"OMG! Look at this Jada."
Abala si Jada sa kaniyang ginagawang interior design ng bahay gamit ang kaniyang computer ng magulat siya sa biglang pagsigaw ni Dahlia, panay pa ang kalabit nito sa kaniya.
"Bakit ba?" yamot na tanong niya, may tinatapos siyang deadline ng design para sa model house na gagamitin para sa isang bagong develop na resedential subdivision ng kanilang kompanya.
"Ano ba kasi yon?" inis na tanong niya, kung bakit ba naman kasi nagtatrabaho siya ay dito pa sa opisina niya nakatambay itong si Dahlia.
"Tingnan mo 'to, daliii..." may pagmamadaling sabi ni Dahlia, habang inilalapit ang cellphone sa mukha ni Jada.
"Ano na naman ba 'yan?" walang ganang tanong niya.
Dahil mapilit si Dahlia at alam naman niyang hindi siya titigilan nito ay tiningnan na lamang niya ang gusto nitong ipakita sa kaniya para matapos na ang pangungulit nito.
Kinuha niya ang cellphone kay Dahlia at binalingan ng tingin iyon. Nagulat siya sa kaniyang nakita kaya naman halos mabitawan niya ito, mabuti na lamang at nahabol pa niya ito at nasalo.
"Ano ba ang nangyayari sa 'yo Jada, muntik mo pang basagin ang cellphone ko?" May halong inis sa tono ng boses ni Dahlia. Agad na binawi nito ang cellphone kay Jada.
"Sorry, dumulas eh," pangangatwiran niya.
Ang totoong dahilan kung bakit muntikan na niyang mailaglag ang cellphone ni Dahlia ay dahil na-shock siya sa kaniyang nakita. Isang balita na trending at kumakalat ngayon sa lahat ng social media. Ang mga larawan ni Caleb Soverano na may kasamang babae na tinatakasan ang mga paparazzi, nilagyan pa ito ng title caption na:
Whirlwind Escape: Young Business Tycoon Flees Paparazzi With Covert Sweetheart
"Okay lang, hindi naman nabasag, muntik pa lang. Anyways, nakita mo naman di ba? Sa tingin mo, sino kaya ang secret girlfriend na iyon ni Caleb?" tanong sa kaniya ni Dahlia.
"Ma-malay ko. At saka ano naman ang pakialam ko d'yan?" kunwari ay hindi interesado na sagot niya.
"Ang alam ko nakunan ang mga pictures na 'to sa venue ng event natin. Ibig sabihin ang secret girlfriend ni Caleb ay isa sa mga dumalo sa event kagabi," sabi ni Dahlia na nakatingala pa at malalim na nag-iisip.
Biglang kinabahan si Jada. Natakot siyang baka makilala ng kaibigan ang kasamang iyon ni Caleb. Kahit naman kasi itinago ang mukha niya at tinakpan ng coat ay makikita pa rin ang laylayan ng damit niya at sapatos.
"Hindi ko alam, marami akong iniisip bakit ko ba pag-aaksayahang isipin pa ang bagay na 'yan, wala naman 'yang kinalaman sa buhay ko," mataray na wika niya.
Tiningnan siya ni Dahlia.
"Ito naman bakit ang sungit-sungit mo, tinatanong lang naman kita?" Napansin ni Dahlia ang pagiging iritable ni Jada.
"Eh, kasi naman nagtatrabaho ako tapos ginugulo mo ako ng mga tsismis na 'yan," pangangatwiran niya. "Kung bumalik ka na kaya sa opisina mo, mamaya niyan makita tayo ng boss natin bigyan pa tayo ng memo."
"Okay fine, aalis na 'ko. Pero alam mo kung hindi lang tayo magkaibigan at alam ko namang magkasama tayo sa buong party na 'yon kagabi ay iisipin ko na ikaw ang secret girlfriend ni Caleb na kasama niya sa picture. Para kasing may hawig sa damit mo at sapatos ang suot ng babaeng kasama niya."
Nagimbal si Jada sa binitawang salita ni Dahlia. Hindi makapaniwalang tiningnan niya ang kaibigan.
"Dahlia, alam mo namang may asawa akong tao, bakit ko gagawin na makipag relasyon sa iba? My husband is intelligent, kind-hearted, handsome—a remarkable partner and an exceptional father, he's a good provider too," sabi niya.
Kahit naman siya ang babaeng iyon mali ang kumakalat na tsismis. Napagkamalan pa tuloy siyang girlfriend ni Caleb dahil sa katangahan niya. Sinisisi niya ang sarili, kung binasa kasi muna niya ang signage bago siya pumasok ay malalaman niyang restroom ng mga lalake iyon at hindi sa mga babae. Ngayon dahil lang sa maliit na katangahang iyon ay nanganganib pang masira ang tahimik na buhay niya.
Ngayon ano na ang gagawin niya?
Napansin agad ni Dahlia ang pagkakapareho ng damit ng babae sa damit na suot niya noong gabing iyon. Ayon na nga ang kinakakatakutan niyang mangyari.
"Ito naman! Sorry na. Hindi ko naman talaga sinasabing ikaw 'yon. Ang sabi ko nga 'di ba, magkasama tayo buong party kaya imposibleng ikaw iyon. Napansin ko lang na medyo hawig sa damit mo ang suot na damit ng babae na kasama ni Caleb sa mga pictures," pangangatwiran ni Dahlia.
"Buti na yung nagkakaintindihan tayo, mamaya ay may makarinig sa sinabi mo at ipagkalat sa iba. Nagkataon lang siguro na may kakulay na damit akong suot sa party kagabi, hindi lang natin napansin. Hindi rin naman kasi masyadong kita ang damit dahil nakatakip ang babae, pero sigurado naman akong iba ang yari nun kumpara sa damit na suot ko." Pilit niyang idinidepensa ang sarili para malihis sa kaniya ang hinala ni Dahlia.
Nakaalis na ang kaniyang kaibigan ngunit hindi na magawa pang makapag-concentrate ni Jada sa kaniyang trabaho. Iniisip niya ang kumakalat na balita, natatakot siyang baka hanapin siya ng mga paparazzi. Natatakot siyang baka may nakakita sa kanila na kakilala niya nang gabing iyon at ituro siya sa mga reporter.
Hindi niya alam kung ano ang gagawin, malaking kahihiyan iyon lalo pa at may asawa siyang tao. Kailangan niyang kumilos, kailangan niyang makausap si Caleb. Dapat ito ang gumagawa nang paraan para matigil na ang maling balita na iyon, bago pa lumaki at makarating sa kaniyang asawa. Isa lang iyong hindi pagkakaintindihan at hindi siya kailan man involve sa buhay ng business magnate na 'yon. Ayaw niyang magkaroon ng dahilan para mag away silang mag-asawa at mawala ang tiwala sa kaniya ni Jacob.
Nabuo ang isang desisyon sa kaniyang isipan. Kailangan niyang hanapin si Caleb at kausapin ito. Ito lang ang bukod tanging makaka-solve ng problema. Hindi niya hahayaan na masira ang reputasyon niya pati na ang asawa niya. Hindi niya gugustuhin na maging katawa-tawa ito sa harap ng maraming tao. Mahal na mahal niya si Jacob, marami na itong sinakripisyo para pangalagaan ang malinis nitong pangalan tapos masisira ng ganun lang.
Umuwi siya ng bahay ng hapon na iyon na lulugo-lugo. Kahit naman wala siyang ginagawang masama ay nagi-guilty siya.
"Salamat sa pagbabantay kay Justin, Heidee. Siya nga pala ito ang sahod mo ngayong linggo." Inabot niya sa tagapag-alaga ng kaniyang anak ang puting sobre na may lamang pera. Sa opisina pa lang ay hinanda na niya ang sahod ni Heidee para iaabot na lang niya rito pag-uwi niya sa bahay.
"Maraming salamat, Jada. Sa Lunes na lang ulit ako babalik," sabi ni Heidee.
"Oo, sa Lunes na lang ulit," nakangiting sabi niya.
"Paano ba 'yan Justin, dalawang araw na naman tayong hindi magkikita." Hinawakan ni Heidee ang maliit na kamay ni Justin.
Nagkakawag naman sa tuwa si Justin habang buhat-buhat ni Jada.
Nang makaalis na si Heidee ay pumasok na sa loob ng bahay sina Jada. Inilapag niya muna sa kuna si Justin para makapaglinis siya sa bahay. Sa totoo lang ay malinis naman iyon, masinop kasi si Heidee. Bago siya dumating ay naglilinis na ito ng bahay para mabawasan ng konti ang trabaho niya.
Tapos na siya sa mga gawain, habang natutulog ang kaniyang anak ay hinarap niya ang kaniyang laptop, hindi niya alam kung paano mako-contact si Caleb. Hinanap niya sa internet ang opisina nito at kinuha niya ang telephone number. Inilagay niya sa notepad ng kaniyang cellphone ang numero para hindi niya makalimutan.
Hindi siya sanay ng may iniisip. Simula ng magsama sila ni Jacob at naging maginhawa ang buhay nila ay bihira na lamang siyang magka-problema kung meron man ay maliit lang at may kinalaman sa kaniyang trabaho. Kakaiba ang kinakaharap niya ngayong suliranin. Ni minsan hindi siya na-involve sa kahit na sinong lalaki, wala siyang ibang naging boyfriend kung hindi si Jacob lang. Ganun din naman ang asawa niya, siya lang ang naging nobya nito.
Panay ang buntong hininga niya ng malalim. Kung maibabalik lang siya sa panahon na iyon ay hindi na niya gagawin na magpunta pa restroom kung hindi naman talaga mapipigilan ang tawag ng kalikasan ay magpapasama siya kay Dahlia kahit busy pa ito sa pagkain.
Nang gabing iyon pag uwi ng bahay ni Jacob galing trabaho ay napansin agad niya ang pananamlay ni Jada.
"What's wrong, sweetheart? Masama ba ang pakiramdam mo, may sakit ka ba?" tanong nito sa asawa.
"Ha! Ah, wala. Bakit mo naman naitanong 'yan?" tarantang sabi ni Jada.
"Kanina ko pa napapansin na ang tahimik mo, baka may nararamdaman ka at pinipilit mo lang ba kumilos. Magpahinga ka na muna, ako na ang bahala rito sa kusina. Kakain lang ako at ako na ang maghuhugas ng pinagkainan ko."
Sa ginawi na iyon ng kaniyang asawa ay lalo lang nakonsensiya si Jada.
Umiling siya at pilit na ngumiti. "Hindi, hihintayin kitang matapos at sabay na tayong umakyat sa kuwarto. Hindi naman masama ang pakiramdam ko, napagod lang ako sa trabaho may tinapos kasi akong deadline kanina."
"Ganun ba? Sige ikaw ang bahala."
Ginagap ni Jacob ang kamay ni Jada na nakapatong sa ibabae ng lamesa at marahang pinisil ang palad niya. Nginitian niya ang asawa.
"I love you!" totoo sa puso na sabi niya.
"I love you too!" mabilis naman na tugon ni Jacob.
Gusto niyang umiyak ngunit pinipigilan lang niya. Hindi puwedeng masira ang pagsasama nilang mag-asawa dahil lang sa maling balita na iyon. Gagawin niya ang lahat para matigil na ang kumakalat na tsismis.