"Oh my gosh, Jada! Hindi ako makapaniwala na si Caleb Soverano pala ang kapartner mo kanina sa game. Kaya naman pala parang naghihinala na ako na hindi siya basta kasamahan lang natin sa trabaho. Ang suit na suoy niya ay Armani, ang sapatos naman ay Tom Ford at ang relo hindi ka maniniwala, Patek Philippe lang naman. Sa tingin mo ba ay kakayaning mag-suot ng ganun kamahal ang isang normal na empleyado lang na kagaya natin? Ang mga suot niya ay kayamanan na para sa atin," eksaheradang sabi ni Dahlia.
Nabigla si Jada sa kaniyang mga narinig. "Huh! Paano mo naman nalaman ang mga brand ng suot niya?" tanong ni Jada. Ipinagtataka niya kung paanong napangalanan isa-isa ni Dahlia ang mga brand ng suot ni Caleb.
"Pamilyar sa akin ang mga 'yan, madalas kasi akong magbasa ng mga fashion magazine at nakikita ko ang mga 'yan na suot ng mga model, pero masasabi ko lang na mas magaling pang magdala si Caleb sa kahit na sino pang modelo na nakita ko. He's so perfect, lumagpas pa siya sa standard ng pagiging modelo. Tingnan mo na lang ang tindig niya at tikas ng katawan. Nasa kaniya na ang lahat ng pisikal na katangian ng isang perpektong lalaki."
Napamaang si Jada sa pagiging overacting na pahayag na iyon ni Dahlia. Naalala tuloy niya nang matapakan niya ang sapatos Caleb at bumaon l pa ang takong niya doon. Nakaramdam siya bigla ng hiya. Hindi na lang niya ikinuwento sa kaibigan ang katangahan na nagawa niya kanina.
"Yung totoo, sabihin mo nga sa akin kung ano ang pakiramdam na makatabi siya? Does he smell good? Can you catch a whiff of his cologne? sunod-sunod na tanong ni Dahlia.
"Y-yes, he does indeed smell good, but it's not overpowering. Actually, he has a pleasantly subtle scent, naiiwan ang bango niya," sagot ni Jada, dahil iyon ang naamoy niya habang nakapiring ang kaniyang mga mata.
"Ay ganun ba? Sana na-experience ko ring amuyin," may panghihinayang na sabi ni Dahlia na sinamahan pa ng pagbuntong hininga ng malalim.
"Ano sa tingin mo mabait ba siya?"maya-maya ay tanong na naman nito.
"Ang totoo para sa akin ay hindi siya mabait. Masyado siyang bossy at nakakatakot siya, lagi siyang galit at nanininghal," pagsasabi ni Jada nang naging karanasan niya sa unang engwentro nila ni Caleb.
Napangiti si Dahlia at pagkatapos ay parang kinikilig pa ito at mahinang napatili, kaya naman ipinagtaka ng husto ni Jada ang ikinilos ng kaniyang kaibigan.
"Hindi mo ba alam, iyan ang ugali na gustong-gusto ng mga babae."
"Huh! Paanong magugustuhan ng mga babae ang ganuong pag uugali. Ayos ka lang ba?" sarkastikong tanong niya.
"Ano ka ba Jada? Hindi mo ba alam na ang pagiging bossy at dominante niya ay nakakadagdag sa pogi points niya?"
"Hindi paano ko malalaman, ngayon pa lang ako naka-encounter ng ganun ka-aroganteng lalaki at hindi ko gusto ang ganun."
"Tsh! Palibhasa kasi si Jacob lang ang lagi mong nakikita. Try mo ring obserbahan ang ibang lalaki. Alam ko ang asawa mo ang first boyfriend mo, first love mo at first everything. Pero hindi naman masama na titingin ka rin sa ibang lalaki. "
"Huh! Bakit ako titingin sa iba, may asawa na akong tao."
"Sabi ko tumingin ka lang hindi ko naman sinabing makipaglandian ka. Mag-observe ka lang para malaman mo na hindi pare-pareho ang ugali ng mga lalaki."
"Ah ewan ko sa'yo Dahlia, hindi ko naman kailangan pang gawin 'yan, hindi rin naman ako interesadong alamin ang ugali ng mga lalaki. Tama na sa akin na kilala ko ang asawa ko at ang ugali niya, wala na akong pakialam sa iba."
_
Matapos bigyan ng award ang mga outstanding employee ng bawat kompanya ay nag-umpisa ng kumain ang lahat.
Habang abala ang mga naroon sa kani-kanilang mga pagkain ay nagpaalam muna si Jada sa kaniyang mga kasamahan para magtungo sa banyo. Hindi na niya inabala pa na magpasama kay Dahlia dahil sobrang busy nito sa pagkain.
Wala siyang ideya kung saan ang restroom nila rito, hinanap pa niya iyon dahil wala naman siyang mapagtanungan. Ang lahat ng tao at nasa venue at siya ngayon ay naglalakad-lakad sa pasilyo. Malayo pa lang ay natanaw na niya ang signage ng kaniyang hinahanap kaya dali-dali siyang lumakad papunta roon.
Nang pumasok siya sa restroom ay nakapagtatakang napakadilim niyon, nakapatay ang mga ilaw kaya ginawa niyang hanapin ang switch sa pamamagitan ng pagkapa nito sa gilid ng dingding. Kinapa-kapa niya iyon hanggang sa wakas ay mahanap din niya. Nang pindutin niya ang switch ay sumabog ang liwanag sa apat na sulok ng restroom.
Nabigla si Jada ng makita ang pares ng lalaki at babae na naghahalikan, nakasandal ang babae sa pader na dingding at nakadagan naman sa kaniya ang lalaki. Kitang-kita niya sa akto ang ginagawa ng mga ito na agad din namang naghiwalay ng buksan niya ang ilaw.
Napalingon sa kaniya ang lalaki. Masama ang tingin na tila ba hindi nagustuhan ang ginawa niyang pang aabala sa kanila. Ang lalaking iyon ay walang iba kung hindi si Caleb Soverano.
"I have to go, see you at the party," paalam ng babaeng kahalikan nito na hindi maiangat ng maayos ang ulo. Iniiwas nito ang mukha kay Jada na sinasadyang huwag ipakita, kaya lang kahit ano namang gawin nitong pagtatago ng sarili ay kilala ni Jada ang babae. Sino ba naman ang hindi makakakilala sa sikat na artistang si Isolde? Isa ito sa mga special guest sa party. Napanuod niya ito kanina na nagpe-perform sa stage at ini-entertain ang mga tao.
Nagmamadaling lumakad ang babae palabas ngunit ng mapadaan ito sa tapat ni Jada ay sandaling huminto, bumuntong hininga ito nang malalim at saka muling nagpatuloy sa paglalakad.
Nataranta si Jada, hindi niya malaman ang gagawin. Naiwan siya at si Caleb sa loob. Tinangka niyang lumakad para sana lumabas na rin ngunit nagulat siya ng pigilan siya ni Caleb. Hinatak nito ang kaliwang braso niya dahilan para hindi siya makalakad.
Salubong ang makapal na kilay nito at madilim ang mukha. Sa gulat niya ay isinalya siya nito sa sementadong dingding at pagkatapos ay itinukod ang mga kamay dito. Idinagan ang katawan sa kaniya kaya naman hindi siya makakilos, sobrang lapit na nila sa isa't-isa at halos magpang abot na ang mga mukha nila.
"Mr. Soverano, pakawalan mo 'ko!" sabi ni Jada na pilit itinutulak si Caleb ngunit wala siyang laban sa lakas nito. Lalo lang nitong idiniin ang katawan sa kaniya.
"Alam mo kung ano ang pinakaayaw ko?" sabi nito habang tinititigan siya ng may pang aarok.
Hindi siya umimik dahil hindi naman niya alam ang sagot sa tanong nito. Malay ba niya kung ano ang ayaw at gusto ng lalaking ito, ngayon lang naman sila nagkita. Hindi naman sila close para malaman niya ang tungkol sa buhay nito.
"Sa lahat ng ayoko ay iyong mga taong tanga!" may diin sa bawat salita na sabi ni Caleb. Naiinis siya kay Jada at sa katangahan nito kaya lang sinusubukan niya ang magtimpi.
Gustong magsalita at mangatwiran ni Jada. Gusto niyang ipagtanggol ang sarili, sa tingin kasi niya ay siya ang sinasabihan ni Caleb na tanga kaya lang ay hindi niya magawang makapagsalita dahil tila ba umurong ang dila niya dahil sa takot sa mabalasik na mga tingin ng lalaking ito sa kaniya.
"Kapag may nakalabas na balita tungkol sa nakita mo kanina wala akong ibang pagbibintangan kung hindi ikaw lang," may pagbabantang sabi nito.
"Mr. Soverano, hindi ko gawain na magtsismis sa iba. Wala akong pakialam sa personal ninyong buhay. Ang sa akin lang kung ayaw niyo pa lang may makaalam sa relasyon ninyo, sana hindi kayo rito sa CR ng mga babae naghalikan. Puwede naman kayong umupa ng private room na kayo lang para magawa ninyo ang lahat ng gusto ninyo ng walang iistorbo at makakakita sa inyo." Sa pagkakataong iyon ay nakuha na niyang magsalita ngunit pinagsisihan niya rin kung bakit pa niya ginawa dahil mas lalo lang nagalit sa kaniya si Caleb.
"Hindi mo sana kami makikita kung hindi mo pinairal ang katangahan mo!" galit na sabi nito.
"Huh! Bakit mo ba pinagdidiinan sa akin na tanga ako? Hindi ako tanga!" inis na sabi ni Jada.
"Tanga ka! Kung hindi ka ba naman tanga, bakit sa banyo ka ng mga lalaki pumapasok?"
Napipilan si Jada. 'Di yata at siya talaga ang may kasalanan. Nang lingunin niya ang pinto ay napag alaman niya na banyo pala talaga ng lalaki ang pinasok niya.
Ngumisi ng nakakainsulto si Caleb. "Ngayon alam mo na?" tanong nito na may pang uuyam.
"So-sorry! Pero kahit na, hindi pa rin tama ang ginawa ninyo. Nagkataon lang na ako ang pumasok dito. Paano kung may ibang pumasok dito?" aniya na pilit ipinaglalaban na hindi lang siya ang may kasalanan sa nangyari.
Habang nag uusap sila ay bigla silang may narinig na nagkakagulo. Sabay silang napalingon sa labas.
"Oh, sh*t!" bulalas ni Caleb. Tinanggal nito ang mga kamay na nakadiin sa pader at umalis sa pagkakadagan kay Jada.
Naalarma si Jada. "Bakit? Ano ang nangyayari?" tanong niya kay Caleb.
"Dumating na ang mga paparazi," sagot naman nito.
"Ha!" tanging nasamabit ni Jada.
Labis ang pagkagulat niya ng bigla na lang siyang kabigin ni Caleb at ikulong sa matipunong dibdib nito.
"Kahit anong mangyari huwag kang lilingon itago mo lang ang mukha mo sa dibdib ko at sumunod ka lang sa paglalakad ko, lalabas tayo."
Hindi naiintindihan ni Jada ang mga nangyayari ngunit hindi na siya nagtanong pa.
Hinubad ni Caleb ang coat na suot niya at inilagay sa ulo ni Jada. Ginawa niya iyong pantakip upang hindi ito makita at mamukhaan ng mga reporter.
Yakap-yakap ni Caleb si Jada habang lumalakad sila palabas ng restroom ng mga lalaki .Ang direksiyon ng mga reporter ay nasa ibang lugar ngunit may isang napalingon at nakita sila Caleb na tumatakas.
"Ayun sila!" malakas na sigaw nito para kunin ang atensiyon ng kaniyang mga kasamahan. Nagsipaglingunan ang lahat at ng makita si Caleb ay nagsipagtakbuhan ang mga ito at hinabol ang mayamang negosyante.
Nakaramdam ng takot si Jada ngunit isinawalang bahala na lamang niya kahit wala siyang nakikita at hindi niya alam ang totoong nangyayari ay pinagkatiwalaan na lamang niya si Caleb.
"Caleb dito!" narinig ni Jada na sigaw ng isang lalaki. Dali-daling lumakad si Caleb papunta sa direksiyon ng nagsalita at sumusunod lang si Jada sa bawat hakbang ng mga ito hanggang sa makapasok sila sa loob ng elevator. Binitiwan na siya ni Caleb at kinuha nito ang coat sa kaniya dahilan para malantad siya.
Nagulat ang kaibigan at assistant ni Caleb na si Steve nang makita si Jada.
"Huh! at sino naman ang babaeng 'yan? Akala ko ba si Isolde ang kasama mo?" takang tanong ni Steve, hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakikita.
"Umalis na siya bago pa dumating ang mga reporter," walang ganang sagot ni Caleb.
"So, sino siya? Huwag mong sabihing bukod kay Isolde ay meron ka pang tinatarget sa party na 'to?" may himig panunudyo na sabi ni Steve.
Hiyang-hiya si Jada, hindi siya makatingin ng diretso sa kasama ni Caleb. Ano ba kasi ang napasukan niya? Ang gusto lang naman niya ay magbanyo. Nagkamali siya, imbes na sa banyo ng mga babae siya papasok ay sa banyo ng mga lalaki siya nakarating. Talagang katangahan nga ang nagawa niya at dahil sa katangahan niya ay nadamay pa siya sa kung anong issue meron itong si Caleb Soverano. Palaisipan sa kaniya kung ano nga ba ang tunay na nangyari at bakit hinahabol ito ng mga reporter?