.”
“Don Tiburcio…” napakamot sa ulong baling ng mga ito sa Don na pulang-pula na ang mukha sa galit.
“Alisin niyo silang lahat ngayon din!” muling sigaw nito ngunit hanggang atras-abante lang ang ginagawa ng mga alalay nito. Dahil sa sobrang inis ay binatukan nito ang dalawa pagkatapos ay nagpupuyos sa galit na bumalik sa sasakyan. Sumunod naman ang dalawang alalay nito.
“Sister Asper!” nagmamadaling lumapit sa kanya si Sister Amanda at tinulungan siyang tumayo nang makaalis na sasakyan ng Don.
"Sabi sa iyo ako ang bahala. Hindi ba mga bata? Good job. Sige na, bumalik na kayo sa loob at maglaga ng kamote. Ginutom ako sa pag-planking.”
"Opo, Sister Asper!" sabay na wika ng mga ito na patakbong pumasok sa loob ng kumbento.
“Lagot tayo nito kay Sister Ester,” nag-aalang sabi ni Sister Amanda nang nakapasok na ang mga bata.
“Ano ka ba? Hindi naman tayo malalagot kung hindi natin sasabihin sa kanya. Paano niya malalaman ang nangyari kung tulog siya, di’ba? At kung sakaling bumalik ulit bukas ang matandang iyon, patutulugin ulit natin si Sister Ester. Ako na ang bahalang mag-isip ng bagong strategy na gagawin namin bukas.”
“S-sister Asper…” malalaki ang mga matang ngumuso ito at parang may tinitingnan sa likod niya.
“Ano ka ba Sister Amanda? Sinasabi ko naman sayong hindi malalaman ni Sister Ester ang lahat. Sinabihan ko na rin ang mga bata na huwag sabihin sa kanya.”
“Ano ang hindi dapat sabihin sa akin, Sister Asper?”
“Ay Asper na maganda!” napalundag siya sa sobrang gulat nang biglang may nagsalita sa likod niya.
“Sister Ester?” nanlalaki ang mga matang bulalas niya. “Akala ko ba pinainom mo ng pampatulog si Sister Ester?” mahinang bulong niya kay Sister Amanda na kinakagat na ang kuko sa daliri sa sobrang nerbiyos.
“Akala mo niyo ba ay hindi ko alam ang binabalak niyo? Narinig ko kayo kagabi, Sister Asper, Sister Amanda. Iyan ba ang wastong pag-uugali ng mga alagad ng Mahal na Panginoon? Iyan ba ang natutunan niyo mula sa tinuturo kong wastong asal dito sa loob ng kumbento?” galit ang boses na wika nito sa kanilang dalawa.
“Sister Ester, sorry po talaga pero hindi ako papayag na ibenta ng matandang iyon ang lupang ito.”
“Sister Asper, kinupkop kita rito dahil kailangan mo ng tulong pero ano ang ginagawa mo? Idinadamay mo ang mga walang muwang na mga bata sa pagiging isip bata mo.” Mukhang nauubusan na ng pasensya na litaniya nito sa kanya.
"Pero Sister-“
“Tama na! Para akong mauubusan ng hininga dahil sa inyo. Mas lalo mo lang ginawang mas komplikado ang lahat dahil sa ginawa mo, Sister Asper.”
“Pero Sister-“ muling putol nito sa mga sasabihin niya.
“Huwag ka nang magsalita dahil mas lalong sumasakit ang ulo ko na bumababa papuntang dibdib kaya pati puso ko ay sumsakit na rin.”
“Gusto ko lang naman makatulong.”
“Hindi tulong ang tawag sa ginawa mo, Sister Asper. Problema ang tawag doon.” Napatungo na lang siya. “Pumasok na kayo sa loob,” utos nito bago pumasok sa loob ng kumbento.
“Sister Asper, kalma ka lang,” wika ni Sister Amanda nang mawala na sa paningin nila si Sister Ester.
“Linya ko iyan, Sister Amanda. Huwag mong agawin,” aniya. Kahit anong mangyari ay hindi siya papayag na maibenta ni Don Tiburcio ang lupa. Sa loob ng maikling panahon ay pamilya na ang turing niya sa lahat ng mga nandito kaya hindi niya hahayaang mawalan ang mga ito ng tirahan.
***
“Meron na lang kayong dalawang buwan para maghanap ng malilipatan, Sister Ester,” nakangising sabi ni Don Tiburcio. Wala na siyang nagawa para hindi ito makapasok ng kumbento dahil hindi na gumagana ang strategy nila.
Nakaupo silang lahat sa salas ng kumbento. Iniirapan niya ang Don sa tuwing napapatingin ito sa kanya. Isang nakakainsultong ngisi naman ang sagot nito sa kanya na mas lalong nagpapakulo sa dugo niya.
“Hay, ang baho naman dito.” Pinaypayan niya ang mukha gamit ang kamay. “Amoy matandang saksakan ng kasamaan. Naamoy mo rin ba, Sister Amanda?’ baling niya sa katabing madre.
“Ha? O-oo. Amoy matanda nga.” gulat na sagot nito. “Ay patawarin mo po ako Panginoon.” Napaantada ito sa sinabi. Hindi naman niya mapigilang tumawa ng malakas.
“Sister Asper!” saway ni Sister Ester sa kanya na medyo tumaas na ang boses.
“Desverguenza!” narinig niyang sabi ng Don. Spanish yata ang sinabi nito at sigurado siyang panget ang kahulugan.
“Pagpasensyahan mo na Don Tiburcio. Bagong pasok pa lang sa kumbento si Sister Asper at marami pa siyang dapat matutunan.”
“Turuan niyo siya ng mabuting asal! Muntik na akong atakehin sa puso dahil sa madreng iyan!”
“Ipagpaumanhin niyo po,” hinging paumanhin ni Sister Ester.
“Kow! Nasabi ko na ang dapat kong sabihin. Dalawang buwan, Sister Ester. Dalawang buwan ay dapat wala na kayo rito.”
“Wala na po bang ibang paraan, Don Tiburcio? Mahihirapan kaming maghanap ng malilipatan sa loob ng dalawang buwan. Isa pa, donasyon ang lupang ito ng iyong namayapang asawa.”
“May katibayan ba kayong donasyon nga ang lupang ito ng aking asawa?” hindi nakasagot si Sister Ester. Sinubukan nilang hanapin kung nasaan ang dokumento ngunit kahit halos lahat ng sulok ng kumbento ay hinalughog na nila ay hindi talaga nila mahanap.
“Nasabi ko na ang dapat kong sabihin. Aalis na kami,” sabi nito bago tumayo. “Adios!”
“Sandali!” aniya dahil biglang siyang may naisip. Hindi nga lang siya sigurado kung mapapapayag niya ang matanda.
“Wala akong oras na makinig sa mga sasabihin mo.”
“Magbabayad kami buwan-buwan. Parang renta.” saglit itong natigilan sa sinabi niya. “Sa halip na ibenta mo sa iba ay hayaan mo muna kami na magbayad hanggang sa makaipon kami ng pera pambili ng buo sa lupang ito.”
“Saan naman kayo kukuha ng pambayad gayong umaasa lang naman kayo sa mga donasyong itlog ng ibang tao? Isa pa, bakit naman ako papayag sa gusto mo?”
“Kung may konsyensya pa kayong natitira diyan sa puso niyo ay pagbibigyan niyo kami. Isipin niyo rin po sana ang mararamdaman ng inyong namayapang asawa. Sigurado po akong kapag nalaman niyang ibebenta niyo ang lupang ito at may mga kawawang bata na mawawalan ng tirahan ay malulungkot iyon. Naku, baka isang araw ay hindi na kayo magising dahil sa sobrang galit niya ay nasakal niya kayo.”
“H-hindi mo ako madadala sa mga ganyan. Maiintindihan ako ng aking asawa,” wika nito pero nakikita niyang napa-isip ito sa sinabi niya.
“Sister Asper…” naiiyak na bulong sa kanya ni Sister Amanda.
“Makakaya niyo po bang mabuhay nang matiwasay kahit na alam niyong may naperwesyo kayong ibang tao? Tingnan niyo ang mga batang iyan,” turo niya sa mga inaalagaan nilang ulila sa labas ng bintana. Nang mapatingin silang lahat sa direksyon ng mga ito ay agad na umarte na malungkot at umiiyak ang mga bata. “Kahit konting awa lang po ang hinihingi namin.” Tumingin siya kay Sister Ester para humingi ng back up. Nakuha naman nito ang ibig niyang sabihin.
“Don Tiburcio, nakiki-usap ako sa inyo. Sana ay pagbigyan niyo ang hiling ni Sister Amper. Sana ay katukin ng Panginoong Diyos ang iyong puso nang sa ganoon ay maawa kayo sa amin.” Saglit na nag-isip ang matanda. Pagkaraan ng ilang saglit ay tumikhim ito ng malakas.
“Bueno, pagbibigyan ko ang gusto niyong mangyari. Baka sabihin niyo ay napakasama ko nang tao. Limang libo tuwing katapusan ang kailangan niyong bayaran. Walang labis-walang kulang.”
“Yes!” bulong niya sa sarili. Natuwa siya nang sobra dahil dahil hindi naman pala itong totally descendants ni Satanas.
“Maraming salamat po, Don Tiburcio. Pagpalain nawa kayo ng Panginoon,” sobrang galak na wika ni Sister Ester sa naging desisyon ng Don.
“Hindi salamat ang kailangan ko kundi ang limang libo buwan-buwan, Sister Ester.” okay na sana kaso lumalabas talaga ang pagiging ganid nito. Balak na sana niya itong yakapin kaso mas gusto na lang niya itong sakalin bigla pero pinigilan niya ang sarili. “Aalis na kami. Ang kasulatan ay ipapadala ko rito bukas para mapirmahan ninyo. Sa susunod na buwan na magsisimula ang inyong pagbabayad,” wika nito bago tumayong muli at lumabas ng opisina ni Sister Ester.
Naiwan silang tatlo na nakangiti na agad napalitan ng seryosong mukha. Napapayag nga nila si Don Tiburcio ngunit ang tanong, saan sila kukuha ng limang libo piso bawat buwan?