Pagpasok pa lang ni Atty. Jacob Leviste sa loob ng kanilang opisina ay sumalubong na agad sa kaniya ang mga sigawan at kantiyawan ng kaniyang mga kasamahang abogado. Ang mga ito ay nagkakatuwaang nagkukwentuhan tungkol sa party na kanilang pinuntahan na magkakasama kagabi.
Karamihan kasi sa kaniyang mga kasama sa trabaho ay mga batang-bata pa na mga abogado. Mabibilang lang sa daliri ang pamilyado na sa kanila, karamihan ay mga wala pang asawa at in-enjoy ang kanilang pagiging binata.
"Sayang Jacob at hindi ka sumama sa amin kagabi, may nakilala kaming mga magagandang babae, ito ngang si Calvin ay inuwi pa sa kaniyang apartment 'yung isa," pagbabalita ni Ted, isa ring abogado na nauna ng isang taon kay Jacob na makapasok sa George Doughton Law Firm.
"Wala ka kay Scott, sa party pa lang ay naka-score na," may pagyayabang na sabi ni Clint.
Napangiti lang si Jacob at hindi nagkomento. Nasanay na siyang ibinibida ng kaniyang mga kasama ang mga experience nila sa mga babae.
"Minsan naman ay sumama ka sa amin. Hindi ka pa namin nakikitang nagsasaya, huwag mo namang seryosohin ang buhay."
"Kaya nga, tuwing inaaya ka namin sa mga lakad hindi ka sumasama. Napaka- boring naman ng buhay mo. Dapat mag-enjoy ka rin, hindi iyong isinusubsob mo ang sarili mo sa pagtatrabaho. Alalahanin mo, minsan lang tayo mabubuhay sa mundo kaya gawin mo nang lahat ng makapagpapasaya sa'yo para hindi ka magsisi sa bandang huli na hindi mo nagawa," pangaral ni Hanson ang pinamakulit sa kanilang opisina.
"May asawa at anak na ako, hindi na ako bagay sa mga ganiyan," sagot ni Jacob, ibinaba niya ang dalang mga gamit sa kaniyang upuan at pagkatapos ay inayos ang tambak na papeles sa ibabaw ng kaniyang lamesa.
"Hindi naman porke't may pamilya ka na ay wala ka ng karapatan na magsaya, dapat may social life ka rin."
"O, baka naman takot ka lang sa asawa mo kaya kahit gusto mong sumama sa amin ay hindi mo magawa dahil pinagbabawalan ka niya."
"Bakit strikto ba si misis?" may pang-uuyam na tanong ni Rupert.
"Yon, nagkaalaman na, takot pala sa asawa!" mapang-asar na sabi ni Walter.
Parang iisang tao na nagtawanan ang lahat.
Nakaramdam ng inis si Jacob ngunit hindi niya pinahalata. Huminga muna siya ng malalim para maalis ang tensiyon na nararamdaman bago nakangiting hinarap ang mga katrabaho.
"Mabait ang asawa ko, hindi niya ako pinagbabawalan na gawin kung ano man ang gusto ko. Choice ko na hindi aksayahin ang oras sa mga walang kabuluhang bagay. Habang kayo ay nagpapakasaya ako naman ay pinag-aaralang mabuti ang mga kaso na hinahawakan ko para hindi ako mapahiya sa mga kliyente ko at maipanalo ko ang aking mga kaso. Hindi lang naman sa pag-inom at pagpunta sa mga party makukuha ang kasiyahan. Iba-iba tayo ng gusto sa buhay. Kung gusto ninyong magpakasaya sa pamamagitan ng pag-inom, pambabae at paggastos ng pera sa mga walang kabuluhang bagay ay ginagalang ko ang desisyon ninyo. Ako naman kasi makita ko lang ang asawa at anak ko at makasama sila sa mga oras na wala akong trabaho ay malaking kasiyahan na para sa akin. Hindi niyo pa kasi nararanasan ang umibig ng totoo kaya hindi pa kayo nagseseryoso sa buhay. Para sa akin pamilya ang mas mahalaga. Nagsasaya rin naman ako pero hindi katulad ng pagsasaya na ginagawa ninyo. Lilinawin ko lang, nirerespeto ko kung ano ang mga gusto ninyong gawin sa buhay, sana naman ay respetuhin niyo rin ang sa akin."
Clap! Clap! Clap!
Isang malakas na palakpak ang umalingaw-ngaw sa apat na sulok ng opisina.
Mabibilis na nagsipagbalikan sa kanilang mga puwesto ang kanina lang ay nagkakasiyahan na mga abogado. Hindi nila namalayan na dumating ang kanilang boss, ang senior lawyer na si Atty. Henry Agapito.
"Sana lahat ng tao ay ganiyan ang pananaw sa buhay. Inuuna ang pamilya at trabaho kaya naman talagang masasabi ko na si Atty. Leviste ang best asset ng ating kompanya, may pagmamahal at dedikasyon sa trabaho. Bakit hindi ninyo siya tularan? Ilang kaso na ba ang naipanalo niya? Hindi na mabilang sa daliri 'di ba? Kayo bawat isa sa inyo tanungin niyo nga ang mga sarili ninyo kung ilang kaso na ba ang naipanalo ninyo? Ang kailangan namin dito ay magagaling na abogado at hindi magagaling na manginginom. Ilang beses na bang may pumasok sa inyo ng lasing sa trabaho? Kung wala kayong pangarap sa buhay ay talagang wala kayong mararating."
"Anyways, narito nga pala ako para sabihin na hindi niyo na makakasama sa department na ito si Atty. Leviste dahil simula ngayon ay promoted na siya from junior- Atty. Leviste is now a senior associate," pagbabalita nito.
Natahimik ang lahat.
"O, wala bang palakpakan diyan? Hindi niyo ba man lang ia-acknowlegde ang magaling na ginawa ng inyong kasamahan?"
Sa una ay isa lang na nag aalangan pa ang pumalakpak, hanggang sa nagsabay-sabay na ang lahat kaya naman ang malakas na palakpakan ay lumikha ng ingay sa buong opisina.
"Congratulations, Atty. Leviste!" sabay-sabay na pagbati ng lahat.
Masayang nagpasalamat si Jacob sa kaniyang mga kasamahan. Hindi niya inaasahan ang napakagandang balitang dumating sa kaniya ngayong araw.
"Ayusin mo na ang mga gamit mo at bukas na bukas din ay lilipat ka na sa bago mong opisina," sabi ni Atty. Agapito. " Congratulations, simula pa lang ito ng marami mo pang tagumpay, basta pagbutihan mo lang ang iyong trabaho at huwag kang magbabago. Huwag kang magpapadala sa sulsol ng iba," dagdag na sabi pa nito at kinamayan si Jacob.
Dahil sa promotion na kaniyang natanggap ay nakantiyawan siya ng kaniyang mga kasamahan, kaya naman nagpabili si Jacob ng pizza at softdrinks para sa kanilang meryenda.
"Paano ba 'yan, mababawasan na ng mabait ang team natin," may himig panghihinayang na sabi ni Mike.
"Pagbutihan niyo rin para naman magkasama-sama tayo sa bago kong department," ani Jacob.
"Mukhang mahirap sundan ang yapak mo, Atty. Leviste, mga tamad kami eh," natatawang sabi ng isa.
Ilang kulitan at katuwaan pa. Sinamantala na rin ni Jacob na makipag-bonding sa kaniyang mga kasamahan dahil ito na ang huling pagkakataon na makakasama niya ang mga ito.
Pag uwi niya ng bahay ay dali-dali siyang nagpunta sa kusina. Excited siyang ipinaalam sa asawa ang magandang balita. Nadatnan niya ai Jada na abala sa pagluluto ng pagkain para sa kanilang hapunan. Hindi nito namalayan ang pagdating niya. Walang pasabing binuhat niya ito at umikot -ikot sila.
Gulat na gulat si Jada sa ginawang iyon ng kaniyang asawa.
"Honey, ibaba mo ako ano ba, nakakahilo!" reklamo niya. Hinampas sa balikat ang asawa at nagkakawag ang mga paa.
Ibinaba naman siya ni Jacob at niyakap ng mahigpit dahilan para lalong magtaka si Jada sa kakaibang ikinikilos nito. Kitang-kita niya ang labis na tuwa sa mukha ng kaniyang asawa, kumikinang pa ang mga mata nito sa galak.
"Bakit, ano ba ang nangyari?" litong tanong niya.
"Guess what?" anito.
"What?" maang na tanong naman niya.
"Promoted ako! Na-promote ang gwapo mong asawa. Isa na akong senior associate," masayang pagbabalita nito.
"Ha!Talaga? Masayang balita nga 'yan, honey," tuwa at hindi makapaniwalang bulalas ni Jada.
"I'm so proud of you, nagbunga rin ang pinaghirapan mo. Dapat tayong mag-celebrate," dagdag na sabi pa niya na para bang mas excited pa sa kaniyang asawa.
"How about a glass of wine at pagsayaw sa paborito nating tugtugin?" hinging permiso ni Jacob.
"Yan ang pinakamagandang ideya na narinig ko. Kumain na muna tayo at mamaya ay ihahanda ko ang ating mga kakailanganin para sa ating munting party."
Pinagsaluhan nila ang masarap na pagkain habang nag uusap ng mga plano nilang gawin sa nalalapit na summer vacation.
Nakahilig ang ulo ni Jada sa dibdib ng asawa habang ang mga kamay niya ay nakaangkla sa batok nito. Si Jacob naman ay nakayakap sa kaniyang bewang habang binubulungan siya ng sweet nothings. Panay hagikhik ni Jada. Ang mainit na hininga ni Jacob ay nagdudulot ng kiliti na dumadaloy sa buo niyang pagkatao.
"Naaalala mo ba ang tugtugin na iyan, honey?" tanong niya sa asawa habang sinasabayan ang kanta sa mahinang pag hum.
"Yes, ofcourse, paano ko ba makakalimutan? Ang kanta na 'yan ang pumapailanlang habang napo-propose ako nga kasal sa'yo," sagot ni Jacob, habang inaalala ang panahon na iyon.
"Ang isa sa pinaka memorable na pangyayari sa buhay ko."
Inangat ni Jacob ang baba ng asawa. Nagsalubong ang kanilang mga mata. Yumuko si Jacob inabot ang mga labi ni Jada at ginawaran siya ng masuyong halik.
Napapikit si Jada at dinama ang matamis na halik na iyon ng kaniyang asawa. Habang pumapailanlang ang magandang tutugin ay hindi naman matatawaran ang pagmamahal na namamayani sa mag-asawa.
Uminom sila at nagpakasaya, ipinagdiwang nila ang isa na namang milestone sa buhay nila. Para kay Jada ang tagumpay ni Jacob ay tagumpay na rin niya dahil iisa lang sila ng pangarap.
Ang kanilang kasiyahan ay ipinagpatuloy nila hanggang sa kanilang silid. Habang mahimbing na natutulog ang kanilang anak sa crib ang mag-asawa naman ay pinagsaluhan ang init ng gabi. Hindi maipaliwanag ni Jada ang kasiyahan. Wala na siyang mahihiling pa sa kaniyang halos perpektong buhay habang pinagmamasdan ang asawa na payapang natutulog ng nakadapa sa kama at walang saplot na anuman sa katawan ay hindi niya mapigilan na mapangiti. Kinuha niya ang comforter at kinumutan ito. Nagpalit muna siya ng damit pantulog bago muling tumabi sa kaniyang asawa sa higaan.