Kagaya ng plano ko ay kinabukasan babalik na kami sa syudad, ibabalik ko na si Avion sa pamilya niya at sa girlfriend niya.
“Nakahanda na ba ang lahat?” Suot ko ang aking cat-eye sunglasses na galing Chanel.
“Yes, Ma’am,” sagot sa akin ni Noah. Tumango ako sa kanya at tiningnan si Avion na nasa likod ko at mukhang naghihintay na makasampa na kami ng chopper.
Nagpaalam kami kina Aling Teresa at Mang Ariel. Umiiyak pa sina Sunshine dahil daw paalis na kami. Nakakalungkot man na makitang ganoon ang tatlong bata ay kailangan na naming umalis.
Paakyat na sana ako ng chopper nang makita ko si Avion na lumuhod sa harap ng tatlong bata. Marahan nitong hinaplos ang buhok nina Sunshine at binigyan ng matamis na ngiti.
Napatulala ako sa kanya nang makita ko ang mga ngiting iyon ni Avion. Pakiramdam ko kasi simula nang dalhin ko siya rito ay ngayon ko lamang siya nakitang ganito. Well, wala rin naman siyang rason para ngumiti sa akin ng ganyang katamis lalo na’t dinala ko siya rito na against naman sa kagustuhan niya. Hindi ko rin siya masisisi kung galit siya sa akin at pinapakisamahan lang para maibalik na siya sa pamilya niya.
“Huwag na kayong umiyak. Hayaan niyo, kapag wala akong masyadong ginagawa ay dadalaw ako rito.” Tumingin siya sa akin sandali na siyang ikinagulat ko. “Babalik kami ng Ate Piper niyo para makipaglaro ulit sa iyon.”
Para akong tinalunan ng puso ko dahil sa mabilis na pagtingin niyang iyon sa akin at sa pagbanggit niya ng pangalan ko.
Hindi ko matandaan kung ilang beses niya lamang ba binanggit ang pangalan ko, minsan pa’y parang napipilitan lamang siyang tawagin ako. Bilang lang iyon sa daliri pero sa tuwing ginagawa niya, sa tuwing lumalabas sa kanyang labi ang pangalan ko ay para iyong mamahaling pagkakataon na hindi basta-basta nabibili ng pera. Na parang kahit anong gustuhin kong marinig iyon ng pauli-ulit ay hindi ko makukuha kaya’t bawat pabanggit niya rito ay kailangan mong damahing mabuti.
“Talaga Ate? Babalik kayo kaagad ni Kuya Avi?” Bumalik ako sa aking ulirat nang marinig ko iyon mula sa humihikbing si Carlos. Tumingin ako kay Avi na nakatingin din sa akin at naghihintay ng aking sasabihin.
Ngumiti ako kay Carlos. I slightly bend down to pat his head. “Of course! Pero sa ngayon ay kailangan na muna naming umalis. I promise you, we’ll come back to visit.” Kahit na alam kong imposible iyon.
Alam ko naman na sinasabi lamang iyon ni Avion para patigilin ang mga bata sa kanilang pag-iyak. I’m aware that if ever I’ll come back here to visit them, I’ll be alone and there will be no Avion with me.
Matapos naming makumbinsi ang tatlong bata ay tuluyan na kaming sumakay ng chopper. Sinabihan ako ni Noah na sa helipad kami ng isang kompanya namin magla-land. Sinabi ko naman iyon kay Avi at hindi naman siya umangal. Parang may magagawa pa siya kung aangal siya. Sa Quezon City iyon kaya’t babyahe pa kami papuntang Laguna gamit naman ang kotse namin.
Nasabihan ko na rin si Dad at alam ko ay binabalak niyang pumunta sa bahay nina Avion sa Calauan, Laguna. Sinabihan niya ako na dapat daw ay hindi na kami nagmadaling umuwi. How can I stay with someone who already has a girlfriend? Duh!
Tahimik ang naging byahe namin. Nakasalpak lamang ang airpods ko sa tainga ko at nagpapanggap na tulog kahit na may oras na tinitingnan ko si Avion na nakaupo sa tapat ko.
Nililipad ang buhok ko nang makababa kami ng chopper dahil na rin sa hangin. Inalalayan naman ako ni Emma.
Agad kaming pumasok sa loob ng building at nagtungo sa elevator papunta sa parking lot sa basement upang makasakay sa kotse na magdadala naman sa amin sa Laguna.
Kami lamang ang sumakay sa isang kotse namin at sina Noah, kasama si Emma ay sa isa pa. Nauna ang amin dahil sinabi ko na kailangan ko nang maiuwi si Avi sa lalong madaling panahon.
Hindi ko pa rin tinatanggal ang shades ko kahit nasa loob ng sasakyan at mas madalas pa rin na nagpapanggap na tulog. Hindi ko magawang tingnan siya ngayon na katabi ko lang dahil sa biglaang kahihiyang nararamdaman ko sa ginawa ko. How can I face his family? His girlfriend? My god! This is so embarrassing.
Halos tatlong oras ang inabot ng aming byahe dahil hindi naman matindi ang traffic at nang makarating kami sa bahay nila ay agad akong napasinghap dahil sa mga pulis na naroroon. Makukulong ba ako? No way!
Si Avi ang unang bumaba sa kotse at nilapitan ang kanyang pamilya. Sumunod din naman ako sa kanya.
Nakita ko na niyakap siya ng kanyang ina. Ako naman ay halos hindi makalakad papalapit sa kanila. Masyado na ang paggapang sa akin ng kahihiyan na parang hindi ko kayang harapin ang kanyang pamilya.
Nakita ko rin na naroroon ang kanyang isang pinsan na kung hindi ako nagkakamali ay Gio ang pangalan at sa tabi nito ay may isang babae na hindi ko kilala. Maybe…Gio’s girlfriend? O baka iyon ang girlfriend ni Avion?
Naririnig ko ang pagbibiruan at pag-aasaran ng magpinsan. Huminga ako nang malalim bago magtangkang lapitan na ang kinaroroonan nila. Nakita ko rin si Dad na kinakausap si Tito Lucio.
“Excuse me po,” pagkuha ko ng atensyon ng mga naroroon. Ang mga pulis naman ay mukhang hindi ako huhulihin. So, anong ginagawa nila rito?
Napansin ko ang pagtabi sa akin ni Dad. Kahit papaano ay mas lumakas ang loob ko na magsalita. Muli akong humugot nang malalim na paghinga bago magsalita. “Gusto ko lang pong humingi ng tawad. Tito Lucio and Tita Via, I’m sorry for what I did. Sorry po at nagawa kong tangayin ang anak niyo nang hindi sinasabi sa inyo. Alam ko po na sobra ang naibigay nitong pag-aalala sa inyo pero sana po ay mapatawad niyo ako.”
I bowed my head, showing that I’m regretting my actions. Napansin ko rin na yumuko rin si Dad at halatang humihingi ng dispensa sa ginawa ko.
Tito Lucio was the one who stopped me from bowing my head. Itinaas kong muli ang ulo ko upang salubungin ang mga mata niyang inaasahan ang galit pero hindi. Somehow, why does he look happy?
Tinanong niya sa akin kung bakit ko iyon ginawa. Pero sinabi rin naman niya sa akin na okay lamang iyon. Nahihiya man ay sinagot ko ng buong tapang ang katanungan nilang iyon.
“Crush ko po ang anak niyo. When he ignored me at the night of the party, it gave me irrational thoughts and came up with the kidnapping scheme. I’m so sorry.” Muli kong iniyuko ang aking ulo dahil sa magkasamang kahihiyan at pagsisisi. Well, kung walang girlfriend si Avion ay malamang wala pa akong balak isauli siya rito pero whatever.
Umawang ang labi ni Tito Lucio at tumingin sa taong nasa tabi ko. Nagkatinginan sina Dad at Tito Lucio at tila ba nagpapalitan ng mensahe ang kanilang mga mata. Bahagyang kumunot ang aking noo dahil doon pero hindi ko na ipinahalata pa.
Nakuha nina Giovanni at Avion ang aking atensyon nang mag-asaran muli sila. Huminga ako nang malalim at lumapit kay Avion. Mukhang kailangan kong personal na humingi ng paumanhin sa kanya sa ginawa ko.
“Avion, I’m really sorry. I was so infatuated with you, and did that without even thinking. Truly, I’m sorry.” At nahimasmasan lang ako nang malaman ko na may girlfriend ka. Gusto ko mang sabihin pa iyon ay hindi ko na itinuloy pa.
“Okay na iyon. Ang importante ay alam mo na kung anong mali mo. Let’s forget about what happened.” Matipid man ang pangiti niya sa akin ay ikinagalak ko pa rin iyon. Mahal kaya ang mga ngiti ni Avion!
Hindi rin naman nagtagal iyong pinsan niya. Kasama iyong babae ay umalis na sila. So, I guess that was not Avion’s girlfriend.
Ilang sandali pa nang makaalis sina Gio ay may taxi ang tumigil sa tapat ng bahay nina Avi at may lumabas mula sa backseat. Sumungaw ang isang babae at agad tumakbo papalapit kay Avion. Laglag panga ako nang sa harapan ko sila magyakapan.
Para akong tinubuan ng bukol sa lalamunan at ang nasaksihan ko ay nagpabigat ng aking kalooban. Is that her? Iyong kasintahan ni Avion?
“Eloise, what are you doing here? Hindi ba’t may trabaho ka—”
“I have! But I wanted to see you, kaya nag-rent ako ng taxi para lang makarating dito ng mas mabilis. Kahit na medyo mahal iyon,” nakangusong sabi ng babae na nagngangalang Eloise.
Ang paglunok ay kay hirap gawin habang pinagmamasdan ko si Eloise. Hindi man ako mahilig magkumpara ay hindi ko mapigilang ikumpara ang sarili ko sa kanya. Na para bang kahit alam ko sa isip ko na mas maganda ako ay tumataas ang insecurity level ko! I hate this feeling. I shouldn’t do this. Maling ikumpara ang sarili mo sa iba!
Napaatras ako at mas pinili na lang talikuran ang dalawa. Hinarap ko sina Daddy. Nag-uusap pa rin sila ni Tito Lucio at mukhang natigil lamang iyon nang dumating si Eloise.
Nakita ko kung paano mag-iba ang itsura ni Tito Lucio. Handa na siyang lapitan sina Avion kung hindi lamang siya pinipigilan ni Tita Via. Napalunok ako at nilapitan na lang si Dad.
“Dad, can we go home now? I’m kind of tired,” at hindi ko rin alam kung kaya ko pang makita ang gagawin nina Avion at ng girlfriend niya. Lalo na’t ang tagal ko silang ipinaghiwalay.
Alam kong dapat ay humihingi rin ako ng paumanhin sa girlfriend niya dahil sa nangyari pero hindi ko magawa. Bitterness overwhelmed me. Ayokong makipag-usap sa kanya. Ayokong habang nakikipag-usap ako sa kanya ay kung ano-ano lamang pamumuna ang gawin ko. Sa tingin ko, mas maganda na lang na manahimik kaysa gawin ko iyon. Parang ang plastik ko.
Nakita ko ang pagtango ni Dad. Ngumiti ako sa kanya bago muling bumaling kina Tita at Tito.
“Tito and Tita, again, I’m truly sorry po.” Sa huling pagkakataon ay muli akong humingi ng tawad. May ilang sinabi pa si Dad kay Tito Lucio bago kami tuluyang umalis doon. Ni hindi ko na nga nagawang magpaalam pa kay Avion.
Tulala lang ako habang nasa byahe pauwi. Ang sabi ni Dad ay dahil nasa Laguna naman na raw kami ay sa bahay na lang namin dito kami tutuloy. May mga gamit pa naman akong dala kaya’t hindi ko na kailangang mamroblema kahit na ang tagal na naming hindi nakakapunta rito. Tinawagan na rin ni Dad si Mommy upang ipaalam ang plano.
Ever since I graduated college, hindi na kami umuwi rito sa Laguna. Naglagi na ako sa Manila dahil wala lang, bet ko.
Naisipan kong tawagan si Emma at itanong kung nasa Manila pa ba sila dahil magpapadala ako ng gamit. Feeling ko hindi kakasya ang mga gamit na dala ko sa pananatili namin dito. I have the feeling na hindi lang isang araw ang itatagal namin dito.
“Dad, I’m sorry I gave you this problem.” Hindi ko mapigilang magsalita kaya’t pumuslit iyon sa aking labi nang papasok na kami sa bahay namin dito sa isang exclusive subdivision sa San Pablo.
“That’s nothing, sweetie. I have something to tell you but you should take some rest first. Makakapaghintay naman iyon bukas. Baka umuwi na rin dito ang Mom mo. She was worried about you, too,” sabi sa akin ni Dad.
Matipid akong ngumiti sa kanya at ginawa na lang muna ang ang sinabi niya sa akin. Nag-shower muna ako bago magpalit. Pinatuyo ko ang aking buhok at nahiga sa aking kama. Hindi ko maramdaman ang gutom dahil sa samo’t saring nararamdaman ko. Parang mas gusto ko na lang munang itulog ang lahat ng ito.
Niyakap ko ang isang malaking unan at ipinikit ang aking mga mata. Sana paggising ko ay maayos na ulit ang pakiramdam ko dahil kung hindi mukhang kailangan ko ng magpapalimot sa mga ito…alak.
I woke up from my nap. Ang una kong ginawa ay kunin ang cellphone ko upang tingnan kung anong oras na at napansin ko na ala-sais na pala ng gabi. Ilang oras din pala akong natulog. Sabagay, maaga akong nagising kanina.
Nagbukas ako ng aking cellphone upang silipin ang group chat naming magkakaibigan. Halos dalawang linggo ko atang hindi ito nabubuksan.
The last chat was dated last week. Hindi ko alam kung anong pinag-uusapan nila at wala rin akong balak mag-backread dahil pakiramdam ko ay ang dami nito. Nagtipa na lang ako ng panibagong mensahe upang magtanong sa kanila. Hoping for a good response.
Me: Hi, I’m currently at our house in Laguna. Where are my girls at?
Taga rito rin naman ang mga ito sa Laguna at umaasa ako na kahit isa sa kanila ay may napadpad din dito sa Laguna para naman may mayaya ako. Pakiramdam ko talaga ay kailangan kong gumimik at ng alak.
Kolt: Gosh, girl! Halos ilang linggo kang hindi nagparamdam! You’re alive pa pala.
Napairap ako sa sinabing iyon ng kaibigan kong si Kolt. He’s a homosexual, and I asked naman for his pronoun noon at sinabi niyang okay lamang sa kanya kung ituring siyang he or she ng mga tao. As long na hindi siya binabastos o inaapakan ay wala siyang problema.
Ayva: Bakit magpaparamdam si Maui? Multo ka girl?
Natawa ako sa sinabi naman ng isa ko pang kaibigan. Minsan man ay corny ang mga banat ni Ayva ay mabenta pa rin sa akin.
Kolt: Isa pa itong gaga! Kailan ang uwi mo? Pasalubong ko, ha? Baka may makita ka riyang bet ko, iuwi mo na!
Napailing ako at muling nagtipa ng irereply sa mga kaibigan. Nakakapagtakang hindi pa nagcha-chat si Bellamy. She’s not online yet? Sabagay, kung online na siya ay alam kong pagsasabihan niya lamang ako dahil sa last conversation namin noon.
Magse-send pa lang sana ako ng may mag-chat na naman. Speaking of the devil.
Bellamy: Nasaan na ang Piper na iyan? Binabaan niya ako ng tawag noong nakaraang linggo! Hindi ko iyon makalimutan.
Halos mapahagalpak ako sa tawa nang mabasa ang mensahe ni Bellamy. Gosh, I can only imagine her face…her reaction! Pakiramdam ko ay nanggigigil na siya sa akin.
Me: Sorry na. Anyway, sabi ko nga nasa Laguna ako. Nasaan kayo?
Kolt: Hindi nausuhan si Bella ng move on. Kaya hanggang ngayon kapit pa rin sa ex. Opps! Anyway, nasa Tiaong, Quezon lang ako. If you want, I can visit you. Baka nami-miss mo na ako.
Bellamy: Nasa Laguna rin ako and it will be a pleasure to visit you and choke you to death, Maui. Gusto mo pang magpakita sa akin ngayon?
Natawa ako sa sinabi ni Bella. Bakit ba ang init ng dugo niya sa akin dahil lang binabaan ko siya ng tawag noon? If I know, nag-alala lang siya kaya ito ganito.
Ayva: Nasa Los Angeles ako, hindi Pampanga ha. Pero kung gusto n’yong uuwi ako, hindi nga lang ngayong gabi ang dating ko.
Kolt: Ayva, wala kaming pake.
Ayva: Alam mo, Kolt. I won’t give you pasalubong na. Sayang! I saw someone pa naman kanina na tipo mo.
Kolt: Joke lang bff. Alam mong love kita <3
Hindi ko mapigilang mapahalakhak sa pag-uusap ng dalawa. My god, how I missed them lalo na ang mga kabastusang usapan namin tuwing hating gabi.
Ayva: Ikaw ba, Maui? Uuwi si Eason sa Pinas. Kasabay ko. Gusto mo ireto ulit kita sa kanya? Ayiie!
Napaismid ako sa nabasa ko. Bakit naman niya ako irereto sa lalaking tapos ko nang makalandian? Please, I don’t recycle. Hindi ako bumabalik sa mga lalaking naitapon ko na.
Bellamy: Bakit ba napunta sa lalaki ang topic. Mga punyeta kayo!
Napangisi ako nang mabasa ang sinabing iyon ni Bella. Sus! Bitter lamang siya sa ex niya kaya ayaw niyang pinag-uusapan ang mga kalandian.
Me: No thanks, Ayva. Tara inom?
Ayoko nang magpaligoy-ligoy. I want to get wasted. Masyado akong na-heartbroken kay Avion dahil may girlfriend na pala siya. Gosh, minsan na nga lang magka-crush ng sobra sa isang tao ay negative pa.
Kolt: Ay! Broken ka? Gusto ko iyan! I’m on my way na. Malapit lamang ang Tiaong sa San Pablo.
Bellamy: Siguraduhin mong magkukwento kang gaga ka. Papunta na rin ako.
Ayva: Ako rin papunta na. Papunta na sa video call. Tawagan niyo ako kapag magkakasama na kayo, okay?
Me: Okay!
Matapos iyon ay napagdesisyunan kong mag-ayos nang muli at sinabi sa mga katulong na ihanda ang bar namin sa bahay. Agad naman nila akong sinunod.