Prologue
“What?” hindi makapaniwalang bulalas niya nang marinig ang sinabi ng dad niya. Gusto siya nitong ipakasal sa anak ng kompadre nito na si Eston. Palagi niyang nakikita ang lalaking iyon sa tuwing may social gathering sila at mukha pa lang ay mas gugustuhin na lang niyang maging banga. At sa sobrang yabang niyon ay baka masapak niya pa iyon araw-araw. Baka maging tattoo pa niyon ang black eye..Masarap ang mga pagkain na nasa kanyang harapan ngunit biglang siyang nawalan ng gana. Isusubo pa naman sana niya ang paborito niyang ham ngunit nakasimangot na pabagsak niyang nilapag ang hawak na kubyertos.
“You heard it right, Asperheim. Naubos na ang pasensya ko sa iyo. Ang tagal ko nang hinihiling na ayusin mo na ang buhay ngunit puro gala ang iyong inaatupag.”
“Dad naman. Paano maayos ng sapilitang pag-aasawa ang buhay ko? Isa pa, hindi lang gala ang ginagawa ko. It’s part of my job. I am a blogger, dad. I travel, write, and earn.”
“Ano na ba ang narating mo sa ipinagyayabang mong trabaho na iyan? You are already thirty-three pero wala ka pang matinong trabaho.” Nasaktan siya sa sinabi ng ama. Ilang beses na niyang narinig na tinawag nitong walang kwenta ang pagiging blogger niya ngunit hanggang ngayon ay nasasaktan pa rin siya. “Lagpas ka na ng kalendaryo pero wala ka pa ring pamilya. Huwag mong sabihin na may balak kang tumandang dalaga? Look at your Tita Cely. Hindi nag-asawa dahil strong ang independent woman daw siya pero tingnan mo at namatay na walang may-nag-aalaga sa kanya maliban sa caregiver.”
“I love what I am doing right now, dad. Hindi nga malaki ang kinikita ko compare sa iyo pero masaya ako sa ginagawa ko. Hindi milyon ang pumapasok sa bank account ko every month ngunit mas sobra pa sa kayaman ang malaman na marami akong na-i-inspire na tao dahil sa pagsusulat ko. At isa pa, mag-aasawa ako kung kailan ko gusto. Kung gusto mom ikaw na lang magpakasal sa anak ng kompadre mo. Alam ko namang ipapakasal mo lang ako para hindi mapunta sa kung sino lang ang kayaman mo,” hindi niya mapigilang wika dahilan para mag-alburuto sa galit ang dad niya.
“Asperheim!” sigaw nito ngunit hindi man lang siya natinag. Pati mga katulong nila ay nagulat dahil sa lakas ng sigaw nito ngunit siya ay chill lang. “Ganyan ka na ba talaga kabastos ngayon? Iyan ba ang nakukuha mo sa ipinagmamalaki mong travel?”
“Tama naman di’ba, dad? Ang nasa isip mo lang palagi ay pera. Kulang na nga lang ay papalitan mo na ang mukha ni Ninoy sa five hundred.” Mas lalong umusok sa galit ang dad niya. Pulang-pula na ang mukha nito habang napapahawak na sa bandang dibdib. May parte sa kanya na nag-aalala dahil baka mapano ito ngunit mas nanaig ang galit at pride niya.
“Sumusobra ka na talaga!”
“Ikaw ang umaapaw na, dad. When will you stop controlling my life? Anak mo ako pero hindi mo ako pag-aari. I am not one of your employees na isang salita mo lang ay susundin ka na kaagad. May sarili akong utak at isip kaya alam ko kung ano ang gusto ko kaya sana huwag mo akong itulad kay mom na namatay na may sama ng loob sa iyo.” That's it. Para iyong signal para tuluyan nang sumabog ang ama niya.
“You’re grounded! Hindi ka makakaalis ng bahay hanggang sa araw ng kasal niyo ni Eston!”
“I’m not a child anymore, dad. Aalis ako kung kailan ko gusto. Subukan niyong ikulong ako dito sa bahay para ipakasal sa taong hindi ko gusto at ipapa-tulfo ko kayo,” aniya na tumayo at isinukbit ang back pack na may lamang laptop at camera.Tinungo niya ang pinto ngunit bigla siyang pinigilan ng dalawang guard ng dad niya.
“Kapag lumabas ka sa pintong iyan ay huwag mo na akong tawaging dad. Kalimutan mong may ama ka at kakalimutan ko rin na anak kita,” sigaw nito sa kanya.
“Okay, Asperto,” tawag niya sa pangalan nito pagkatapos ay malakas na itinulak ang dalawang guard na wala nang nagawa dahil pagkalabas niya ng pinto ay patakbo niyang tinungo ang kotse na naka-park sa labas at pinaharurot palayo. Alam niyang hindi titigil ang ama niya hanggang hindi nasusunod ang gusto nito kaya gagawin din niya ang lahat para hindi mangyari iyon. Hindi siya papayag na maging puppet nito. Mayroon na siyang lugar na puwedeng pagtaguan pansamantala at sigurado siyang mahihirapan itong mahanap siya roon.