10 years ago
Tahimik na kinuha ng labintatlong taong gulang na si Alexa ang card na nakapatong sa kanyang desk. Isang bear na may hawak na maraming bulaklak ang nakaguhit sa pabalat niyon. Napangiti siya nang mabasa ang mensahe sa loob niyon. Happy Birthday, Lexie!- Json
Sinulyapan niya ang bakanteng upuan sa tabi niya. Wala pa doon si Json, ang seatmate at bestfriend niya. Inilibot niya ang paningin sa classroom ngunit wala rin ito doon.
"Hindi kaya papasok si Json?" tanong niya kay Jamie na nakaupo sa harapan niya. Masungit ito at mayabang, palibhasa'y anak ng principal ng school na kanyang pinapasukan.
"Hindi na papasok 'yon. Pupunta na sa States ang family niya. Nandito siya kanina kasama ang Mommy at Daddy niya. Kinausap nila si Mommy sa office. Nilagay niya yang card sa desk mo bago sila umalis," tila naiinis na sagot nito, umikot pa ang mga mata. Kung sa ibang pagkakataon sana ay tatanungin niya kung bakit ito naiinis sa kanya kaya lang nabigla siya sa ipinaalam nitong balita.
Maninirahan na sa States si JSon at hindi man lamang niya nagawang magpaalam o di kaya'y magpasalamat sa kabutihan nito sa kanya. Mabait mapagpakumbaba si Json. Hindi gaya ng ibang mayayaman na classmates niya na lagi siyang nilalait. Kung hindi nga lamang dahil sa scholarship ay hindi siya makakapasok sa eskwelahang iyon kung saan nagta-trabaho ang tatay niyang si Mr. Teofilo Reyes, bilang janitor. Maliban kay Sophie, ang kaibigan niya mula noong elementary subalit hindi na niya ngayon kaklase, si Json lamang ang matatawag niyang tunay na kaibigan sa section nila. Pero aalis din pala ito at iiwan siya.
Malungkot siyang nagbuga ng hininga. Heto at birthday na birthday niya pero isang masamang balita ang sumalubong sa kanya. Mukhang napansin ni Jamie ang panghihinayang niya at muli siyang binalingan.
"We even said our goodbyes to Json. At dahil late ka na naman, hindi mo naabutan," inis na pinaikot pa nito ang mga mata.
"A-ano kasi nasiraan ‘yong... ‘yong… sinakyan kong tricycle," alanganin niyang sagot.
"Tricycle?" Umirap ito. "No doubt, you're really poor," anito sabay talikod sa kanya.
Nakagat na lamang ni Alexa ang kanyang bibig upang huwag maiyak. Kung naroon lang si Json, ipagtatanggol siya nito sa panghahamak ni Jamie. Pero wala na si Json at nag-iisa na lamang siya.
Bumaba ang tingin niya sa birthday card na iniwan ng kaibigan para sa kanya. Pinilit niyang ngumiti, dahil alam niyang magagalit si Json kung nakikita siya nitong malungkot sa araw ng birthday niya. Nahiling niya na sana, pahihintulutan ng Diyos na muli silang magkita balang araw.